Seminary
Lesson 184—Pangangalaga sa Ating Pisikal na Katawan: Pagsunod sa mga Batas ng Pisikal na Kalusugan


“Lesson 184—Pangangalaga sa Ating Pisikal na Katawan: Pagsunod sa mga Batas ng Kalusugan ng Katawan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pangangalaga sa Ating Pisikal na Katawan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

Lesson 184: Pisikal at Emosyonal na Kalusugan

Pangangalaga sa Ating Pisikal na Katawan

Pagsunod sa mga Batas ng Pisikal na Kalusugan

paglalarawan ng mga tao sa harap ng templo

Ang ating pisikal na katawan ay pambihirang kaloob mula sa mapagmahal na Ama sa Langit. Iginagalang natin ang kaloob na ito sa pamamagitan ng paggawa ng matatalinong pagpili sa pangangalaga sa ating katawan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magpakita ng pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang pisikal na katawan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang ating pisikal na katawan

Paalala: Habang itinuturo ang lesson na ito, mahalagang tandaan na maaaring mahirap para sa ilang estudyante ang paksang ito. Ang pangangalaga sa kanilang pisikal na katawan ay partikular na mahirap para sa mga taong may mga eating disorder, kapansanan, malubhang karamdaman, at iba pang sitwasyon.

Tulungan ang mga estudyante na maghandang pag-aralan ang lesson na ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na ibahagi ang mga pasaning nadarama ng mga tao at saloobin ng mga tao tungkol sa kanilang pisikal na hitsura. Ang isang paraan para magawa ito ay isulat sa pisara ang mga salitang Pisikal na katawan at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip tungkol sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilang iba’t ibang pasanin na maaaring madama ng mga tao tungkol sa kanilang katawan?

  • Ano ang ilang iba’t ibang saloobin ng mga tao tungkol sa kanilang katawan?

    Sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal:

  • Ano ang nadarama mo tungkol sa iyong katawan? Bakit?

  • Sa iyong palagay, gaano kahusay mong naaalagaan ang iyong katawan? Bakit?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, humingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo upang malaman kung paano mo mapangangalagaan ang iyong pisikal na katawan.

Katotohanan mula sa Panginoon tungkol sa ating mga katawan

Basahin ang unang talata ng bahaging “Ang Inyong Katawan ay Sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili ([2022], 23).

  • Ano ang pinakanapansin mo?

    Habang nagbabahagi ang mga estudyante, isulat sa pisara ang anumang katotohanan na binabanggit nila. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit sa palagay nila ay mahalaga ang katotohanan sa mga tinedyer ngayon.

    Kung hindi ito babanggitin ng mga estudyante, idagdag ang sumusunod na katotohanan sa listahan sa pisara: Ang iyong katawan ay isang kamangha-manghang kaloob mula sa Ama sa Langit.

  • Paano maaaring makaapekto sa ating saloobin tungkol sa mga ito ang kaalaman natin na ang ating katawan ay kaloob mula sa Diyos?

  • Paano maaaring makaapekto sa pangangalaga natin sa ating katawan ang pagkakaalam sa katotohanang ito?

icon ng handout Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito at kung paano pangangalagaan ang kaloob na ating pisikal na katawan, maaari mong paghiwa-hiwalayin sa apat na istasyon ng pag-aaral ang handout na “Pangangalaga sa ating Pisikal na Katawan.” Maaari mong isaayos ang klase sa maliliit na grupo na umiikot sa bawat aktibidad sa pag-aaral. Maaari kang magbigay ng isang piraso ng papel na mananatili sa bawat istasyon upang makumpleto ng mga estudyante ang parteng pagsusulat sa katapusan ng bawat bahagi. Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga estudyante ang isinulat at idinagdag ng iba pang grupo dito

Pangangalaga sa ating Pisikal na Katawan

Ang Ating Pagtingin sa Katawan

  • Paano maiimpluwensyahan ng mga opinyon ng iba ang nadarama natin tungkol sa ating katawan?

  • Paano naiiba ang mga katotohanang nais ng Panginoon na malaman natin sa Genesis 1:26–27 at 1 Corinto 6:19–20 mula sa mga mensaheng maaari nating matanggap mula sa iba?

Pag-aralan ang sumusunod na payo na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan nina Pangulong Russell M. Nelson at Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin kung ano ang makatutulong sa ating pagtingin sa katawan:

Pangulong Russell M. Nelson

Sa tuwing kayo ay titingin sa salamin, tingnan ang inyong katawan bilang inyong templo. Ang katotohanang iyan—na dapat pasalamatan bawat araw—ay makakaapektong mabuti sa ipapasiya ninyong paraan ng pangangalaga at paggamit ng inyong katawan. At ang mga desisyong iyon ang magtatakda ng inyong tadhana. (Russell M. Nelson, “Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 107)

Elder Jeffrey R. Holland

Sumasamo ako sa inyo … na tanggapin kung sino kayo, pati na ang hubog ng inyong katawan at anyo, at bawasan ang pag-iisip na maging tulad ng iba. Magkakaiba tayong lahat. Ang ilan sa atin ay matangkad at ang iba’y maliit. Ang iba’y mataba at ang iba nama’y payat. At halos lahat ng tao magkaminsan ay gustong maging iba! Subalit tulad ng sinabi ng isang tagapayo sa mga kabataang babae: “Hindi kayo makapamumuhay sa pag-aalalang tinitingnan kayo ng ibang tao. Kapag hinayaan ninyong mangibabaw ang opinyon ng mga tao at nagiging mahiyain kayo ipinamimigay ninyo ang inyong kapangyarihan. … Ang susi [sa pagkakaroon ng tiwala sa sarili] ay ang pakikinig palagi sa inyong kalooban—[ang tunay na kayo.]” At sa kaharian ng Diyos ang tunay na kayo ay “mahalaga nga kaysa mga rubi.” [Mga Kawikaan 3:15]. (Jeffrey R. Holland, “Sa mga Kabataang Babae,” Liahona, Nob. 2005, 29)

  • Ano ang natutuhan mo mula sa mga pahayag na ito?

Isulat ang isang bagay na sa palagay mo ay nais ng Panginoon na sabihin mo sa isang taong nahihirapang maging positibo tungkol sa kanyang katawan.

Tulog

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:124, at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa tulog.

  • Sa palagay mo, bakit mahalaga ang tulog?

Ang hindi sapat na tulog ay maaaring maging malaking problema sa kalusugan. Inirerekomenda ng karamihan sa mga eksperto na matulog nang 8–10 oras kada gabi ang mga tinedyer (tingnan ang National Sleep Foundation, “How Much Sleep Do You Really Need?,” Okt. 1, 2020, thensf.org). Kapag hindi sapat ang tulog, ang isang tao ay maaaring mapagod, hindi makakilos nang maayos, at madaling magkaproblema sa kalusugan ng katawan at pag-iisip. Kapag nakadarama ng pagod, mas madali tayong matutukso.

  • Paano mo nakitang nakaapekto sa iyong buhay ang mga kagawian sa pagtulog?

  • Paano mapabubuti ng magagandang kagawian sa pagtulog ang ating kakayahang maglingkod sa Panginoon?

Talakayin sa iyong grupo ang payong ibibigay mo sa isang taong gustong mapaganda ang kanyang mga kagawian sa pagtulog o kung sino ang irerekomenda mong hingan nila ng payo. Isulat ang mga naiisip mo sa papel na ibinigay.

Ehersisyo at isang Aktibong Pamumuhay

Ang katamaran ay tumutukoy sa pag-aaksaya ng ating oras, pagiging batugan, o pag-iwas sa trabaho. Basahin ang isa o dalawa sa mga sumusunod na talata, at alamin ang nadarama ng Panginoon tungkol sa pagiging tamad ng Kanyang mga anak: Doktrina at mga Tipan 42:42; 60:13; 75:3.

  • Sa iyong palagay, bakit nais ng Panginoon na maging aktibo at masipag tayo sa halip na tamad?

  • Paano ka pinagpala ng Panginoon noong pinagsikapan mong maging aktibo at masipag?

  • Paano mapabubuti ng ehersisyo at ng aktibong pamumuhay ang kalusugan ng pag-iisip natin? Paano ito makatutulong sa atin na maglingkod sa Panginoon?

Isulat ang iyong payo para sa isang tinedyer na nagnanais na dalasan at gawing puspusan ang kanilang pag-eehersisyo at paggalaw.

Mabubuting Gawi sa Pagkain ng Masustansyang Pagkain

Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin ang payo ng Tagapagligtas tungkol sa mga pagpili ng pagkain na nakabubuti sa kalusugan: Doktrina at mga Tipan 59:16–20; 89:10–16.

  • Ano ang epekto sa ating buhay ng mga pagkaing pinipili natin?

Talakayin ang ilan sa mga balakid sa pagkain ng masustansyang pagkain. Magbahagi ng ilang paraan na maaari tayong humingi ng tulong ng Panginoon at madaig ang mga balakid na ito.

  • Anong mga maaaring pangmatagalang pakinabang ng pagsunod sa payo ng Tagapagligtas tungkol sa pagkain ng nakabubuti sa kalusugan habang bata ka pa?

Bilang grupo, magsulat ng tatlong listahan na may pamagat na “Iwasan,” “Paminsan-minsan,” at “Masustansya.” Pagtulungang pumili ng ilang karaniwang pagkaing nakikita ninyo araw-araw. Talakayin kung aling kategorya ang maaaring angkop para sa pagkaing iyon.

Pagkatapos ng mga pag-ikot, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila at anumang alalahanin nila. Maaari ding maging kapaki-pakinabang ang mga sumusunod na tanong:

  • Bakit maaaring mahirap na magkaroon ng mabubuting gawi at mapangalagaan nang wasto ang ating katawan?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong ang pag-alaala na ang ating mga katawan ay mga kaloob mula sa Diyos?

  • Paano ka tinulungan ng Panginoon o ang isang taong kilala mo na magkaroon ng magagandang gawi sa kalusugan?

Sabihin sa klase na magbahagi ng mga katotohanan o karanasan na maaaring makatulong sa mga hamon o alalahanin na binanggit ng mga estudyante.

Upang tapusin ang lesson, sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang study journal kung ano sa palagay nila ang nais ng Panginoon na gawin nila upang mas mapangalagaan ang kanilang katawan