Resources para sa Pamilya
Aralin 7: Ang Nakapagpapagaling na Kapangyarihan ng Pagpapatawad


Aralin 7

Ang Nakapagpapagaling na Kapangyarihan ng Pagpapatawad

Layunin

Upang tulungan ang mga kalahok na maranasan ang kapayapaang dumarating sa mga nagpapatawad sa isa’t isa at hikayatin ang mga kalahok na payabungin ang diwa ng pagpapatawad sa kanilang mga tahanan.

Paghahanda

  1. Repasuhin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito). Humanap ng mga paraan upang maipamuhay ang mga alituntuning ito sa inyong paghahanda sa pagtuturo.

  2. Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag, na nagbabalangkas ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning ito sa buong linggo, na hinahangad ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.

  3. Ipaalala sa mga kalahok na dalhin sa klase ang kanilang kopya ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Makikinabang sila sa pagsangguni rito sa oras ng aralin.

Paalala: Habang itinuturo ninyo ang araling ito, pakiramdamang mabuti ang mga kalagayan ng bawat kalahok. Kung nagtatanong ang mga kalahok tungkol sa paghahangad o paggagawad ng kapatawaran sa mabibigat na problemang pangmag-anak tulad ng pang-aabuso o pagtataksil, mahinahon silang hikayatin na makipag-usap nang sarilinan sa obispo.

Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin

Ang diwa ng pagpapatawad sa pagitan ng mag-asawa ay nagdudulot ng kapayapaan at damdamin ng pagtitiwala at katiyakan.

Basahin ang sumusunod na kuwentong isinalaysay ni Elder Hugh W. Pinnock ng Pitumpu:

“Isang magkasintahan… ang nagpakasal sa dakong huli; nakasal na noon ang babae, pero ito ang unang kasal ng lalaki. Matapos ang maraming buwan ng masayang pagsasama, isang matinding hindi pagkakasundo ang nagsimula na lubos na nakasakit sa damdamin ng lalaki kung kaya hindi niya magampanan ang kanyang trabaho sa araw-araw.

“Habang hilo siya sa matinding epekto ng pag-aaway na ito, pinag-isipan niyang mabuti ang problema at natanto na kahit paano’y may kasalanan din siya sa problemang ito. Pumunta siya sa kanyang kabiyak at ilang ulit na bumulalas nang pautal-utal ng, ‘Patawad, Mahal ko.’ Humagulgol ang babae, at inaming siya ang malaking dahilan ng problema, at humingi ng tawad. Habang magkayakap, ipinagtapat niya na hindi pa niya naranasang humingi ng tawad noon, at ngayon ay alam na niyang maaayos nila ang anumang problema nilang darating. Nakadama siya ng kapanatagan sapagkat alam niya na kapwa nila masasabing, ‘Patawad’; ‘Pinatatawad kita’ ” (“Making a Marriage Work,” Ensign, Set. 1981, 36–37).

Ihambing ang kuwentong ito sa paglalarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa isang pakikipanayam niya sa isang mag-asawang nakararanas ng mga suliranin sa kanilang pagsasama (pahina 28 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Naaalala ko ang matagal kong pakikinig sa isang mag-asawang nakaupo sa harapan ng aking mesa. May hinanakit ang namamagitan sa kanila. Alam kong minsan ay naging marubdob at tunay ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Ngunit ang bawat isa ay nagkaroon ng ugaling punahin ang pagkakamali ng isa. Tumatangging magpatawad sa uri ng mga pagkakamaling nagagawa nating lahat, at tumatangging kalimutan ang mga ito at tanggapin ang mga ito nang may pagtitimpi, pinulaan nila ang isa’t isa hanggang sa magmaliw ang pag-ibig na dati nilang nadama. Nauwi ito sa abo sa batas ng tinatawag na paghihiwalay na ‘walang aamin ng kasalanan.’ Ngayon ay tanging kalungkutan at pagpaparatang lamang ang namamayani. Naniniwala ako na kung nagkaroon man lamang sana ng kahit bahagyang pagsisisi at pagpapatawad, magkasama pa sana sila ngayon, at tinatamasa ang pagsasamang nagpala nang lubos sa mga unang taon ng kanilang pagsasama” (“Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 4).

  • Ano ang matututuhan natin mula sa dalawang halimbawang ito?

Ipaliwanag na ang araling ito ay tungkol sa pangangailangang humingi ng tawad at sa kahalagahan ng pagpapatawad sa isa’t isa. Bigyang-diin na mapagwawagian ng mag-asawa ang maraming hamon sa kanilang ugnayan kung nagsisikap silang magkaroon ng diwa ng pagpapatawad sa kanilang pagsasama. Habang ginagawa nila ito, matututuhan nila ang katotohanan ng pangako ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa mga nagpapatawad sa isa’t isa: “Darating sa inyong puso ang kapayapaang hindi ninyo matatamo sa ibang paraan” (Ensign, Hunyo 1991, 5).

Dapat humingi ng tawad sa isa’t isa ang mag-asawa para sa kanilang mga pagkukulang at gumawa ng taimtim na pagsisikap na magbago.

  • Bakit mahalaga para sa mag-asawa na magsabing “Patawad” at hingin ang tawad ng isa’t isa para sa kanilang mga pagkukulang?

  • Bakit mahirap humingi ng tawad kung minsan? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng, dahil sa ang kasakiman at pagmamalaki ay humahadlang o kaya naman ay dahil sa kung minsan ay sinisisi natin ang iba sa ating mga problema.

  • Paano tayo magkakaroon ng lakas upang humingi ng tawad sa iba?

Bigyang-diin na sa paghingi natin ng kapatawaran, mahalagang gumawa tayo ng taimtim na pagsisikap na magbago at, kung kinakailangan, magsisi sa ating mga kasalanan. Hindi sapat na ipahayag lamang natin ang kalungkutan sa ating mga kilos; kailangan nating pagsikapang maging karapat-dapat sa kapatawaran ng iba at gayundin sa kapatawaran ng Panginoon.

  • Ano ang masama sa paghingi ng tawad nang walang pagsisikap na magbago?

Habang tinatapos ninyo ang bahaging ito ng aralin, pag-isipang ibahagi ang isa o ang kapwa sumusunod na totoong kuwento:

Matapos magliwaliw isang gabi kasama ang kanyang kabiyak at ilang kaibigan, napuna ng lalaki ang di pangkaraniwang katahimikan ng kanyang kabiyak. Tinanong niya kung may problema, at ipinaliwanag niya na ilang beses siyang napahiya at nasaktan nang gabing iyon dahil siya ang ginawa nitong paksa ng usapan. Noong una ay pinangatwiranan niya ang kanyang ginawa, na sinasabing nagbibiro lamang siya, at na gusto lang niyang masiyahan ang lahat, at na masyado lang niya itong dinidibdib. Gayunman, habang nag-uusap sila, natanto niyang talagang nasaktan niya ang damdamin ng kabiyak. Labis siyang nalungkot nang matanto niyang maraming beses niyang hiniya ang asawa niya sa kanyang mga pagbibiro. Humingi siya ng tawad at nangakong hindi na niya hihiyaing muli ang kanyang kabiyak. Tinupad niya ang kanyang pangako. Mula noon, humanap siya ng mga paraan upang taimtim niyang purihin ang kanyang asawa sa harap ng iba.

Isang asawa at ama na nalulong sa pornograpiya noong binatilyo pa siya ang hindi matigil sa bisyong ito. Nawawalan na siya ng pag-asa dahil hindi niya alam kung paano siya magbabago. Sa bandang huli, taimtim siyang nanalangin para humingi ng tulong, nagpakumbaba, at nagsimulang pag-aralan ang buhay at turo ng Tagapagligtas. Habang lalo niyang nauunawaan ang mga pagpapalang iniaalay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, natanto niyang maaari pala niyang baguhin ang kanyang pag-uugali. Nakita niyang sinisira ng pagkalulong na ito ang kanyang sarili at ang pagsasama nila ng kanyang asawa at mag-anak. Ang bago niyang pang-unawa sa misyon ni Jesucristo ay nagpahintulot sa kanyang gawin ang mga kinakailangang pagbabago upang maisaayos ang pagsasama nilang mag-asawa.

Ibahagi ang sumusunod na pahayag, na ginawa ni Elder Spencer W. Kimball habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol:

“Sa bawat pagpapatawad ay may isang kondisyon. Dapat ay kasinglapad ng sugat ang benda. Ang pag-aayuno, ang mga panalangin, ang pagpapakumbaba ay dapat maging kapantay o mas matindi sa kasalanan. Dapat ay may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Dapat ay mayroong damit na magaspang at abo. Dapat ay mayroong pagluha at tunay na pagbabago ng puso. Dapat ay may paghatol sa kasalanan, pagtalikod sa kasamaan, pag-amin ng pagkakamali sa mga itinalagang awtoridad ng Panginoon. Dapat ay mayroong pagsasauli at pinagtibay at totoong hangaring magbago ng hakbang, direksyon at patutunguhan. Dapat ay mapigilan ang mga pangyayari at mawasto at mabago ang pagsasamahan. Dapat ay may pagsisisi at dapat ay may panibagong paglalaan at katapatan sa pamumuhay ng lahat ng batas ng Diyos. Sa madaling salita, dapat ay may pananaig sa sarili, sa kasalanan, at sa daigdig” (The Miracle of Forgiveness, [1969] 353).

Dapat hangaring patawarin ng mag-asawa ang isa’t isa.

Tukuyin na bukod sa paghingi ng tawad para sa ating mga kasalanan at sa mga pagkakamaling nagawa natin, kailangan nating maging mapagpatawad. Kung minsan ay nasasaktan tayo sa maliliit na bagay na ginagawa ng mga tao, ngunit inutusan tayo ng Panginoon na patawarin ang isa’t isa. Basahin sa mga kalahok ang Doktrina at mga Tipan 64:8–10 at Mateo 6:14–15.

  • Sa anong mga paraan napatatatag ang pagsasama ng mag-asawa kapag handa silang magpatawad sa isa’t isa?

    Ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Kung mayroong sinumang nagkikimkim sa kanilang puso ng makamandag na lason ng pagkapoot sa isa’t isa, nagsusumamo ako sa inyo na humingi ng lakas sa Panginoon para magpatawad. Ang pagpapahayag na ito ng inyong hangarin ang magiging pinakasangkap ng inyong pagsisisi. Maaaring hindi ito maging madali, at maaaring hindi dumating kaagad. Ngunit kung taimtim ninyong hahangarin at pagyayamanin ito, tiyak na darating ito… May kapayapaang darating sa puso ninyo na hindi matatamo sa ibang paraan” (Ensign, Hunyo 1991, 5; tingnan din sa pahina 28 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak).

  • Bakit mahirap magpatawad kung minsan? (Ang mga sagot ay maaaring hinahangad ng mga tao na pangalagaan ang kanilang sarili upang hindi na muling masaktan sa susunod, at iniisip nila na ang pagpapatawad ay parang pag-ayon sa masakit na ginawa, o kaya’y nahihirapan silang patawarin ang isang taong umaasam ng kapatawaran nang walang pagsisikap na paglabanan ang pag-uugali na nakasasakit ng damdamin.)

  • Ano ang masamang sa pagtanggi ng mag-asawang patawarin ang isa’t isa?

  • Sa anong mga paraan pinagpapala ng pagpapatawad ang pinatatawad? Paano nakatutulong sa isang tao ang pagpapatawad ng iba upang baguhin nito ang hindi kanais-nais na pag-uugali?

  • Sa anong mga paraan nabibiyayaan ng diwa ng pagpapatawad ang isang taong nagpapatawad?

Imungkahi na kapag nadarama nating nagkasala sa atin ang iba, dapat nating tanungin ang ating sarili kung paano tayo nais tumugon ng Tagapagligtas. Gaya ng ipinayo ni Pangulong Howard W. Hunter, ang ika-14 na Pangulo ng Simbahan: “Kailangan nating higit na pag-isipan ang mga banal na bagay at kumilos nang mas katulad ng inaasahan ng Tagapagligtas na ikikilos ng kanyang mga disipulo. Dapat nating itanong sa ating sarili sa bawat pagkakataon: ‘Ano ang gagawin ni Jesus?’ at pagkatapos ay mas matapang na tumalima sa sagot” (sa Conference Report, Okt. 1994, 118; o Ensign, Nob. 1994, 87).

Basahin ang sumusunod na payo mula kay Pangulong Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan:

“Lahat tayo ay may mga kahinaan at kamalian. Minsan nakakikita ng kamalian ang lalaki sa kanyang asawa, at pagsasabihan niya ito. Minsan, nararamdaman ng babae na hindi ginagawa ng kanyang asawa ang makabubuti, at pagsasalitaan niya ito. Anong kabutihan ang magagawa nito? Hindi ba’t mas mainam ang kapatawaran? Hindi ba’t mas mainam ang pag-ibig sa kapwa? Hindi ba’t mas mainam ang pagmamahal? Hindi ba mas magandang huwag nang pag-usapan ang pagkakamali, huwag nang palakihin pa ang kahinaan sa paulit-ulit na pagbanggit nito? Hindi ba mas mainam ito? At hindi ba’t ang pagsasama na pinagtibay ng pagsilang ng mga anak at ng bigkis ng bago at walang hanggang tipan, ay mas tumitibay kapag kinaligtaan ninyong banggitin ang mga kahinaan at kamalian ng bawat isa? Hindi ba’t mas mainam na kalimutan ang mga ito at huwag nang banggitin pa ang tungkol dito—ibaon ang mga ito at banggitin lamang ang tungkol sa mabuti na nalalaman at nadarama, sa isa’t isa, at sa gayon ay ibaon ang kamalian ng bawat isa at hindi na palakihin pa ang mga ito; hindi ba mas mainam ito? (“Sermon on Home Government,” Millennial Star, ika-20 ng Enero 1912, 49–50).

Katapusan

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Spencer W. Kimball:

“Anong laking kaaliwan! Anong laking kaginhawahan! Anong laking kagalakan! Ang mga taong binabagabag ng mga paglabag at kalungkutan at kasalanan ay maaaring mapatawad at mapalinis at mapadalisay kung babalik sila sa kanilang Panginoon, kikilalanin siya, at susundin ang kanyang mga kautusan. At lahat tayo na nangangailangang magsisi sa araw-araw na mumunting kamalian at kahinaan ay makababahagi rin sa himalang ito” (The Miracle of Forgiveness, 368).

Sang-ayon sa panghihikayat ng Espiritu, magpatotoo na kapag ang mag-asawa ay mapagpatawad sa mga kamalian ng isa, nakadarama sila ng kapayapaan. Higit silang nagkakaisa at higit na nakakayanang harapin ang mga hamon sa pagsasama ng mag-asawa at sa pagiging magulang. Anyayahan ang mga kalahok na pangalagaan ang diwa ng pagpapatawad sa kanilang tahanan.

Sumangguni sa mga pahina 27–29 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng Mga Ugtiayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Kayo ay Kinakailangang Magpatawad,” ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Bigyang-diin na ang mga mag-asawa ay makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.

Ipaalala sa mga kalahok na dalhin sa klase ang kanilang mga gabay sa pag-aaral para sa susunod na aralin.