Aralin 6
Pagpapatatag ng Pagsasama ng Mag-asawa sa Pamamagitan ng Pananampalataya at Panalangin
Layunin
Upang tulungan ang mga kalahok na nakaunawa at magsikap upang tanggapin ang mga pagpapalang dumarating kapag nananampalataya ang mag-asawa kay Jesucristo at magkasamang nananalangin.
Paghahanda
-
Repasuhin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito). Humanap ng mga paraan upang maipamuhay ang mga alituntuning ito sa inyong paghahanda sa pagtuturo.
-
Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag, na nagbabalangkas ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning ito sa buong linggo, na hinahangad ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.
Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin
Dapat magtulungan ang mag-asawa na pag-ibayuhin ang pananampalataya nila kay Jesucristo.
Ibahagi ang sumusunod na kuwentong isinalaysay ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:
“Si Elder Orin Voorheis…ay isang malaki, makisig, at magaling na binatang naglingkod sa Argentina Buenos Aires South Mission. Isang gabi, halos pang-11 buwan na niya sa misyon, ilang armadong kalalakihan ang pumigil kay Elder Voorheis at sa kasama niya. Sa walang kabuluhang karahasan, isa sa kanila ang bumaril kay Elder Voorheis sa ulo… .
“Hanggang ngayon ay halos ganap na paralisado pa rin si Elder Voorheis at hindi makapagsalita, ngunit kahanga-hanga ang kanyang espiritu at nakasasagot sa mga tanong sa pamamagitan ng pagkilos ng mga kamay. Suot pa rin niya ang kanyang tsapang pangmisyonero. Hindi nagtatanong ang mga magulang niya ng, ‘Bakit nangyari ito sa aming marangal na anak, na naglilingkod sa tawag ng Panginoon?’ Walang tiyak na kasagutan ang sinuman maliban marahil sa mga sitwasyong may mas matataas na layuning isinasakatuparan. Kailangan tayong mabuhay nang may pananampalataya” (sa Conference Report, Okt. 1999, 73; o Ensign, Nob. 1999, 59–60).
Basahin sa mga kalahok ang Hebreo 11:1 at Alma 32:21. Tukuyin na sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Hebreo 11:11, sinasabi na “ang pananampalataya ang kapanatagan sa mga bagay na inaasam.”
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang kahulugan ng pananampalataya?
-
Ano ang ilang sitwasyon na nangangailangan ang mag-asawa na “lumakad nang may pananampalataya,” na tulad ng sinabi ni Pangulong Faust?
Isaalang-alang na hilingan ang mga kalahok na magbahagi ng mga halimbawa mula sa kanilang buhay. Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng malubhang karamdaman, kawalan ng anak, pagtanda, mga anak na may kapansanan, kamatayan ng mga mahal sa buhay, mga problema sa pananalapi, mga suwail na anak, at kapahamakang dulot ng kalikasan. Tukuyin na ang mga hamon ay dumarating sa ating buhay kahit na nagsisikap tayong mamuhay nang matwid.
Basahin sa mga kalahok ang Moroni 7:32–33. Bigyang-diin na ang ating pananampalataya ay dapat na nakasentro kay Jesucristo. Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott na kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo, lumalakas tayo sa harap ng mga hamon:
“Ang Panginoon ay magbibigay ng kaaliwan sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan kapag naghahangad kayo ng kaligtasan nang may pagpapakumbaba at pananampalataya kay Jesucristo…. Walang makatutulong sa inyo kung wala kayong pananampalataya at pagsisikap. Kinakailangan iyan ng inyong sariling pag-unlad. Huwag asamin ang buhay na halos walang hirap, sakit, pagpupumilit, hamon, o pagdurusa, dahil iyon ang mga kasangkapan ng isang mapagmahal na Ama upang pasiglahin ang inyong sariling pag-unlad at pang-unawa. Gaya nang paulit-ulit na tinitiyak ng mga banal na kasulatan, matutulungan kayo habang nananampalataya kayo kay Jesucristo. Ang pananampalatayang iyon ay naipamamalas sa pagtitiwala sa Kanyang mga pangakong ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at ng Kanyang mga banal na kasulatan” (sa Conference Report, Abr. 1994, 8; o Ensign, Mayo 1994, 8).
Bigyang-diin na dapat pagtulungan ng mag-asawa na isentro ang kanilang buhay sa Tagapagligtas. Si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsabi:
“Nais ninyo ng kakayahan, kaligtasan, at katiyakan… sa buhay may-asawa at sa walang hanggan? Maging tunay kayong disipulo ni Jesus. Maging tunay at matapat na Banal sa mga Huling Araw sa salita at sa gawa. Paniwalaan na ang inyong pananampalataya ay may kinalaman sa inyong pagsusuyuan, dahil totoo iyan… Si Jesucristo, ang Ilaw ng Sanlibutan, ang tanging lamparang magbibigay-liwanag sa inyo tungo sa landas ng pag-ibig at kaligayahan para sa inyo at sa inyong iniirog” (“How Do I Love Thee?” [Brigham Young University devotional address, ika-15 ng Pebrero, 2000], 6).
-
Paano nakatutulong sa mag-asawa ang ibayong pananampalataya sa Tagapagligtas upang patatagin ang kanilang ugnayan sa isa’t isa? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng mga nakalista sa ibaba.)
-
Nagiging mas katulad sila ni Cristo sa pakikitungo nila sa isa’t isa. Nagiging mas mapagmahal sila, matulungin, mahinahon, mapagpasensiya, at handang makinig sa isa’t isa.
-
Nagiging mas mapagpakumbaba sila at handang magsisi at sumunod sa mga turo ng Tagapagligtas. Mas lalong handang magsisi at maging katulad ni Cristo ang bawat isa, mas lalong nagiging matiwasay ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
-
-
Sa anong mga paraan maaaring magtulungan ang mag-asawa na pag-ibayuhin ang pananampalataya nila sa Tagapagligtas? (Anyayahan ang mga kalahok na magbahagi ng mga karanasang nakapagpalakas sa pananampalataya nila sa Tagapagligtas. Bukod sa paghingi ng mga sagot sa mga kalahok, pag-isipang ibahagi ang mga alituntuning nakalista sa ibaba.)
-
Sundin ang mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. (Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Bishop Robert D. Hales habang naglilingkod siya bilang Namumunong Obispo: “Ang pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ay mahalaga upang magtamo ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” [sa Conference Report, Abr. 1990, 52; o Ensign, Mayo 1990, 39].)
-
Magkasamang pag-aralan ang mga banal na kasulatan. (Basahin sa mga kalahok ang Helaman 15:7–8.)
-
Magtiwala sa Panginoon. (Basahin sa mga kalahok ang Mga Kawikaan 3:5–6 Bigyang-diin na habang humaharap sa mga hamon ang mag-asawa, mapagpapasiyahan nilang hangarin ang tulong ng Panginoon nang buong taimtim at magagawang higit na mahalagang bahagi ng araw-araw nilang pamumuhay ang kanilang pananampalataya.)
-
Pinagpapala ang mag-asawa kapag magkasama silang nananalangin.
-
Anong mga pagpapala ang maaaring dumating kapag palaging magkasamang lumuluhod sa panalangin ang mag-asawa? (Hikayatin ang mga kalahok na magbahagi ng mga karanasang may kaugnayan sa tanong na ito. Bukod dito, basahin ang sumusunod na sipi at ang isa o kapwa sumusunod na mga halimbawa.)
Habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, ipinayo ni Elder Gordon B. Hinckley na:
“Wala akong alam na gawaing magkakaroon ng makabuluhang pakinabang sa inyong buhay maliban sa magkasamang pagluhod sa pagsisimula at pagtatapos ng bawat araw. Kahit paano ang mahihinang unos na tila nagpapahirap sa bawat mag-asawa ay napapawi kapag, sa pagluhod ninyo sa harapan ng Panginoon, ay pinasasalamatan ninyo siya para sa isa’t isa, sa piling ng isa’t isa, at pagkatapos ay magkasamang nagsusumamo na Kanyang pagpalain ang inyong buhay, tahanan, mga mahal sa buhay, at mga pangarap.
“Sa gayon magiging katuwang ninyo ang Diyos, at ang araw-araw ninyong pakikipag-usap sa kanya ay magdudulot ng kapayapaan sa inyong mga puso at kagalakan sa inyong buhay na wala nang ibang pinagmumulan. Tatamis ang inyong pagsasama sa paglipas ng mga taon ay tatatag ang inyong pag-iibigan. Madaragdagan ang pagpapahalaga ninyo sa isa’t isa” (sa Conference Report, Abr. 1971, 83; o Ensign, Hunyo 1971, 72).
Isang asawang lalaki ang nagsabi na ang mga panalangin ng kanyang asawa ay nagbigay-inspirasyon sa kanya upang maging mas mabuting asawa at ama. Kapag lumuluhod siya sa tabi ng kanyang kabiyak sa panalangin, na hawak ang kamay nito, nakikinig siya sa kanyang pagsusumamo sa Ama sa Langit tungkol sa mga alalahanin ng kanyang puso. Nag-iibayo ang pagmamahal niya rito dahil alam niyang dalisay ang puso nito at tapat ang mga hangarin. Alam niya na kapag nakikipag-usap siya sa Ama sa Langit, wala na siyang iba pang nais kundi ang mapaglingkuran Siya sa kabutihan.
Sa isa pang mag-anak, matagal na naparalisa ang asawang lalaki. Gabi-gabi bago sila matulog ng kanyang kabiyak, pinasasalamatan nila ang Ama sa Langit para sa kanilang mga biyaya at hinahangad ang Kanyang patnubay sa pagpapalaki ng kanilang apat na anak sa maliit na kinikita. Ilang taon ang nakalipas, nang makabalik na sa trabaho ang asawang lalaki, tinanong sila kung paano sila nakaraos sa panahon ng paghihirap. Pinatotohanan nila na ang pagtutulungan at magkasamang panalangin ang gumawa ng pagkakaiba. Sinagot ng maraming pagpapala ang taimtim nilang mga panalangin, kabilang na ang pag-asang natanggap nila mula sa nakaaaliw na impluwensiya ng Espiritu.
-
Paano makatutulong sa mag-asawa ang magkasamang panalangin sa paglutas ng mga suliranin nila sa kanilang pagsasama? (Habang tinatalakay ng mga kalahok ang katanungang ito, bigyang-diin na kapag nadarama ng mag-asawa na magtatalo sila, minsan ay humihinto silang manalangin nang magkasama. Gayunman, ang pananalangin nang magkasama ay mabisang kasangkapan upang tulungan silang paglabanan ang gayong mga hamon.)
Isinalaysay ni Pangulong Thomas S. Monson ng Unang Panguluhan ang araw nang siya at ang kanyang kabiyak na si Frances ay ibinuklod sa Templo ng Salt Lake. Ibinigay sa kanila ni Benjamin Bowring, ang lalaking nagsagawa ng seremonya, ang payong ito: “Maaari bang maghandog sa inyong mga bagong kasal ng isang paraang magbibigay ng katiyakan na anumang hindi pagkakasundong darating sa inyo ay hindi tatagal nang mahigit sa isang araw? Gabi-gabi kayong lumuhod sa tabi ng inyong kama. Sa isang gabi, Brother Monson, ikaw ang mag-alay ng panalangin, nang malakas, habang nakaluhod. Sa susunod na gabi, Sister Monson, ikaw ang mag-alay ng panalangin, nang malakas, habang nakaluhod. Titiyakin ko sa inyo na kapag nagkagayon ang anumang hindi ninyo pagkakaunawaan sa maghapon ay mapapawi habang nananalangin kayo. Hindi kayo talaga makapananalangin nang magkasama nang hindi pinananatili ang pinakamaiinam na damdamin ninyo sa isa’t isa” (sa Conference Report, Okt. 1988, 81; o Ensign, Nob. 1988, 70).
Si Elder David B. Haight ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsabi: “Kung kayo, bilang mag-asawa ay may malulubhang di pagkakaunawaan o nadarama ninyong may problemang namumuo sa inyong pagsasama, dapat kayong magkasamang lumuhod nang buong pagpapakumbaba at hilingin sa ating Diyos Ama nang buong taimtim at may tunay na layunin, na pawiin ang kadiliman sa inyong ugnayan, upang matanggap ninyo ang kailangang liwanag, makita ang inyong mga pagkakamali, mapagsisihan ang inyong mga kasalanan, mapatawad ang isa’t isa, at matanggap ang bawat isa tulad nang ginawa ninyo sa Simula. Buong katapatan kong tinitiyak sa inyo na buhay ang Diyos at sasagutin Niya ang mga mapagpakumbaba ninyong pagsusumamo” (sa Conference Report, Abr. 1984, 17; o Ensign, Mayo 1984, 14).
Hilingin sa mga kalahok na may-asawa na tahimik na suriin ang kanilang mga pagsisikap na manalangin na kasama ang kanilang asawa. Bigyang-diin na sa mga tahanang iisa lamang ang magulang, ang taimtim na pansariling panalangin ay magdudulot ng mga pagpapala ng Diyos sa tahanan.
Katapusan
Bigyang-diin na kapag nagtutulungan ang mag-asawa upang manampalataya kay Jesucristo at manalangin, makatatagpo sila ng higit na kaligayahan, pagkakaisa, at kakayahang harapin ang kanilang mga hamon.
Sang-ayon sa panghihikayat ng Espiritu, magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa aralin.
Sumangguni sa mga pahina 22–26 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Pagkakaroon ng Kaligayahan sa Buhay,” ni Elder Richard G. Scott. Bigyang-diin na ang mga mag-asawa ay makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.
Ipaalala sa mga kalahok na dalhin sa klase ang kanilang mga gabay sa pag-aaral para sa susunod na aralin.