Seminary
Lesson 185—Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin sa Panginoon: Pagdaragdag ng Ating Tiwala sa Tulong ng Panginoon sa Ating mga Hamon sa Damdamin


“Lesson 185—Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin sa Panginoon: Pagdaragdag ng Ating Tiwala sa Tulong ng Panginoon sa Ating mga Hamon sa Damdamin,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin sa Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 185: Pisikal at Emosyonal na Kalusugan

Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin sa Panginoon

Pagdaragdag ng Ating Tiwala sa Tulong ng Panginoon sa Ating mga Hamon sa Damdamin

Si Jesus na kasama sina Maria at Marta

Dahil mahal tayo ng Ama sa Langit, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang maging malakas at panatag tayo sa mga paghihirap sa buhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng tiwala na susuportahan sila ng Tagapagligtas sa pagkakaroon ng katatagan ng damdamin.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga sitwasyong mahirap sa damdamin

Paalala: Ang materyal na ito ay naglalayong maging kapaki-pakinabang na pag-aaral tungkol sa pagkakaroon ng katatagan ng damdamin sa Panginoon, hindi para suriin o pagalingin ang sakit sa pag-iisip at damdamin. Ang karanasan sa klase ay hindi rin naglalayong maging anumang uri ng therapy.

Upang matulungan ang mga estudyante na maghanda para sa lesson na ito, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na mag-brainstorm at magsulat sa pisara ng ilang sitwasyon na mahirap sa damdamin na maaari nilang kaharapin, o ng mga tinedyer na katulad nila, sa hinaharap. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang pakiramdam na kinukutya sila ng kanilang mga kapwa tinedyer, ang pagpasok sa isang sitwasyon kung saan kailangan nilang makihalubilo sa mga taong hindi nila kilala, o ang pagtatapos ng isang kasiya-siyang bagay. Sabihin sa mga estudyante na gawing makatotohanan at may kaugnayan ang kanilang mga sitwasyon.

Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na gawin ang sumusunod sa kanilang study journal:

Mag-isip ng isang sitwasyong mahirap sa damdamin na kinakaharap mo o malamang na kahaharapin mo kalaunan. Sa iyong study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa iyong palagay, gaano kahusay mong matutugunan ang mga sitwasyon na mahirap sa damdamin? Bakit?

  • Sa scale na 1 hanggang 10 (1 = wala talagang tiwala; 10 = lubos na may tiwala), gaano kalaki ang tiwala mo na matutulungan at tutulungan ka ng Tagapagligtas sa mga ganitong sitwasyon? Bakit?

Sa buong lesson, hikayatin ang mga estudyante na mapanalanging hangarin na magkaroon ng tiwala sa kakayahan ng Tagapagligtas na matulungan sila sa mga sitwasyong mahirap sa damdamin at matulungan silang mas mapatatag ang kanilang damdamin.

Katatagan ng damdamin

Maaari mong isulat sa pisara ang salitang Katatagan ng Damdamin. Itanong sa mga estudyante kung ano ang nauunawaan nila tungkol dito. Maaari mo ring ipakita ang sumusunod na impormasyon:

Bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, lahat tayo ay humaharap sa mga hamon at paghihirap sa buhay na ito. Gayunpaman, kapag bumaling tayo kay Jesucristo at nagtiwala sa Kanyang awa at biyaya, matutulungan Niya tayong magkaroon ng katatagan ng damdamin. Ang katatagan ng damdamin ay:

  • Ang kakayahang makayanan ang mga hamon sa damdamin nang may tapang at pananampalataya na nakasentro kay Jesucristo.

  • Pagtulong sa sarili at sa iba sa abot ng iyong makakaya.

  • Paghingi ng karagdagang tulong kapag kinakailangan.

Ang halimbawa ng Tagapagligtas

Ipaliwanag na sa mortal na buhay ni Jesus, nakaranas Siya ng mga emosyong tulad ng pighati at kalungkutan. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung may maiisip silang anumang halimbawa. Para sa sumusunod na aktibidad, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na idrowing sa kanilang journal ang kasamang chart. Hikayatin ang bawat magkapartner na pag-aralan ang isa sa mga scripture passage na nakalista sa chart. Kapag tapos na sila, anyayahan silang ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at alamin kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa bawat sitwasyon. Itala ang anumang emosyong ipinakita at pagkilos na ginawa ng Tagapagligtas.

Sitwasyong mahirap sa damdamin

Paano tumugon ang Tagapagligtas

Sitwasyong mahirap sa damdamin

Si Juan na Tagapagbautismo ay pinatay ni Herodes Antipas.

Paano tumugon ang Tagapagligtas

Mateo 14:13–23

Sitwasyong mahirap sa damdamin

Naglakbay si Jesus para makasama sina Maria at Marta nang mamatay ang kanilang kapatid na si Lazaro.

Paano tumugon ang Tagapagligtas

Juan 11:32–44

  • Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga salaysay na ito sa banal na kasulatan?

  • Paano mo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa isang sitwasyong mahirap sa damdamin?

“Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan”

Ipaliwanag na si Jesucristo ay hindi lamang ang pinakadakilang halimbawa ng katatagan ng damdamin, kundi lubos din Niyang nauunawaan ang bawat paghihirap ng damdamin ng tao. Kung maaari, magpakita sa pisara ng larawan ng Tagapagligtas na nagdurusa sa Getsemani. Habang ginagawa ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad, sabihin sa kanila na magsulat ng mga makabuluhang salita o parirala mula sa Isaias 53:3–5 sa paligid ng larawan. Maaari mong ipaliwanag na ang Isaias 53:3–5 ay isang doctrinal mastery passage at anyayahan ang mga estudyante na markahan ito sa kanilang mga banal na kasulatan.

si Jesus sa Getsemani

Basahin ang Isaias 53:3–5, at alamin ang katibayan na lubos na nauunawaan ng Tagapagligtas ang ating mga paghihirap sa damdamin.

  • Aling mga salita o parirala ang pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas makilala ang kakayahan ni Jesus na lubos na damayan at panatagin sila, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag:

Ipinahayag ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

11:9

Jesucristo: Ang Tagapag-alaga ng Ating Kaluluwa

Itinuro ni Elder Soares ang tungkol kay Jesucristo, Kanyang Pagbabayad-sala, at ang kaloob na pagsisisi.

Elder Ulisses Soares

Dagdag pa sa paglalaan ng dakilang kaloob na kaligtasan, nag-aalok sa atin ang Tagapagligtas ng kaginhawahan at kapanatagan habang hinaharap natin ang ating mga paghihirap, tukso, at kahinaan sa buhay na ito. … Matitiyak ko sa inyo na palaging nababatid ni Cristo ang mga pagsubok na nararanasan natin sa buhay na ito. Kanyang nauunawaan ang lahat ng kapaitan, pagdurusa, at pisikal na sakit gayundin ang mga emosyonal at espirituwal na hamon na kinakaharap natin. Ang mga sisidlan ng Tagapagligtas ay puspos ng awa, at palagi Siyang handang tulungan tayo. Posible ito dahil personal Niyang naranasan at inako sa Kanyang Sarili noong nabubuhay Siya sa mundo ang hapdi ng ating kahinaan at mga sakit.

Nang may kaamuan at mapagpakumbabang puso, Siya ay nagpakababa sa lahat ng bagay at tinanggap ang panghahamak, pananakwil, at pamamahiya ng mga tao, na nasugatan para sa ating mga paglabag at kasalanan. Nagdusa Siya ng mga bagay na ito para sa lahat, dinadala sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng sanlibutan, sa gayon ay naging ating tunay na espirituwal na tagapag-alaga.

Sa ating paglapit sa Kanya, espirituwal na isinusuko ang ating sarili sa Kanyang pangangalaga, magagawa nating pasanin sa ating sarili ang Kanyang pamatok, na madaling dalhin, at Kanyang pasan, na magaan, sa gayon ay mahahanap ang yaong ipinangakong kapanatagan at kapahingahan. Dagdag pa, makatatanggap tayo ng lakas na kinakailangan nating lahat upang malampasan ang mga paghihirap, kahinaan, at kalungkutan sa buhay, na napakahirap tiisin kung wala ang Kanyang tulong at nagpapagaling na kapangyarihan. (Ulisses Soares, “Jesucristo: Ang Tagapag-alaga ng Ating Kaluluwa,” Liahona, Mayo 2021, 83–84)

  • Mula sa ating pag-aaral, anong mga katotohanan ang maaari nating matutuhan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kakayahang tulungan tayo?

    Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Isa sa mga katotohanang maaaring matukoy ng mga estudyante ay ang sumusunod: Mapapanatag at mapapalakas tayo ni Jesucristo sa ating mga hamon sa damdamin dahil naranasan din Niya ang mga ito.

  • Paano makatutulong sa isang tao ang pagbaling sa Tagapagligtas at pagsunod sa Kanyang halimbawa nang may pananampalataya upang mas mapatatag ang damdamin?

Pagpapalagay sa tulong ng Tagapagligtas

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano makatutulong sa kanila ang alituntuning ito, maaaring maging kapaki-pakinabang ang sumusunod na kasanayan. Gawin ang mga sumusunod upang linawin, ipakita, at sanayin ang kasanayan:

  • Linawin ang kasanayan: Ipaliwanag sa mga estudyante na ang pag-iisip na kasama natin ang Tagapagligtas at tinutulungan Niya tayo sa mga sitwasyong mahirap sa damdamin ay makapag-aanyaya ng Kanyang tulong at patnubay.

  • Ipakita ang kasanayan: Mag-isip ng isang sitwasyong mahirap sa damdamin na naranasan mo o maaari mong kaharapin sa hinaharap na handa kang ibahagi sa mga estudyante. Gamit ang mga hakbang sa ibaba, ibahagi kung paano mo iniisip na kasama mo ang Tagapagligtas at pinalalakas ka Niya, at kung paano mo sasagutin ang ilan sa mga tanong sa ibaba. Pag-isipan ito nang mabuti bilang bahagi ng iyong paghahanda sa lesson.

  • Sanayin: Upang matulungan ang mga estudyante na sanayin ang kasanayang ito, maaari mo silang ilagay sa maliliit na grupo at anyayahan ang bawat grupo na mag-isip ng isang sitwasyong mahirap sa damdamin ng isang tinedyer. Kapag nakapag-isip na sila ng maiuugnay na sitwasyon, sabihin sa kanila na gawin ang mga sumusunod nang mag-isa at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga sagot sa kanilang grupo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na mag-ingat sa pagbabahagi ng anumang bagay na masyadong personal na mula sa sarili nilang buhay.

Ipikit ang mga mata mo at isipin na kasama mo ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa iyong paghihirap. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Nasaan ang Tagapagligtas sa panahon ng iyong paghihirap? Ano kaya ang gagawin Niya kung kasama mo Siya?

  • Ano kaya ang maaaring maisip o madama mo habang kapiling si Jesucristo?

  • Paano makatutulong sa iyo ang Kanyang presensya, pagmamahal, at suporta upang makontrol at madaig ang iyong pagkabalisa?

  • Batay sa nalalaman mo tungkol sa Tagapagligtas, ano ang maaari Niyang sabihin sa iyo? (Maaari mong gamitin ang mga parirala mula sa mga banal na kasulatan na sinabi Niya sa iba.) Ano ang maaaring ipagawa Niya sa iyo? Kanino ka kaya Niya palalapitin para sa karagdagang tulong?

    Anyayahan ang maraming grupo na ibahagi ang tinalakay nila at kung paano ito makatutulong. Maaari mong ipaliwanag na kung mabigat o matagal na ang nadaramang hirap sa damdamin, dapat humingi ng tulong at patnubay ang mga estudyante mula sa mga magulang, lider ng Simbahan, at lisensyadong propesyonal.

    Maaari mong itanong ang mga sumusunod at ibahagi ang sarili mong nararamdaman tungkol sa lakas at kapanatagan na makukuha mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo:

  • Kailan mo nadama o ng isang taong kilala mo ang tulong ng Tagapagligtas sa isang sitwasyong mahirap sa damdamin?

  • Sa iyong palagay, bakit mas napapatatag ang ating damdamin kapag bumabaling tayo sa Panginoon?

Sa pagtatapos ng klase, sabihin sa mga estudyante na isulat ang anumang damdamin o impresyong natanggap nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanilang kakayahang tulungan sila at ang kanilang mga mahal sa buhay na magkaroon ng katatagan ng damdamin.

Hikayatin ang mga estudyante na magtiwala kay Jesucristo para sa tulong at lakas sa panahon ng mga paghihirap at kabiguan. Magtutuon ang mga lesson sa hinaharap sa mga partikular na paraan kung paano sila makahihingi ng tulong sa Panginoon sa kanilang mga iniisip, pagkabalisa, pagkabahala, depresyon, at iba pa.