Resources para sa Pamilya
Pambungad


Pambungad

Layunin ng Kursong Ito

Ang kursong Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak ay nilayon upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na patatagin ang pagsasama ng mga mag-asawa at mag-anak at makatagpo ng kagalakan sa kanilang mga ugnayang pangmag-anak. Ito ay nahahati sa dalawa. Ang Bahagi A, “Pagpapatatag ng Pagsasama ng mga Mag-asawa,” ay higit na nakatutulong sa mga mag-asawa at sa mga miyembrong naghahandang magpakasal. Ang Bahagi B, “Mga Pananagutan ng mga Magulang sa Pagpapatatag ng mga Mag-anak,” ay tumutulong sa mga magulang at mga lolo at lola sa kanilang mga pagsisikap na “turuan ang [mga anak] ayon sa saway at aral ng Panginoon” (Mga Taga Efeso 6:4).

Ang kurso ay batay sa mga doktrina at alituntuning itinuro sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta at apostol sa mga huling araw. Nagbibigay-diin ito sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na kabilang sa pahina ix.

Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro

Habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang walang-hanggang kahalagahan ng kasal at ng mag-anak at ang malaking pangangailangang patatagin ang pagsasama ng mag-asawa at mag-anak, magsisimula ninyong maunawaan ang malalim na kahalagahan ng inyong tungkuling ituro ang kursong ito. Ang inyong katapatan at mapanalanging paghahanda ay magdudulot ng mga pagpapala sa inyo at sa inyong mag-anak gayundin sa mga kalahok sa kurso. Habang pinagsisikapan ninyong gampanang mabuti ang inyong tungkulin, alalahanin ang mga alituntuning nakabalangkas sa pahinang ito at sa mga pahina xi-xiii.

Ihanda ang Inyong Sarili upang Magturo

Bilang tagapagturo sa kursong ito, pananagutan ninyong ituro ang mga doktrina ng ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hindi ninyo kailangang magkaroon ng kasanayang propesyonal sa pagpapayo sa mag-anak, ni hindi ninyo kailangang makakita ng lahat ng kalutasan sa lahat ng hamon na maaaring dumating sa mga mag-anak. Ang mga talakayan sa klase ay dapat umakay sa mga kalahok upang pag-isipang mabuti at ipanalangin ang kanilang sariling buhay at ayusin ang kanilang sariling mag-anak.

Para sa tulong tungkol sa mga pangunahin at mahahalagang alituntunin sa pagtuturo ng ebanghelyo, tulad ng pansariling paghahanda, pagmamahal sa inyong mga tinuturuan, at pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu, sumangguni sa mga sumusunod na mapagkukunan:

  • “Pagtuturo ng Ebanghelyo at Pamumuno” bahagi 16 ng Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan, Aklat 2: Mga Pinuno ng Pagkasaserdote at Pantulong na Samahan (35209 893 o 35903 893).

  • Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (36123 893).

  • Gabay na Aklat sa Pagtuturo (34595 893).

Alalahanin ang Malawak na Sakop ng Kurso

Bago ninyo ituro ang unang aralin, maglaan ng oras upang repasuhin ang buong kurso. Matutulungan kayo nitong makita kung paano nagkakatulung-tulong ang mga aralin upang patatagin ang mga pagsasama ng mag-asawa at mag-anak.

Habang naghahanda kayo para sa bawat aralin, makabubuting repasuhin ang mga nilalaman (mga pahina v-viii, na nagbibigay ng buod ng kurso. Repasuhin ang mga naituro at natutuhan na ninyo, at pag-isipang mabuti kung paano sinusuportahan ng mga doktrina at alituntunin sa bawat aralin ang kabuuan ng kurso.

Maagang Simulan ang Paghahanda ng Aralin

Higit na magiging matagumpay ang inyong paghahanda kung maaga kayong magsisimula para sa bawat aralin. Matapos ituro ang isang aralin, agad basahin ang susunod na aralin. Kung may ideya kayo sa ituturo ninyo, mapag-iisipan ninyong mabuti ang aralin sa buong linggo. Makatutulong ito sa inyo upang malaman ang mga alituntuning dapat ninyong bigyang-diin, mga pamamaraang dapat ninyong gamitin, at mga karanasang maaari ninyong ibahagi.

Piliin ang mga Materyal sa Aralin na Pinakamainam na Makatntugon sa mga Pangangailangan ng mga Kalahok

Maingat na pag-aralan ang mga doktrina at alituntunin sa bawat aralin, na hinahangad ang patnubay ng Espiritu upang tulungan kayong pumili ng materyal sa aralin na pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga kalahok. Alalahanin na “ang tagumpay ng isang aralin ay nasusukat sa impluwensiya nito sa mga tinuturuan ninyo” (.Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [1999], 51-57).

Alamin Kung Paano Ituturo ang mga Aralin

Bilang karagdagan sa pag-alam kung ano ang ituturo ninyo sa isang aralin, mahalagang magpasiya kung paano ninyo ituturo ito. Kailangan ninyong laging pagsikapang magturo sa paraang makahihikayat sa mga kalahok na ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning natututuhan nila.

Dapat mailahad ang mga aralin sa kursong ito bilang mga talakayan sa halip na mga aralin. Tulungan ang mga miyembro na makalahok nang makabuluhan sa pagtalakay sa mga doktrina at alituntuning itinuturo ninyo. Ang payo ng Panginoon hinggil sa talakayan sa klase ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 88:122: “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo.” Para sa impormasyon tungkol sa pamumuno sa mga talakayan, tingnan sa mga pahina 783–81 sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin.

Kung naaangkop, gumamit ng iba’t ibang pamamaraan upang tulungan ang mga kalahok na matutuhan at maunawaan ang mga alituntunin sa mga aralin. Halimbawa, humanap ng mga pagkakataon upang sumulat sa pisara, gumamit ng mga bagay na kaugnay sa aralin, at magpakita ng mga larawan. Para sa tulong kung paano gamitin ang mga ito at iba pang paraan, sumangguni sa mga pahina 211–40 sa Pagtuturo; WalangHigit na Dakilang Tungkulin.

Anyayahan ang mga Kalahok na Ipamuhay ang mga Natututuhan Nila

Bilang guro ng ebanghelyo, hindi kayo dapat masiyahan sa pagbabahagi lamang ng impormasyon kahit na ginagawa ninyo ito sa orihinal at mapanghalinang paraan. Ang layunin ninyo ay tulungan ang iba na mamuhay ayon sa mga doktrina at alituntuning natututuhan nila. Ipinayo ni Pangulong Harold B. Lee, ang ika-11 Pangulo ng Simbahan:

“Lahat ng alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay pawang mga paanyaya lamang na pag-aralan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga turo nito. Walang taong nakaaalam sa alituntunin ng ikapu hangga’t hindi siya nagbabayad ng ikapu. Walang taong nakaaalam ng alituntunin ng Salita ng Karunungan hanggang sa masunod niya ang Salita ng Karunungan. Ang mga bata, o matatanda man, ay hindi napapaniwala sa ikapu, sa Salita ng Karunungan, sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, o sa panalangin sa pamamagitan ng pakikinig lamang sa isang taong nagsasalita tungkol sa mga alituntuning ito. Natututuhan natin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pamumuhay nito… .

“…Hindi natin kailanman tunay na malalaman ang anuman sa mga turo ng ebanghelyo hangga’t hindi natin nararanasan ang mga pagpapalang nagmumula sa pamumuhay ng bawat alituntunin” (Stand Ye in Holy Places [1974], 215).

Ang mga magasin ng Simbahan ay kadalasang naglalaman ng mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon na naglalarawan kung paano pinagpapala ang mga miyembro ng Simbahan habang ipinamumuhay nila ang ebanghelyo. Makakakita kayo ng mga kuwentong nagtuturo ng ilang doktrina at alituntunin sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga indise ng mga magasin. Pag-isipang magbahagi sa klase ng ilan sa mga kuwentong ito.

Sa katapusan ng bawat aralin, anyayahan ang mga kalahok na ipamuhay ang mga natutuhan nila. Tiyaking maglaan ng sapat na oras upang makapag-anyaya at mahikayat silang kumilos. Magplano ng mga paraan upang magpaabot ng gayong mga paanyaya. Halimbawa, pagkatapos ng aralin 9, na pinamagatang “Ang mga Anak ay Mana mula sa Panginoon,” maaari ninyong repasuhin ang mga pangunahing alituntunin ng aralin at pagkatapos ay anyayahan ang mga kalahok na mangakong maglalaan ng oras para makasama ang bawat isa sa kanilang mga anak.

Hikayatin ang mga Kalahok na Gamitin ang Gabay sa Pag-aaral para sa Kurso

Bilang bahagi ng paghahanda ninyo sa bawat aralin, kailangan ninyong repasuhin ang nauukol na materyal sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak (36357 893). Magplano ng mga pamamaraan upang hikayatin ang mga kalahok na (1) sundin ang kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) basahin ang latlahain o mga lathalaing kasama sa bawat aralin. Bigyang-diin na maaaring makatanggap ang mga mag-asawa ng mga dakilang pagpapala mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay sa mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.

Dapat dalhin ng mga kalahok ang kanilang gabay sa pag-aaral sa bawat aralin sa klase.

Tumugon sa mga Pangangailangan ng mga Taong Wala sa mga Nakamulatang Kalagayang Pangmag-anak

Maging matalas ang pakiramdam sa kani-kanyang kalagayan ng mga kalahok, na ang ilan ay maaaring wala pang asawa, balo, hiwalay, o kaya’y nasa iba pang mahihirap na kalagayang pangmag-anak. Laging isaisip ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang ika-12 Pangulo ng Simbahan:

“Tayo… ay patuloy na nagtataguyod sa huwaran ng mag-anak na Banal sa mga Huling Araw. Ang katotohanan na ang ilan ay walang pagkakataong mabuhay sa gayong mag-anak ay hindi sapat na dahilan upang itigil nating pag-usapan ito. Gayunpaman, totoong tinatalakay natin ang buhay mag-anak nang may kaselanan, na natatantong marami… ang sa kasalukuyan ay walang pagkakataong mapabilang o makaragdag sa ganoong mag-anak. Ngunit hindi natin masasaisantabi ang pamantayang ito, sapagkat napakarami pang ibang bagay na nakasalalay dito” (The Teachings of Spencer W. Kimball, isinaayos ni Edward L. Kimball [1982], 294-95).

Pagharap sa Mabibigat na Suliraning Pangmag-anak

Bagama’t nanghihikayat ng talakayan, tiyaking nauunawaan ng mga kalahok na hindi angkop na magbahagi ng mga detalye ng mabibigat na suliraning pangmag-anak. Kung naghahangad ng payo tungkol sa mabibigat na suliranin ang mga kalahok, mahinahong hikayatin sila na makipag-usap nang sarilinan sa obispo. Mapapayuhan niya ang mga ito. Maaari din siyang magrekomenda ng mga tagapayo sa LDS Family Services o ng mga makatutulong sa pamayanan na naaakma sa mga pamantayan ng Simbahan.

Mga Materyal na Dapat Ninyong Gamitin

Ang Simbahan ay naglalaan ng sapat na mapagkukunan upang tulungan kayong maituro ang mga totoong doktrina at alituntunin tungkol sa pagsasama ng mag-asawa at mag-anak. Mangyari lamang na iwasang gumamit ng mga lathalaing pangkalakal sa paghahanda o pagtuturo ninyo. Ang mga pangunahing materyal ninyo para sa pagtuturo ng kurso ay ang mga banal na kasulatan, ang manwal na ito, at ang Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Masidhing pag-iisip at panalangin ang iniukol sa paghahanda ng mga materyal para sa kursong ito.

Mga Karagdagang Mapagkukunan

Ang mga sumusunod na mapagkukunan na inilathala ng Simbahan ay naglalaan ng karagdagang impormasyon sa mga paksang tinalakay sa kursong ito. Makukuha ang mga mapagkukunang ito sa mga sentro ng pamamahagi ng Simbahan. Maaaring ninyong naising hikayatin ang mga kalahok na gamitin ang mga lathalaing ito sa kanilang mga mag-anak (ang mga ito ay nakalista sa pahina vi sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak).

  • Gabay na Aklat ng Mag-anak (31180 893). Ang gabay na aklat na ito ay naglalarawan ng organisasyon ng mag-anak, naglalaan ng impormasyon tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan, at nagbabalangkas ng mga pamamaraan para sa mga ordenansa at pagpapala ng pagkasaserdote.

  • Mga lathalain tungkol sa pag-aasawa at mag-anak sa mga magasin ng Simbahan.

  • Family Home Evening Resource Book (31106). Tumutulong ang aklat na ito sa mga magulang at anak sa paghahanda ng mga aralin para sa gabing pantahanan ng mag-anak (mga pahina 3-160, 173-332). Naglalaman ito ng mga ideya upang gawing matagumpay ang gabing pantahanan ng mag-anak (mga pahina 163-70) at nagsasaad ng mga mungkahi para sa pagtuturo ng mga natatanging alituntunin at pananagutan sa mga anak (mga pahina 235-62). Naglalaman din ito ng mga ideya para sa mga gawaing pangmag-anak (mga pahina 265-340).

  • Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (36123 893). Naglalaman ito ng mga alituntunin at praktikal na mungkahi upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na magpakahusay bilang mga guro ng ebanghelyo. Ang bahagi D, “Pagtuturo sa Tahanan” (mga pahina 167–89), ay tiyak na makatutulong sa mga magulang.

  • Gabay na Aklat sa Pagtuturo (34295 893). Ang gabay na aklat na ito ay naglalaan ng mga mungkahi para sa pagpapahusay ng pagtuturo at pagkatuto ng ebanghelyo.

  • Para sa Lakas ngKabataan (34285 893). Ibinabalangkas ng polyetong ito ang mga pamantayan ng Simbahan sa pakikipagtipanan, pananamit at kaanyuan, pakikipagkaibigan, katapatan, pananalita, media, kalusugang pangkaisipan at pangkatawan, musika at pagsasayaw, kadalisayan ng puri, pag-uugali tuwing Linggo, pagsisisi, pagkamarapat, at paglilingkod.

  • Gabay ng Magulang (31125 893). Ang hanbuk na ito ay naglalaman ng mga mungkahi upang tulungan ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak tungkol sa pisikal na pagniniig.

  • Cornerstones of a Happy Home (33108). Ang polyetong ito ay naglalaman ng pananalitang ipinihayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley noong naglilingkod siya bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.

  • One for the Money: Guide to Family Finances (33293). Ang polyetong ito ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay naglalaan ng mga praktikal na mungkahi sa pangangasiwa sa pananalapi ng mag-anak.