Seminary
Lesson 186—Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip: Matutulungan Tayo ni Jesucristo na Iwasto ang mga Hindi Nakatutulong na Kaisipan


“Lesson 186—Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip: Matutulungan tayo ni Jesucristo na Iwasto ang mga Hindi Nakatutulong na Kaisipan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 186: Pisikal at Emosyonal na Kalusugan

Pagkakaroon ng Mabubuting Paraan ng Pag-iisip

Matutulungan Tayo ni Jesucristo na Iwasto ang mga Hindi Nakatutulong na Kaisipan

kabataang nakatingin sa labas

Maaaring magkaroon ng malaking epekto ang mga kaisipan natin sa ating damdamin at mga kilos. Kapag inanyayahan natin ang Tagapagligtas sa ating mga paraan ng pag-iisip, matutulungan Niya tayong madaig ang hindi mabuting pag-iisip. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng kamalayan sa sarili nilang mga iniisip at magkaroon ng mabubuting paraan ng pag-iisip.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Reaksyon sa hindi magandang araw

Para simulan ang klase, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na sitwasyon at anyayahan ang mga estudyante na isulat kung ano talaga ang maiisip nila sa bawat isa sa mga sitwasyong iyon. Baguhin ang alinman sa mga sitwasyong ito para mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante.

  • Pumunta ako sa isang pagtitipon at napagtanto ko na halos wala akong kakilala.

  • Kailangan kong makasama ang taong hindi ko kasundo.

  • May narinig akong pumupuna sa Simbahan.

  • Bumagsak ako sa isang pagsusulit na pinag-aralan kong mabuti.

  • Ano ang ilan sa mga naiisip ninyo bilang tugon sa mga sitwasyong ito?

  • Nakatutulong ba ang mga kaisipang ito? Tama ang lahat ng ito? Paano ninyo nasabi?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano nila kadalas binibigyang-pansin ang kanilang sariling paraan ng pag-iisip at kung nakatutulong o wasto ba ang mga paraang iyon.

Maaari mong ibahagi sa mga estudyante na magsasanay silang anyayahan ang tulong ng Tagapagligtas upang iwasto ang mga hindi wasto o masasamang kaisipan. Sabihin sa mga estudyante na humingi ng patnubay sa pamamagitan ng Espiritu Santo para mas maunawaan ang kanilang mga sariling paraan ng pag-iisip, lalo na kapag tumutugon sila sa mahihirap na sitwasyon.

Isaalang-alang si Cristo

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:36, at alamin kung ano ang paanyaya ng Panginoon na gawin natin.

  • Ano ang nalaman ninyo?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng isaalang-alang ang Tagapagligtas sa ating pag-iisip?

    Kabilang sa ilang halimbawa ang sumusunod: pagninilay sa kung paano maaaring kumilos ang Tagapagligtas sa mga sitwasyong kinahaharap natin, pag-alam kung paano maaaring maiangkop ang Kanyang mga turo sa sitwasyon, at pag-alaala sa Kanyang pagmamahal.

  • Bakit maaaring mahirap isaalang-alang ang Tagapagligtas sa ating pag-iisip?

Tungkol sa banal na kasulatang ito, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Kailangan tayong magtuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat kaisipan. Nguni’t kapag ginawa natin ito, mawawala ang ating mga pagdududa at takot. (Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 41)

  • Ano ang tumimo sa inyo mula sa pahayag ni Pangulong Nelson?

    Sa iba’t ibang katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante, tulungan silang makita na kapag isinaalang-alang natin ang Tagapagligtas sa bawat pag-iisip, mapapawi ang ating mga pag-aalinlangan at takot.

  • Bakit maaaring mapawi ang ating mga pag-aalinlangan at takot kapag isinaalang-alang natin ang Tagapagligtas sa ating pag-iisip?

Upang makita kung paano makakaimpluwensya sa kaisipan ang pagsasaalang-alang sa Panginoon, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isalaysay ang mga kalagayan ni Propetang Joseph sa Liberty Jail. Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na siya ay ikinulong nang hindi makatarungan habang dumaranas ng matinding pag-uusig ang mga Banal. Maaaring basahin ng mga estudyante ang kabuuan o ang isang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 121:1–9, at alamin kung paano tinulungan ng Panginoon si Joseph sa kanyang mga pag-aalinlangan at takot.

Mga hindi nakatutulong na paraan ng pag-iisip

Upang maunawaan kung paano makatutulong sa atin ang pagsasaalang-alang sa Panginoon sa ating pag-iisip, maaari mong gawin ang sumusunod na aktibidad:

Ipakita ang sumusunod na chart na hango sa Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin at isaayos ang mga estudyante sa maliliit na grupo o nang magkakapartner. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng kahit isa o dalawa sa mga hindi wastong paraan ng pag-iisip at talakayin ang sumusunod na tanong. Bukod pa rito, maaaring subukan ng mga estudyante na tumukoy ng iba pang hindi wastong paraan ng pag-iisip na napansin nila.

May mga karagdagang hindi wastong paraan ng pag-iisip na magagamit mo bilang kapalit o bilang karagdagan sa mga nabanggit na rito. Para sa mga halimbawa ng iba pang hindi wastong paraan ng pag-iisip, tingnan ang Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin.

Hindi Nakatutulong na Paraan ng Pag-iisip

Paliwanag

Halimbawa

Hindi Nakatutulong na Paraan ng Pag-iisip

Hindi Angkop na Paglalarawan sa Sarili

Paliwanag

Pagtugon sa isang bagay na nangyari sa pamamagitan ng paggawa ng matindi o maling pahayag.

Halimbawa

“Bumagsak ako sa assignment na ito; hindi ako magaling sa matematika.”

Hindi Nakatutulong na Paraan ng Pag-iisip

Mabilis na Panghuhusga

Paliwanag

Pagbibigay ng palagay sa iniisip ng iba o pag-iisip sa pinakamalalang resulta na posibleng mangyari.

Halimbawa

“Tiyak na pinagtatawanan nila ako.”

Hindi Nakatutulong na Paraan ng Pag-iisip

Binabale-wala ang Positibo

Paliwanag

Tinatanggihan ang lahat ng positibong karanasan dahil hindi mo dama na mahalaga ang mga ito.

Halimbawa

“Mahusay raw ang ginawa ko sabi ng mga magulang ko, pero alam ko na gusto lang nilang gumaan ang pakiramdam ko tungkol sa mga maling nagawa ko.”

Hindi Nakatutulong na Paraan ng Pag-iisip

Pagpapatindi

Paliwanag

Eksaherado sa iyong mga kahinaan o ikinukumpara ang mga ito sa mga kalakasan ng iba.

Halimbawa

“Bihira akong makipag-usap sa mga tao, at kapag ginawa ko ito, hindi ako gaya niya na nakakatawa.”

  • Ano ang ilan sa mga panganib ng pagkakaroon ng ganitong kaisipan?

Magsanay na tumugon sa hindi nakatutulong na kaisipan

icon ng handoutMaaari mong ipamahagi sa bawat estudyante ang handout na “Pagwawasto ng mga Hindi Nakatutulong o Hindi Wastong Kaisipan.” Ipaliwanag na magsasanay sila gamit ang mga pangyayaring tinalakay sa simula ng klase.

Maaari mong gawin ang sumusunod para tukuyin, ipakita, at praktisin ang isang kasanayan para iwasto ang mga hindi nakakatulong o hindi wastong kaisipan:

Tukuyin: Kapag mayroon tayong hindi nakakatulong na kaisipan, maaari natin itong maimpluwensyahan sa mga positibong paraan sa pamamagitan ng:

  1. Tukuyin ang hindi nakatutulong o hindi wastong kaisipan.

  2. Pagtatanong ng isa o ang lahat sa mga sumusunod na tanong:

  • Kung ganito ang mga naiisip ng isang kaibigan, ano ang sasabihin ko sa kanya?

  • Paano makatutulong sa akin ang pag-iisip tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo na iwasto ang kaisipang ito?

Ipakita: Maaari mong ipakita ang kasanayang ito sa pamamagitan ng paggawa ng unang row sa chart sa ibaba bilang isang klase.

Tumukoy ng hindi nakatutulong o hindi wastong kaisipan na maaaring mayroon tayo blang tugon sa nangyari. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang “hinuhusgahan ako ng lahat” o “hindi ako magaling sa mga ganitong sitwasyon. Mas makabubuti para sa lahat kung hindi na lang ako pupunta.”

Isipin ang sasabihin mo sa isang kaibigan na nagsabi ng hindi nakatutulong o hindi wastong kaisipang ito. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang “Sa iyong palagay, 100 porsiyento bang tama na hinuhusgahan ka ng iba? May posibilidad kayang ganyan din ang nararamdaman nila tungkol sa kanilang sarili?” at “Gusto kita. Karapat-dapat kang makilala.”

Isipin kung paano makatutulong ang pag-iisip tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo na iwasto ang kaisipang ito. Halimbawa, maaaring isipin ng mga estudyante ang kabaitan ng Tagapagligtas sa iba o ang banal na kasulatan, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34). Bilang bahagi ng ipinakitang ito, maaari mo ring ibahagi ang ipinahayag ng Panginoon sa Isaias 55:8 para matulungan ang mga estudyante na makita na ang Kanyang mga iniisip tungkol sa atin ay kadalasang naiiba sa naiisip natin.

Praktisin: Sabihin sa mga estudyante na gumawa sa maliliit na grupo para tapusin ang natitirang bahagi ng chart, isinusulat ang maaari nilang sabihin sa isang kaibigan na may ganitong kaisipan at kung paano mapagmahal na maiwawasto ng Tagapagligtas ang kaisipang ito.

Sa pagtatapos ng lesson, pupunan ng mga estudyante ang blangko na row sa ibaba ng handout.

Pagwawasto ng mga Hindi Nakatutulong o Hindi Wastong Kaisipan

Pangyayari

Anong hindi nakatutulong o hindi wastong kaisipan ang maaaring mayroon ka?

Kung may ganitong kaisipan ang isang kaibigan, ano ang sasabihin mo sa kanya?

Paano maaaring iwasto ng Tagapagligtas ang kaisipang ito?

Pumunta ka sa isang pagtitipon kung saan wala kang kakilala.

Kailangan mong makasama ang isang taong hindi mo kasundo.

May narinig kang pumupuna sa Simbahan.

Bumagsak ka sa isang pagsusulit na pinag-aralan mo nang mabuti.

Kapag nabigyan na ng pagkakataon ang mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila sa handout, maaari mo silang anyayahan na mag-isip ng isang hindi nakatutulong o hindi wastong kaisipan na maaaring mayroon sila at isulat ito sa angkop na column sa huling row. Hikayatin silang idagdag ang pangyayaring maaaring humantong sa kaisipang ito. Sabihin sa mga estudyante na patuloy na praktisin ang kasanayang ito sa pamamagitan ng pagpunan sa dalawa pang puwang sa row na ito.

  • Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon tungkol sa mabubuting paraan ng pag-iisip na maaaring maging pagpapala sa iyo?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa hangarin at kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan tayong malagpasan ang ating masama at hindi wastong kaisipan kapag isinaalang-alang natin Siya sa ating pag-iisip.