Adiksyon
Alituntunin 7


“Sa Lahat ng Bagay ay Magbigay-Pasasalamat,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Sa Lahat ng Bagay ay Magbigay-Pasasalamat,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

babaeng nagdarasal

Alituntunin 7

Sa Lahat ng Bagay ay Magbigay-Pasasalamat

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag matakot, maaliw sa inyong mga puso; oo, magsaya kailanpaman, at sa lahat ng bagay ay magbigay-pasasalamat” (D at T 98:1).

Pagdaig sa Panghihina ng Loob, Takot, at Galit

Ang buhay ay hindi laging gaya ng inaasam o inaasahan natin. Napakadaling madaig ng panghihina ng loob, takot, at galit. Ginagamit na pagkakataon ni Satanas ang gayong damdamin para salakayin tayo at akayin tayo sa paghamak sa sarili at maghanap ng mga kamalian ng iba. Habang lalo tayong nagtutuon sa mga negatibong damdamin, mas lumalakas ang mga ito, hanggang sa magsimulang mangibabaw ang mga ito sa ating mga isipan, na magpapahina sa ating kakayahang madama ang Espiritu at makatagpo ng ligaya. Ang kasabihang “Kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya” (Mga Kawikaan 23:7) ay angkop kapwa sa negatibo at positibong kaisipan. Isang paraan para madaig ang ating mga negatibong emosyon ay pagnilayan at magpasalamat na pinagpapala tayo sa maraming paraan.

  • Paano natin kikilalanin ang ating mga problema nang hindi nadaraig ng mga ito?

Pagkilala sa Kamay ng Diyos sa Ating Buhay

Sa gitna ng pagdurusa, maaaring mahirap makita ang mabuti sa ating paligid kapag tayo ay nabibigatan sa labis na sakit at kalungkutan. Gayunpaman, marami tayong dahilan para magpasalamat. Sa mga taong nahihirapang makita ang kamay ng Diyos sa kanilang buhay dahil sa kanilang mga pagsubok, ibinigay ni Pangulong Henry B. Eyring ang payong ito: “Ang susi … ay ang pagtanggap sa Espiritu Santo bilang isang kompanyon. Ang Espiritu Santo ang tumutulong para makita natin ang nagawa ng Diyos para sa atin. Ang Espiritu Santo ang makakatulong [sa atin] na makita ang nagawa ng Diyos. … Mamayang gabi, at bukas ng gabi, maaari kayong magdasal at isiping itanong: May ipinahatid bang mensahe ang Diyos para sa akin? Nakita ko ba ang Kanyang kamay sa aking buhay o sa buhay ng aking mga anak? Gagawin ko iyan. Pagkatapos ay hahanap ako ng paraan upang manatili ang alaalang iyan para sa araw na kailangan ko, at ng mga mahal ko, na maalaala kung gaano kami kamahal ng Diyos at gaano namin Siya kailangan” (“O Tandaan, Tandaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 68).

Maraming magiliw na awa ang nagpapasigla sa ating buhay at ipinaaalam nito na may Ama sa Langit tayo na nagmamahal sa atin at inaalala tayo sa napaka-personal na paraan. Kapag patuloy tayong gumugugol ng panahon bawat araw sa pagninilay at pagsulat sa mga bagay na ipinagpapasalamat natin, ang katunayan ng kamay ng Diyos sa ating buhay ay nagiging mas malinaw. Mas ipinagpapasalamat natin ang maraming pagpapalang dumating sa atin noon. Naaabangan din natin, nakikilala, at [ikinagagalak ang] mga pagpapalang dumarating sa bawat araw. Itinuro ni Elder Gerald N. Lund: “Kung minsan … dumarating ang mga pagpapala sa mga di-pangkaraniwang paraan at sa eksaktong oras kung kaya’t may ibang bagay pang naisasakatuparan ang mga ito bukod sa pagpapala nito sa atin. Malinaw itong nagpapatibay sa katotohanan ng pag-iral ng Diyos na siyang nag-aangat sa atin sa mga oras ng pagsubok” (Divine Signatures: The Confirming Hand of God [2010], 28). Sa paglalakbay natin tungo sa paggaling, binabago ng pasasalamat ang ating puso at tumutulong na madama natin ang kagalakan sa pamamagitan ng kabutihan ng Diyos at ng nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo.

  • Paano nakatulong ang pag-alala sa iyong mga pagpapala para makita mo ang kamay ng Diyos sa iyong buhay?

  • Ano pa ang nakakatulong sa iyo na makita ang kamay ng Diyos sa iyong buhay?

Pagkilala sa Ating Sariling mga Kaloob at Talento

Bilang mga anak ng Diyos, biniyayaan tayo ng espirituwal na mga kaloob. “Sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. “Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba, upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan” (D at T 46:11–12). Mahalaga para sa atin na makilala at magpasalamat sa mga kaloob na ibinigay sa bawat isa sa atin. Kapag nagpursige tayo na paunlarin ang ating mga talento at kaloob, magdudulot ito ng kasiyahan, pag-unlad at positibong pagbabago sa ating buhay. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Maaari ninyong isipin na wala kayong mga talento, ngunit nagkakamali kayo, dahil lahat tayo ay may mga talento at kaloob, bawat isa sa atin” (“Kaligayahan, ang Inyong Pamana,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 119). Maaaring bumilang ng panahon at pagsisikap para matuklasan at malinang pa ang mga kaloob na natanggap natin, gayunman, tayong lahat ay maraming maiaambag sa pamamagitan ng mga kakayahang bigay ng Diyos.

  • Ano ang ilan sa iyong mga kaloob at talento? Ano ang magagawa mo para linangin ang mga kaloob at talentong ito?

  • Paano nakakatulong ang iyong patriarchal blessing na matukoy ang bawat kaloob at talento mo?

Pagtuklas sa Kabutihang Taglay ng Ating mga Mahal sa Buhay

Bukod sa pagkilala at pagpapasalamat sa sarili nating mga kaloob, mahalaga ring alam natin ang kabanalan ng iba, lalo na ng mga miyembro ng ating pamilya. Sa ating mga relasyon, ang bagay na pinagtutuunan natin nang husto ang tumutukoy sa nararamdaman natin para sa isang tao. Maaaring mahirap isipin ngayon kung ano kaya kung hindi nagkasala ang ating mga mahal sa buhay. Gayunman, isang mahalagang bahagi ng sarili nating pagpapagaling ang makita kung sino sila talaga sa kabila ng mga maling pagpiling nagawa nila: mga minamahal na anak na lalaki at anak na babae ng Diyos. Sa kabila ng mahihirap na sitwasyon natin, maaari nating piliing magpasalamat para sa mabubuting katangian at gawa ng ating mga mahal sa buhay. Kung magsisikap tayo na makinig at sundin ang inspirasyon ng Espiritu Santo, makikita natin ang banal na potensyal ng lahat ng tao, kahit pa sila na nakasakit sa atin. Bubuti ang ating mga relasyon at mararanasan ng mga mahal natin sa buhay na magkaroon ng higit na pag-asa kapag ginawa nating kilalanin at pasalamatan ang kabutihang nakikita natin sa iba.

  • Ano ang nakakatulong sa iyo na makita ang kabutihan ng iyong mahal sa buhay?

  • Ano ang kaibhang ginagawa ng paghahanap ng kabutihan sa iyong mga relasyon?

Pagpapasalamat sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala

Higit sa lahat ng bagay, tayo ay nagpapasalamat sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Nariyan lamang Siya sa ating tabi, naglalakad na kasabay natin sa mabuti at masamang lagay ng buhay. Bawat mabuting bagay sa ating buhay ay isang pagpapala mula sa Tagapagligtas. Sa mga salita ni Isaias, “Dios ay aking kaligtasan; ako’y titiwala, at hindi ako matatakot; sapagka’t ang Panginoon si Jehova ay aking kalakasan at awit; at siya’y naging aking kaligtasan” (Isaias 12:2). Habang pinagninilayan natin ang maraming biyayang nasa atin, ang ating pasasalamat ay magiging tulad ng kay Ammon: “Masdan, ang aking kagalakan ay lubos, oo, ang aking puso ay nag-uumapaw sa kagalakan, at ako ay nagsasaya sa aking Diyos. “Oo, nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay; oo, masdan … Pupurihin [ko] ang kanyang pangalan magpakailanman” (Alma 26:11–12). Ang ating pasasalamat sa Tagapagligtas ay nagbibigay-inspirasyon sa atin na maging mas mabuti, mas magmahal, at maging higit na katulad ni Cristo.

  • Ano ang nararamdaman mo tungkol sa Tagapagligtas? Paano ka napagpala ng Kanyang Pagbabayad-sala?

  • Paano mo maipakikita ang pasasalamat mo sa Kanya?

lalaking nagpipinta

Mahalaga para sa atin na makilala at magpasalamat sa mga kaloob na ibinigay sa bawat isa sa atin. Kapag nagpursige tayo na paunlarin ang ating mga talento at kaloob, magdudulot ito ng kasiyahan, pag-unlad at positibong pagbabago sa ating buhay.