Aralin 8
Pangangasiwa ng Pananalapi ng Mag-anak
Mga Ideya para sa Pagsasagawa
Ayon sa inyong mga sariling pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o pareho sa mga mungkahing ito.
-
Gumawa ng isang listahan ng mga bagay na binili ninyo kamakailan lamang. Isulat ang letrang K sa tabi ng bawat bagay na kailangan ninyo. Isulat ang letrang G sa tabi ng bawat bagay na nais ninyo ngunit hindi kailangan. Gamitin ang listahang ito upang suriin ang inyong mga kinagawian sa paggasta. Kung sobra ang ginagastos ninyo sa mga bagay na hindi kinakailangan, pag-isipan ang mga paraan kung paano mas matalinong magagamit ang inyong pera.
-
Kasama ang inyong asawa, gumawa ng badyet para sa darating na panahon—marahil ay isa o dalawang linggo. Pag-isipang gamitin ang halimbawa sa pahina 35 bilang gabay. Magtulungang mamuhay nang ayon sa badyet na inyong itinakda.
Takdang Babasahin
Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito na kasama ang inyong asawa.
Pagiging Matatag sa Gitna ng Pagbabago
Pangulong N. Eldon Tanner
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Ang nais kong ibahagi sa inyo ngayon ay ang aking mga puna tungkol sa matatag at pangunahing alituntunin na, kung susundin, ay magdudulot ng seguridad sa pananalapi at kapayapaan ng isipan sa ilalim ng anumang kalagayan ng kabuhayan.
“Hanapin Muna ang Kaharian ng Diyos”
Una, nais kong magtayo ng saligan at magtatag ng isang pananaw na paggagamitan ng mga alituntuning ito sa pananalapi.
Isang araw isang apo kong lalaki ang nagsabi sa akin: “Napagmasdan ko kayo at iba pang matatagumpay na lalaki, at napagpasiyahan kong nais kong magtagumpay sa aking buhay. Nais kong kapanayamin ang lahat ng makakapanayam kong taong matagumpay upang malaman kung ano ang dahilan ng kanilang tagumpay. Kaya sa paglingon sa inyong karanasan, Lolo, ano ang pinaniniwalaan ninyong pinakamahalagang sangkap ng tagumpay?”
Sinabi ko sa kanya na ang Panginoon ang nagbigay ng pinakadakilang paraang alam ko upang magtagumpay: “Hanapin muna ang kaniyang [Diyos] kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).
Ang ilan ay nakikipagtalo na umuunlad sa pananalapi ang ilang tao nang hindi inuunang hanapin ang kaharian [ng Diyos]. Totoo ito. Ngunit hindi lang materyal na kayamanan ang ipinangangako sa atin ng Panginoon kung hahanapin muna natin ang kaharian. Hindi ganito ang kaso sa aking sariling karanasan. Sa mga salita ni Henrik Ibsen: “Maaaring salapi ang bunot ng maraming bagay, ngunit hindi ang butil. Nagdudulot ito ng pagkain sa inyo, ngunit hindi ng gana; gamot, ngunit hindi ng kalusugan; mga kakilala, ngunit hindi ng mga kaibigan; mga alipin, ngunit hindi ng katapatan; mga araw ng kagalakan, ngunit hindi ng kapayapaan o kaligayahan” (sa The Forbes Scrapbook of Thoughts on the Business of Life [1968], 88).
Bahagi ng ebanghelyo ang mga materyal na pagpapala kung natatamo ang mga ito sa angkop na paraan at para sa tamang layunin. Naaalala ko ang isang karanasan ni Pangulong Hugh B. Brown. Bilang isang batang sundalo sa Unang Digmaang Pandaigdig, dinadalaw niya ang isang matandang kaibigan sa ospital. Napakayaman ng kaibigang ito na sa gulang na walumpu ay malapit nang pumanaw. Wala ni isa sa kanyang diniborsyong asawa o limang anak ang nagmalasakit na dumalaw sa kanya sa ospital. Sa pag-iisip ni Pangulong Brown tungkol sa mga bagay na “nawala [sa kanyang kaibigan] na hindi mabibili ng salapi at napuna ang kanyang kalunus-lunos na kalagayan at tindi ng dalamhati,” tinanong niya ang kanyang kaibigan kung paano niya babaguhin ang takbo ng kanyang buhay kung maibabalik niya ang panahon.
Ang matandang ginoo, na namatay makalipas ang ilang araw, ay nagsabi: “ ‘Sa paglingon ko sa aking buhay ang pinakamahalaga at mamahaling pag-aaring maaaring inangkin ko ngunit naiwala sa pagkakamal ko ng milyun-miyon, ay ang simpleng pananampalataya ng aking ina sa Diyos at ang kawalang-kamatayan ng kaluluwa.
“ ‘…Tinanong mo ako kung ano ang pinaka-mamahaling bagay sa buhay. Wala akong mas magandang maisasagot maliban sa mga ginamit ng makata.’ “ Pinakiusapan niya si Pangulong Brown na kunin ang isang maliit na aklat sa kanyang portpolyo kung saan binasa niya ang isang tulang pinamagatang “Ako’y Banyaga.”
Ako’y banyaga sa pananampalatayang itinuro ni Ina,
Ako’y dayuhan sa Diyos na duminig sa kanyang pagluha,
Ako’y banyaga sa ginhawang dulot ng aking pagkahimlay,
Sa mga bisig na yumakap nang si Ama ay mamatay.
Iniwan lahat at sumunod sa mundong sa aki’y kumaway,
Di alintana’t nabulagan nang dumulas sa Kanya ang aking kamay
Di napansin sa kaliyuhan na hungkag ang katanyagang mabuway,
Na ang yaman ng ginto ay tinsel, na noon pa’y aking alam.
Ginugol ko buong buhay, paghanap sa mga tinanggihan,
Lumaban ako’t sa maraming panalo ay agad ginantimpalaan,
Isusuko kong lahat, katanyagan at kayamanan at kasiyahan,
Mabalik lang ang pananampalatayang kay Ina’y nagbigay-kaganapan.
“Iyon ang patotoo ng isang naghihingalong taong ipinanganak sa Simbahan ngunit napalayo rito. Iyon ang hinaing ng sawing puso ng isang nalulungkot na lalaking matatamong lahat ang nabibili ng salapi, ngunit nawalan ng pinakamahahalagang bagay sa buhay upang makapagkamal ng mga bagay sa mundong ito” (Continuing the Quest [1961], 32–35; idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita).
Sa Aklat ni Mormon, binigyan tayo ng propetang si Jacob ng ilang mahahalagang payo tungkol sa bagay na ito:
“Subalit bago kayo maghanap ng mga kayamanan, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos.
“At matapos kayong makatamo ng pag-asa kay Cristo kayo ay makatatamo ng mga kayamanan, kung inyo itong hahanapin; at hahanapin ninyo ito para sa hangaring gumawa ng kabutihan—upang damitan ang hubad, at pakainin ang nagugutom, at palayain ang bihag, at bigyang-ginhawa ang may karamdaman, at ang naghihirap” (Jacob 2:18–19; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik).
Ang saligan at pananaw kung gayon ay ang mga ito: Kailangan muna nating hanapin ang kaharian, magtrabaho at magplano at gumasta nang buong katalinuhan, planuhin ang hinaharap, at gamitin ang kayamanang ipinagkaloob sa atin upang tumulong sa pagtatayo ng kahariang iyon. Kapag ginabayan ng walang-hanggang pananaw na ito at ng pagtatayo sa matatag na saligang ito, maaari nating ipagpatuloy nang may pagtitiwala ang ating mga pang-araw-araw na gawain at gawain natin sa buhay, na kailangang maingat na planuhin at buong sipag na pagsumikapan.
Sa balangkas na ito ko nais ipaliwanag ang limang alituntunin ng katatagan sa pananalapi.
Magbayad ng Tapat na Ikapu
Katatagan #1: Magbayad ng tapat na ikapu. Madalas kong isipin kung natatanto natin na hindi kinakatawan ng pagkakaloob ng mga regalo sa Panginoon at sa Simbahan ang pagbabayad ng ating ikapu. Ang pagbabayad ng ikapu ay pagbabayad ng utang sa Panginoon. Ang Panginoon ang pinagmumulan ng lahat ng ating pagpapala, kasama na ang buhay mismo.
Ang pagbabayad ng ikapu ay isang kautusan, isang kautusang may kaakibat na pangako. Kung susundin natin ang kautusang ito, pinangangakuan tayo na tayo ay “sasagana sa lupain.” Ang kasaganaang ito ay kinabibilangan ng higit pa sa mga materyal na bagay— maaari itong kabilangan ng pagtatamasa ng mabuting kalusugan at sigla ng isipan. Kinabibilangan ito ng pagkakaisa ng mag-anak at pag-iibayo sa espirituwal. Umaasa ako na kayong mga hindi nagbabayad ng buong ikapu sa ngayon ay maghahangad ng pananampalataya at lakas upang gawin ito. Sa pagsasagawa ninyo ng obligasyong ito sa inyong Lumikha, makasusumpong kayo ng napakalaking kaligayahan, na tanging ang mga tapat lamang sa kautusang ito ang nakaaalam.
Mamuhay nang Matipid
Katatagan #2: Mamuhay nang ayon sa inyong kinikita. Natuklasan ko na walang paraan para kumita kayo nang higit sa inyong ginagastos. Naniniwala ako na hindi ang dami ng salaping kinikita ng isang tao ang nagdudulot ng kapayapaan ng isipan kundi ang pagkakaroon ng kontrol sa kanyang salapi. Maaaring maging masunuring alipin ang salapi ngunit isang malupit na maniningil. Ang mga taong binubuo ang kanilang pamantayan sa pamumuhay upang maglaan ng kaunting sobra, ay nakokontrol ang kanilang mga kalagayan. Ang mga taong gumagasta ng medyo sobra sa kanilang kinikita ay nakokontrol ng kanilang kalagayan. Sila ay alipin. Sinabi minsan ni Pangulong Heber J. Grant na: “Kung mayroong anumang makapagdudulot ng kapayapaan at kasiyahan sa puso ng tao, at sa mag-anak, iyon ay ang mamuhay ng naaayon sa ating makakaya. At kung mayroong anumang nakagagalit at nakasisira ng loob at nakawawala ng gana, ito ay ang pagkakaroon ng mga utang at obligasyong hindi kayang tugunan ng isang tao” (Gospel Standards,tinipon ni G. Homer Durham [1941], 111).
Simple lamang ang susi sa pagtitipid ng kinikita natin—ito ay tinatawag na disiplina. Maaga man o huli na, kailangan nating lahat na matutuhang disiplinahin ang ating sarili, ang ating mga hilig, at ang ating mga pagnanasang pangkabuhayan. Pinagpala nang lubos ang taong natututong tipirin ang kanyang kinikita at nagtatabi ng kaunti para sa oras ng pangangailangan.
Kilalanin ang mga Pangangailangan at ang Gusto Lamang
Katatagan #3: Matutong kilalanin ang mga pangangailangan at ang gusto lamang. Ang hilig ng mamimili ay gawa-gawa lamang ng tao. Nagbibigay ng hindi mabilang na mga gamit at serbisyo ang sistema ng ating naglalabanang malayang pakikipagkalakal upang pukawin ang ating pagnanasang gumusto ng dagdag na kaginhawahan at luho. Hindi ko pinipintasan ang sistema o ang madaling pagkuha ng mga gamit at serbisyong ito. Inaalala ko lang ang paggamit ng matinong pagpapasiya ng ating mga tao sa kanilang mga pamimili. Kailangan nating malaman na ang sakripisyo ay mahalagang bahagi ng ating walang hanggang pagdisiplina.
Dito at sa marami pang bansa, maraming magulang at mga anak na isinilang mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang nakababatid sa kasaganaan lamang. Marami ang nahirati na sa dagliang kasiyahan. Mayroong sapat na oportunidad sa trabaho para sa lahat na kayang magtrabaho. Ang mga luho ng kahapon para sa marami ay itinuturing na mga pangangailangan sa ngayon.
Makikita ito sa mga batang mag-asawang umaasang punuin ng kasangkapan ang kanilang mga tahanan at dulutan ng mga luho ang kanilang sarili sa pagsisimula ng kanilang pagsasamang mag-asawa, na nagawa lamang kamtan ng kanilang mga magulang matapos ang maraming taon ng pagpupunyagi at sakripisyo. Sa pagnanasang magkamit ng sobra-sobra sa isang iglap, nagpapatangay ang mga batang mag-asawa sa madadaling plano ng pangungutang, kaya’t nababaon sila sa utang. Hahadlangan sila nito sa pagkakaroon ng sapat na salaping kakailanganin upang gawin ang iminumungkahi ng Simbahan pagdating sa pag-iimbak ng pagkain at iba pang programang pangseguridad.
Ang labis na layaw at maling pangangasiwa ng salapi ay nagdudulot ng mabigat na pasanin sa ugnayan ng mag-asawa. Tila karamihan sa mga sularanin ng mag-asawa ay nag-uugat sa pangkabuhayan—maaaring kulang ang kinikita upang matugunan ang mga pangangailangan ng mag-anak o di wastong pamamahala sa salaping kinikita.
Isang batang ama ang lumapit sa kanyang obispo para humingi ng payo sa pananalapi at nagsalaysay ng isang walang kamatayang kuwento: “Bishop, isa akong dalubhasang inhinyero, at kumikita ng malaki. Parang tinuruan ako kung paanong kumita sa buong pag-aaral ko, pero walang sinumang nagturo sa akin kung paano humawak ng pera.”
Bagama’t naniniwala tayong kanais-nais para sa bawat estudyante ang mag-aral ng consumer education, nakasalalay sa mga magulang ang pangunahing pagsasanay. Hindi maaaring ipagwalang-bahala ng mga magulang ang mahalagang pagsasanay na ito o ilipat ang buong responsibilidad sa ating mga eskuwelahan at pamantasang pampubliko.
Dapat maging mahalagang bahagi ng pagsasanay na ito ang pagpapaliwanag tungkol sa utang. Para sa karamihan sa atin mayroong dalawang uri ng utang sa pananalapi—utang ng mamimili at pamumuhunan o utang na pangkalakal. Ang utang ng mamimili ay patungkol sa pamimili ng mga bagay-bagay na ginagamit o kinakain natin sa pang-araw-araw na buhay sa pamamagitan ng utang. Kabilang sa mga halimbawa ang pagbili ng hulugang damit, kasangkapan, muwebles, atbp. Ang utang ng mamimili ay ginagarantiyahan sa pamamagitan ng pagsasangla ng ating kikitain sa hinaharap. Maaaring maging lubhang mapanganib ito. Kung maaalis tayo sa trabaho, magkaroon ng kapansanan, o magkaroon ng malulubhang pangangailangan, mahihirapan tayong tugunan ang ating mga obligasyon. Ang pagbili nang hulugan ay siyang pinakamahal na paraan ng pagbili. Kailangang ipatong sa halaga ng mga gamit na binibili natin ang mabigat na tubo at bayad sa serbisyo.
Natatanto ko na kung minsan ay kailangan ng mga batang mag-anak na mangutang sa pamimili. Ngunit binabalaan namin kayo na huwag bumili nang higit sa talagang kailangan at bayaran kaagad ang inyong mga utang hangga’t maaari. Kung kulang ang pera, iwasan ang dagdag na pasanin ng patong na tubo.
Dapat garantiyahan nang lubos ang inutang na puhunan upang hindi manganib ang seguridad ng mag-anak. Huwag isapalaran ang puhunan. Ang diwa ng pakikipagsapalaran ay maaaring makalango. Maraming kayamanan ang naglaho dahil sa dimapigilang hilig sa pagkakamit ng labis-labis. Matuto tayo mula sa mga hinaing ng kahapon at iwasang mapaalipin ang ating panahon, lakas, at pangkalahatang kalusugan sa isang matakaw na pagkahilig na magkamit ng mas maraming gamit.
Ibinigay ni Pangulong Spencer W. Kimball ang nakapagbibigay-palaisipan na payong ito:
“Pinagpala ng Panginoon ang ating lahi ng kaunlarang hindi mapapantayan sa mga nagdaang panahon. Ang mga yamang inilagay sa ilalim ng ating kapangyarihan ay mabubuti, at kailangan sa ating gawain dito sa lupa. Ngunit ikinalulungkot kong marami sa atin ang nagpakasawa sa mga langkay at kawan at mga lupain at kamalig at kayamanan at nagsimulang sambahin ang mga ito bilang mga diyos-diyosan, at may kapangyarihan sila sa atin. Marami ba tayo ng mabubuting bagay na ito kaysa sa kayang matagalan ng ating pananampalataya? Maraming tao ang gumugugol ng kanilang panahon sa pagpaparangya sa sarili na kinabibilangan ng salapi, mga pautang sa pamahalaan, mga bono, mga puhunan sa negosyo, lupain, mga credit card, mga kasangkapan, mga sasakyan, at mga katulad noon upang magarantiyahan ang seguridad na panglaman sa inaasahang mahaba at maligayang buhay. Nalimutan na ang katotohanang takdang gawain natin ang gamitin ang maraming bagay na ito sa ating mga mag-anak at korum upang itayo ang kaharian ng Diyos” (“The False Gods We Worship,” Ensign, Hunyo 1976, 4).
Bilang patotoo, hayaan ninyong idagdag ko ito sa pangungusap ni Pangulong Kimball. Wala akong alam na kalagayan kung saan nakapagdudulot ng dagdag na kaligayahan at kapayapaan ng isipan ang pagkakamal ng ari-ariang labis-labis sa mga makatwirang kagustuhan at pangangailangan ng mag-anak.
Magbadyet nang Buong Katalinuhan
Katatagan #4: Gumawa ng badyet at mamuhay ayon dito. Isang kaibigan ko ang may anak na babaing nagtawid-dagat upang mag-aral sa BYU sa loob ng isang semestre. Palagi siyang sumusulat sa kanilang tahanan para manghingi ng pera. Nag-alala siya nang labis kaya tumawag siya nang long-distance at tinanong ang anak tungkol sa pangangailangan para sa karagdagang pondo. Sa isang bahagi ng pag-uusap ay nagpaliwanag ang anak, “Pero Itay, masasabi ko sa inyo kung saan napunta ang bawat sentimong ipinadala ninyo sa akin.”
Sumagot siya, “Hindi mo naman makuha ang gusto kong sabihin, e. Gusto kong makakita ng isang badyet—ang plano para sa paggasta—hindi ang talaan ng nagastos.”
Marahil ay dapat tumulad ang mga magulang sa ama ng batang lalaki sa kolehiyo na sumulat sa kanila, “Walang pera, walang saya, ang inyong anak.” Tumugon ang ama, “Nakakalungkot naman, kawawa ka naman, ang iyong ama.”
Napuna ko sa pakikipanayam sa maraming tao sa mga nagdaang taon na sobra ang dami ng mga taong hindi nagbabadyet at walang disiplina sa sarili sa pagsunod sa mga nakasaad dito. Maraming tao ang nagaakalang ninanakaw ng badyet ang kanilang kalayaan. Sa kabaligtaran, natutuhan ng matatagumpay na tao na tunay silang pinalalaya ng badyet sa obligasyon.
Hindi kailangang maging napakakomplikado at maaksaya sa oras ang pagbabadyet at pamamahala ng pananalapi. May kuwento tungkol sa isang dayuhang ama na itinago ang listahan ng kanyang mga bayarin sa isang kahon ng sapatos, ang listahan ng mga ibabayad sa kanya sa isang kidkiran, at ang kanyang pera sa isang cash register.
“Hindi ko maintindihan kung paano ninyo pinatatakbo ang inyong negosyo sa ganitong paraan,” sabi ng kanyang anak. “Paano ninyo nalalaman kung magkano ang kinita ninyo?”
“Anak,” sagot ng negosyante, “nang bumaba ako ng barko, pantalon ko lamang ang tanging pagaari ko. Ngayon ay guro na ng sining ang iyong kapatid na babae, doktor na ang iyong kapatid na lalaki, at ikaw naman ay isang accountant. May kotse ako, isang tahanan, at isang magandang negosyo. Lahat ay bayad na. Kaya sumahin mong lahat ito, ibawas mo ang pantalon, at iyon ang aking kinita.”
Itinuturo ng matatalinong tagapayo na may apat na iba’t ibang elemento sa anumang mabuting badyet. Dapat magkaroon ng paglalaan una para sa pangunahing pang-araw-araw na pangangailangan gaya ng pagkain, pananamit, atbp.; ikalawa, para sa pangangailangan sa tahanan; ikatlo, para sa mga biglaang pangangailangan gaya ng impok, seguro sa kalusugan at buhay; at ikaapat, para sa matalinong pamumuhunan at programa sa pag-iimbak para sa hinaharap.
Nais kong magsalita tungkol sa dalawang elementong ito. Tila walang anumang katiyakan maliban sa hindi inaasahan sa ating buhay. Dahil sa tumataas na presyo ng medisina, ang seguro sa kalusugan lamang ang tanging paraan para matugunan ng mga mag-anak ang malulubhang sakuna, karamdaman, o gastos sa panganganak, lalo na ang para sa panganganak nang wala sa oras. Naglalaan ng patuloy na pagdaloy ng pera ang seguro sa buhay kapag namatay nang di-inaasahan ang nagsusustento. Dapat maglaan ang bawat mag-anak para sa angkop na seguro sa kalusugan at buhay.
Matapos matugunan ang mga pangunahing bagay na ito, dapat tayong laging mag-impok sa pamamagitan ng pagtitipid upang magkapondo para sa pamumuhunan. Napuna ko na ilang tao ang nagtagumpay sa mga pamumuhunan nang hindi muna nakagawian ang palagiang pag-iimpok. Nangangailangan ito ng disiplina at may pagtatanging paghatol. Maraming paraan para makapamuhunan. Ang tanging payo ko lang ay piliin nang buong katalinuhan ang inyong mga tagapayo sa pamumuhunan. Tiyaking nararapat sila sa inyong pagtitiwala sa pamamagitan ng pagpapairal ng matagumpay na talaan ng pamumuhunan.
Maging Tapat
Katatagan #5: Maging tapat sa lahat ng tungkol sa pananalapi. Ang huwaran ng katapatan ay hindi kailanman mawawala sa uso. Nagagamit ito sa lahat ng ginagawa natin. Bilang mga pinuno at miyembro ng Simbahan, dapat tayong maging halimbawa ng katapatan.
Mga kapatid, sa pamamagitan ng limang alituntuning ito, tinangka kong ipaliwanag ang maaaring ilarawan bilang totoong huwaran ng pamamahala ng pananalapi at ari-arian.
Sana ay makinabang ang bawat isa sa atin sa paggamit ng mga ito. Pinatototohanan ko na totoo ang mga ito at ang Simbahang ito at ang gawaing ginagampanan natin ay totoo.
Mula sa talumpati ni Pangulong Tanner sa pangkalahatang sesyong pangkapakanan sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Oktubre 1979 (tingnan sa Conference Report, Okt. 1979, 117–21; o Ensign, Nob. 1979, 80–82).
Badyet mula petsa hanggang petsa
Kita |
Plano |
Aktuwal |
Sahod o kinita matapos kaltasin ang buwis | ||
Iba pang kita | ||
Kabuuang Kita | ||
Mga Gastusin |
Plano |
Aktuwal |
Ikapu | ||
Iba pang ambag sa Simbahan | ||
Pangmatagalang ipon | ||
Ipon para sa biglaang pangangailangan | ||
Pagkain | ||
Sangla o upa | ||
Koryente, Tubig, Gaas, Atbp. | ||
Sasakyan/ Pamasahe | ||
Mga bayad sa utang | ||
Seguro | ||
Mga gastusin sa gamot | ||
Damit | ||
Iba pa | ||
Iba pa | ||
Iba pa | ||
Kabuuang gastusin |