“Training para sa mga Assessment,” Training para sa Kurikulum ng Seminary (2025)
Training para sa mga Assessment
Pambungad
Ang assessment ay mahalagang bahagi ng pagkatuto. Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng assessment nang ilarawan niya ang papel na ginagampanan ng mga pagsusulit sa akademikong pagkatuto.
Ang pana-panahong mga pagsusulit ay mahalaga sa pagkatuto. Tinutulungan tayo ng epektibong pagsusulit na maikumpara ang kailangan nating malaman at ang nalalaman na natin tungkol sa isang partikular na paksa; nagbibigay din ito ng batayan para masuri kung may natutuhan tayo at kung may progreso tayo (David A. Bednar, “Susubukin Natin Sila,” Liahona, Nob. 2020, 8).
Ang assessment sa seminary ay may katulad na layunin ng mga pagsusulit sa akademikong pag-aaral. Nakatutulong ang assessment sa mga estudyante na maipakita ang kanilang espirituwal na kaalaman, pang-unawa, at katapatan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang ganitong uri ng mga formative assessment ay makatutulong sa mga estudyante na mas matanto ang natututuhan nila at kung paano sila umuunlad.
Ang pagkilala sa kanilang pagkatuto at paglago ay maaaring maging isang masaya at nakahihikayat na karanasan para sa mga estudyante. Ito ay katulad ng kapag ang isang mananakbo na sumasali sa mga patimpalak ay nakikita ang kanyang oras sa isang stopwatch o kapag ang isang maliit pang bata ay nakikita ang kanyang paglaki sa chart para sa pagsukat ng pagtangkad. Madalas na hindi namamalayan ng mga estudyante kung paano sila lumalago nang walang palagiang mga pagkakataon upang masuri ang kanilang pagkatuto. Kahit na ang mga pagkakataon na makita na wala silang nagawang pag-unlad o kahit na sila ay umurong sa kanilang paglago ay maaaring maging mahalagang mga karanasan sa pagkatuto. Ang regular na mga assessment ay maaaring mag-anyaya ng mas personal na paghahayag sa kanilang buhay at matutulungan ang mga estudyante na gumawa ng mga plano para sa pag-unlad at pag-aaral sa hinaharap. Ang ilang halimbawa ng mga aktibidad sa assessment sa kurikulum ng seminary ay kinabibilangan ng mga lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto at mga pagsasanay sa doctrinal mastery. Ang training na ito ay magtutuon sa mga aktibidad sa assessment na matatagpuan sa mga lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto.
Mga Lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto
Sa kabuuan ng kurikulum sa seminary, makikita mo ang mga lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto. Ang mga lesson na ito ay nakaiskedyul tuwing apat hanggang anim na linggo at binibigyan ang mga estudyante ng pagkakataong suriin ang kanilang sarili sa mga resulta ng course-level learning. Ang mga resulta ng mga course-level learning na ito ay tumutulong sa mga mag aaral na:
-
Ipaliwanag ang doktrina na natutuhan nila.
-
Pagnilayan ang kanilang damdamin, pag-uugali, at hangarin na may kaugnayan sa plano ng Ama sa Langit at sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Rebyuhin ang mga plano o mithiing sinisikap nila upang ipamuhay ang kanilang natututuhan at palalimin ang kanilang pagiging disipulo kay Jesucristo.
Maaaring makatulong na maglaan ng oras para basahin ang isa o mahigit pang mga lesson sa I-assess ang Iyong Pagkatuto upang maging pamilyar sa mga ito. Habang binabasa mo ang isa o dalawang lesson, pansinin na ang bawat lesson ay nagsisimula sa karaniwang paraan, na nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang anumang natutuhan nila kamakailan mula sa kanilang sariling pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-aaral kasama ang kanilang pamilya, sa mga miting ng Simbahan, o sa seminary. Pagkatapos, basahin ang bawat aktibidad sa assessment sa lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto. Pagtuunan nang mabuti kung paanong ang bawat aktibidad sa assessment ay:
-
Pinangungunahan ng isang pamagat na nagsasaad ng resulta ng course-level learning.
-
Tumutukoy sa mga karasanan sa pagkatuto mula sa mga naunang lesson sa kurikulum.
-
Nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na gumawa ng isang bagay upang maipakita ang kanilang natutuhan.
Mahalagang tandaan na maaaring mapabilis ang pagkatuto ng mga estudyante kapag malinaw na nauunawaan ng mga estudyante kung ano ang dapat na resulta ng aktibidad sa pag-aaral at nabigyan sila ng pagkakataong maipakita ang kanilang natutuhan. Maaaring makatulong ang isang analohiya para mailarawan ito. Kung ang isang kabataan ay nag-aaral kung paano pumana, kailangan niya ng isang malinaw na target para tamaan, pati na rin ang pagsasanay kung paano ilagay ang palaso sa pana, hawakan ang pana, magpuntirya, at pumana. Kung hindi siya kailanman nabigyan ng pagkakataong sumubok na pumana, hindi niya malalaman kung natuto siya. Kapag pinakawalan niya ang palaso ay saka pa lamang niya malinaw na makikita kung tinamaan niya ang target o hindi. Ganoon din ang nangyayari sa isang karanasan sa pagkatuto ng ebanghelyo. Kailangan ng mga estudyante ng tagubilin at tulong, ngunit kailangan din nila ng mga pagkakataong maipakita ang kanilang pagkatuto. Kung paano ipinapakita ng mga estudyante ang kanilang pagkatuto ay dapat malinaw na nauugnay sa resulta. Bawat karanasan sa pagkatuto sa kurikulum ay binuo nang isinasaalang-alang ito; gayunpaman, mas malinaw na makikita ito sa mga lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto. Isiping ibahagi sa mga estudyante kung ano ang mga resulta ng pagkatuto sa bawat lesson na ito.
Ang mga titser at kaklase ay maaaring maging resource upang matulungan ang mga estudyante na mas malinaw na matukoy ang kanilang natutuhan. Ikaw bilang titser ay maaaring magbigay ng feedback sa pag-unlad na ginagawa nila o nahihirapan silang gawin. Maaari kang mag-isip ng mga ideya o magbahagi ng mga karanasan mula sa sarili mong buhay. Gayunman, isaisip na hindi dapat asahan ang mga estudyante na iulat sa iyo o sa klase ang kanilang mga mithiin o plano. Ang ilan sa mga mithiin at planong ito ay maaaring napakapersonal. Gayunman, maaaring may mga pagkakataon na komportable ang isang estudyante na ibahagi sa iyo ang kanyang mga plano o mithiin. Makipag-usap sa mga estudyante kapag naaangkop. Maaaring may iba pang mga pagkakataon na dapat ituon ang isang estudyante sa mga magulang, bishop, o branch president.
Ang ilang aktibidad sa mga lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto ay ginawa para ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga saloobin at karanasan sa mga kaklase, samantalang ang ibang mga aktibidad ay mas personal. Halimbawa, kapag ipinapaliwanag ng mga estudyante ang doktrina, maaaring magandang pagkakataon ito upang magtulungan sila na magsanay sa pagpapaliwanag o pagsasadula. Kapag sinusuri ng mga estudyante ang kanilang damdamin, pag-uugali, at hangarin, maaaring mas angkop na aktibidad ito para sa personal na pagninilay.
Higit sa lahat, habang itinuturo mo ang mga lesson na ito, anyayahan ang mga estudyante na humingi ng tulong at patnubay sa kanilang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Wala nang mas mabuting kasama kaysa sa Espiritu Santo sa pagtulong sa mga estudyante na maunawaan nang malinaw kung paano sila natututo at umuunlad sa kanilang daan pabalik sa Ama sa Langit. Bigyan ang mga estudyante ng palagiang pagkakataong humingi ng tulong sa Espiritu Santo sa pag-assess ng kanilang pagkatuto at pag-unlad bilang mga disipulo ni Jesucristo.
Course Credit para sa Assessment
Kailangang makibahagi ang mga estudyante sa kahit isang lesson sa I-assess ang Iyong Pagkatuto sa bawat kalahati ng kurso para tumanggap ng credit sa pagtatapos ng seminary.
Kung hindi dadalo ang mga estudyante sa anumang lesson ng I-assess ang Iyong Pagkatuto sa loob ng semestre, kailangan mong bigyan sila ng angkop na lesson ng I-assess ang Iyong Pagkatuto na matatagpuan sa apendiks ng manwal ng titser ng seminary. Ang “I-assess ang Iyong Pagkatuto, Bahagi 1” ay maaaring ibigay sa mga estudyante upang makahabol sa assessment para sa unang kalahati ng kurso. Ang “I-assess ang Iyong Pagkatuto, Bahagi 2” ay maaaring ibigay sa mga estudyante upang makahabol sa assessment para sa ikalawang kalahati ng kurso. Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa bawat isang aktibidad sa assessment. Hikayatin sila na ibahagi rin sa isang magulang, kapatid, o lider ng Simbahan ang kanilang mga sagot na hindi masyadong personal. Ang pagkakataong ito para makapagbahagi ang mga estudyante ay magtutulot sa Espiritu Santo na magturo at magpatotoo sa kanila tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo at anyayahan silang gumawa ng karagdagang mga hakbang sa kanilang pagiging disipulo na nakasentro kay Cristo. Kapag ibinalik nila ito sa iyo, maaari mo rin silang anyayahang ibahagi ang isa o dalawa sa kanilang mga sagot kung hindi masyadong personal ang mga ito.
Pag-akma sa mga Lesson ng I-assess ang Iyong Pagkatuto
Kung minsan, maaaring kailanganin mong iakma ang mga lesson sa I-assess ang Iyong Pagkatuto. Dahil sa mga iskedyul ng paaralan, maaaring hindi napag-aralan ng mga estudyante ang isang lesson na tinutukoy sa isang lesson ng I-assess ang Iyong Pagkatuto. Maaari ding may mga pagkakataon na ang isang katotohanan ay lalong makabuluhan sa mga estudyante ngunit hindi tinalakay sa lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto. Sa ganitong mga sitwasyon, maaari mong palitan ang isa sa mga aktibidad sa lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto ng isang ginawa mo para matulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang pan-unawa o pag-unlad sa paksang iyon.
Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong sa iyo na mag-akma o gumawa ng epektibong aktibidad sa assessment.
-
Hakbang 1: Magsimula sa pagtukoy ng layunin ng lesson na nais mong i-assess.
Ang layunin ng bawat lesson ay nakalista sa huling pangungusap ng panimulang talata sa lesson na iyon at sa buod na dokumento para sa buong linggo.
-
Hakbang 2: Isipin kung ano ang magagawa ng mga estudyante para masuri ang kanilang pag-unlad at pagkatuto para sa layunin ng lesson na iyon. Kasama sa mga halimbawa ang mga sumusunod:
-
Pag-unawa: Maaaring ituro o ipaliwanag ng mga estudyante ang isang konsepto ng doktrina nang pasalita o nang isinusulat. Maisasagawa ito sa iba-ibang paraan, tulad ng pagtugon sa isang sitwasyon o journal prompt.
-
Mga damdamin, pag-uugali, o hangarin: Maaaring inanyayahan ang mga estudyante sa nakaraang lesson na suriin ang kanilang damdamin, pag-uugali, o hangarin sa pamamagitan ng journal entry, survey, o iba pang mga paraan. Kung gayon nga, maaaring anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin muli ang aktibidad na iyon. Pagkatapos ay maihahambing nila ang kanilang mga sagot mula sa nakaraang lesson sa kanilang mga sagot sa lesson sa I-assess ang Iyong Pagkatuto.
-
Pagsasabuhay: Maaaring rebyuhin ng mga estudyante ang nadama nila na dapat gawin o ang planong ginawa nila bilang bahagi ng lesson. Pagkatapos ay maaari nilang pagnilayan kung paano sila kumilos ayon sa kanilang plano. Maaaring ibahagi ng ilang estudyante ang kanilang mga karanasan kung hindi masyadong personal ang mga ito. Maaari din nilang ipakita sa klase ang isang bagay na ginawa nila, tulad ng paggamit ng FamilySearch Family Tree app o ang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Sikaping humanap ng mga paraan para maging makabuluhan at masaya ang mga aktibidad. Maglaan din ng maraming oras para mapagnilayan at masuri ng mga estudyante ang kanilang pag-unlad. Ang mga aktibidad ay hindi dapat mag-udyok sa mga estudyante na ihambing ang kanilang paglago sa ibang tao ngunit dapat na tulungan silang masuri ang kanilang sariling karanasan. Maaaring malungkot ang ilang estudyante sa kanilang kasalukuyang pag-unlad. Tulungan silang maunawaan na ang mga assessment na ito ay hindi dapat ituring na kahuli-hulihan na. Sa halip, dapat laging hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang dapat na susunod na hakbang sa kanilang pag-aaral o pag-unlad at kung paano sila maaaring humingi ng tulong sa Panginoon.
Tandaan: Maaaring mapahusay ng mga titser sa seminary ang mga susunod na lesson sa I-assess ang Iyong Pagkatuto sa pamamagitan ng pagsasama ng mga aktibidad sa assessment na may kaugnayan sa mga kategorya ng Paghahanda sa Buhay na kamakailan lang ay pinag-aralan ng mga estudyante sa seminary. Maaari nilang idagdag ang mga aktibidad na ito sa mga lesson sa I-assess ang Iyong Pagkatuto o palitan ang mga kasalukuyang assessment. Makakakita ka ng mga iminumungkahing assessment para sa bawat kategorya ng mga lesson sa Paghahanda sa Buhay na nasa apendiks ng manwal ng titser sa seminary.
Katapusan
Hinikayat ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga titser na “tandaan na ang estudyante ay hindi isang lalagyan na pupunuin; ang estudyante ay isang apoy na pagniningasin” (“Mga Anghel at Panggigilalas” [Church Educational System training broadcast], Hunyo 12, 2019, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org). Ang mga pagkakataong mayroon ang mga estudyante bilang bahagi ng mga aktibidad sa assessment sa seminary ay mahalagang paraan upang mahikayat ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral. Makatutulong ang mga ito sa pag-aalab ng hangaring palalimin ang pagbabalik-loob ng mga estudyante kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang pagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang doktrina; pagnilayan ang kanilang mga damdamin, pag-uugali, at hangarin; at ang pagrerebyu ng mga plano o mithiin na ginagawa nila ay tutulong sa mga pagsisikap nila na maging higit na katulad ni Jesucristo.