“Dadalhin Niya sa Kanyang Sarili ang mga Pasakit at ang mga Sakit ng Kanyang mga Tao,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).
“Dadalhin Niya sa Kanyang Sarili,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.
Alituntunin 3
Dadalhin Niya sa Kanyang Sarili ang mga Pasakit at ang mga Sakit ng Kanyang mga Tao
“Dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao. … At dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).
Natatanto na Walang Ipagkakait na mga Pagpapala
Nais nating magkaroon ng mga walang-hanggang pamilya, ngunit maaaring maging banta sa ating mga pag-asa ang mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay. Ang takot na maaaring mawala ang ating walang-hanggang pamilya ay makapagdudulot ng matinding kalungkutan sa atin. Maaaring manganib ang ating sariling pananampalataya at matukso tayong isuko ang plano ng Ama sa Langit. Nadarama ng marami sa atin na kaya lamang tayo nananatiling nakakapit sa Diyos ay dahil sa ito ay nakagawian na, biglaang reaksyon, o desperasyon. Maaaring hindi madaling magpatuloy sa gitna ng pasakit dahil sa mga nasirang pangako at mga pangarap na maaaring maglaho. Ang pagpili na kinakaharap natin ay kung sasampalataya ba tayo sa Diyos o hindi, kahit pa hindi natin nakikita kung paano matutupad ang mga pangako ng Diyos. Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks:
“Hindi natin makokontrol at hindi tayo responsable sa mga pagpili ng iba, kahit nasaktan nila tayo nang husto. Tiyak kong mahal at pinagpapala ng Panginoon ang mga mag-asawa na buong pagmamahal na sinisikap na tulungan ang kabiyak sa pakikibaka sa malalalim na problemang tulad ng pornograpiya o iba pang nakalululong na gawi o matagalang bunga ng pang-aabusong dinanas nila noong bata pa sila.
“Anuman ang idinulot at gaano man kahirap ang inyong mga naranasan, ipinapangakong hindi ipagkakait sa inyo ang mga biyaya ng walang-hanggang ugnayan ng pamilya kung mahal ninyo ang Panginoon, sinusunod ang Kanyang mga utos, at ginagawa ang lahat ng inyong makakaya” (“Diborsyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 73).
-
Paano nakaapekto sa mga inaasahan at pinapangarap mo ang mga pagpili ng iyong mahal sa buhay?
-
Bakit mo kailangang maniwala sa mga pangako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at hindi basta maniwala lamang sa Kanila?
Pagtutulot na Pagalingin ni Jesucristo ang Ating Pinakamatitinding Pasakit at Kalungkutan
Kung pahihintulutan natin, ang pasakit at kalungkutang dulot ng mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay ay mag-aakay sa atin sa Tagapagligtas. Ang Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa pagdaig sa kamatayan at kasalanan, kundi ito rin ay para sa pagpapahilom ng ating mga pasakit, kalungkutan, at lahat ng iba pang paghihirap. Sabi ni Elder C. Scott Grow, “Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, pinagagaling Niya hindi lamang ang lumabag, pinagagaling din Niya ang walang-sala na nagdurusa dahil sa mga paglabag na iyon” (“Ang Himala ng Pagbabayad-sala,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 109). Tutulungan tayo ng Espiritu na maunawaan na alam ni Cristo ang ating pasakit dahil literal Niyang inako ang ating mga pasakit at sakit (tingnan sa Alma 7:11). Makatatagpo tayo ng pag-asa sa kapangyarihan ni Jesucristo na gagaling at susuportahan tayo sa ating mga pagsubok anuman ang mga pagpili at pagkilos ng ating mga mahal sa buhay. Sabi ni Elder Dallin H. Oaks, “Ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo—inaalis man nito ang ating mga pasanin o pinalalakas tayo upang matiis ito gaya ni Apostol Pablo—ay para sa lahat ng pagdurusa sa buhay” (“Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 8). Ang tunay na paggaling ay hindi makukumpleto hangga’t hindi tayo bumabaling sa Tagapagligtas.
-
Kailan kayo nakadama ng kapayapaan at pag-asa sa pamamagitan ng Tagapagligtas sa kabila ng mabibigat na pasanin?
-
Ano ang maaaring pumigil sa inyo para lumapit kay Cristo at sumampalataya sa Kanya upang mapagaling Niya kayo?
Pagbibigay ng Ating mga Pasanin sa Panginoon
Sa paglapit natin kay Cristo nang may pananampalataya at umaasa na papasanin Niya ang ating mabibigat na pasanin, maaari nating maranasan ang Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan. Ipinayo ni Elder Richard G. Scott, “Marami sa inyo ang nagdurusa nang walang katuturan mula sa mabibigat na pasanin dahil ayaw ninyong buksan ang inyong puso sa nakagagaling na kapangyarihan ng Panginoon. … Idulog ninyo ang pasanin sa paanan ng Tagapagligtas” (“Upang Maging Malaya sa Mabibigat na Pasanin,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 86, 88). Sabik ang Panginoon na pagpalain tayo. Makatatagpo tayo ng matinding lakas sa pagbibigay natin ng ating mga pasanin sa Panginoon, “umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas” (2 Nephi 31:19). Sa kasamaang-palad, maaari pa rin tayong magdusa dahil sa mga bunga ng mga maling pagpili ng ating mga mahal buhay. Gayunman, maaari nating matanggap ang Kanyang kapayapaan—ang kapayapaang iyon “na di masayod ng pagiisip” (Mga Taga Filipos 4:7)—sa kabila ng ating sitwasyon.
Kapag nagsisikap tayong lumapit kay Cristo at sumampalataya sa Kanya, bibigyan Niya tayo ng lakas na higit pa sa taglay natin. Sabi ni Jesus, “Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito’y lilipat; at sa inyo’y hindi may pangyayari” (Mateo 17:20). Kapag naaalala natin na ang ating Tagapagligtas ay nariyan para tulungan tayo, lalago at mag-iibayo ang ating simpleng pananampalataya. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, “Hindi mahalaga ang laki ng inyong pananampalataya o antas ng inyong kaalaman—ang mahalaga ay ang katapatan ninyo sa inyong pananampalataya at sa katotohanang alam na ninyo” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 94).
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ilatag sa paanan ng Tagapagligtas ang inyong mga pasanin?
-
Ano ang mga pasaning ilalatag ninyo sa Kanyang paanan?
Pag-unawa na ang Pagbabago ay Nangangailangan ng Panahon
Maaaring matagpuan natin ang ating sarili na naiinip para maganap ang mga pagbabago dahil ayaw na nating masaktan. Kahit ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang mapagaling at kinikilala natin na tinutulungan tayo ng Panginoon, alam pa rin natin na ang proseso ng pagpapagaling at paggaling ay nangangailangan ng panahon. Samantalang patuloy na umaasa para sa mga pagbabago sa malapit na hinaharap, kailangan din tayong maging handang tanggapin na ang ilang pagbabago ay maaaring tumagal nang habambuhay o higit pa. Sabi ni Elder Dallin H. Oaks, “Hindi lahat ng problema ay nadaraig at hindi lahat ng kailangang relasyon ay nakatuon sa buhay na ito. Ang gawain ng kaligtasan ay nagpapatuloy sa kabilang buhay, at hindi tayo dapat matakot nang husto sa kakulangan sa loob ng mga limitasyon ng mortalidad” (“Powerful Ideas,” Ensign, Nob. 1995, 26). Maaaring piliin ng mga mahal natin sa buhay na huwag magbago, maaaring nahihirapan silang maganyak na magbago, maaari silang magbalik sa dating adiksyon, at patuloy na matukso. Bagama’t kailangan nating bigyan sila ng panahon at puwang para magsisi, hindi natin kinukunsinti ang anumang uri ng mapang-abusong pag-uugali (tingnan sa alituntunin 8, “Maging Matibay at Matatag,” bahaging may pamagat na “Pagkilala na Hindi Natin Kailangang Tiisin ang Mapang-abusong Pag-uugali ng Ating mga Mahal sa Buhay”). May pagkakataon tayo na lubusang umasa at manalangin para sa mga mahal natin sa buhay, sinusuportahan sila habang umuunlad at lumalapit sila sa Tagapagligtas at humihiling na mapagaling.
-
Paano ka magkakaroon at magpapakita ng pananampalataya sa gitna ng paghihirap?
-
Paano ka matutulungan ng pananampalataya na gumaling kung bigo ang iyong mahal sa buhay na patuloy sa magpagaling?