Resources para sa Pamilya
Aralin 4: Pagtugon sa mga Hamon sa Pagsasama ng Mag-asawa


Aralin 4

Pagtugon sa mga Hamon sa Pagsasama ng Mag-asawa

Layunin

Upang tulungan ang mga kalahok na matutuhan na ang mga mag-asawa ay dapat magtulungan sa pagharap sa mga hamon at na maaari nilang piliing tumugon nang may pagtitiyaga at pagmamahal sa halip na tumugon nang may pagkabigo o galit.

Paghahanda

  1. Repasuhin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito). Humanap ng mga paraan upang maipamuhay ang mga alituntuning ito sa inyong paghahanda sa pagtuturo.

  2. Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag, na nagbabalangkas sa mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning ito sa buong linggo, na hinahangad ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.

  3. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa pahina 24 upang maging handa kayong mangasiwa ng talakayan tungkol sa mga ito.

Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin

Lahat ng mag-asawa ay makararanas ng mga paghamon.

Ibahagi ang sumusunod na kuwentong isinalaysay ni Elder Bruce C. Hafen ng Pitumpu:

“[Isang] babaeng ikakasal ang buong kagalakan na napabuntung-hininga sa araw ng kanyang kasal, ‘Inay, nasa dulo na ako ng lahat ng aking problema!’ ‘Oo nga,’ sagot ng kanyang ina, ‘pero aling dulo?’ (sa Conference Report, Okt. 1996, 34; o Ensign, Nob. 1996, 26).

  • Ano ang ilang suliranin o di-pagkakasundo na maaaring dumating sa isang mag-asawa? (Pag-isipang isulat sa pisara ang mga sagot ng mga kalahok. Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng mga nakalista sa ibaba.)

    1. Mga pagtatalo

    2. Pagkamakasarili

    3. Nasaktang damdamin

    4. Karamdaman

    5. Kawalan ng anak

    6. Pagtanda

    7. Mga miyembro ng mag-anak na may kapansanan

    8. Pagsisikap na makatagpo ng kaganapan kapag nagsilayo na ang mga anak sa tahanan

    9. Kamatayan ng mga mahal sa buhay

    10. Problema sa pananalapi

    11. Mga suwail na anak

    12. Mga kapahamakang dulot ng kalikasan

Bigyang-diin na ang ilang hamon ay dumarating bilang bunga ng mga di-pagkakasundo sa ugnayan ng mag-asawa. Ang iba ay likas na dumarating sa buhay.

Malalampasan ng mga mag-asawa ang anumang hamon kung ituturing nilang isang pakikipagtipan ang pag-aasawa.

Ipaliwanag na iba-iba ang magiging tugon ng mga mag-asawa sa mga hamon ayon sa kung paano nila itinuturing ang kanilang ugnayan bilang mag-asawa. Isulat sa pisara ang mga salitang kontrata at tipan.

Ipaliwanag na ang kontrata ay isang kasulatan ng kasunduan sa pagitan ng dalawang tao o grupo ng mga tao. Ipinatutupad ito sa pamamagitan ng mga batas ng lupain. Ang tipan ay kahalintulad ng kontrata ngunit higit na malawak ang sakop nito. Ang salitang tipan kung minsan ay tumutukoy sa isang kasunduan sa pagitan ng mga tao, ngunit sa pakahulugan ng ebanghelyo ito ay tumutukoy sa isang kasunduan sa pagitan natin at ng Panginoon. Sa isang tipan, ang Panginoon ang nagtatakda ng mga kasunduan at nangangako tayong tutuparin ang mga ito (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” 248). Kapag tinutupad natin ang ating mga pangako, kailangang tuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako (tingnan sa D at T 82:10).

Bigyang-diin na itinuturing ng maraming tao sa lipunan ngayon ang kasal bilang isang kontrata lamang. Hilingin sa mga kalahok na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong nang hindi sumasagot nang malakas:

  • Kapag dumarating ang mga suliranin sa isang mag-asawa, ano ang maaaring gawin ng mag-asawa kung itinuturing nilang isang kontrata ang kanilang ugnayan? Ano ang gagawin nila kung ituturing nilang isang tipan ang kanilang ugnayan?

    Napuna ni Elder Bruce C. Hafen ng Pitumpu na: “Kapag dumarating na ang mga suliranin, ang magkabilang panig sa isang kinontratang kasal ay naghahanap ng kaligayahan sa pamamagitan ng paghihiwalay. Nagpapakasal sila upang makinabang at mananatili lamang hanggang nakakamtan nila ang napagkayarian nila. Samantalang kapag dumarating na ang mga suliranin sa isang kasal sa tipan, pinagsisikapan ng mag-asawa na malampasan ito… . Ang magkasama sa kontrata ay nagbibigay ng tig-50 porsiyento; ang magkasama sa tipan ay nagbibigay ng tig-100 porsiyento. Ang kasal ay likas na isang tipan, hindi isang pribadong kontrata lamang na maaaring kusang pawalan ng bisa ninuman” (sa Conference Report, Okt. 1996, 34; o Ensign, Nob. 1976, 26).

Kapag dumarating ang mga hamon, maaari nating piliing tumugon nang may pagtitiyaga at pagmamahal sa halip na tumugon nang may pagkabigo o galit.

Bigyang-diin na bagama’t hindi maiiwasan ng mga mag-asawa ang ilang hamon, mapipili nila kung paano tumugon sa mga paghamon. Ipinaliwanag ni Elder Lynn G. Robins ng Pitumpu: “Walang sinumang nagpapagalit sa atin. Hindi tayo pinagagalit ng iba. Walang pamimilit na nangyayari. Ang pagkagalit ay isang pinag-isipang pagpili, isang pasiya; samakatwid, maaari nating piliing huwag magalit. Tayo ang pumipili!” (sa Conference Report, Abr. 1998, 105; o Ensign, Mayo 1998, 80).

Bigyang-diin na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kalayaang pumili—ang kapangyarihang pumili at kumilos para sa ating sarili. Magagamit natin ang ating kalayaang pumili sa pamamagitan ng pagpili na maging matiyaga at mapagmahal kapag dumarating ang mga hamon.

Hayaang maghalinhinan ang mga kalahok sa malakas na pagbasa ng sumusunod na mga banal na kasulatan. Habang nagbabasa sila, hikayatin silang talakayin ang mga paraan kung paano naaangkop ang mga banal na kasulatang ito sa mga mag-asawa habang tumutugon sila sa mga hamon sa mag-asawa at sa araw-araw na buhay.

  • Kapag nadarama nating nabibigo o nagagalit tayo, ano ang magagawa natin upang mapaglabanan ang mga damdaming ito? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng mga nakalista sa ibaba.)

    1. Ilayo natin ang ating sarili sa sitwasyon hanggang sa pumayapa tayo.

    2. Manalangin para sa tulong at patnubay.

    3. Sa isang pagtatalo, mag-ukol ng oras upang isaalang-alang ang mga layunin at damdamin ng kabilang panig.

    4. Humingi ng tulong sa mga lokal na pinuno ng Simbahan at, kung kinakailangan, sa mga propesyonal na tagapayo na ang mga pananaw at ginagawi ay naaakma sa mga turo ng Simbahan.

Upang ilarawan na ang mga mag-asawa ay makapipili ng paraan kung paano sila tutugon sa mga hamon, basahin ang sumusunod na kuwento. Ipaliwanag na ito ay isang halimbawa ng maliliit, at pang-araw-araw na mga hamon na maaaring mangyari sa pagsasama ng isang mag-asawa.

“Ang araw na iyon ay tulad ng dati. Kahit gaano pa kadami ang ginawa niya sa maghapon, hindi pa rin magampanan ni Delia ang mga pangangailangan ng kanyang mag-anak. Ang kanyang kapitbahay, na mas marami pang anak sa kanya, ay parang napakasaya pa kaya nagsimulang pagdudahan ni Delia ang sarili niyang kakayahan bilang isang babae, asawa, at ina.

“Mas matindi ang gutom ni Ben ngayong papauwi kaysa dati. Kinailangang bumiyahe siya ng karagdagang 129 kilometro upang maghatid ng kagamitang pambukid, ngunit ngayon ay pagod siya. Lagi nang mas masarap makauwi. Kapayapaan. Pagkain. Pahinga.

“Narinig ni Delia ang kotse ni Ben na papasok sa garahe at sumulyap sa orasan. Naku! Mag-aalas-siyete na ng gabi? Paano na ngayon? Gusto niyang maihanda na ang hapunan, pero. …

“Narinig niyang bumubukas ang pinto habang nagmamadali siyang maglagay ng huling biskwit sa hurnuhan.

“Pumasok si Ben sa pintuan, dumukwang sa may pagliko, at ngumiti kay Delia. Mukhang kabado si Delia, at napansin niya ang bakanteng mesa. Huminto siya at huminga nang malalim.”

Itanong sa mga kalahok ang mga sumusunod:

  • Kung sarili lang niya ang inaalala ni Ben, ano ang maaaring mangyari?

  • Kung inaalala ni Ben ang kanyang asawa, ano ang maaari niyang maging tugon?

Matapos talakayin ang mga tanong, ipagpatuloy ang kuwento:

“Bumuntung-hininga si Ben, ngumiti kay Delia, at sinabing, ‘Mukhang tamang-tama ang dating ko para makatulong.’ Nawala ang kaba ni Delia. Napanatag, hinalikan niya si Ben at sinabi, ‘Mabuti’t nakauwi ka na, Ben. Pagod ka maghapon, at gusto ko talagang handa na ang hapunan pagdating mo!’ Itinuro niya ang bakanteng mesa.

“ ‘Tatapusin nating dalawa iyan,’ sabi niya, habang niyayakap siya. Noon nila sinimulang pagtulungan ang iba’t ibang hamong hinarap ng bawat isa. Habang naghahain si Ben, inilagay ni Delia ang mga biskwit sa hurnuhan at ikinuwento kay Ben kung gaano niya minadali ang pagkilos—ang pagkalula sa dami ng gawain—sa buong maghapon. Nalimutan ni Ben ang matinding gutom at nag-isip ng mga paraan kung paano pagagaanin ang trabaho ni Delia” (Family Home Evening Resource Book, [1983], 241; iniba ang pagtatalata).

Katapusan

Sumangguni sa mga pahina 16-17 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Pagpili at Galit” ni Elder Lynn G. Robbins. Bigyang-diin na makatatanggap ang mga mag-asawa ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.

Karagdagang Mapagkukunang Materyal

Pang-aabuso sa asawa, isang kasalanan sa Diyos

Ipaliwanag na kapag ang mga mag-asawa ay galit o bigo, hinahayaan nila kung minsan na maging mapang-abuso at mapaminsala ang kanilang pag-uugali. Hindi dapat abusuhin ng mag-asawa ang isa’t isa sa anumang paraan kailanman. Nilalabag ng pang-aabuso ang mga kautusan ng Diyos at ang maririing pahayag ng mga pinuno ng Simbahan. Ipinahayag ni Pangulong George Albert Smith, ikawalong Pangulo ng Simbahan na: “Walang sinumang nang-aabuso ng sinuman kapag nasa kanya ang espiritu ng Panginoon. Nangyayari ito kapag tayo ay napangingibabawan ng ibang espiritu” (sa Conference Report, Okt. 1950, 8).

Maikling ibahagi ang sumusunod na impormasyon:

Ang pang-aabuso sa asawa ay maaaring emosyonal, pisikal, o seksuwal.

Ang pang-aabusong emosyonal ay kinabibilangan ng mga pag-uugaling tulad ng paghiyaw, pagmumura, pang-iinsulto o panghahamak, pagdidikta, pagpapahiya sa asawa sa harap ng mga anak o ibang tao, pag-alis ng suporta o pagmamahal bilang parusa, at pagbabale-wala o pagmamaliit sa damdamin ng asawa.

Ang pang-aabusong pisikal ay kinabibilangan ng pagtulak, pagpigil, pagyugyog, pagpalo, pagsampal, pamumuwersa, at pagtigil sa pagtustos.

Ang pang-aabusong seksuwal ay maaaring emosyonal o pisikal. Kinabibilangan ito ng seksuwal na panliligalig, pananakit, paggamit ng puwersa o pananakot, at paggigiit sa mga bagay na nakayayamot o nakababagabag sa kabilang panig sa mga oras ng pagtatalik.

Ipaliwanag na kung may karagdagang tanong pa ang mga kalahok tungkol sa saklaw ng pang-aabuso, dapat silang humingi ng payo mula sa kanilang obispo.

Ibahagi ang sumusunod na pahayag mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley, ang ika-15 Pangulo ng Simbahan. Tukuyin na bagama’t ibinigay ni Pangulong Hinckley ang babalang ito tungkol sa mga lalaking mapang-abuso sa kanilang mga asawa, naaangkop din ito sa mga babae. Hilingin sa mga kalahok na tahimik na suriin ang kanilang sariling pag-uugali habang pinakikinggan nila ang payong ito:

“Ang ilang [lalaki ay] nagpapakitang-tao sa araw at umuuwi sa gabi, isinasaisantabi ang disiplina sa sarili, at sa pinakamaliit na dahilan ay biglang nagsisiklab sa galit.

“Ang lalaking nagsasagawa ng gayong kalupitan at hindi angkop na pag-uugali ay hindi nararapat sa pagkasaserdote ng Diyos. Walang lalaki na umaasal nang gayon ang nararapat sa mga pribilehiyo sa bahay ng Panginoon. Ikinalulungkot ko na may ilang lalaking hindi nararapat sa pagmamahal ng kanilang mga kabiyak at anak. May mga anak na takot sa kanilang ama, at mga maybahay na takot sa kanilang asawa. Kung may gayon mang lalaki sa abot ng aking tinig, bilang tagapaglingkod ng Panginoon ay sasabihin kong hindi tama ang ginagawa ninyo at magsisi kayo. Disiplinahin ang inyong sarili. Pigilin ang inyong galit. Karamihan sa mga bagay na nagpapagalit sa inyo ay halos walang kabuluhan. At napakalaki ng halagang kapalit ng inyong pagkagalit. Humingi kayo ng tawad sa Panginoon. Humingi kayo ng tawad sa inyong asawa. Humingi ng paumanhin sa inyong mga anak” (sa Conference Report, Okt. 1996, 91–92; o Ensign, Nob. 1996, 68).

Ipaliwanag na may mga taong nagkakaroon ng mga aspeto ng mapang-abusong pag-uugali nang hindi nababatid ito. Naniniwala ang iba na kailangang baguhin nila ang kanilang pag-uugali ngunit hindi ito kayang baguhin kung walang tulong.

Ang mga naghahangad ng tulong sa pag-unawa at pagbabago ng kanilang mapang-abusong pag-uugali ay makapagbabago kung mapagpakumbaba nilang hahangarin ang tulong at patnubay ng Panginoon. Maaari silang lumapit sa kanilang obispo, na makapagbibigay ng payo sa kanila. Maaari din silang magrekomenda ng mga tagapayo sa LDS Family Services o ng mga makatutulong sa pamayanan na naaakma sa mga pamantayan ng Simbahan.

  • Sa paanong mga paraan nakaaapekto ang pang-aabuso ng asawa sa kanilang mga anak?

    Bukod sa paghingi ng mga sagot sa mga kalahok, bigyang-diin na ang pang-aabuso sa asawa ay nagtatakda ng di-malilimutang halimbawa ng pagtatangkang lutasin ang mga suliranin sa mga mapanirang paraan. Ang mga nakasasaksi sa gayong pang-aabuso habang mga bata pa ay kadalasang nang-aapi ng iba at nagpapatuloy sa ganitong gawi kapag nag-asawa na sila.

  • Paano naiimpluwensiyahan ang mga bata kapag nakikita nilang nilulutas ng mga magulang ang kanilang mga suliranin nang may kabaitan at tiyaga?

    Ipaliwanag na ang mga ina at amang mapagmahal at husto ang pag-iisip kapag humaharap sa mga paghamon ay nagtuturo sa kanilang mga anak ng mabubuting gawi na tatagal habang buhay. Habang naglilingkod bilang Namumunong Obispo, nagsabi si Bishop Robert D. Hales: “Nakatutulong sa mga anak na makita na ang mabubuting magulang ay maaaring magkaiba ng mga opinyon at na ang mga di pagkakaunawaang ito ay maiaayos nang walang hampasan, sigawan, o batuhan ng mga bagay-bagay. Kailangang makita at madama nila ang mahinahong pag-uusap hinggil sa pananaw ng isa’t isa upang malaman nila mismo kung paano aayusin ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan sa kanilang sariling buhay” (sa Conference Report, Okt. 1993, 10; o Ensign, Nob. 1993, 9).