Adiksyon
Alituntunin 5


“Mag-ingat Ka sa Iyong Sarili,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Mag-ingat Ka sa Iyong Sarili,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Alituntunin 5

Mag-ingat Ka sa Iyong Sarili

“Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka’t sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo” (I Kay Timoteo 4:16).

Pagtanggap na Hindi Natin Makokontrol ang Ating mga Mahal sa Buhay o Mapapagaling Sila

Ang mga mahal natin sa buhay na nalulong ay madalas gumawa ng mga maling pagpili at maaaring magdusa sa matitinding bunga nito. Mahirap panoorin itong mangyari at madama na wala tayong magagawa para iwasan ito. Maaari tayong maniwala na hindi bubuti ang lahat maliban kung makialam tayo at ayusin natin ito. Maaari nating subukang hikayatin, pangatwiranan, kausapin, parusahan, manipulahin, o pahiyain ang mga mahal natin sa buhay para magpagaling. Ang mga pagtatangkang ito ay maaaring tila epektibo sandali, ngunit sa huli ay hindi ito sapat. Natututuhan natin mula sa karanasan na ang pagtatangkang kontrolin sila ay pinagsisimulan lamang ng kaligaligan, takot, at hinanakit. Ipinayo ni Elder Richard G. Scott, “Huwag tangkaing supilin ang kalayaang pumili. Mismong Panginoon ay hindi gagawin iyan. Walang ibubungang pagpapala ang sapilitang pagsunod” (“To Help a Loved One in Need,” Ensign, Mayo 1988, 60).

Natural lamang na naisin nating maranasan ng ating mga mahal sa buhay ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo, at sinisikap nating tulungan sila sa abot ng ating makakaya. Gayunman, mahalagang maunawaan na hindi natin sila maililigtas. Kung sinisikap nating iligtas sila mula sa mga bunga ng kanilang mga maling pagpili, mali ang pagtatangka nating agawin ang papel ng ating Tagapagligtas at Manunubos. Maaaring ang ilan sa ating mga pagsisikap at intensyon para sa kanilang kapakanan ay talagang makapagpaliban sa pagbaling nila sa Tagapagligtas. Para mapagaling sila ng Panginoon, kailangan nilang sumampalataya at sumunod sa Kanyang mga utos. Hindi natin magagawa iyan para sa kanila. Tanong ng Tagapagligtas, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?” (3 Nephi 9:13). Kailangang piliin ng lahat ng tao para sa kanilang sarili na lumapit sa Tagapagligtas. Sa kaso ng isang taong nahihirapan, siya lamang ang maaaring pumili ng kinakailangan niyang gawin upang gumaling.

  • Paano natin mapipigilan ang isang hangaring suportahan ang isang mahal sa buhay na mauwi sa pagtatangkang ipagkait ang kanyang kalayaang pumili.

Pagtutuon sa Ating Pagpapagaling

Maaaring ang isang pangunahing motibasyon sa paghingi ng tulong ay ang mas maunawaan kung paano tutulungan ang ating mga mahal sa buhay. Maaaring naniniwala o umaasa tayo na ang paggaling ng ating mga mahal sa buhay ay hahantong sa sarili nating paggaling. Dumarating tayo sa isang mahalagang kritikal na panahon kapag natatanto natin na kailangan pala nating magtuon sa sarili nating paggaling. Hindi ito nangangahulugan na titigil tayo sa pagsuporta sa ating mga mahal sa buhay o sa pagnanais na gumaling sila. Bagkus, natatanto natin na ang ating sariling kapayapaan at paggaling ang una nating prayoridad. Ang mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay ay hindi dapat makasagabal sa ating paglapit sa Tagapagligtas. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na lumapit sa Kanya anuman ang ating sitwasyon: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

  • Paano ka magtutuon sa iyong sariling kapayapaan at paggaling?

Pangangalaga sa Ating Sarili

Ang isang mahalagang aspeto ng ating paggaling ay ang mag-ukol ng panahon para balansehin ang ating buhay at pangalagaan ang ating sarili. Kung hindi tayo mag-iingat, maaari nating payagan na madaig tayo ng mga pagpili ng mga mahal natin sa buhay at kaugnay na mga isyu o kaya’y mapabayaan natin ang sarili nating kapakanan. Hinihilingan tayo ng Panginoon na maging “mahinahon sa lahat ng bagay” (Alma 7:23) at huwag “tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas” (Mosias 4:27). Mahalagang tiyakin na natutugunan ang sarili nating mga pangangailangan. Nagtutulot ito sa atin na mas matulungan ang mga mahal natin sa buhay at ang iba pa sa ating paligid. Itinuro ni Sister Neill F. Marriot: “Itinatayo natin ang kaharian kapag pinangangalagaan natin ang iba. Gayunman, ang unang anak ng Diyos na kailangan nating patatagin sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay ang ating sarili”(“Ano ang Gagawin Natin?” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 10).

  • Anong partikular na mga hakbang ang gagawin mo para pangalagaan ang iyong sarili sa pisikal, emosyonal, at espirituwal?

  • Paano mo mas matutulungan ang iyong mahal sa buhay sa pangangalaga mo sa iyong sarili?

Pag-unawa sa mga Mapaminsalang Pag-uugali

Ang malaman ang tungkol sa mga mapaminsalang pag-uugali ay makakatulong na mas maunawaan natin ang mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay. Ipinayo ng Panginoon, “Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). Maraming magagandang impormasyong makukuha kung ano ang magagawa natin para matulungan ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay. Ang isang paraan para mahanap ang mga sagot ay makinig sa mga karanasan ng ibang mga tao, na makakatulong na madama natin na nangyayari nga ito at hindi tayo nag-iisa. Marami ring resources na may kaugnayan sa ebanghelyo na maaaring makatulong, kabilang na ang mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta at ng iba pang pinuno ng Simbahan, ang Addiction Recovery Program (addictionrecovery.lds.org), sa Overcoming Pornography website (overcomingpornography.org), mga artikulo sa LDS.org, mga lecture sa BYU Campus Education Week, at iba pang mga materyal. Ang pagkaalam kung ano ang aasahan sa isang sitwasyon na kinasasangkutan ng mga mapaminsalang pag-uugali ay maaaring magbigay sa atin ng kakayahan na mas tulungan ang ating sarili at ang ating mga mahal sa buhay.

  • Paano nakatulong sa iyo ang paghahangad na higit na makaunawa?

babaeng tumutugtog ng gitara

Ang isang mahalagang aspeto ng ating paggaling ay ang mag-ukol ng oras na balansehin ang ating buhay at pangalagaan ang ating sarili. Kung hindi tayo mag-iingat, maaari nating payagan na madaig tayo ng mga pagpili ng mga mahal natin sa buhay at kaugnay na mga isyu o kaya’y mapabayaan natin ang sarili nating kapakanan.