Lesson 189—Pagiging Ganap kay Jesucristo: Isang Proseso ng Pagiging Higit na Katulad ng Tagapagligtas
“Lesson 189—Pagiging Ganap kay Jesucristo: Isang Proseso ng Pagiging Higit na Katulad ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Pagiging Ganap kay Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 189—Pisikal at Emosyonal na Kalusugan
Pagiging Ganap kay Jesucristo
Isang Proseso ng Pagiging Higit na katulad ng Tagapagligtas
Maraming pamimilit at inaasahan sa buhay ang maaaring maging dahilan upang mahirapan tayo dahil sa pagiging perpeksyonista o sa maling pag-iisip na kailangan nating maging ganap o perpekto nang mag-isa. Dahil sa dakilang sakripisyo ng Tagapagligtas, tayo ay maaaring “maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga maling pananaw na nauugnay sa pagiging perpeksyonista at makatutulong sa kanila na bumaling sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagiging Perpeksyonista
”Hindi ko alam kung magiging sapat ba ang kabutihan ko.”
“Hindi ako kasinggaling niya sa paggawa nito. Ni hindi ko na alam kung bakit ko pa nga ba sinusubukan.”
“Pakiramdam ko, kailangan kong magkunwaring mukhang mas masaya at mas okay na hindi naman totoo.”
Gaano ka kadalas magkaroon ng mga kaisipang tulad ng mga ito?
Bakit maaaring matukso ang mga tao na mag-isip sa ganitong paraan?
Ipinaliwag ni Elder Vern P. Stanfill ng Pitumpu:
Ang pagnanais na maging perpekto ang lahat ay nangangailangan ng isang imposibleng pamantayang nagpapahirap sa sarili na ikinukumpara tayo sa iba. Nagiging sanhi Ito ng pagkabagabag ng konsiyensya at pagkabalisa at maaaring pagnaisin tayong lumayo at ihiwalay ang ating sarili. (Vern P. Stanfill, “Ang Hindi Perpektong Pag-ani,“ Liahona, Mayo 2023, 113)
Isipin kung paano ka maaaring madaling matukso na magkaroon ng mga perpeksiyonistang kaisipan. Maaari mong isulat ang iyong mga sagot sa ilan sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.
Anong mga di-makatotohanang pamantayan ang maaaring itinatakda mo para sa iyong sarili?
Paano mo ikinukumpara ang iyong sarili sa iba sa hindi magagandang paraan?
Paano ka makakabaling sa Panginoon upang madaig ang ganitong uri ng pag-iisip?
Naging Ganap kay Jesucristo
Ibinahagi ni Elder Vern P. Stanfill kung ano ang maaari nating pagtuunan upang madaig ang perpeksyonistang pag-iisip:
11:2
Tandaan na ang pagnanais na maging perpekto ang lahat ay hindi kapareho ng pagiging [perpekto] kay Cristo….
Ang pagiging [perpekto] kay Cristo … ang proseso—sa mapagmahal na paggabay ng Espiritu Santo—ng pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas. Ang mga pamantayan ay itinakda ng isang mabait na Ama sa Langit na nakakaalam ng lahat at malinaw na nakasaad sa mga tipan na inaanyayahan tayong tanggapin at ipamuhay. Pinapawi nito ang bigat ng kasalanan at kakulangan, na laging binibigyang-diin kung sino tayo sa paningin ng Diyos. (Vern P. Stanfill, “Ang Hindi Perpektong Pag-ani,” Liahona, Mayo 2023, 113)
Ano ang nakikita ninyong makabuluhan sa pahayag na ito?
Sa pagdalaw sa mga sinaunang naninirahan sa Amerika, muling pinagtibay ng Tagapagligtas na ang pagiging ganap o perpekto ay isang bagay na hangad Niya at ng Kanyang Ama para sa ating lahat. Basahin ang 3 Nephi 12:48 (tingnan din sa Mateo 5:48), at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas.
Maaaring mahirapan ang ilang perpeksyonistang tao kapag nabasa nila ang talatang ito.
Paano makatutulong sa atin ang mga pahayag ni Elder Stanfill na mas maunawaan ang itinuturo ng Tagapagligtas sa talatang ito?
Paano ito makatutulong sa atin na bumaling sa Panginoon kapag nahihirapan tayo dahil sa perpeksyonistang pag-iisip?
Pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas
Talakayin kung anong mga parirala ang nakita ninyo sa mga banal na kasulatan o mga pahayag na ito na:
Nakatulong sa inyo noon sa pakiramdam na hindi ninyo natutugunan ang mga inaasahan.
Mga tanong ninyo.
Gusto ninyong ipamuhay.
Pagiging ganap kay Jesucristo sa halip na pagiging perpeksyonista
Ang sumusunod na kasanayan ay makatutulong sa atin na itama ang perpeksyonistang pag-iisip at magtuon sa pagsisikap na maging mas mabuti sa pamamagitan ni Jesucristo.
Kapag may natukoy kang isang perpeksyonistang kaisipan, itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:
Paano maaaring naisin ng Tagapagligtas na makita ko ang aking sarili nang may habag at pagtitiis?
Sa halip na sikaping gawin ang lahat nang mag-isa, paano ko kikilalanin at aasahan ang Tagapagligtas at ang Kanyang kapangyarihang tulungan ako?
Pumili ng isa sa mga halimbawa ng mga perpeksyonistang kaisipan sa simula ng lesson. Habang isinasaisip ito, sagutin ang mga tanong sa itaas.