Aralin 16
Pangmag-anak na Panalangin, Pangmag-anak na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan, at Gabing Pantahanan ng Mag-anak
Layunin
Upang hikayatin ang mga mag-anak na magdaos ng regular na pangmag-anak na panalangin, pangmag-anak na pag-aaral ng banal na kasulatan, at gabing pantahanan ng mag-anak at ituro ang ebanghelyo sa bawat isa sa mga tagpong ito.
Paghahanda
-
Mag-isip ng mga paraan na maisasagawa ninyo ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito).
-
Pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning nakabanghay sa mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag. Sa buong linggo, umisip ng mga paraan sa pagtuturo ng mga doktrina at alituntuning ito. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.
-
Kung may makukuha sa mga sumusunod na materyal dalhin ang ilan o lahat ng mga ito sa klase. Maghandang ipakita ang mga ito habang tinatalakay ninyo ang gabing pantahanan ng mag-anak.
-
Ang mga banal na kasulatan.
-
Family Home Evening Resource Book (31106).
-
Gabay na Aklat ng Mag-anak (31180 893).
-
Gabing Pantahanan ng Mag-anak Karagadang Video (Internasyonal) (53736 893).
-
Mga Alituntunin ng Ebanghelyo(31110 893).
-
Mga magasin ng Simbahan.
-
Ang Ating Pamana: Maikling Kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ngmga Banal sa mga HulingAraw (35448 893).
-
Mga manwal ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at Samahang Damayan.
-
Mga gabay sa pag-aaral ng miyembro para sa mga kurso sa Doktrina ng Ebanghelyo.
-
Para sa Lakas ng Kabataan (34285 893).
-
Mga aklat ng kuwento tungkol sa banal na kasulatan na inilathala ng Simbahan tulad ng Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (35666 893).
-
Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo (34730 893).
-
-
Kung gagamitin ninyo ang gawain sa pagrerepaso sa pahina 48–49, magdala sa klase ng papel at bolpen o lapis para sa bawat kalahok.
Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin
Dapat bigyan ng bawat mag-anak na Banal sa mga Huling Araw ng mataas na priyoridad ang pangmag-anak na panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan at gabing pantahanan ng mag-anak.
Ipaliwanag na noong Pebrero 1999 ay nagpadala ng liham ang Unang Panguluhan sa mga miyembro ng Simbahan sa buong daigdig. Kabilang sa liham ang sumusunod na tagubilin:
“Pinapayuhan namin ang mga magulang at mga anak na bigyan ng pinakamataas na priyoridad ang pangmag-anak na panalangin, gabing pantahanan ng mag-anak, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at makabuluhang gawaing pangmag-anak. Gaano man nararapat at naaangkop ang ibang pangangailangan o gawain, hindi dapat pahintulutang mangibabaw ang mga ito sa sagradong-hirang na tungkulin na tanging mga magulang at mag-anak lamang ang makagagawa nang sapat” (Liham ng Unang Panguhulan, ika-11 ng Pebrero, 1999).
-
Bakit napakahalaga ng payong ito ngayon?
Ipaliwanag na tinatalakay ng araling ito ang maaaring gawin ng mga magulang upang makapagdaos ng pang-araw-araw na pangmag-anak na panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan at lingguhang gabing pantahanan ng mag-anak.
Makatatanggap ng mga dakilang pagpapala ang mga mag-anak kapag magkakasama silang nananalangin.
Basahin sa mga kalahok ang 3 Nephi 18:21. Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na payo mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley, ang ika-15 Pangulo ng Simbahan:
“Hayaan ang bawat mag-anak sa Simbahang ito na magkakasamang manalangin. Ngayon, mahalagang magkaroon ng kani-kanyang panalangin, ngunit napakagandang magkaroon ng pangmag-anak na panalangin. Manalangin sa inyong Ama sa Langit nang may pananampalataya. Manalangin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo. Wala kayong magagawang mas maganda sa inyong mga anak maliban sa paghahalinhinan nila sa pangmag-anak na panalangin, na nagpapahayag ng pasasalamat para sa kanilang mga pagpapala. Kung gagawin nila iyan habang bata pa sila, lalaki silang may diwa ng pasasalamat sa kanilang mga puso” (“Inspirational Thoughts,” Ensign, Ago. 1997, 5).
-
Ano ang maaaring gawin ng mga mag-anak upang makagawian ang pang-araw-araw na pangmag-anak na panalangin? Anong mga paghamon ang nakaharap ninyo sa pagdaraos ng pangmag-anak na panalangin, at paano ninyo ito nalutas?
-
Ano ang maaaring gawin ng mga mag-anak upang gawing makabuluhan sa kanila ang oras ng pangmag-anak na panalangin? (Bukod sa mga sagot ng mga kalahok, ibahagi ang ilan o kaya’y lahat ng mga sumusunod na mungkahi.)
-
Maaaring mag-ukol ng panahon ang mga magulang bago manalangin sa pagtatanong kung may anumang natatanging bagay silang dapat ipagpasalamat sa Ama sa Langit o kung may ibang alalahaning dapat nilang tandaan sa kanilang panalangin.
-
Maaaring tiyakin ng mga magulang na ang mga anak ay laging nabibigyan ng pagkakataong mag-alay ng pangmag-anak na panalangin.
-
Maaaring tandaan ng mag-anak na manalangin para sa mga pinuno ng Simbahan, misyonero, at miyembro ng mag-anak na nangangailangan ng mga natatanging pagpapala.
-
Maaaring gamitin ng mga magulang ang kanilang mga panalangin para magturo. Halimbawa, ang mga pagpapahayag nila ng pasasalamat ay makahihikayat ng gayunding damdamin sa kanilang mga anak.
-
Maaaring banggitin ng mga magulang ang pangalan ng bawat isa sa kanilang mga anak sa kanilang mga panalangin, upang tulungan ang mga batang damhin ang pagmamahal ng kanilang Ama sa Langit at mga magulang sa lupa.
-
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo at ng inyong mag-anak dahil sa pangmag-anak na panalangin?
Ang pangmag-anak na pag-aaral ng banal na kasulatan ay nakatutulong sa mga mag-anak na mapalapit sa Diyos.
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na parirala o basahin nang malakas ang mga ito:
-
Ibayong pamimitagan
-
Ibayong paggalang at pagsasaalang-alang
-
Di-gaanong pakikipagtalo
-
Kakayahang payuhan ang mga anak nang may higit na pagmamahal at karunungan
-
Higit na pagtngon sa payo ng mga magulang
-
Ibayong kabutihan
-
Saganangpananampalataya, pag-asa, atpag-ibig sa kapwa-tao
-
Kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan
Hilingin sa mga kalahok na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong nang hindi sumasagot nang malakas:
-
Ano ang maaari ninyong gawin upang higit na sumagana ang mga pagpapalang ito sa inyong tahanan?
Ipaliwanag na nagpatotoo si Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan na ang mga pagpapalang ito ay higit na sasagana sa ating mga tahanan kapag nag-aaral tayo ng mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon:
“Dama ko ang katiyakan na kung, sa ating mga tahanan, ang mga magulang ay may panalangin at palagiang magbabasa ng Aklat ni Mormon, kapwa sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak, ang diwa ng dakilang aklat na iyon ay lalaganap sa ating tahanan at sa lahat ng naninirahan doon. Mag-iibayo ang espiritu ng pamimitagan; lalago ang paggalang at pagsasaalang-alang sa isa’t isa. Aalis ang espiritu ng pagtatalu-talo. Papayuhan ng mga magulang ang mga anak nang may higit na pagmamahal at karunungan. Mas makatutugon at magiging mas masunurin ang mga anak sa payo ng kanilang mga magulang. Mag-iibayo ang kabutihan. Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—ay lalaganap sa ating mga tahanan at buhay, na dala-dala sa kanilang pagdating ang kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan” (sa Conference Report, Abr. 1980, 99; o Ensign, Mayo 1980, 67).
Sa pagtukoy sa mga pangako ni Pangulong Romney, sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson, ang ika-13 Pangulo ng Simbahan: “Ang pinag-ibayong pagmamahal at pagkakaisa sa tahanan, higit na paggalang sa pagitan ng magulang at anak, pinag-ibayong espirituwalidad at kabutihan—ay hindi mga pangakong walang-kabuluhan, kundi ang mismong nais sabihin ni Pangulong Joseph Smith nang ipahayag niya na ang Aklat ni Mormon ay tutulong sa ating higit na mapalapit sa Diyos” (sa Conference Report, Okt. 1986, 6; o Ensign, Nob. 1986, 7).
Anyayahan ang mga kalahok na magsalita tungkol sa mga pagpapalang dumating sa kanilang mag-anak sa pamamagitan ng pag-aaral ng banal na kasulatan.
-
Ano na ang nagawa ninyo upang maging matagumpay ang pag-aaral ng banal na kasulatan? Anong mga paghamon ang nakaharap ninyo at paano ninyo ito nalutas? (Bukod sa mga sagot ng mga kalahok, ibahagi ang ilan o ang lahat ng mga sumusunod na mungkahi.)
-
Magtulungang magtakda ng panahon upang pag-aralan ang banal na kasulatan araw-araw bilang mag-anak. Ito ang karaniwang pinakamahirap na bahagi sa pangmag-anak na pag-aaral ng banal na kasulatan. Gayunman, maaaring hangarin ng mag-anak ang patnubay ng Espiritu Santo habang inaalam nila kung ano ang magiging pinakamainam sa kanilang kalagayan.
-
Pag-isipang itakda ang haba ng oras o natatanging bilang ng mga talata, kabanata, o pahinang babasahin araw-araw.
-
Kung maaari, tiyaking may sari-sariling banal na kasulatan ang bawat miyembro ng mag-anak. Maging ang mga batang hindi pa marunong bumasa ay makikinabang sa pagkakaroon ng sarili nilang banal na kasulatan. Maaaring bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng mga banal na kasulatan sa kanilang binyag, kaarawan, o iba pang natatanging okasyon. O kaya’y maaaring kumita ng pera ang mga bata upang bumili ng sarili nilang mga banal na kasulatan.
-
Maghalinhinan sa pagbabasa, at tulungan ang mga nakababata kung kinakailangan. Pagkatapos basahin ang isang talata, repasuhin ang binasa at sabihin ito sa paraang mauunawaan ng mga nakababatang anak.
-
Magpaguhit sa mga nakababatang anak ng mga larawan sa mga kuwento sa banal na kasulatan. Halimbawa, maaaring gumuhit sa pader ng isang mural ng pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay.
-
Sama-samang magsaulo ng mga paboritong talata.
-
Magbasa ng mga banal na kasulatan na nauugnay sa mga natatanging kaganapang tulad ng Muling Pagkabuhay, Pasko, binyag, ordenasyon sa pagkasaserdote, o paglalaan sa templo.
-
Sama-samang magsaliksik ng isang natatanging paksa.
-
Mag-ingat ng isang kuwaderno ng mag-anak para sa pagtatala ng mga tanong, layunin, o kaisipang may kaugnayan sa pagbabasa ng banal na kasulatan.
-
Bigyang-diin na kung magiging mahirap na pagsama-samahin ang buong mag-anak para sa pag-aaral ng banal na kasulatan, dapat tandaan ng mga magulang na maaaring magkaroon ng mas matagalang epekto ang kanilang mga pagsisikap kaysa sa inaakala nila. Sinabi ni Sister Susan L. Warner, na naglingkod bilang pangalawang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Primarya:
“Sinikap namin sa aming pamilya na mag-aral ng banal na kasulatan nang maagane-maaga. Ngunit madalas kaming mawalan ng gana kaoae isang anak naming lalaki ang magrereklamo dahil pinipilit siyang gisingin. Kapag sa huli ay dumarating na siya, kadalasa’y yumuyukyok siya sa mesa. Ilang taon ang nagdaan, habang naglilingkod sa misyon, sumulat siya sa amin: ‘Salamat sa pagtuturo ninyo sa amin ng mga banal na kasulatan. Gusto kong malaman ninyo sa mga panahong umaarte akong tulog, nakikinig ako talaga nang nakapikit’” (sa Conference Report, Abr. 1996, 109; o Ensign, Mayo 1996, 79).
Tumutulong ang gabing pantahanan ng mag-anak na mapatibay ng mga mag-anak ang kanilang sarili laban sa mga makamundong impluwensiya.
Ipaliwanag na noong 1915, tinagubilinan ni Pangulong Joseph R Smith at ng kanyang mga tagapayo ang mga magulang na magsimulang magdaos ng regular na “Gabing Pantahanan.” Ito ang magiging oras para maturuan ng mga magulang ang kanilang mag-anak ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Isinulat ng Unang Panguluhan: “Kung susundin ng mga Banal ang payong ito, ipinangangako namin na magbubunga ito ng mga dakilang pagpapala. Mag-iibayo ang pagmamahalan sa tahanan at pagsunod sa mga magulang. Mabubuo ang pananampalataya sa puso ng mga kabataan ng Israel, at magkakaroon sila ng kapangyarihang labanan ang masasamang impluwensiya at tuksong nakapaligid sa kanila” (sa Messages of the First Presidency of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo [1965–75], 4:339).
Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley kung paano sinunod ng kanyang mga magulang ang payo ni Pangulong Joseph R Smith:
“Noong 1915 inatasan ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga tao ng Simbahan na magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak. Sinabi ng ama ko na gagawin namin iyon, kaya pinapainitan namin ang sala kung saan nakapuwesto ang malaking piyano ni Inay at ginagawa ang atas ng Pangulo ng Simbahan.
“Hindi kami magagaling sa pagtatanghal noong mga bata kami. Magagawa naming lahat ang mga bagay-bagay nang sama-sama habang naglalaro, pero ang subukang pakantahin ang sinuman sa amin nang solo sa harap ng ibang tao ay parang pag-uutos sa sorbetes na huwag malusaw sa hurnuhan. Sa Simula, pinagtatawanan namin at tinutukso ang pagtatanghal ng isa’t isa. Pero nagpumilit pa rin ang aming mga magulang. Sama-sama kaming umawit. Sama-samang nanalangin. Tahimik kaming nakinig habang nagbabasa si Inay ng mga kuwento sa Biblia at Aklat ni Mormon. Kinuwentuhan kami ni Itay ng mga kuwentong nasaulo niya…
“Mula sa simpleng maliliit na pulong na iyon, na idinaos sa sala ng lumang bahay namin, ay naganap ang di maipaliwanag at napakagandang bagay. Lumakas ang pagmamahal namin sa aming mga magulang. Tumibay ang pagmamahalan naming magkakapatid. Nag-ibayo ang pagmamahal namin sa Panginoon. Lumago sa aming puso ang pagpapahalaga sa simpleng kabutihan. Naganap ang mga pangyayaring ito dahil sinunod ng aming mga magulang ang payo ng Pangulo ng Simbahan. Natutuhan ko roon ang isang bagay na napakahalaga” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1977], 211–12).
Ipaliwanag na bawat Pangulo ng Simbahan mula kay Pangulong Joseph F. Smith ay binigyang-diin ang kahalagahan ng gabing pantahanan ng mag-anak. Ngayon ay ipinapayo ng Unang Panguluhan sa mga mag-anak na magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak tuwing Lunes ng gabi.
Bigyang-diin na ang gabing pantahanan ng mag-anak ay dapat kabilangan lagi ng pangmag-anak na panalangin at isang aralin, na maaaring ilahad ng isang magulang o isa sa mga anak. Matutulungan ng mga magulang ang mga nakababatang anak na maghanda at maglahad ng mga aralin.
Ipaliwanag na ang Simbahan ay naglathala ng mga materyal na makatutulong sa mga mag-anak na mangasiwa ng matatagumpay na gabing pantahanan ng mag-anak. Ipakita ang mga materyal na inilathala ng Simbahan na dinala ninyo sa klase (tingnan sa “Paghahanda,” aytem 3).
-
Bukod sa panalangin at isang aralin, ano pang ibang gawain ang maibibilang sa gabing pantahanan ng mag-anak? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng paglalaro, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pag-awit ng himno o kanta, pagdaraos ng sangguniang mag-anak, at pagkain ng masasarap.)
-
Paano magagamit ng mga magulang ang gabing pantahanan ng mag-anak upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mag-anak? (Bukod sa paghingi ng mga ideya sa mga kalahok, ibahagi ang sumusunod na halimbawa.)
Isang ama ang bumuo ng mga aralin sa gabing pantahanan ng mag-anak sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanyang mga anak nang sarilinan. Sa pakikipag-usap niya sa kanyang mga anak, madalas siyang nagtatanong tungkol sa mga natatanging problema, tulad ng “Ano ang sinasabi ng mga batang lalaki sa paaralan tungkol sa mga batang babae?” o “Mayroon bang nagsasalita tungkol sa mga bawal na gamot?” Ang mga sagot na ibinigay ng mga bata ang nakatulong sa kanya na matukoy kung ano ang kailangan nilang pag-aralan at talakayin. Pagkatapos, siya at ang kanyang asawa ay mag-uusap at magpaplano ng mga aralin batay sa mga pangangailangang iyon. Natutuwa ang mga anak na magbahagi ng kanilang mga ideya at nakahandang humarap sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.
-
Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang hikayatin ang bawat miyembro ng mag-anak na makilahok sa gabing pantahanan ng mag-anak?
-
Anong mga pagpapala ang dumating sa inyong mag-anak bunga ng pagdaraos ng gabing pantahanan ng mag-anak?
Katapusan
Bigyang-diin na ang pang-araw-araw na pangmag-anak na panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan at lingguhang gabing pantahanan ng mag-anak ay magpapatatag sa mga ugnayan ng mag-anak, magpapatibay sa mga patotoo ng mga miyembro ng mag-anak, at maghahanda sa mga miyembro ng mag-anak na harapin ang mga hamon ng buhay.
Sa pag-uudyok ng Espiritu, ipahayag ang inyong pagmamahal sa inyong mag-anak at magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa aralin at sa buong kurso.
Sumangguni sa mga pahina 78–83 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng mga lathalaing “Ang mga Pagpapala ng Panalanging Pangmag-anak” ni Pangulong Gordon B. Hinckley, at “Kaya Ako ay Naturuan,” ni Elder L. Tom Perry. Tukuyin na makatatanggap ng mga dakilang pagpapala ang mga mag-asawa mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.
Mga Karagdagang Mapagkukunang Materyal
Pakikilahok sa mga makabuluhang gawaing panglibangan bilang mag-anak
Ipaliwanag na bilang karagdagan sa pangmag-anak na panalangin, pangmag-anak na pag-aaral ng banal na kasulatan, at gabing pantahanan ng mag-anak, ang mga makabuluhang gawaing panglibangan ay makatutulong sa mga mag-anak na bumuo ng matitibay na tali ng pagmamahalan at pagkakaisa. Dapat iplano ng mga magulang ang panahon kung kailan sama-samang makalalahok ang mag-anak sa gayong mga gawain. Ipinayo ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Bumuo ng mga nakaugaliang pagbabakasyon ng mag-anak at pagbibiyahe at pamamasyal. Hindi kailanman malilimutan ng inyong mga anak ang mga alaalang ito” (sa Conference Report, Okt. 1987, 63; o Ensign, Nob. 1987, 17).
-
Ano ang mga kapakinabangan ng pakikilahok sa mga gawaing panglibangan bilang mag-anak?
Pag-isipang ibahagi ang mga sumusunod na mungkahi o ang ilan sa sarili ninyong mungkahi upang maghikayat ng talakayan:
-
Ang mga miyembro ng mag-anak na nasisiyahan sa mga sama-samang paggawa ay magkakaroon ng higit na pagmamahalan at pagkakaisa.
-
Sama-sama silang magkakaroon ng kasiyahan at makabubuo ng mga ugnayang tatagal sa buong buhay nila.
-
Masisiyahan ang mga bata sa piling ng kanilang mga magulang at higit na magnanais na makinig at sumunod sa payo ng mga magulang.
-
-
Ano ang mga alaala ninyo sa mga gawaing pangmag-anak noong kayo ay bata pa? Sa anong mga paraan nakaimpluwensiya ang mga gawaing ito sa inyong buhay?
Anyayahan ang mga kalahok na magbahagi ng mga ideya para sa mga masaya, nakatutuwa, at di malilimutang gawaing pangmag-anak na di gaanong magastos o walang gastos.
Pagrerepaso ng mga aralin sa bahagi B ng kursong Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak
Winawakasan ng araling ito ang bahagi B ng kursong Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Kung kayo ang nagtuturo ng buong kurso, pag-isipang gamitin ang sumusunod na pagsasanay:
Bigyan ang bawat kalahok ng isang papel at bolpen o lapis. Atasan ang mga kalahok na gumugol ng tatlong minuto sa paglilista ng mga doktrina at alituntuning naaalala nila mula sa aralin 9 hanggang aralin 16 ng kursong ito. Pasalungguhitan sa kanila ang mga doktrina at alituntuning pinakamakahulugan sa kanila. Hikayatin silang maghandang magsalita tungkol sa ilan sa mga bagay na sinalungguhitan nila. Kung kailangan nila ng tulong, gamitin ang talaan ng mga nilalaman sa mga pahina v-viii sa manwal na ito o ang buod ng kurso sa mga pahina vii–viii sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak.
Pagkalipas ng tatlong minuto, hilingin sa bawat kalahok na basahin ang isang bagay mula sa listahan niya at ipaliwanag kung bakit ito partikular na makahulugan. Ibuod ang mga kabatiran ng mga kalahok sa pisara, at kilalanin ang kahalagahan ng bawat puna. Pagkatapos ay ibahagi ang sarili ninyong kabatiran o kung may panahon pa, ulitin ang gawaing ito.
Ipahayag ang inyong pasasalamat sa mga tinuturuan ninyo sa kanilang pakikilahok sa kursong ito, at hikayatin silang patuloy na mamuhay ayon sa mga doktrina at alituntuning tinalakay nila sa buong kurso. Hikayatin din silang basahin paminsan-minsan ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” kasama ng kanilang mga mag-anak at sundin ang payo nito sa kanilang tahanan.