Aralin 2
Pagkakaroon ng Pagkakaisa sa Pagsasama ng Mag-asawa
Layunin
Upang tulungan ang mga mag-asawa na higit na magkaisa at tulungan ang mga miyembrong walang asawa na maghandang tamasahin ang pagkakaisa sa pagsasama ng mag-asawa.
Paghahanda
-
Habang inihahanda ninyo ang inyong sarili sa pagtuturo, humanap ng mga paraan upang sundin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito).
-
Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag. Ang mga ulong ito ay nagbibigay ng buod ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga paraan sa pagtulong sa mga kalahok na ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning ito. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.
-
Magdala sa klase ng isang pirasong papel at bolpen o lapis para sa bawat kalahok.
Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin
Inatasan ng Panginoon ang mga mag-asawa na magkaisa.
Upang simulan ang aralin, isulat sa pisara ang 1+1 = 1.
-
Paano nito inilalarawan ang ugnayang pangmag-asawa?
Matapos talakayin ng mga kalahok ang katanungang ito, basahin sa kanila ang Genesis 2:24. Bigyang-diin na inutusan ng Diyos ang mga mag-asawa na magkaisa.
-
Ano ang ibig sabihin ng magkaisa ang mag-asawa?
Ipabasa sa mga kalahok ang sumusunod na pahayag ni Elder Henry B. Eyring ng Korum ng Labindalawang Apostol (pahina 8 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):
“Sa paglikha ng lalaki at babae, ang pagkakaisa nila bilang mag-asawa ay hindi ibinigay bilang pag-asa; ito ay isang kautusan! ‘Kaya’t iiwan ng lalake ang kanyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kanyang asawa; at sila’y magiging isang laman’ (Genesis 2:24). Nais ng ating Ama sa Langit na magkaisa ang ating mga puso. Ang pagkakaisang iyon sa pag-ibig ay hindi lamang isang mithiin. Ito ay isang pangangailangan” (sa Conference Report, Abr. 1998, 85; o Ensign, Mayo 1998, 66).
Ipaliwanag na ang araling ito ay tumatalakay sa maraming paraan na maaaring magkaisa ang mga mag-asawa.
Dapat pahalagahan ng mga mag-asawa ang isa’t isa bilang magkapantay na pareha.
Ipaliwanag na isang mahalagang alituntunin ng pagkakaisa sa pagsasama ng mag-asawa ay ang dapat pahalagahan ng mga mag-asawa ang bawat isa bilang magkapantay na pareha. Habang naglilingkod bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Ang pag-aasawa, sa pinakatotoong diwa nito, ay isang pagsasama ng magkapantay, na walang isa mang nangingibaw sa isa, kundi, sa halip, ang bawat isa ay humihikayat at umaalalay sa anumang pananagutan o mithiing mayroon ang isa pa” (“I Believe,” Ensign, Agosto 1992, 6).
-
Bakit kailangang pahalagahan ng mga mag-asawa ang isa’t isa bilang kapantay na pareha upang magkaisa?
-
Ano ang ilan sa mga kaasalan o kaugaliang humahadlang sa pagiging pantay na pareha ng mga mag-asawa sa kanilang pagsasama? Ano ang magagawa ng mga mag-asawa upang mapaglabanan ang gayong mga hamon?
Si Elder Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagturo:
“Hindi nilayon na ang babae lamang ang tutulong sa mga tungkuling pagkasaserdote ng kanyang asawa o mga anak na lalaki. Mangyari pa, kailangan niyang itaguyod at suportahan at hikayatin sila.
“Ang mga maytaglay ng pagkasaserdote, sa kabilang banda, ay kailangang tumulong sa mga pangangailangan at pananagutan ng kanilang kabiyak at ina. Ang kanyang kapakanang pisikal at emosyonal at intelektuwal at kultural at ang kanyang espirituwal na pag-unlad ay kailangang manguna sa [kanilang] mga tungkulin sa pagkasaserdote.
“Walang gawain, gaano man kahamak, na may kaugnayan sa pag-aalaga ng mga sanggol, pangangalaga ng mga bata, o pagpapanatiling maayos ng tahanan na hindi kasinghalaga ng tungkulin [ng isang asawang lalaki]” (“A Tribute to Women,” Ensign, Hulyo 1989, 75).
Pinayuhan ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga maytaglay ng pagkasaserdote: “Bilang asawa at karapat-dapat na maytaglay ng pagkasaserdote, nanaisin ninyong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, na siyang nagmamay-ari ng pagkasaserdoteng tinataglay ninyo. Pagtutuunan ninyo ng pangunahing pansin sa inyong buhay ang pag-uukol ng inyong sarili sa inyong kabiyak at mga anak. Paminsan-minsan ay tinatangka ng lalaki na itakda ang tadhana ng bawat miyembro ng mag-anak. Siya ang gumagawa ng lahat ng pagpapasiya. Napapasailalim sa kanyang sariling kapritso ang kanyang kabiyak. Kaugalian man iyon o hindi ay hindi mahalaga. Hindi ito ang paraan ng Panginoon. Hindi ganito ang pakikitungo ng isang asawang Banal sa mga Huling Araw sa kanyang kabiyak at mag-anak” (sa Conference Report, Abr. 1999, 32; o Ensign, Mayo 1999, 26).
-
Ano ang ilang bagay na ginagawa ng mga mag-asawa kapag pinahahalagahan nila ang bawat isa bilang magkapantay na pareha? (Pag-isipang ibuod sa pisara ang mga sagot ng mga kalahok. Kung kinakailangan, ibahagi ang mga ideyang nakalista sa ibaba at anyayahan ang mga kalahok na magbahagi ng mga karanasang nauugnay sa mga ideyang iyon.)
-
Nagtutulungan sila sa responsibilidad upang tiyakin na ang mag-anak ay sama-samang nananalangin, nagdaraos ng gabing pantahanan ng mag-anak, at sama-samang nag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Magkasama silang nagpaplano kung paano gagamitin ang pananalapi ng mag-anak.
-
Nagsasanggunian sila at nagkakasundo tungkol sa mga patakaran sa pamamahay at sa paraan ng pagdidisiplina sa mga bata. Nakikita ng mga anak na nagkakaisa ang kanilang mga magulang sa gayong mga pagpapasiya.
-
Magkasama silang nagpaplano ng mga gawaing pangmag-anak.
-
Kapwa sila tumutulong sa mga gawaing-bahay.
-
Magkasama silang dumadalo sa simbahan.
-
Dapat pahintulutan ng mga mag-asawa na umakma sa isa’t isa ang kani-kanilang mga katangian at kakayahan.
Basahin sa mga kalahok ang I Mga Taga Corinto 11:11. Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott:
“Sa piano ng Panginoon, dalawa ang kailangan—isang lalaki at isang babae— upang makabuo…. Para sa pinakadakilang kaligayahan at kapakinabangan sa buhay kapwa kailangan ang dalawa sa mag-asawa. Magkarugtong at magkaakma ang kanilang mga pagsisikap. Bawat isa ay may kani-kanyang mga katangian na umaakma nang husto sa gagampanang tungkulin na nilayon ng Panginoon para sa kaligayahan ng bawat lalaki at babae. Kapag ginamit ayon sa layunin ng Panginoon, ang mga kakayahang iyon ay nagpapahintulot sa isang mag-asawa na mag-isip, kumilos, at magalak bilang isa—upang magkasamang harapin ang mga hamon at paglabanan ito bilang isa, upang lumago sa pag-iibigan at pag-uunawaan, at sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo ay magkasamang maibuklod bilang isang buo, magpasawalang-hanggan. Iyan ang piano” (sa Conference Report, Okt. 1996, 101; o Ensign, Nob. 1996, 73–74).
Upang ilarawan ang alituntuning itinuro ni Elder Scott, gawin ang sumusunod:
Bigyan ng kapirasong papel at bolpen at lapis ang bawat kalahok. Hilingin sa bawat kalahok na may asawa na ilista ang ilan sa kanyang mga katangian at kakayahan at ilan sa mga katangian at kakayahan ng kanyang asawa. Hilingin sa bawat kalahok na wala pang asawa na umisip ng isang mag-asawa at ilista ang ilang katangian at kakayahan ng mag-asawang iyon. Pagkatapos makapagsulat nang ilang minuto ang mga kalahok, itanong ang mga sumusunod:
-
Sa anong mga paraan makakatulong ang mga katangian at kakayahang inilista ninyo upang magkaisa ang mga mag-asawa? (Hilingin sa mga kalahok na magbahagi ng ilang natatanging halimbawa.)
-
Sa anong mga paraan ninyo nakitang naging mga kalakasan sa kanilang ugnayan ang mga pagkakaiba ng mga mag-asawa?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Sister Marjorie P. Hinckley, kabiyak ni Pangulong Gordon B. Hinckley, tungkol sa unang taon ng kanyang pag-aasawa:
“Minahal namin ang isa’t isa; walang alinlangan tungkol diyan, ngunit kinailangan din naming masanay sa isa’t isa. Palagay ko ay kailangang masanay ang bawat mag-asawa sa isa’t isa. Maaga pa ay natanto ko nang makabubuti kung higit pa kaming magsisikap na masanay sa isa’t isa kaysa palaging tangkaing baguhin ang isa’t isa” (Church News, ika-26 ng Setyembre 1988, 4).
-
Sa anong mga paraan maaaring maiba ang mga kahihinatnan kapag sinisikap ng mag-asawa na “masanay sa isa’t isa” sa halip na “palaging tangkaing baguhin ang isa’t isa”?
Dapat maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa.
Ibahagi ang sumusunod na payo mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley, ang ika-15 Pangulo ng Simbahan:
“Tiyaking kailanman ay walang anumang mamamagitan sa inyo na sisira sa inyong pagsasama. Gawin itong matagumpay. Pagpasiyahang mapagtagumpayan ito. Masyado nang marami ang naghihiwalay, kung saan nadudurog ang mga puso at kung minsan ay nawawasak ang mga buhay. Maging mas matapat kayo sa isa’t isa” (“Life’s Obligations,” Ensign, Peb. 1999, 2, 4).
-
Ano ang ibig sabihin ng salitang tapat para sa iyo? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng pagiging matapat, totoo, at mapagkakatiwalaan sa isang ugnayan.)
Ipaliwanag na binigyang-diin ng Panginoon na kailangang maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa. Basahin sa mga kalahok ang Doktrina at mga Tipan 42:22. Bigyang-diin na ang kautusang ito ay naaangkop kapwa sa mag-asawa.
-
Ano ang ibig sabihin ng pumisan sa asawa at wala nang iba?
Si Pangulong Spencer W. Kimball, ika-12 Pangulo ng Simbahan, ay nagturo: “Ang mga salitang wala nang iba ay nag-aalis sa lahat ng tao at lahat ng bagay. Kung gayon ang asawa ang nangunguna sa buhay ng kanyang kabiyak, at walang pamumuhay sa lipunan o maging sa trabaho man o buhay sa politika o interes man o tao o bagay na makahihigit kaysa sa isang asawa” (Faith Precedes Miracle [1972], 143).
-
Paano maiiwasan ng isang tao na makasagabal sa katapatan niya sa kanyang asawa ang mga pananagutan sa lipunan, trabaho, at Simbahan?
-
Ano ang ilang partikular na bagay kung saan maipakikita ng mga mag-asawa ang katapatan nila sa isa’t isa? (Kung nahihirapang sagutin ng mga kalahok ang tanong na ito, magbigay ng ilang halimbawa, tulad ng nakalista sa ibaba.)
-
Maaaring ipagpaliban ng isang asawang lalaki ang kanyang trabaho, paglilibang, o iba pang kompromiso para ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang maybahay.
-
Maaaring ipanalangin ng isang maybahay ang tagumpay ng kanyang asawa sa mga gawain niya.
-
Maaari silang makinig sa isa’t isa, kahit na marahil hindi madaling gawin iyon.
-
Maaari silang magsalita tungkol sa isa’t isa nang may pagmamahal at paggalang sa mga pakikipag-usap sa mga miyembro at kaibigan.
-
Katapusan
Bigyang-diin na iniutos ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta sa mga mag-asawa na magkaisa at magmahalan at magkasamang gumawa bilang magkapantay na pareha. Maipakikita ng mga mag-asawa ang katapatan nila sa isa’t isa sa araw-araw sa pamamagitan ng kanilang mga pag-iisip, salita, at kilos.
Sang-ayon sa panghihikayat ng Espiritu, magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa aralin.
Tingnan ang mga pahina 8-11 ng Gabay sa Pag-aaral ng Kalahok ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Upang Tayo’y Magkaisa” ni Elder Henry B. Eyring. Bigyang-diin na ang mga mag-asawa ay makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalaing ito sa gabay sa pag-aaral.
Ipaalala sa mga kalahok na dalhin sa klase ang kanilang mga gabay sa pag-aaral para sa susunod na aralin.