Adiksyon
Alituntunin 6


“Ang Iyong mga Kaibigan ay Nakatayo sa Iyong Tabi,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Ang Iyong mga Kaibigan ay Nakatayo sa Iyong Tabi,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

dalawang babaeng magkayakap

Alituntunin 6

Ang Iyong mga Kaibigan ay Nakatayo sa Iyong Tabi

“Ang iyong mga kaibigan ay nakatayo sa iyong tabi, at ikaw ay kanilang muling ipagbubunyi nang may maiinit na puso at magigiliw na kamay” (D at T 121:9).

Paghingi ng Suporta sa Iba

Bukod pa sa pag-asa sa Panginoon, ang paghingi ng suporta sa iba ay makakatulong habang nahaharap tayo sa mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay. Hindi natin kailangang magdusang mag-isa. Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Lahat tayo’y susubukin. At kailangan nating lahat ng mga tunay na kaibigang magmamahal, makikinig, magpapakita ng halimbawa, at sasaksi sa katotohanan nang sa gayo’y mapanatili natin ang pagsama ng Espiritu Santo” (“Tunay na Magkaibigan,” Liahona, Hulyo 2002, 29). Ang pagbabahagi ng mga paghihirap natin ay isang karanasang hindi kaaya-aya at nakapanghihina. Marami sa atin ang nakadarama ng takot o nahihiya sa mga ginawang pagpili ng mga mahal natin sa buhay at ayaw ipaalam sa iba ang tungkol sa problema. Maaaring nag-aalala tayo na baka husgahan tayo o ang ating mga mahal sa buhay ng ibang mga tao. Maaaring hilingin ng nahihirapang mga mahal natin sa buhay na huwag ipagsabi ito kahit kanino, kahit pa sa mga lider ng simbahan. Gayunman, katanggap-tanggap at mahalaga na hingin ang tulong na kailangan o nais natin.

Gagabayan tayo ng Panginoon sa suportang kailangan natin. Nangako Siya, “Akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka” (Isaias 41:13). Nangako Siya na Kanyang “aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (D at T 112:10). Ito ang sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball kung paano madalas sagutin ng Diyos ang ating mga panalangin: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan”(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 100). Ang Diyos ay naglagay at maglalagay ng mga tao sa ating buhay upang tulungan at suportahan tayo sa oras ng ating mga pagsubok.

  • Sa palagay mo, anong suporta o tulong ang kailangan mo?

  • Paano ka hihingi ng suporta sa iba?

Paghahanap ng Tamang Suporta

Maaaring hindi laging maganda ang karanasan natin sa pagtulong sa iba. Bagama’t maaaring mahal tayo ng isang tao, maaari din siyang makatanggap ng maling impormasyon, maligaw ng landas, o hindi makatulong. Gayunman, ang isang hindi magandang karanasan ay hindi dapat pumigil sa atin sa paghahanap ng suportang kailangan natin. Mahalagang isaalang-alang kung anong resources o sinong mga tao ang nararapat pagkunan ng tulong, kailan at paano ibabahagi sa iba ang personal nilang mga paghihirap, at paano gumamit ng talino sa pagpapasiya kung ano ang ligtas na ibahagi. Kabilang sa ilang tanong na isasaalang-alang ang: Masusuportahan ba ako ng taong binabahaginan ko? Kapakanan ko ba at ng mga mahal ko sa buhay ang nasa puso niya? Pananatilihin ba niyang kumpidensyal ang impormasyon at hindi siya manghuhusga? Nasa hustong gulang ba siya at handang tumanggap ng impormasyon, o makakasama kaya ito sa kanya?

  • Anong mga bagay ang humahadlang sa paghingi mo ng suporta?

  • Sino sa pakiramdam mo ang dapat mong hingan ng suporta?

Pagtukoy sa mga Mapagkukunan ng Suporta

Isaalang-alang ang mga sumusunod na indibiduwal sa paghahanap mo ng kapanatagan at suporta.

Pamilya

Ang ating mga pamilya ay may potensyal na magbigay ng napakalaking pagmamahal at suporta. Ang isang dahilan kaya tayo binigyan ng Panginoon ng mga pamilya ay para may taong nakikinig at naririyan kapag parang wala nang ibang matatakbuhan. Ang pinagkakatiwalaang mga miyembro ng pamilya ay maaaring magbigay ng tibay at suportang kailangan natin sa patuloy na pagharap sa ating mga hamon nang may determinasyon.

Mga Kaibigan

Ang mga tunay na kaibigan ay nasa ating tabi sa mga panahon ng kagipitan. Nakikinig sila sa ating mga problema at karanasan nang may pang-unawa at pagmamahal. Nagbibigay sila sa atin ng mga ideya at mungkahi na maaaring hindi natin naiisip. Ang mga tunay na kaibigan ay sasabihin sa atin ang totoo kahit mahirap itong tanggapin, at igagalang nila ang ating kalayaang pumili at hindi tayo didiktahan kung paano tayo mamumuhay.

Mga Lider ng Priesthood at Relief Society

Ang ating mga lider ng priesthood at Relief Society ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga taong may wastong awtoridad (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5). Bilang mga kinatawan ng Panginoon, “magagamit nila ang kanilang panahon, kasanayan, talento, espirituwal at emosyonal na suporta, at mga panalanging may pananampalataya upang tulungan ang iba” (Handbook 2: Administering the Church [2010], 9.6.2). Nagbibigay ng patnubay at gabay ang ating Ama sa Langit sa ating mga lider para sa kapakanan natin. Ang mga bishop, lalo na, ay may mga susi ng priesthood at kapangyarihan ng Diyos para pagpalain tayo. Gayon pa man, kapag nakikipag-usap sa mga lider ng Simbahan, tandaan, dahil ang mga lider ay may iba’t ibang antas ng kaalaman, kinakailangang tulungan silang maunawaan kung ano ang pinagdaraanan natin.

Mga Tagapayo

Ang mga taong nagkaroon na ng mga karanasan sa mga mahal sa buhay na nakagawa ng mga maling pagpili ay maaaring magbigay ng mahalagang kaalaman at patnubay. Bagama’t hindi lahat ng bagay na naging mabisa para sa kanila ay magiging mabisa rin para sa atin, maaari pa rin tayong matuto mula sa kanilang karanasan. Matutulungan tayo ng kanilang mga kaalaman at pag-unawa na magkaroon ng higit na paggaling at kapayapaan.

Mga Support Group

Ang mga support group meeting ng Simbahan para sa mga asawa at pamilya ay libre at naglalaan ng kumpidensyal na mga tagpuan kung saan nagtitipon ang mga tao para magbahagi ng kanilang pananampalataya at pag-asa. Ang pagkakaroon ng ligtas na lugar para ibahagi ang ating mga nadarama nang hayagan at tapatan sa ibang tao na nakauunawa o nagdaraan din sa mga hamong tulad ng sa atin ay malaking pagpapala sa atin. Kung walang mga support group sa Simbahan, maaaring may ibang angkop na mga support group sa komunidad na maaari nating daluhan na makapagbibigay ng tulong na naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

Propesyonal na Tulong

Marami sa atin ang nahaharap sa emosyonal na mga hamon habang nagsisikap tayong magkaroon ng kapayapaan at paggaling. Kung maaaring magpa-therapy, ang isang mahabaging therapist na sumusuporta sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay maaari tayong tulungang harapin ang mga isyung hindi nalutas at tingnan ang mga ito nang may panibagong antas ng tapang o pananaw. Hindi lahat ay nangangailangan ng therapy, ngunit isa itong makakatulong na opsiyon na isasaalang-alang kapag sinisikap nating magkaroon ng tunay na kapayapaan at paggaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas. Ang mga bishop at iba pang mga lider ng Simbahan ay may access sa resources na makakatulong sa paghahanap ng propesyonal na tulong.

  • Anong mga uri ng suporta ang nakagawa ng malaking kaibhan sa iyo?

  • Anong klase ng suporta ang makakagawa ng malaking kaibhan sa buhay mo sa panahong ito?

  • Paano ka maaaring sumuporta sa ibang tao na dumaranas ng gayon ding mga paghihirap?

dalawang lalaking nakangiti

Ang ating mga pamilya ay may potensyal na magbigay ng napakalaking pagmamahal at suporta. Ang isang dahilan kaya tayo binigyan ng Panginoon ng mga pamilya ay para may taong nakikinig at naririyan kapag parang wala nang ibang matatakbuhan.