Adiksyon
Apendiks


“Apendiks,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Apendiks,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

Apendiks

Suporta sa Pagrekober

Mga Mapagkukunan ng Suporta para sa mga Kalahok at Miyembro ng Pamilya

Ang pagtanggap ng pagmamahal at suporta mula sa iba ay mahalaga upang matulungan kang mapaglabanan ang mga nakapipinsalang pag-uugali. Sa pakikipag-ugnayan sa iba, hindi lamang pangangalaga na iyong kailangan ang nakukuha mo kundi nakakatulong din ito na maalala mo na ikaw ay karapat-dapat mahalin bilang anak ng Diyos. Sa paghingi mo ng tulong sa iyong mga kapatid sa Simbahan, tinutulutan mo silang maipadama sa iyo ang mga katangiang tulad ng kay Cristo sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iyo. Sa paggawa nila nito, sinusunod nila ang payo ng Tagapagligtas na “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (D at T 81:5).

Sa paggawa mo ng 12 hakbang ng paggaling at paghingi ng suporta mula sa iba, makakatulong sa iyo ang sumusunod na mga mapagkukunan ng suporta:

  1. Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo. Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ang pinakamalaking mapagkukunan mo ng suporta. Ang lubusang paggaling ay mangyayari dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Sa Aklat ni Mormon, ibinahagi ng propetang si Alma na “dadalhin [ni Cristo] ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:12). Madarama mo na ikaw ay tinutulungan at pinangangalagaan kapag mapagpakumbaba kang lumalapit sa iyong Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Mahalagang huwag kalimutan ang tulong ng Tagapagligtas. Itinuro na Niya sa atin, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Ang Espiritu Santo ay makapagbibigay sa atin ng kapanatagan, kapayapaan, at espirituwal na lakas upang patuloy na sumulong.

  2. Mga miyembro ng pamilya. Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring pagmulan ng pagmamahal at pagtanggap at pamumuhay ng 12 hakbang at ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang sariling buhay. Lahat ay makikinabang sa pag-aaral at pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo sa Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon at sa Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling. (Paalala: Maaaring ipasiya ng mga kalahok na huwag nang ikuwento ang kanilang mga personal na imbentaryo sa kanilang pamilya o sa mga tao na maaaring masaktan kapag narinig ang mga imbentaryong iyon. Bagama’t hindi lahat ng miyembro ng pamilya ay nanaising makapagpanatag ng loob, ang makagagawa nito ay pagpapalain sa paggawa nito.)

  3. Mga Kaibigan. Mamahalin at susuportahan ka ng iyong mga kaibigan kapag sinabi mo sa kanila ang tungkol sa paghihirap na iyong pinagdaraanan, ipagtapat mo man sa kanila o hindi ang iyong mga problema. Ang kanilang tapang ay makakatulong sa iyo upang iyong malaman na kailangan mo nang magbago at ito ang maghihikayat sa iyo na simulan ang pagpapagaling. Kapag mapagmalasakit na tinulungan ka nila sa mga paghihirap mo, maaari nitong ipaalala ang iyong kahalagahan.

  4. Mga lider ng Simbahan. Ang mga lider ng simbahan ay makapagbibigay ng kinakailangang suporta sa iyong pagpapagaling. Huwag mong kalimutan o maliitin ang kakayahang matulungan ka ng mga priesthood leader. “Bagama’t tanging Panginoon lamang ang makapagpapatawad sa mga kasalanan, mahalaga ang papel ng mga lider ng priesthood na ito [mga bishop at branch, stake, at mission president] sa proseso ng pagsisisi” at paggaling (tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 156). Ngunit hindi lamang mga priesthood leader ng stake o ward ang sumusuporta sa iyo, papatnubayan at pangangalagaan ka rin ng matapat na quorum leader, Relief Society leader, o home o visiting teacher. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith, “Wala akong alam na anupamang tungkulin na higit na banal, o higit na kinakailangan, kung ginagawa ito nang wasto, maliban sa mga tungkulin ng mga guro na dumadalaw sa mga tahanan ng mga tao, na nananalangin na kasama nila, na nangangaral sa kanila na magpakabuti at maging marangal, na magkaisa, at magmahalan, at magkaroon ng pananampalataya at katapatan sa layunin ng Sion” (sa Conference Report, Abr. 1915, 140). Itinuro din ni Elder L. Tom Perry, “Ang home teacher ang unang taong nakatakda upang bantayan at palakasin ang [pamilya]” (“Home Teaching—a Sacred Calling,” Ensign, Nob. 1978, 70).

  5. Mga recovery meeting. Ang mga recovery meeting ay nagbibigay ng suporta sa konteksto ng isang grupo. Kabilang sa mga missionary o boluntaryo ng LDS Family Services, mga facilitator na may karanasan sa paggaling, at iba pang mga tao na isinasabuhay ang mga alituntunin ng paggaling. Sa mga miting na ito, naririnig ng mga kalahok na inilalarawan ng iba kung paano nila isinasabuhay ang mga alituntunin at gawain ng paggaling. Ang pagbabahagi ng mga personal na karanasan sa paggaling ay makakatulong sa inyong paggaling at magbibigay sa inyo ng pag-asa na gagaling kayo.

  6. Mga professional counselor. Ang mga counselor ang madalas na hinihingan ng kaalaman at pananaw para sa mga may problema sa mga pagpapasiya na nakakasira sa kanilang sarili. Kapag naghahanap ng propesyonal na tulong, dapat piliin ng mga miyembro ng Simbahan ang isang taong sumusuporta sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

  7. Support people. Ang support people ay mga taong handa kayong samahan habang sinisikap ninyong magkaroon ng kapayapaan. Higit na makakatulong ang support person na may karanasan sa 12 hakbang sa paggaling dahil napaglabanan niya ang pagkakaila at iba pang mga hamon. Dahil sa karanasang iyon, karaniwan ay nalalaman ng support person kung hindi nagsasabi ng totoo ang mga may mapaminsalang pag-uugali at nauunawaan ang iba pang mga paghihirap na kanilang dinaranas. Tinutulungan ng support people ang mga taong nagpapagaling na ilagay “sa tamang perspektibo ang buhay [nila] at [iwasang] palakihin o paliitin ang pananagutan [nila]” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 30). Kapag ang support person ay isang taong nagsikap nang gumaling mula sa isang mapaminsalang pag-uugali, ang nagbibigay at tumatanggap ng suporta ay kapwa pinagpapala na umusad sa kanilang paggaling. Ang pagbibigay at pagtanggap ng suporta ay isa sa mga pakinabang ng paglahok sa addiction recovery program at makakatulong na maiwasan ang mga pagbalik sa adiksyon.

Ang Kahalagahan ng Support People

Ang suporta sa paggaling mula sa mga mapaminsalang pag-uugali ay napakahalaga, at ang pagkakaroon ng support person na masasandigan mo ay mahalagang bahagi ng pagtanggap sa suportang iyon. Madalas na binigyang-diin ni Pangulong Gordon B. Hinckey ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang taong malalapitan sa anumang sitwasyon sa buhay. Pinayuhan niya ang mga miyembro na magkaroon ng “isang kaibigan sa Simbahan na lagi ninyong malalapitan, na susuporta sa inyo, na sasagot sa inyong mga tanong, at uunawa sa inyong mga problema” (“Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa: Sa mga Bagong Miyembro ng Simbahan,” Ensign o Liahona, Okt. 2006, 4). Kailangan ng mga taong nagpapagaling mula sa mga mapaminsalang pag-uugali ang gayong klaseng kaibigan. Bukod pa rito, ipinayo ni Pangulong Hinckley: “Gusto kong sabihin sa inyo, humanap ng mga kaibigan sa mga miyembro ng Simbahan. Magsama-sama at palakasin ang isa’t isa. At kapag dumating ang oras ng tukso may masasandigan kayo na magpapala at magpapalakas sa inyo kapag kailangan ninyo ito. Iyan ang layunin ng Simbahang ito—para magkatulungan tayo sa mga oras ng kahinaan at makatayo nang tuwid at tunay at mabuti” (mensaheng ibinigay sa regional conference para sa Eugene, Oregon, Set. 15, 1996; sa “Excerpts from Recent Addresses of President Gordon B. Hinckley,” Ensign, Hulyo 1997, 73). Itinuro din ni Pangulong Thomas S. Monson: “Mapalalakas natin ang bawat isa; may kakayahan tayong pansinin ang mga napabayaan. Kapag may mata tayong nakakakita, taingang nakakarinig, at pusong nakababatid at nakadarama, kaya nating abutin at iligtas ang mga taong nasa pananagutan natin” (“Ang Tawag na Maglingkod,” Liahona, Ene. 2001, 47).

Ang pagpapagaling ay nangangailangan ng lubos na katapatan. Ang pagkakaila at kusang paglayo ay mga palatandaan ng mga maling pagpapasiya. Madaling magkaroon ng mga pag-uugaling ito kapag walang suporta at pananaw ng iba, at nagiging hadlang sa tuluy-tuloy at lubusang paggaling. Mahalagang hingin ang tulong ng angkop at epektibong mga taong sumusuporta sa lalong madaling panahon. “Sa mapagpakumbaba at tapat na paghingi ng tulong sa Diyos at sa ibang tao, mapaglalabanan mo ang [iyong mga kahinaan sa tulong ng Tagapagligtas]” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, vi).

Pagpili ng Support Person

Sa programa ng Simbahan, tulad ng iba pang mga programa ng 12 hakbang sa paggaling, hindi ka binibigyan ng partikular na support people. Ikaw mismo ang magpapasiya kung kailan at kung kanino ka hihingi ng suporta. Sa una, maaaring mahirap humingi ng tulong sa pamilya o mga kaibigan; maaaring mas madaling makakita ng isang tao sa isang recovery meeting na maaasahan mong sumuporta sa iyo. Kadalasan, mas magiging madali ang iyong paggaling kung mas maraming sumusuporta sa iyo. Sa sandaling matukoy mo ang isang potensyal na support person, maaari kang mahiya o matakot na hingan siya ng tulong. Gayunman, kapag ginawa mo ito, magugulat ka sa pagmamahal at pagtanggap na iyong madarama. Kapag mas nakikipag-ugnayan ka sa iba, mas marami kang pagkakataon na makatanggap ng pagmamahal at mauunawaan mo na ikaw ay karapat-dapat dito.

Sa pagpili ng support person, nagbabala ang Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon na, “Huwag magkwento ng napakaselang impormasyon sa mga taong sa hinala mo ay hindi ka magagabayan nang tama, magbibigay ng maling impormasyon, o hindi marunong magtago ng mga kumpidensyal na bagay. [Ang support person] ay dapat na lubos na mapagkakatiwalaan sa salita at sa gawa” (31). Ang ilan sa mga pinakaepektibong support people ay ang mga ganap na aktibo sa Simbahan at pinagsikapan nang gawin ang bawat isa sa 12 hakbang upang madaig ang mga pag-uugaling ito. Sa paghahanap ng suporta, mahalagang makakita ng mga taong natanggap ang kanilang mga kahinaan, naipagtapat ang mga ito, at napaglabanan ang mga ito sa maraming paraan, lalo na sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa mga ginagawa nilang ito, naipapakita nila na gusto nilang mapagaling nang lubusan. “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:43).

Ang support person na nadaig na ang kanyang sariling mga kahinaan ay mauunawaan ang pinagdaraanan ng iba. Bukod dito, ang mga taong nakatapos na o kasalukuyan pang tinatapos ang programa, ay may “mensahe ng pag-asa para sa ibang may mga adiksiyon … na nais ng espirituwal na pamamaraan upang mabago ang kanilang buhay. … Maibabahagi [nila] nang lubos ang mensaheng ito sa pamamagitan ng [kanilang] paglilingkod sa iba” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 76). Naiintindihan ng mga gumaling na ang nararanasan ng mga nahihirapan at maaari silang maging halimbawa at tulungan ang mga kalahok sa paggamit ng mga pamamaraan ng paggaling.

Dapat kang pumili ng support people na kapareho mo ang kasarian (kung hindi kayo magkamag-anak). Sa simula ng pagpapagaling, maaaring maging mahina at marupok ka sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na aspeto. Iwasang magkaroon ng di-tamang relasyon sa support person.

Paano Maging Epektibong Support Person

  1. Maging aktibong kalahok sa personal na paggaling. Ang mga mungkahi mo bilang support person ay kasing-epektibo lamang ng iyong personal na pag-aaral, pag-unawa, at pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Kapag sinikap mo bawat araw na hubarin ang pagiging likas na tao at naging banal ka sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala (tingnan sa Mosias 3:19), ang iyong halimbawa ay makakatulong nang malaki sa mga taong humihingi ng patnubay at pagpapalakas mula sa iyo. Ang halimbawang ipinapakita mo sa iyong paghingi ng tulong sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay mas mahalaga kaysa anumang maibabahagi mo sa mga kalahok sa programa.

  2. Maging mapagpakumbaba. Ipinaliwanag ng Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon na, “Huwag mong isipin na mas magaling o mas mabait ka kaysa sa iba. … Huwag mong kalimutan ang pinagdaanan mo at kung paanong ikaw mismo ay naligtas dahil sa biyaya ng Diyos” (77). Itinuturo din nito, “Sa paglilingkod mo sa iyong kapwa, pananatilihin mo ang kababaang-loob sa pagtutuon sa mga alituntunin ng ebanghelyo at kaugalian na iyong natutunan” (76).

  3. Igalang ang kalayaang pumili ng iba. Bilang support person, hindi ka dapat “magbigay ng payo o subukang itama ang buhay [ng iba] sa anumang paraan. Ipaalam lamang sa [iba] ang programa at mga espirituwal na alituntunin na nakatulong sa buhay mo” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 76). Kapag ipinaalam mo sa iba ang mga makakatulong na alituntunin at gawain at hinayaan silang magpasiya sa sarili nila, ipinapakita mo na iyong iginagalang ang kanilang sagradong kalayaan.

  4. Isaalang-alang ang iba mo pang mga personal na pangako. Hindi ibig sabihin na kapag pumayag ka na maging support person ay doon mo na iuukol ang lahat ng oras mo. Maaari kang mabigay-halimbawa sa kahalagahan ng paglalagay ng mga tamang hangganan sa pagtupad sa iba mo pang mga pangako, kabilang na sa iyong pamilya, sa Simbahan, sa trabaho, at sa sarili mo.

  5. Maglingkod nang hindi iniisip ang sarili. Ang paglilingkod nang hindi iniisip ang sarili ay hindi naghihintay ng anumang kapalit. Iwasang maghangad ng papuri, paghanga, katapatan, o iba pang makabagbag-damdaming gantimpala mula sa mga pinaglilingkuran mo. “Magbigay nang taos-puso, nang walang hinihintay na kapalit” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 76).

  6. Magtiyaga. Ang nararanasan ng bawat taong nagpapagaling ay naiiba. Maaaring hindi pa handang magbago ang taong tinutulungan mo. Maaaring balikan pa rin niya ang masasamang gawi at hindi kaagad sumunod sa mga alituntunin at gawain sa pagpapagaling. Alalahanin na “karamihan sa amin ay hinihintay munang danasin ang ‘pinakamiserableng sitwasyon’ bago kami naging handang pag-aralan at ipamuhay ang mga alitutuning ito” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 76).

  7. Magbigay ng magiliw ngunit maigting na paghihikayat. Ang epektibong suporta ay dumarating “sa pamamagitan ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya” (D at T 121:41–42).

  8. Unahin ang Diyos bago ang sarili. Palaging tandaan na umasa sa Diyos kapag sumusuporta, at ipaalala sa mga sinusuportahan mo na gayon din ang gawin. “Kapag may ginagawa ka para sa isang tao o ibinabahagi mo ang mensahe ng pag-asa at paggaling, hindi mo dapat hayaang umaasa nang labis sa iyo ang ibang tao. Ang iyong responsibilidad ay hikayatin ang ibang dumaranas ng paghihirap na lumapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas upang magabayan at mabigyan ng lakas” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 77). Ang tungkulin mo ay ibahagi kung paano ka pinagpala ng pananampalataya at pag-asa upang maalalayan mo ang mga taong iyong sinusuportahan sa pagdaan sa 12 hakbang ng paggaling upang kanilang madama na sila ay minamahal at sinusuportahan ng biyaya ng Diyos.

  9. Maging madasalin. Sa tuwing magbibigay ka ng suporta, humingi ng tulong sa Ama sa Langit na malaman kung alin sa mga alituntunin o gawain sa 12-hakbang na programa ang higit na makakatulong para sa kasalukuyang mga pangangailangan ng kalahok. “Ipagdasal palagi kung paano ka maglilingkod at laging hilingin na gabayan ka ng Espiritu Santo. Kung gugustuhin mo, marami kang makikitang oportunidad na maibahagi ang mga alituntuning natutunan mo” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 76).

  10. Magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ibahagi kung paano ka natulungan ng ebanghelyo na mapaglabanan ang iyong mga kahinaan. “Ikuwento ang ilan sa mga [karanasan] mo upang malaman [ng iba] na naiintindihan mo ang kanilang pinagdaraanan” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 76). Maaari ka ring magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan. “Ang mensahe ay ang Diyos ay Diyos ng mga himala sa simula pa man (tingnan sa Moroni 7:29). Patunay nito ang buhay mo. Nababago na ang iyong pagkatao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. … Ang pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa Kanyang awa at biyaya ay isa sa pinakamahahalagang paglilingkod na maibibigay mo” (Addiction Recovery Program: Gabay sa Pagrekober at Paggaling Mula sa Adiksiyon, 76).

  11. Magtago ng mga kumpidensyal na bagay. May responsibilidad ka na protektahan ang privacy ng iba. Ang anonymity at confidentiality ay mga napakahalagang alituntunin sa addiction recovery program, at nakahihikayat ang mga ito ng pagtitiwala.