Resources para sa Pamilya
Aralin 8: Pangangasiwa ng Pananalapi ng Mag-anak


Aralin 8

Pangangasiwa ng Pananalapi ng Mag-anak

Layunin

Upang tulungan ang mga kalahok na magsagawa ng mahuhusay na alituntunin sa pangangasiwa ng pananalapi sa kanilang tahanan.

Paghahanda

  1. Mag-isip ng mga paraan upang maisagawa ninyo ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito).

  2. Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag. Ang ma ulong ito ay nagbubuod ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bukod diyan, maingat na pag-aralan ang lathalaing “Pagiging Matatag sa Gitna ng Pagbabago,” ni Pangulong N. Eldon Tanner, sa mga pahina 30–34 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Ang mga alituntunin sa lathalaing ito ang pangunahing paksa ng aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga alituntuning ito sa buong linggo. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.

  3. Ipaalala sa mga kalahok na dalhin sa klase ang kanilang kopya ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Kakailanganin nilang sumangguni sa lathalain ni Pangulong Tanner sa oras ng aralin.

  4. Kung gagamitin ninyo ang karagdagang mapagkukunang materyal na makikita sa mga pahina 48–49, magdala ng kapirasong papel at bolpen o lapis sa klase para sa bawat kalahok.

Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin

Ang wastong pangangasiwa ng pananalapi ay mahalaga para sa masayang pagsasama ng mag-asawa.

Anyayahan ang isang mag-asawa na pumunta sa harapan ng klase (pakiramdaman kung sino ang aanyayahan ninyo). Ipaliwanag na ipakikita ninyo kung paanong ang isang maliit na bagay ay makapagpapatatag o dili kaya’y magiging sanhi ng malaking problema sa pagsasama ng mag-asawa. Pagkatapos ay humawak ng isang piraso ng pera.

Ibigay ang pera sa isa sa mag-asawang pinapunta ninyo sa harapan.

  • Paano naaapektuhan ang ugnayan ng mag-asawa kapag ang asawang lalaki o babae lamang ang humahawak sa pananalapi ng mag-anak?

Matapos talakayin ang tanong na ito, bawiin ang pera.

  • Paano naaapektuhan ang ugnayan ng mag-asawa kapag walang humahawak sa pananalapi ng mag-anak o kapag nakokontrol ng mga patubuang utang ang kabuhayan?

Matapos talakayin ang tanong na ito, muling ibigay ang pera. Pahawakan ito sa asawang lalaki, at atasan ang kanyang kabiyak na ipatong ang kanyang kamay sa ibabaw ng kamay ng kanyang asawa. Ipaliwanag na ang pangangasiwa ng pera ay hindi siyang pinakamahalagang susi sa magiliw na pagsasama ng mag-asawa. Gayunpaman, kapag magkatulong na pinangasiwaan ng mag-asawa ang kanilang pananalapi, nagkakaisa sila sa isang mahalagang pagsisikap na ilagay sa ayos ang kanilang tahanan. Naiiwasan din nila ang mahihirap na hamon. Ang ilan sa pinakamatitinding problema ng mag-asawa ay dumarating kapag ang pananalapi ay hindi maingat na napangangasiwaan at sa pinakamainam na kapakinabangan ng mag-anak.

  • Sa anong mga paraan napatatatag ang pagsasama kapag magkasamang pinangangasiwaan ng mag-asawa ang kanilang pananalapi?

Dapat magtulungan ang mag-asawa na sundin ang mga pangunahing alituntunin sa pangangasiwa ng salapi.

Hilingin sa mga kalahok na buklatin ang mga pahina 30–34 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Ipabasa sa kanila nang mabilis ang lathalaing pinamagatang “Pagiging Matatag sa Gitna ng Pagbabago” at hanapin ang “limang alituntunin ng pagiging matatag sa pangkabuhayan” ni Pangulong N. Eldon Tanner. Kapag natagpuan ng mga kalahok ang mga alituntunin, ilista ang mga ito sa pisara:

Magbayad ng tapat na ikapu.

Tipirin ang inyong kinikita.

Pag-aralang tukuyin ang mga pangangailangan at mga kagustuhan.

Gumawa ng badyet at mamuhay nang ayon dito.

Maging tapat sa lahat ng inyong kaugnayan sa pananalapi.

Kapag nailista na ninyo ang lahat ng limang alituntunin sa pisara, gamitin ang sumusunod na materyal upang talakayin ang tungkol dito:

Magbayad ng tapat na ikapu.

Anyayahan ang isang kalahok na basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Tanner (pahina 31 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Ang pagbabayad ng ikapu ay isang kautusan, isang kautusang may kaakibat na pangako. Kapag sinunod natin ang kautusang ito, pinangangakuan tayo na “sasagana sa lupain.” Ang kasaganaang ito ito ay kinabibilangan ng higit pa sa mga materyal na bagay—maaari itong kabilangan ng pagtatamasa ng mabuting kalusugan at sigla ng isipan. Kinabibilangan ito ng pagkakaisa ng mag-anak at pag-iibayo sa espirituwal. Umaasa ako na kayong mga hindi nagbabayad ng buong ikapu sa ngayon ay maghahangad ng pananampalataya at lakas upang gawin ito. Sa pagsasagawa ninyo ng obligasyong ito sa inyong Lumikha, makasusumpong kayo ng napakalaking kaligayahan, na tanging ang mga tapat lamang sa kautusang ito ang nakakaalam” (sa Conference Report, Okt. 1979, 119; o Ensign, Nob. 1979, 81).

  • Paano nakapagdulot ng biyaya sa inyong mag-anak o sa ibang taong kakilala ninyo ang pagbabayad ng ikapu?

Mamahay nang matipid.

Ipabasa sa isang kalahok ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Tanner (pahina 31–32 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ngMga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Natuklasan ko na walang paraan para kumita kayo nang higit sa inyong ginagastos. Naniniwala ako na hindi ang dami ng salaping kinikita ng isang tao ang nagdudulot ng kapayapaan ng isipan kundi ang pagkakaroon ng kontrol sa kanyang salapi. Maaaring maging masunuring alipin ang salapi ngunit malupit na maniningil. Ang mga taong binubuo ang kanilang pamantayan sa pamumuhay upang maglaan ng kaunting sobra, ay nakokontrol ang kanilang kalagayan. Ang mga taong gumagasta nang labis sa kanilang kinikita ay nakokontrol ng kanilang kalagayan. Sila ay alipin. Sinabi minsan ni Pangulong Heber J. Grant: “Kung mayroong anumang makapagdudulot ng kapayapaan at kasiyahan sa puso ng tao, at sa mag-anak, ito ay ang mamuhay nang naaayon sa ating makakaya. At kung mayroon anumang nakagagalit at nakasisira ng loob, nakawawala ng gana ito ay ang pagkakaroon ng mga utang at obligasyong hindi kayang tugunan ng isang tao” (Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham [1941], 111).

“Simple lamang ang susi sa pagtitipid ng kinikita natin—ito ay tinatawag na disiplina. Maaga man o huli na, kailangan nating lahat na matutuhang disiplinahin ang ating sarili, ang ating mga hilig, at ang ating mga pagnanasang pangkabuhayan. Pinagpala nang lubos ang taong natututong tipirin ang kanyang kinikita at nagtatabi ng kaunti para sa oras ng pangangailangan” (tingnan sa Conference Report, Okt. 1979, 119; o Ensign, Nob. 1979, 81).

Pag-isipang ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ang ika-15 Pangulo ng Simbahan:

“Panahon na upang ilagay sa ayos ang ating mga tahanan.

“Napakarami sa ating mga tao ang namumuhay nang sagad sa kanilang kinikita. Sa katunayan, ang ilan ay nabubuhay sa pangungutang.…

“Nababalisa ako sa napakalaking tubo sa pahulugan na nakadagan sa mga tao ng bansa, kabilang na ang ating mga tao mismo.…

“Hinihimok ko kayo…na alagaan ang kalayagan ng inyong pananalapi. Hinihimok ko kayo na maging matipid sa inyong paggasta; disiplinahin ang inyong sarili sa inyong pamimili upang makaiwas sa utang hangga’t maaari. Bayaran agad ang utang hangga’t kaya ninyo, at palayain ang inyong sarili sa pagkaalipin” (sa Conference Report, Okt. 1998, 70; o Ensign, Nob. 1998, 53–54).

  • Sa anong mga paraan nagiging pang-aalipin ang utang?

  • Anong mga gawi ang nakatulong sa inyo upang makawala sa utang o makaiwas sa pangungutang? Ano ang nagawa ninyo upang makapagtabi ng kaunti mula sa kinikita ninyo?

Pag-aralang tukuyin ang mga pangangailangan at mga kagustuhan.

Ipabasa sa isang kalahok ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Tanner (pahina 32 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Ang labis na layaw at maling pangangasiwa ng salapi ay nagdadulot ng mabigat na pasanin sa mga ugnayan ng mag-asawa. Tila karamihan sa mga suliranin ng mag-asawa ay nag-uugat sa pangkabuhayan—maaaring kulang ang kinikita upang matugunan ang mga pangangailangan ng mag-anak o di wastong pamamahala sa salaping kinikita” (sa Conference Report, Okt. 1979, 119–20; o Ensign, Nob. 1979, 81).

  • Ano ang magagawa natin upang tukuyin kung alin ang mga pangangailangan at alin ang mga kagustuhan? Bakit mahalaga sa mag-asawa na magkasamang gawin ito?

Gumawa ng badyet at mamuhay nang ayon dito.

Ipaliwanag na anuman ang kanilang mga pinagkukunan, kailangang magtulungan ang mag-asawa sa pagsasaayos ng badyet ng mag-anak. Ang badyet ay balangkas ng nakaplanong kita at gastusin para sa isang partikular na panahon. Tinutulungan nitong siguruhin ng mag-anak na hindi lalampas sa kinita nila ang mga gastusin. Dapat talakayin ng mag-asawa ang badyet nila habang tinutukoy nila ang kanilang mga pangangailangan, kagustuhan, at layunin sa pananalapi. Halimbawa, matapos tantiyahin ang kikitahin sa susunod na dalawang linggo, matutukoy ng isang mag-asawa kung magkano ang gagastusin sa iba’t ibang kategoriya, tulad ng ikapu at iba pang ambag sa Simbahan, ipon, pagkain, at sangla o upa. Sa loob ng dalawang linggo, itinatala nila ang lahat ng kanilang kita at gastusin. Sumasangguni sila sa isa’t isa bago gumawa ng malakihang pamimili o iba pang bagay na nakaaapekto sa badyet na itinakda nila. Matapos ang dalawang linggo ay maihahambing nila sa una nilang piano ang talagang kinita at ginastos nila.

Upang matulungan ang mga kalahok na maunawaan kung paano gagawa ng badyet, ipakita sa kanila ang sumusunod na halimbawa ng badyet, na matatagpuan din sa pahina 35 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak:

budget

Badyet mula petsa hanggang petsa

KITA

PLANO

AKTUWAL

Sahod o kinita matapos kaltasin ang buwis

Iba pang kita

Kabuuang kita

MGA GASTUSIN

PLANO

AKTUWAL

Ikapu

Iba pang ambag sa Simbahan

Pangmatagalang ipon

Ipon para sa biglaang pangangailangan

Pagkain

Sangla o upa

Koryente, tubig, gaas, atbp.

Sasakyan/Pamasahe

Mga bayad sa utang

Seguro

Mga gastusin sa gamot

Damit

Iba pa

Iba pa

Iba pa

Kabuuang gastusin

Anyayahan ang isang kalahok na basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Tanner (pahina 33 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Napuna ko sa pakikipanayam ko sa maraming tao sa mga nagdaang taon na sobra ang dami ng mga taong hindi nagbabadyet at walang disiplina sa sarili sa pagsunod sa mga nakasaad difo. Maraming tao ang nag-aakalang ninanakaw ng badyet ang kailang kalayaan. Sa kabaligtaran, natututuhan ng matatagumpay na tao na tunay silang pinalalaya ng badyet sa obligasyon” (sa Conference Report, Okt. 1979, 121; o Ensign, Nob. 1979, 82).

Maging tapat sa lahat ng tungkol sa pananalapi.

Ipabasa sa isang kalahok ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Tanner (pahina 34 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Ang huwaran ng katapatan ay hindi kailanman mawawala sa uso. Nagagamit ito sa lahat ng ginagawa natin. Bilang mga pinuno at miyembro ng Simbahan, dapat tayong maging halimbawa ng katapatan” (sa Conference Report, Okt. 1979, 121; o Ensign, Nob. 1979, 82).

  • Bakit mahalagang bahagi ng lahat ng ating pakikipag-ugnayan sa pananalapi ang katapatan? Bakit mahalaga sa pananalapi ng mag-anak ang katapatan sa pagitan ng mag-asawa?

Katapusan

Bigyang-diin na kailangang magtulungan ang mag-asawa sa pangangasiwa ng kanilang pananalapi. Hilingin sa mga kalahok na pag-isipan kung gaano kahusay nila nasusunod ang mga alituntuning tinalakay sa aralin. Anyayahan silang magplano upang pagbutihin ang kanilang pangangasiwa sa pananalapi.

Sang-ayon sa panghihikayat ng Espiritu, magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa aralin.

Sumangguni sa mga pahina 30–34 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit na isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Pagiging Matatag sa Gitna ng Pagbabago,” ni Pangulong N. Eldon Tanner. Bigyang-diin na ang mga mag-asawa ay makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalaing ito sa gabay sa pag-aaral.

Karagdagang Mapagkukunang Materyal

Repasuhin ang mga aralin sa bahagi A ng kursong Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak

Winawakasan ng araling ito ang bahagi A ng kursong Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Kung ikaw ang magtuturo ng buong kurso, pag-isipang gamitin ang sumusunod na gawain:

Bigyan ang bawat kalahok ng kapirasong papel at bolpen o lapis. Atasan ang mga kalahok na gumugol ng tatlong minuto sa paglilista ng mga doktrina at alituntuning naaalala nila mula sa walong aralin sa kursong ito. Pasalungguhitan sa kanila ang mga doktrina at alituntunin na naging pinakamakahulugan sa kanila. Hikayatin silang maghandang magsalita tungkol sa ilan sa mga bagay na sinalungguhitan nila. Kung kailangan nila ng tulong, gamitin ang talaan ng mga nilalaman sa pahina v–viii sa manwal na ito o ang buod ng kurso sa mga pahina vii–viii sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak.

Makaraan ang tatlong minuto, ipabasa sa bawat kalahok ang isang bagay mula sa kanyang listahan at ipapaliwanag sa kanila kung bakit ito makahulugan. Ibuod ang mga kaisipan ng mga kalahok sa pisara, at kilalanin ang kahalagahan ng bawat puna. Pagkatapos ay ibahagi ang inyong sariling kaisipan. Kung may oras pa, ulitin ang gawaing ito.

Pasalamatan ang mga tinuturuan ninyo sa pakikilahok sa unang bahagi ng kursong ito. Ipaliwanag na ang pangalawang bahagi ng kurso ay binubuo ng walong aralin tungkol sa kung paano mapatatatag ng mga magulang ang kanilang mga mag-anak at makatatagpo ng kagalakan sa kanilang mga pananagutan. Malugod na hikayatin ang lahat ng kalahok na patuloy na dumalo sa klase.