Lesson 188—Pagdaig sa Kalungkutan at Depresyon: Matutulungan Tayo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo na Madaig ang mga Emosyonal na Hamon sa Buhay
“Lesson 188—Pagdaig sa Kalungkutan at Depresyon: Matutulungan Tayo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo na Madaig ang mga Emosyonal na Hamon sa Buhay,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Pagdaig sa Kalungkutan at Depresyon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 188: Pisikal at Emosyonal na Kalusugan
Pagdaig sa Kalungkutan at Depresyon
Matutulungan Tayo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo na Madaig ang mga Emosyonal na Hamon sa Buhay
Nangako ang Tagapagligtas na magkakaroon tayo ng lubos na kagalakan sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:36). Gayunpaman, ang mga sandali ng kalungkutan at panghihina ng loob ay normal na bahagi ng ating karanasan sa buhay. Kung minsan, maaari tayong makaranas ng mas matinding kawalan ng pag-asa at depresyon. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagbigay ng resources upang tulungan tayong sumulong nang may pananampalataya sa mga panahong nakararanas tayo ng problemang emosyonal. Matutulungan ng lesson na ito ang mga estudyante na maunawaan ang mga paraan kung paano sila makahihingi ng tulong kapag nakakaramdam ng kalungkutan at depresyon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang mga emosyon ay parang mga alon ng dagat
Isipin na kunwari ay nakatayo ka sa dalampasigan at pinanonood ang mga alon ng karagatan. Ang mga alon ay parang damdamin natin. Ang ilang alon ay marahang binabasa ang iyong mga paa habang nakatayo o nagtatampisaw ka sa tubig. Sa ibang pagkakataon ay maaaring mas nakalubog ka sa tubig, at maaaring hampasin ka nang malakas ng mga alon o nang hindi inaasahan, ay maitumba ka. Kung minsan, hahampasin ka ng malalaking alon nang malakas at marahil nang magkakasunod. Maaaring mahirapan kang tumayo at maaari ka pang makainom ng tubig at masamid o mahirapang huminga.
Mapanalanging pagnilayan ang mga sumusunod na pahayag. Isulat sa iyong journal kung gaano naaangkop sa iyo ang bawat pahayag (gamit ang mga sagot na “oo,” “kadalasan,” “medyo,” at “hindi talaga”).
Alam ko ang pagkakaiba ng kalungkutan, panghihina ng loob, at depresyon.
Alam ko ang mga palatandaan ng depresyon.
Alam ko kung saan hihingi ng tulong kung nakakaramdam ako ng depresyon.
Alam ko kung paano ako matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag nakakaramdam ako ng kalungkutan at depresyon.
Kalungkutan at depresyon
Nang iniisip ang sarili mong buhay, pagnilayan kung anong uri ng mga alon ang makapaglalarawan ng iyong kasalukuyang emosyonal na kalagayan.
Sa inyong pag-aaral ngayon, mapanalanging hangarin ang mga pahiwatig ng Espiritu para tulungan kayo at ang mga kakilala ninyo na dumaranas ng kalungkutan at depresyon.
Inilalarawan sa Isaias 61:1–3 ang maraming paraan na matutulungan tayo ng Tagapagligtas. Basahin ang mga talatang ito, at maghanap ng mga parirala na sa palagay ninyo ay angkop sa pagtulong sa isang taong nakakaramdam ng kalungkutan at depresyon. Ang salitang “ako“ sa mga talatang ito ay tumutukoy kay Jesucristo, ang Mesiyas.
Anong mga salita o parirala ang naging pinakamakabuluhan para sa inyo? Ano ang natuklasan ninyo na makatutulong sa isang taong nilalabanan ang kalungkutan o depresyon?
Itinuro ni Sister Reyna I. Aburto, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:
Tulad ng alinmang bahagi ng katawan, ang utak ay maaaring dumanas ng sakit, trauma, at mga chemical imbalance. Kapag nahihirapan ang ating isipan, angkop lamang na humingi ng tulong sa Diyos, sa mga nasa paligid natin, at sa mga medical at mental health professional. …
… Normal lang ang malungkot o mag-alala paminsan-minsan. Ang kalungkutan at pagkabalisa ay likas na mga damdamin ng tao. Gayunman, kung palagi tayong malungkot at kung humahadlang ang ating kalungkutan o pasakit sa kakayahan nating madama ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak at ang impluwensya ng Espiritu Santo, maaaring dumaranas tayo ng depresyon, pagkabalisa, o iba pang kalagayan sa emosyon. (Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Liahona, Nob. 2019, 57)
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mensahe ni Sister Aburto?
Humingi ng tulong sa Diyos, sa iba, at sa mga propesyonal
Rebyuhin ang natutuhan mo
Isulat ang sumusunod sa iyong study journal o sa iyong polyeto:
Ang gagawin mo upang makahingi ng tulong sa Panginoon kung ikaw ay nakakaramdam ng kalungkutan at depresyon (maaaring kabilang dito ang mga banal na kasulatan na babasahin mo o sagradong musika na nagbibigay sa iyo ng pag-asa)
Ang gagawin mo upang humingi ng tulong sa iba kapag nakakaramdam ka ng kalungkutan o depresyon
Ang maaari mong gawin upang tulungan ang isang taong nakakaramdam ng kalungkutan o depresyon
Ang maaari mong sabihin sa isang taong nahihirapan at nag-iisip kung dapat siyang humingi ng tulong sa isang mental health counselor