Aralin 3
Pangangalaga sa Pagmamahalan at Pagkakaibigan ng Mag-asawa
Layunin
Upang tulungan ang mga kalahok na higit na maunawaan ang alituntunin ng pagmamahal at hikayatin ang mga may-asawa na pangalagaan ang pagmamahalan nilang mag-asawa.
Paghahanda
-
Mag-isip ng mga paraan kung saan maisasagawa ninyo ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito).
-
Pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning nakabalangkas sa mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag. Sa buong linggo, umisip ng mga paraan sa pagtuturo ng mga doktrina at alituntuning ito. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.
-
Kung makakukuha ng mga sumusunod na aytem, maghandang gamitin ang mga ito bilang bahagi ng aralin:
-
Isa o higit pang mga larawan sa kasal. Halimbawa, maaaring ipakita ninyo ang larawang Batang Mag-asawa na Patungo sa Templo (62559 893; Pakete ng Sining ng Ebanghelyo 609) o maaaring magdala kayo ng mga larawan ng inyong kasal at hilingin sa mga kalahok na magdala ng kanilang sariling larawan sa kasal.
-
Bulaklak o larawan ng isang bulaklak.
-
Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin
Kailangang pangalagaan ng mga mag-asawa ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa.
Ipakita ang isa o higit pa sa mga larawan sa kasal (tingnan sa “Paghahanda,” aytem 3a). Magsalita tungkol sa pag-ibig na nadarama ng mga mag-asawa sa isa’t isa kapag bagong kasal sila.
Ipakita ang bulaklak o larawan ng isang bulaklak (tingnan sa “Paghahanda,” aytem 3b). P Pagkatapos ay ipabasa sa isang kalahok ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang ika-12 Pangulo ng Simbahan (pahina 14 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):
“Ang pag-ibig ay parang isang bulaklak, at tulad ng katawan, kailangan itong pakainin palagi. Hindi magtatagal ang mortal na katawan ay mamamayat at mamamatay kung hindi ito palaging pakakainin. Ang sariwang bulaklak ay malalanta at mamamatay kung walang pagkain at tubig. At gayon din ang pag-ibig, hindi ito maaasahang tatagal magpakailanman maliban kung ito ay patuloy na pinakakain ng pira-pirasong pagmamahal, pagpapakita ng pagpapahalaga at paghanga, pagpapahayag ng pasasalamat, at pagsasaalang-alang ng pagpaparaya sa sarili” (“Oneness in Marriage,” Ensign, Marso 1977, 5).
Ipaliwanag na ang araling ito ay tungkol sa kung paano mapangangalagaan ng mag-asawa ang kanilang pagmamahal para sa isa’t isa upang ito ay patuloy na lumago.
Ang mga pagpapahayag ng pagkagiliw at kabaitan ay nagpapanatiling masigla sa pagmamahal at pagkakaibigan ng mag-asawa.
Hilingin sa mga kalahok na may-asawa na gunitain ang panahon noong sila ay bagong kasal. Anyayahan silang sabihin ang ilan sa mga bagay na ginawa nila para sa kanilang asawa noong panahong iyon ng kanilang buhay.
-
Bakit kailangan ang gayong mga hakbang sa buong buhay may-asawa?
Ipaliwanag na kailangang patuloy na suyuin ng mag-asawa ang isa’t isa at pangalagaan ang kanilang pagkakaibigan sa buong buhay nila. Habang ginagawa nila ito, makikita nila na tatatag ang pag-ibig nila sa isa’t isa.
Si Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu ay nagpahayag: “Ang pagkakaibigan ay… mahalaga at napakagandang bahagi ng pagsusuyuan at pag-aasawa. Ang ugnayan sa pagitan ng lalaki at babae na nagmumula sa pagkakaibigan at pagkatapos ay nahihinog sa romansa at sa huli ay sa pag-aasawa ay kadalasang nagiging walang-maliw at walang-hanggang pagkakaibigan. Wala nang iba pang higit na nakapagbibigay-inspirasyon sa daigdig ngayon na puno ng madaliang pagkawasak ng mga kasal maliban sa makita ang isang mag-asawa na tahimik na pinahahalagahan at kinaluluguran ang pagkakaibigan ng bawat isa sa paglipas ng mga taon habang magkasama nilang dinaranas ang mga biyaya at pagsubok ng mortalidad” (sa Conference Report, Abr. 1999, 81; o Ensign, Mayo 1999, 64).
Habang naglilingkod bilang isang Pitumpu, sinabi ni Elder James E. Faust na isa sa mga hindi gaanong nakikita ngunit higit na makatuturang dahilan ng paghihiwalay ay ang “kakulangan ng palagiang pagpapayabong ng pag-aasawa, …ang kawalan ng karagdagang bagay na iyon na nagbibigay ng pagpapahalaga, dakilang pamumukod-tangi, at nagpapalugod dito, sa panahong ito na nakababagot, mahirap, at nakapupurol.” Ipinayo niya, “Sa pagpapayabong ng pag-aasawa, ang mahahalagang bagay ay ang tila maliliit na bagay. Ito ang palagiang pagpapahalaga sa isa’t isa at maalalahaning pagpapakita ng pasasalamat. Ito ang panghihikayat at pagtulong sa paglago ng bawat isa. Ang pag-aasawa ay ang nagkakaisang paghahangad sa mabuti, sa maganda, at sa banal” (sa Conference Report, Okt. 1977, 13-14; o Ensign, Nob. 1977, 10–11).
-
Ano ang ilang “maliliit na bagay” na nagpapanatiling masigla sa pagmamahal at pagkakaibigan sa pag-aasawa? (Isaalang-alang na isulat sa pisara ang mga kasagutan ng mga kalahok.) Anu-anong karanasan o halimbawa ang maibabahagi ninyo na nagpapakita sa kahalagahan ng pagpapayabong ng pagmamahal sa mga paraang ito?
Isang babae na 35 taon nang kasal, ang nagsabi: “Gustung-gusto ko kapag pinasasalubungan ako ng asawa ko ng maliliit na sorpresa kapag dumarating siya sa gabi o tuwing katapusan ng linggo. Hindi kailangan na malaking bagay iyon, kahit biskwit o bulaklak lang na naitabi niya mula sa pulong. Gustung-gusto ko lalo kapag tinatawagan niya ako sa tanghali para kumustahin ang araw ko o kaya ay magkukuwento siya ng nakatutuwang balita. Ang maliliit na bagay na ito ang nagpapadama sa akin na minamahal at pinahahalagahan ako.”
Bigyang-diin na kailangan ng mag-asawa na magplano ng oras para sa kanilang dalawa. Ipabasa sa mga kalahok ang sumusunod na payo mula kay Elder Joe J. Christensen ng Pitumpu (pahina 20 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):
“Panatilihing masigla ang inyong pagsusuyuan. Mag-laan ng oras para magkasama kayong gumawa ng mga bagay-bagay—kayong dalawa lamang. Kung gaano kahalaga na makapiling ang mga anak bilang isang mag-anak, gayun din na kailangan ninyo ng lingguhang panahon upang magkasarilinan kayong dalawa. Ang paglalaan ng oras para dito ay magpapahiwatig sa inyong mga anak na napakahalaga ng inyong pagsasama kaya kailangan ninyo itong pangalagaan. Nangangailangan ito ng matibay na hangarin, pagpaplano, at paglalaan ng oras” (sa Conference Report, Abr. 1995, 86; o Ensign, Mayo 1995, 65).
-
Ano ang maaaring humadlang sa mga mag-asawa na nag-uukol ng panahon para sa magkasamang paggawa ng mga bagay? Paano makagagawa ng oras ang mga mag-asawa upang mapanatiling masigla ang kanilang pagsusuyuan?
Ang angkop na intimasiya ng mag-asawa ay isang pagpapahayag ng pag-ibig.
Ipaliwanag na ang angkop na pagpapahayag ng pisikal na intimasiya ng mag-asawa ay sinasang-ayunan ng Panginoon. Nagdudulot ito ng malalaking pagpapala sa isang mag-asawa, at tinutulungan silang pag-isahin ang kanilang mga kaluluwa at patatagin ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Pag-isipang ibahagi ang ilan sa o kaya’y lahat ng sumusunod na mga pahayag.
Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga layunin ng pisikal na intimasiya ng mag-asawa: “Sa loob ng walang-hanggang tipan ng kasal, ipinahihintulot ng Panginoon sa mag-asawa ang pagpapahayag ng sagradong kapangyarihang lumikha ng tao sa lahat ng kaluguran at kagandahan nito sa loob ng hangganang itinakda Niya. Ang isang layunin ng pribado, sagrado, at matalik na ugnayang ito ay upang maglaan ng pisikal na katawan sa mga espiritung nais ng Ama sa Langit na makaranas ng buhay sa lupa. Isa pang dahilan ng makapangyarihan at magandang damdaming ito ng pag-ibig ay upang magkasamang ibuklod ang mag-asawa sa katapatan, konsiderasyon sa isa’t isa, at iisang layunin” (sa Conference Report, Okt. 1994, 50; o Ensign, Nob. 1994, 38).
Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang kapangyarihang lumikha ng buhay sa lupa ang pinakadakilang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga Anak. Ang paggamit nito ay nakasaad sa unang kautusan [na ibinigay kina Adan at Eva], subalit isa pang mahalagang kautusan ang ibinigay upang ipagbawal ang maling paggamit nito. Ang pagbibigay-diin natin sa batas ng kalinisang-puri ay ipinaliliwanag ng ating pag-unawa sa layunin ng ating kapangyarihang lumikha sa pagsasagawa ng piano ng Diyos. Ang pagpapamalas ng ating kapangyarihang lumikha ay kalugud-lugod sa Diyos, ngunit iniutos Niya na ito ay manatili sa loob ng ugnayan ng mag-asawa” (sa Conference Report, Okt. 1993, 99; o Ensign, Nob. 1993, 74).
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Sa kahulugan ng kasal ayon sa batas, ang intimasiya sa ugnayang seksuwal ay tama at sinasang-ayunan ng langit. Walang masama o nakapagpapababa ng pagkatao kung pag-uusapan ang seksuwalidad mismo, sapagkat sa pamamagitan nito nagsasama ang mga lalaki at babae sa proseso ng paglikha at sa pagpapamalas ng pag-ibig” (The Teachings of Spencer W. Kimball, isinaayos ni Edward L. Kimball [1982], 311).
Si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagturo: “Ang intimasiya sa tao ay nakalaan para sa mag-asawa sapagkat ito ang pinakasagisag ng ganap na pag-iisa, ang buong kaganapan at pag-iisa na inordena at nilayon ng Diyos. Mula pa sa Halamanan ng Eden hanggang ngayon, ang pag-aasawa ay nilayon upang mangahulugan ng ganap na pagsasama ng isang lalaki at isang babae—ng kanilang mga puso, pag-asa, buhay, pag-ibig, mag-anak, hinaharap, at lahat-lahat na. Sinabi ni Adan na si Eba ay buto ng kanyang mga buto at laman ng kanyang laman, upang sila ay maging ‘isang laman’ sa piling ng isa’t isa [tingnan sa Genesis 2:23–24]. Ito ay pagsasama ng gayong kabuuan kaya ginagamit natin ang salitang buklod upang ipahiwatig ang walang-hanggang pangako nito. Sinabi minsan ni Propetang Joseph Smith na marahil ay maituturing natin ang gayon kasagradong bigkis bilang ‘pagkahinang’ sa isa’t isa [tingnan sa D at T 128:18]” (sa Conference Report, Okt. 1998, 100; o Ensign, Nob. 1998, 76).
Ipinayo ni Pangulong Howard W. Hunter, ang ika-14 na Pangulo ng Simbahan, na maging sa ugnayan ng mag-asawa, ang sagradong kapangyarihan na lumikha ay hindi dapat gamitin nang mali: “Paggiliw at paggalang—hindi kailanman kasakiman—ang kailangang maging gabay na alituntunin sa matalik na ugnayang namamagitan sa mag-asawa. Bawat kapareha ay kailangang maging mapagparaya at sensitibo sa mga pangangailangan at pagnanais ng isa. Ang anumang mapanupil, mahalay, o di-mapigilang gawi sa matalik na ugnayang namamagitan sa mag-asawa ay isinusumpa ng Panginoon” (sa Conference Report, Okt. 1994, 68; o Ensign, Nob. 1994, 51).
Basahin sa mga kalahok ang Exodo 20:14, 17. Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ang ika-15 Pangulo ng Simbahan.
“Naniniwala kami sa kalinisang-puri bago ang kasal at ganap na katapatan matapos ang kasal. Iyan ang kabuuan nito. Iyan ang paraan upang lumigaya sa buhay. Iyan ang paraan upang masiyahan. Naghahatid ito ng kapayapaan sa puso at kapayapaan sa tahanan” (sa Conference Report, Okt. 1996, 68; o Ensign, Nob. 1996, 49).
Bigyang-diin na dapat mag-ingat ang mag-asawa na huwag gumawa ng anumang bagay na hahantong sa kataksilan. Halimbawa, kailangan nilang laging manatili sa angkop na hangganang pisikal at emosyonal sa pagitan nila at ng kanilang mga kasamahan sa trabaho na iba ang kasarian.
-
Bakit napakahalaga ng ganap na katapatan sa ugnayan ng mag-asawa?
-
Paano nagiging pagtataksil sa pagtitiwala sa isang mag-asawa ang panonood ng mahahalay o pornograpikong materyal? Sa paanong mga paraan nakapipinsala sa pagsasama ng mag-asawa ang pakikipaglandian sa ibang kasarian?
Ibahagi ang isa o ang kapwa sumusunod na pahayag:
Ipinayo ni Pangulong Howard W. Hunter: “Maging tapat sa inyong mga tipan sa kasal sa isip, salita, at gawa. Ang pornograpiya, pakikipaglandian, at mahahalay na imahinasyon ay sumisira sa pagkatao at humahampas sa pundasyon ng isang maligayang pagsasama ng mag-asawa. Sa gayon ay nasisira ang pagkakaisa at pagtitiwala sa pagsasama ng mag-asawa” (sa Conference Report, Okt. 1994, 67; o Ensign, Nob. 1994, 50).
Ipinayo ni Pangulong Ezra Taft Benson, ang ika-13 Pangulo ng Simbahan: “Kung kayo ay may asawa, iwasan ang anumang uri ng pakikipaglandian.… Ang inaakala nating di-makasasamang panunukso o simpleng pakikipagbiruan lamang sa ibang kasarian ay madaling humahantong sa mas seryosong pakikipag-ugnayan at sa huli ay kataksilan. Ang mabuting itanong natin sa ating sarili ay: Matutuwa ba ang asawa ko kung malaman niyang ginagawa ko ito? Matutuwa ba ang isang maybahay na malaman na nananghalian ang kanyang asawa na tanging sekretarya lamang niya ang kasama? Matutuwa ba ang isang lalaki kung makita niya ang kanyang kabiyak na nakikipaglandian at naglalambing sa ibang lalaki? Minamahal kong mga kapatid, ito ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang: ‘Layuan ninyo ang bawat anyo ng masama’ (I Mga Taga Tesalonica 5:22)” (“The Law of Chastity,” sa Brigham Young University 1987-88 Devotional and Fireside Speeches [1988], 52).
Dapat pagsikapan ng mga mag-asawa na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.
-
Basahin sa mga kalahok ang Juan 13:34–35 at Mga Taga Efeso 5:25. Ano ang itinuturo ng mga taludtod na ito tungkol sa kung paano pakikitunguhan ng mag-asawa ang isa’t isa?
Bigyang-diin na bagama’t mahalaga ang pisikal na ugnayan sa mag-asawa, hindi ito ang pinakamahalagang aspeto ng kanilang pagmamahalan. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“[Ang pag-iibigan ng mag-asawa] ay malalim, maraming saklaw, malawak ang pang-unawa. Hindi ito katulad ng pakikisama ng mundo sa maling katawagang pag-ibig, ngunit kadalasan ay halos pisikal na pagkaakit lamang. Kapag dito lamang nakasalalay ang pag-aasawa, hindi magtatagal at magsasawa ang magkabilang panig sa isa’t isa… . Ang pag-ibig na binabanggit ng Panginoon ay hindi lamang pisikal na pagkaakit, kundi espirituwal na pagkaakit din. Ito ay pananalig at pagtitiwala at pag-unawa sa isa’t isa. Ito ay ganap na pagsasama. Ito ay pagsasama na may iisang mithiin at pamantayan. Ito ay pagpaparaya at pagsasakripisyo para sa isa’t isa. Ito ay kalinisan ng isip at kilos at pananalig sa Diyos at sa kanyang programa. Ito ay pagiging magulang sa buhay na ito na lagi nang umaasam sa kadakilaan at paglikha, at pagiging magulang ng mga espiritu. Ito ay malawak, maraming nasasaklaw, at walang hangganan. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay hindi nagsasawa o naglalaho. Nananatili itong buhay maging sa karamdaman at kalungkutan, sa kasaganaan at kasalatan, sa katuparan at kabiguan, sa panahon at sa walang hanggan” (Faith Precedes the Miracle [1972], 130–31).
Ipaliwanag na ang pag-ibig na binanggit ni Pangulong Kimball ay ang pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Basahin sa mga kalahok ang Moroni 7:45–48. Ipatukoy sa mga kalahok ang mga katangian ng pag-ibig sa kapwa habang nagbabasa sila. Isulat ang mga katangiang ito sa pisara tulad ng ipinakikita sa ibaba:
Bigyang-diin na maliban sa pangakong mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo at lumapit sa kanila, ang pangako sa kasal—lalo na sa walang-hanggang kasal— ang pinakamahalagang pangakong magagawa natin. Kailangang patuloy na pagsumikapan ng mag-asawa na magkaroon sila sa isa’t isa ng pag-ibig ni Cristo.
Upang tulungan ang mga kalahok na maipamuhay ang alituntuning ito, ituon ang kanilang pansin sa mga katangian ng pag-ibig sa kapwa na isinulat ninyo sa pisara. Anyayahan silang talakayin ang mga paraan kung saan maaaring ipahayag sa ugnayan ng mag-asawa ang mga natatanging katangiang tulad ng “hindi naghahangad para sa kanyang sarili” o “hindi kailanman nagkukulang.” Hilingin sa kanilang magbahagi ng mga halimbawa ng ilan sa mga katangiang ito na nakita nila.
Katapusan
Bigyang-diin na kailangang pangalagaan ng mag-asawa ang kanilang pag-iibigan at pagkakaibigan. Kailangan nilang panatilihing masigla ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng patuloy na paggawa ng maliliit na bagay na nagpapakita ng pagtingin at kabaitan. Dapat maging matalas ang pakiramdam nila sa pangangailangang espirituwal, pisikal, at emosyonal ng isa’t isa habang magkasama nilang tinatamasa ang mga kagalakan at binabalikat ang suliranin ng buhay. Dapat nilang pagpasiyahang huwag gumawa kailanman ng anumang bagay na sisira sa pag-ibig na mahalaga sa pagsasama ng isang mag-asawa. At dapat silang “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [sila] ay mapuspos ng [pag-ibig sa kapwa]” (Moroni 7:48). Habang patuloy ang ganap na katapatan ng mag-asawa sa bawat isa, mag-iibayo ang pag-iibigan nila sa paglipas ng mga taon. Makikita nila na may nabubuo silang pag-ibig na tulad ng kay Cristo.
Sumangguni sa mga pahina 12–15 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Pagkakaisa sa Pagsasama ng Mag-asawa” ni Pangulong Spencer W. Kimball. Bigyang-diin na makatatanggap ang mga mag-asawa ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.