Adiksyon
Alituntunin 10


“Itaas ang mga Kamay na Nakababa,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Itaas ang mga Kamay na Nakababa,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

dalawang babaeng nag-uusap

Alituntunin 10

Itaas ang mga Kamay na Nakababa

“Dahil dito, maging matapat; tumayo sa katungkulang aking itinalaga sa iyo; tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (D at T 81:5).

Pagsuporta sa Kabutihan

Sinusuportahan natin ang ating mga mahal sa buhay sa kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng lakas sa mga pagsisikap nilang lumapit kay Cristo at makabawi mula sa mali nilang mga pagpili. Kapag gumagawa ng mga maling pagpili ang mga mahal natin sa buhay na malubha ang mga bunga, natural lang na naising protektahan sila sa mga bungang iyon. Maaaring tayo mismo ang magsikap na ayusin ang pinsalang nagawa nila at magbayad-pinsala para sa kanila. Sa ilang pagkakataon ang ating pagtulong ay lubhang kapaki-pakinabang at nakapagliligtas pa nga ng buhay; gayunman, dapat tayong maging maingat na hindi sila suportahan sa kanilang mga maling pagpili o magbigay ng puwang sa kanila na magkasala. Kung magkamali tayo na palagi silang sagipin, maaari tayong makahadlang sa kanilang paggaling at makaantala sa kanilang pagbaling sa Panginoon para humingi ng tulong.

Mahalagang tandaan na “ang Panginoon ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang” (D at T 1:31). Ang pagdanas ng mga negatibong bunga ng kanilang mga kilos ay makakatulong sa mga mahal natin sa buhay na magpasiyang magbago (tingnan sa Lucas 15:17). Pinayuhan ng propetang si Alma ang kanyang anak na, “Hindi ko tutukuyin ang iyong mabibigat na kasalanan upang saktan ang iyong kaluluwa, kung ito ay hindi para sa iyong ikabubuti” (Alma 39:7). Lahat tayo ay mananagot para sa sarili nating mga salita, gawa, at isipan (tingnan sa Mosias 4:30); hindi natin maaalis ang pananagutan ng ating mga mahal sa buhay sa kanilang mga ginagawa. Sa pamamagitan lamang ng pagsisisi at pagsunod sa mga kautusan gagaling ang ating mga mahal sa buhay, tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga pagkakamali, at tatayo nang matwid sa harapan ng Panginoon.

  • Bakit mahalaga para sa iyong mahal sa buhay na managot sa kanyang mga ginagawa?

  • Paano mo malalaman kung talagang sinusuportahan mo ang iyong mahal sa buhay sa paggaling, sa halip na kinukunsinti ang kanyang masamang pag-uugali?

Pagbibigay ng Ating Suporta at Panghihikayat

Nahaharap sa maraming pagsubok ang mga mahal natin sa buhay sa kanilang mga pagsisikap na gumaling. Maaaring maramdaman nila na sila ay sira, may depekto, at hindi karapat-dapat sa pag-ibig ng Diyos at sa ating pagmamahal. Maaaring mawalan sila ng pag-asa na hindi na sila muling magiging malinis kailanman. Para magbago, kailangan nila ng pag-asa para sa hinaharap at katiyakan na karapat-dapat sila sa kinakailangang pagsisikap. Ang ating tungkulin ay hindi ang gumaling para sa kanila kundi hikayatin at mahalin sila habang nagsisikap silang gumaling. Ang pagpapakita ng ating pananampalataya sa Tagapagligtas at pagsuporta sa ating mga mahal sa buhay sa kanilang tapat na mga pagsisikap na magbago ay makakatulong sa kanilang progreso tungo sa paggaling.

Ang Tagapagligtas ang sakdal na halimbawa ng pagsuporta at panghihikayat. Siya ay “puno ng habag” sa mga taong nakapaligid sa kanya (tingnan sa 3 Nephi 17:6; Mateo 9:36; 14:14). Ipinaliwanag ni Sister Barbara Thompson, dating tagapayo sa Relief Society general presidency: “Ang ibig sabihin ng mahabag ay makadama ng pagmamahal at awa sa ibang tao. Ang ibig sabihin nito ay magkaroon ng simpatiya at hangaring ibsan ang pagdurusa ng iba. Ang ibig sabihin nito ay magpakita ng kabaitan at pagmamalasakit sa iba” (“At ang Ibang Nag-aalinlangan ay Inyong Kahabagan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 119). Kapag tayo ay mahabagin, sinisikap nating maunawaan ang kahihiyan o kawalang-pag-asang maaaring nadarama ng mga mahal natin sa buhay at isaalang-alang ang lahat ng pagsisikap na ginagawa nila. Tayo ay “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9). Ang mahabag ay hindi nangangahulugan na suportahan natin ang mga maling pagpili nila o bigyang-katwiran ang kanilang pag-uugali. Gayunman, mapagmahal tayong tumutulong at naghihikayat.

  • Bakit mahalagang magpakita ng habag habang sumusuporta sa iyong mahal sa buhay?

  • Paano mo ipakikita ang iyong pagkahabag?

Patuloy na Maglingkod

Ang mga mahal natin sa buhay ang siyang responsable sa sarili nilang paggaling, at maaaring hindi pa sila handa sa ating pagsuporta. Sa ilang pagkakataon, maaaring tanggihan pa nila o ikagalit ang mga pagsisikap nating makatulong. Maaari tayong panghinaan ng loob at mawalan ng lakas habang pinanonood natin sila sa patuloy na pagpili nang mali. Gayunman, magagawa pa rin natin silang mahalin at ipagdasal. Patungkol naman sa mga taong may problema sa espirituwalidad, pinapayuhan tayo ng Panginoon na “huwag [silang] itataboy” kundi “patuloy na [maglingkod]; sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila; at kayo ang magiging daan ng pagdadala ng kaligtasan sa kanila” (3 Nephi 18:32). Baka matiyagang paghihintay ang pinakamabuting paraan para sa ilang sitwasyon.

Samantala, maaari natin ipagdasal ang ating mga mahal sa buhay at suportahan sila sa wastong mga paraan. Ginagamit ng Panginoon ang ating mga panalangin at pananampalataya para pagpalain ang mga mahal natin sa buhay. Sinabi ni Elder Robert D. Hales na ang “pananampalataya, mga dalangin, at pagsisikap ng isang miyembro ng pamilya ay ilalaan sa kabutihan ng kanilang [mahal sa buhay]” (“Lakip ang Lahat ng Damdamin ng Nagmamahal na Magulang,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 88). Maaaring hindi piliin lagi ng mga mahal natin sa buhay na baguhin ang kanilang nakapipinsalang pag-uugali, ngunit alam natin na pinakikinggan ng isang mapagmahal na Ama sa Langit ang ating mga panalangin para sa kanila.

  • Paano ka makatutugon sa isang mahal sa buhay na tila hindi handa o ayaw tumanggap sa iyong pagsuporta?

Paglilingkod sa Iba

Kapag tila nalulula tayo sa dami ng mga pagsubok o ang sitwasyon natin ay tila wala nang pag-asa, matatagpuan natin ang espirituwal na pagpapanibago sa paglilingkod sa iba. Ang paglilingkod ay nagbibigay ng pagkakataon na makita natin hindi lamang ang ating personal na mga paghihirap o hamon. Mangyari pa, hindi natin mapaglilingkuran ang lahat ng tao, at dapat tayong maging maingat na huwag tumakbo nang mas mabilis kaysa sa ating lakas (tingnan sa Mosias 4:27). Gayunman, kahit ang mga pinakasimpleng gawa ay maaaring magpala at manghikayat sa iba—at mapapasigla ang sarili nating espiritu. Ang pagtulong sa kapwa ay isa ring paraan para maipakita natin ang ating pagmamahal at pagpapahalaga sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Alam natin na “kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Itinuro ni Elder M. Russell Ballard na ang Espiritu ay maaaring magsilbing gabay natin sa gayong mga pagsisikap: “Sa lahat ng ating paglilingkod, kailangan nating maging sensitibo sa mga paramdam ng Espiritu Santo. Ipapaalam sa atin ng marahan at banayad na tinig kung sino ang nangangailangan ng ating tulong at paano natin sila matutulungan” (“Pagkakaroon ng Kagalakan sa Mapagmahal na Paglilingkod,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 48).

  • Paano nakatulong sa iyo ang pagtulong sa iba upang makayanan ang sarili mong mga hamon at paghihirap?

  • Ano ang mga oportunidad mo para maglingkod?

  • Paano ka ginagabayan ng Espiritu sa iyong mga pagsisikap na maglingkod?

mag-asawa na magkasamang naglalakad

Para magbago, kailangan nila ng pag-asa para sa hinaharap at katiyakan na karapat-dapat sila sa kinakailangang pagsisikap. Ang ating tungkulin ay hindi ang gumaling para sa kanila kundi hikayatin at mahalin sila habang nagsisikap silang gumaling.