Adiksyon
Pambungad


“Pambungad,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Pambungad,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

landas sa mga puno

Pambungad

Ang gabay na ito ay nagbibigay ng resources at suporta sa mga asawa at miyembro ng pamilya ng mga taong nagpapakita ng mga mapaminsalang pag-uugali. Ang layunin ng gabay na ito ay bigyang-diin ang mga alituntunin ng ebanghelyo at doktrina na maaaring makatulong sa asawa o miyembro ng pamilya na magkaroon ng kapayapaan at paggaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Hindi kasama sa gabay na ito ang ipinag-uutos na listahan ng mga hakbang na hahantong sa paggaling ng lahat ng tao; sa halip, tutulungan ka nitong matutuhan at maisabuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Hindi mo kailangang pag-aralan ang mga alituntunin nang sunud-sunod, ngunit pag-aralan mo ang lahat ng alituntuning nasa gabay, na nakatuon sa mga tila pinakamahalaga sa iyo. Habang pinag-aaralan mo ito, magagabayan ka ng Espiritu na ipamuhay ang mga alituntuning ito sa paraan na mas magiging kapaki-pakinabang at naaangkop sa iyong sitwasyon. Sa prosesong ito, mas mauunawaan mo ang mga alituntunin ng ebanghelyo, malalaman mo ang partikular na mga ideya na makakatulong sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay, at magkakaroon ng higit na kapayapaan at paggaling.

Pagkakaroon ng Pag-asa

Kung mayroon kang isang mahal sa buhay na nalulong sa mga mapaminsalang pag-uugali, maaari kang panghinaan ng loob, masaktan, o mawalan ng pag-asa. Maaari kang mag-alala tungkol sa mabibigat na bunga na tila nakalukob sa iyo at sa iyong mahal sa buhay. Marahil nag-aalala ka lamang at nais mong makatulong. Anuman ang katayuan mo, “sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari” (Mateo 19:26). Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Maaaring nadarama ng ilan sa inyo na unti-unti kayong naaapektuhan ng kadiliman. Maaaring kayo ay nag-aalala, nangangamba, o nagdududa. Sa inyo at sa ating lahat, uulitin ko ang napakaganda at tiyak na katotohanan: Ang liwanag ng Diyos ay tunay. Ito ay maaaring mapasalahat! Ito ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay [tingnan sa D at T 88:11–13]. May kapangyarihan itong pawiin ang kirot ng pinakamalalim na sugat. Mapapagaling nito ang kalungkutan at karamdaman ng ating kaluluwa. Sa sandali ng kawalan ng pag-asa, makapagbibigay ito sa atin ng liwanag ng pag-asa. Makapagbibigay ito ng liwanag maging sa pinakamatinding kalungkutan. Matatanglawan nito ang landas sa ating harapan at aakayin tayo sa pinakamadilim na gabi tungo sa pangako ng bagong bukang-liwayway” (“Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 75).

Pagkakaroon ng Kapayapaan sa Pamamagitan ng Paglapit sa Tagapagligtas

Madalas na itinutuon natin nang husto ang ating pagsisikap sa pagtulong sa mga mahal natin sa buhay. Gayunman, kailangan din natin ang tulong ng Panginoon, at tinatawag Niya tayo na lumapit sa Kanya at mapagaling (tingnan sa 3 Nephi 9:13). Dapat nating maging prayoridad ang personal na paglapit sa Panginoon. Dapat nating ilatag sa Kanyang paanan ang ating mga pasanin, umasa tayo sa Kanyang nagpapalakas na kapangyarihan, at matiyagang maghintay sa Kanya. Kapag ginawa natin ito, tutulungan Niya tayo, at mararanasan natin ang Kanyang liwanag at pag-asa sa ating buhay. Ito ang maglalagay sa atin sa mas magandang posisyon para masuportahan ang mga mahal natin sa buhay. Anuman ang piliin nilang gawin, ang kapayapaan at pag-asa ng Tagapagligtas ay mapapasaatin. Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter: “Ang kapayapaan ay darating lamang sa isang tao sa pamamagitan ng walang-kundisyong pagpapasakop—pagpapasakop sa kanya na Prinsipe ng Kapayapaan, na may kapangyarihang magkaloob ng kapayapaan. Maaaring nakatira ang isang tao sa maganda at payapang kapaligiran ngunit, dahil may mga pagtatalo sa loob, magkakaroon palagi ng kaguluhan. Sa kabilang banda, maaaring nasa gitna ng lubos na pagkalipol at pagdanak ng dugo sa digmaan ang isang tao subalit mayroon pa ring katahimikan ng di-masambit na kapayapaan. Kung aasa tayo sa tulong ng tao at sa mga paraan ng mundo, ang matatagpuan natin ay kaguluhan at pagkalito. Kung babaling lang tayo sa Diyos, makasusumpong tayo ng kapayapaan para sa naliligalig na kaluluwa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter [2015], 59, 62). Ang ating paglalakbay tungo sa paggaling at kapayapaan ay nagsisimula sa pagbaling ng ating puso at kalooban sa Tagapagligtas.

Pag-asa sa Tagapagligtas

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na lahat tayo ay responsable at mananagot sa sarili nating mga gawa—hindi dahil sa mga gawa ng iba. Upang ganap na gumaling, dapat nating alisin sa ating sarili ang anumang balakid ng pagkakasala at papanagutin ang mga mahal natin sa buhay sa kanilang mga pagpili. Natural lamang na madama natin na kahit paano’y may kasalanan tayo sa mga maling pagpiling ginawa ng ating mga mahal sa buhay, ngunit ang damdaming iyon ay hindi tumpak. Maaari nating ikabalisa ang mga bagay na disin sana’y mas mabuti o iba ang ginawa natin. Maaari tayong mag-akala na kaya sana nating pigilang mangyari ang mga maling pagpili. Ngunit ang totoo, tayo ay walang pananagutan sa mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay. Tayo ay responsable lamang sa paraan ng pagtugon natin sa kanilang mga pagpili.

Mahalagang bahagi ng pagpapagaling ang matanggap at maunawaan natin na responsable ang mga mahal natin sa buhay sa sarili nilang pagbuti at pagpapagaling. Napakadalas na mali ang palagay natin na kailangan nating ayusin ang kanilang mga problema para sa kanila. Marahil ay natatakot tayo na kung hindi natin kokontrolin ang sitwasyon, patuloy itong lalala. Bagama’t nakakatulong ang ating mga pagsisikap—at nakapagliligtas pa nga ng buhay kung minsan—ang ating mga mahal sa buhay ang dapat lumapit sa Tagapagligtas, magsisi, maging malinis, at tanggapin ang pagpapagaling mula sa Kanya. Totoong hindi natin magagawa iyan para sa kanila, at ang mga pagtatangka nating pilitin o kontrolin ang kanilang mga pagpili ay maaari talagang makahadlang o makaantala sa kanilang paggaling. Kapag naunawaan natin na hindi tayo responsable at hindi natin kayang itama ang mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay, isang mahalagang hakbang na ang nagawa natin sa sarili nating paggaling.

Malugod na Ginagawa ang Lahat ng Ating Makakaya

Noong nagtitiis ng mga pagsubok at pag-uusig ang mga naunang Banal, pinayuhan sila ni Propetang Joseph Smith: “Samakatwid, … ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:17). Tulad ng mga naunang Banal na nagtiyaga, marami tayong magagawa kung matiyaga tayong kikilos upang mapabuti ang ating sitwasyon at tulungan ang mga mahal natin sa buhay. Maaari tayong humingi ng suporta mula sa iba, dumalo sa mga support group meeting, matuto pa tungkol sa mga mapaminsalang pag-uugali at pagpapagaling, at magtakda ng mga hangganan at limitasyon para hindi natin makunsinti ang mga maling pagpili ng mga mahal natin sa buhay. Bukod pa rito, matututuhan natin kung paano umasa sa Panginoon, kahit pakiramdam natin ay maaaring madurog ang ating puso. Kapag ginawa natin ang ating tungkulin, iuunat ng Panginoon ang Kanyang kamay at aayusin ang ating sitwasyon at buhay nang higit kaysa magagawa nating mag-isa.

Pagtanggap ng Putong na Bulaklak Kapalit ng mga Abo

Maaaring mahirap paniwalaan na ang ating mga pasakit, kalungkutan, pag-aalala, at galit ay mapapagaling. Ngunit itinuro ng propetang si Isaias, “Sinugo ako … [ng Panginoon] … upang iukol sila na nagsisitangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob” (Isaias 61:1, 3). Kapag bumaling tayo sa Panginoon, ang kapayapaan at kapanatagang inaalok Niya sa atin ay tunay na makagagawa ng mga himala. Maaaring hindi natin ipagpasalamat ang pasakit at paghihirap, subalit madarama natin ang kagalakan at pasasalamat habang nagiging pamilyar tayo sa pag-ibig at nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng mahihirap na karanasan. Magagamit ng Tagapagligtas ang ating mga pagsubok upang dalisayin ang ating puso (tingnan sa Mosias 4:2) at bigyan tayo ng putong na bulaklak kapalit ng mga abo. Maaari tayong magpatuloy nang may pananampalataya na ang ating kasalukuyang mga pagsubok, at lahat ng pagsubok natin sa mortalidad, “ay magbibigay sa [atin] ng karanasan, at para sa [ating] ikabubuti” (D at T 122:7).

Pag-unawa Kung Paano Inorganisa ang Bawat Bahagi ng Gabay na Ito

Bawat bahagi ng gabay na ito ay inorganisa sa mga pangunahing subsection na nakabalangkas sa ibaba.

Pangunahing Alituntunin

Ang bahaging ito ay naglalahad ng isang mahalagang alituntunin ng ebanghelyo o ideya at may mga tanong na tutulong sa iyo na isipin kung paano mas magagamit ang alituntunin o ideyang iyon sa buhay mo.

Pag-aaral ng Ebanghelyo

Ang bahaging ito ay naglalaman ng karagdagang mga banal na kasulatan at mensahe sa Simbahan para sa personal na pag-aaral. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa iyo ng lahat ng bagay na dapat mong gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:3).

Personal na Pag-aaral at Pagsasabuhay

Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga aktibidad na ginawa upang tulungan kang pag-aralan at isabuhay ang mga alituntuning ito. Ang layunin nito ay bigyan ka ng mga oportunidad na pagnilayan at pag-aralan ang mga alituntunin ng ebanghelyo at kung paano partikular na naaangkop ang mga ito sa iyo. Habang nag-aaral ka, magsulat sa journal ng iyong mga naiisip, nadarama, at impresyon.

Pag-unawa Kung Paano Gamitin ang Gabay na Ito

Ang gabay na ito ay ginagamit sa mga support group meeting ng mga asawa at pamilya at magagamit din sa personal na pag-aaral. Matutulungan ka ng pagdalo sa mga support meeting na makahanap ng higit na kapayapaan at pag-asa. Bisitahin ang arp.lds.org para sa iba pang impormasyon.

Paghahanap ng Resources Online

Sa buong Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling, makikita mo ang mga reperensya sa mga talata sa banal na kasulatan, mga mensahe sa kumperensya, at materyal ng media. Para ma-access ang materyal na ito online, magpunta sa arp.lds.org/spouses-and-families at hanapin ang mga link sa materyal sa online version ng gabay.