Resources para sa Pamilya
Aralin 13: Pagtuturo ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa mga Bata (Bahagi 1)


Aralin 13

Pagtuturo ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa mga Bata

Bahagi 1

Layunin

Upang matulungan ang mga kalahok na pag-ibayuhin ang kanilang pagnanais at kakayahang turuan ang mga bata tungkol sa mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo.

Paghahanda

  1. Mag-isip ng mga paraan upang maisasagawa ninyo ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro’; (mga pahina x-xiii sa manwal na ito).

  2. Pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning nakabanghay sa mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag. Sa buong linggo, umisip ng mga paraan upang maituro ang mga doktrina at alituntuning ito. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.

Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin

Makatutulong ang mga turo ng mga magulang sa mga bata upang manatiling malakas ang kanilang pananampalataya.

Iguhit ang sumusunod na mga larawan sa pisara:

two trees
  • Ano ang kinakatawan ng dalawang larawang ito? Ano ang itinuturo ng mga larawang ito tungkol sa pagpapalaki ng mga bata?

    Kung nahihirapan ang mga kalahok sa pagsagot ng mga katanungang ito, ipaalala sa kanila ang kuwento ni Pangulong Hinckley tungkol sa pagtatanim ng isang puno, mula sa aralin 12. (Kung ito lamang araling ito ang itinuturo ninyo at hindi pa naituturo ang aralin 12, ibahagi ang kuwento sa mga pahina 71-72) bago ninyo talakayin ang mga larawan sa pisara.)

    Ang puno sa kaliwa ay kumakatawan sa isang batang nalalayo sa ebanghelyo dahil hindi itinuturo at ipinamumuhay ng kanyang mga magulang ang ebanghelyo sa tahanan. Ang puno sa kanan ay kumakatawan sa isang batang pinag-aaralan ang ebanghelyo dahil sa mga salita at halimbawa ng mga magulang. Kapag umihip ang malakas na hangin, ang batang punong ginagabayan ng isang tali ay patuloy na lalaki nang tuwid. Gayundin, mas malamang na manatiling malakas ang pananampalataya ng mga bata kapag itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang ang mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo.

Basahin sa mga kalahok ang Doktrina at mga Tipan 68:25–28.

  • Ayon sa taludtod na ito sa banal na kasulatan, ano ang hinihiling ng Panginoon na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga kalahok gaya ng ipinakikita sa ibaba.)

    Pananampalataya kay Jesucristo

    Pagsisisi

    Binyag

    Pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo

    Panalangin

    Paglakad nang matwid sa harapan ng Panginoon

  • Bakit mahalagang ituro ng mga magulang ang mga alituntunin at ordenansang ito sa kanilang mga anak habang bata pa ang mga ito?

    Habang naglilingkod bilang Namumunong Obispo, ipinaliwanag ni Bishop Robert D. Hales: “Ang mga batang tinuruang manalangin at nananalanging kasama ng kanilang mga magulang habang bata pa ay mas malamang na manalangin kapag sila ay tumanda na. Ang mga naturuan habang bata pa na mahalin ang Diyos at maniwalang Siya ay buhay ay mas madalas na magpapatuloy sa espirituwal na pag-unlad at mag-iibayo ang kanilang damdamin ng pagmamahal habang sila ay tumatanda” (sa Conference Report, Okt. 1993, 10; o Ensign,, Nob. 1993, 10).

Dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo.

Gamitin ang mga sumusunod na tanong upang talakayin ang mga paraan na makatutulong ang mga magulang sa kanilang mga anak sa pamumuhay ng mga alituntunin ng pananampalataya at pagsisisi at paghahandang mabinyagan at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Habang ginagabayan ninyo ang talakayan, hikayatin ang mga kalahok na magbahagi ng mga halimbawa mula sa kanilang sariling buhay.

  • Upang sumampalataya kay Jesucristo, kailangan nating magkaroon ng wastong pag-unawa sa Kanyang pagkatao at mga katangian. Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na unawain ang pagkatao at mga katangian ng Tagapagligtas?

  • Bahagyang repasuhin ang mga salaysay ng pagpapagaling ni Jesus sa anak na babae ni Jairus (Marcos 5:21–24, 35–43) at ang pagtugon ni Nephi sa utos na kunin ang mga laminang tanso (1 Nephi 3:1–7). Paano makatutulong sa mga bata ang mga salaysay na ito sa banal na kasulatan na sumampalataya kay Jesucristo?

  • Paano makatutulong ang pagbabahagi ng mga karanasan sa ating buhay sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isang bata?

Bigyang-diin na kailangang humanap ang mga magulang ng mga pagkakataon upang ituro sa kanilang mga anak na tinutulungan tayo ng pananampalataya na malampasan ang mga paghamon at paghihirap sa buhay. Halimbawa, kung nahihirapan ang isang bata sa paaralan o sa isang kaibigan, maaaring basahan ng mga magulang ang bata ng isang taludtod sa banal na kasulatan, tulungan siyang manalangin para sa patnubay at aliw, at pagkatapos ay tulungan ang batang unawain kung paano nagbibigay ng tulong ang Panginoon.

  • Sa pagsusumikap ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak tungkol sa pagsisisi, bakit mahalaga para sa kanila na mag-abang ng mga sandali upang makapagturo sa pang-araw-araw na buhay?

    Ipaliwanag na kapag nakikita ng mga magulang ang kanilang mga anak na gumagawa ng di matalinong pasiya, maaari nilang tanungin ang mga bata kung ano ang kanilang nadarama tungkol sa mga pasiya at kung ano sana ang dapat nilang ginawa. Maaari nilang pahintulutan ang mga bata na iwasto ang kanilang mga pagkakamali at, kung kinakailangan, ipahayag ang kanilang kalungkutan sa Panginoon at sa mga nagdamdam o nasaktan. Maaari ding matulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makilala ang kaligayahan at kapayapaang dulot ng tunay na pagsisisi.

  • Bahagyang repasuhin ang mga pagbabalik-loob ni Nakababatang Alma (Mosias 27; Alma 36) at ng mga Anti-Nephi-Lehi (Alma 23). Paano makatutulong sa mga bata ang mga salaysay na ito sa banal na kasulatan na pahalagahan ang mga pagpapala ng pagsisisi at pagpapatawad?

  • Repasuhin ang tipan sa pagbibinyag sa pamamagitan ng pagbasa ng Mosias 18:8–10 at Doktrina at mga Tipan 20:37 kasama ang mga kalahok. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maghanda upang gumawa at tumupad ng mga tipan sa pagbibinyag?

  • Sa anong mga paraan matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na umasam na mabinyagan at matanggap ang kaloob na Espiritu Santo?

Ang mga magulang ay dapat “turuan ang kanilang mga anak na manalangin, at lumakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.”

  • Bakit pinakamainam na guro ang halimbawa ng mga magulang sa pagtulong sa mga batang gawing palagiang bahagi ng kanilang buhay ang panalangin?

  • Bukod sa pagpapakita ng halimbawa ng panalangin, ano pa ang ilang alituntunin tungkol sa panalangin na maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak? (Habang sinasagot ng mga kalahok ang katanungang ito, basahin at talakayin ang mga sumusunod na taludtod at sipi sa banal na kasulatan. Hikayatin ang mga kalahok na magbahagi ng mga karanasan na nauugnay sa mga turong ito.)

    1. Santiago 1:5–6 (Bibigyan tayo ng Diyos ng karunungan kung hihiling tayo sa Kanya nang may pananampalataya.)

    2. 2 Nephi 32:9 (Dapat tayong manalangin lagi. Dumadalangin tayo sa Ama sa pangalan ni Jesucristo.)

    3. Alma 37:37 (Kapag humihingi tayo ng payo sa Panginoon sa lahat ng ating ginagawa, gagabayan Niya tayo sa kabutihan.)

    4. 3 Nephi 18:19–21 (Kapag dumadalangin tayo sa Ama sa pangalan ni Jesucristo, tatanggapin natin ang ating hinihiling kung ito ay tama. Dapat tayong manalangin kasama ang ating mga mag-anak.)

    5. Doktrina at mga Tipan 112:10 (Kapag nagpapakumbaba tayo, sasagutin ng Panginoon ang ating mga panalangin.)

    Nagsalita si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng “wika ng panalangin.” Sa Tagalog, kinabibilangan ito ng paggamit ng mga salitang Kayo, Inyo, at Ninyo sa halip ng ikaw, mo, at iyo. Sinabi niya na matututuhan ng mga bata ang wikang ito mula sa kanilang mga magulang:

    “Natututuhan natin ang ating katutubong wika sa pamamagitan lamang ng pakikinig sa mga nagsasalita nito. Totoo rin ito sa mga wikang ginagamit natin sa pagtukoy sa ating Ama sa Langit. Ang wika ng panalangin ay mas madali at malamyos matutuhan kaysa ibang wika. Dapat nating bigyan ang ating mga anak ng pribilehiyong matutuhan ang wikang ito sa pamamagitan ng pakikinig sa paggamit dito ng kanilang mga magulang sa maraming panalanging iniaalay araw-araw sa ating mga tahanan” (sa Conference Report, Abr. 1993, 20; o Ensign, Mayo 1993, 18).

  • Paano magagamit ng mga magulang ang pangmag-anak na panalangin para turuan ang kanilang mga anak?

  • Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang hikayatin ang kanilang mga anak na mag-alay ng kani-kanyang panalangin?

  • Sinabi ng Panginoon na kailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na “lumakad nang matwid” sa Kanyang harapan (D at T 68:28). Sa anong mga paraan magagamit ng mga magulang ang mga kalagayan sa tahanan at mag-anak upang hikayatin ang kanilang mga anak na “lumakad nang matwid sa harapan ng Panginoon”? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng ang mga magulang ay matuturuan ang kanilang mga anak na sundin ang mga batas at ordenansa ng ebanghelyo at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar.)

  • Ano ang maaaring gawin ng mga lolo at lola at iba pang mga kamag-anak upang tulungan ang mga magulang na ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga bata? Sa anong mga paraan ninyo nakitang makatutulong ang magandang halimbawa ng mga kamag-anak sa mga bata?

Katapusan

Bigyang-diin na binigyan ng Diyos ang mga magulang ng pananagutang ituro sa kanilang mga anak ang mga alituntunin ng kabutihan. Hikayatin ang mga kalahok na magsumikap na ipamuhay ang mga alituntuning itinuro sa araling ito at humanap ng mga paraan upang maituro nang mas mahusay ang mga alituntuning ito sa mga bata.

Ayon sa panghihikayat ng Espiritu, ibahagi ang inyong mga paniniwala sa mga katotohanang tinalakay sa araling ito.

Sumangguni sa mga pahina 62–66 sa Gabay ng mga Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Pagpapatatag sa Mag-anak: Ang Ating Sagradong Tungkulin,” ni Elder Robert D. Hales. Bigyang-diin na ang mga mag-asawa ay makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.