Resources para sa Pamilya
Aralin 4: Pagtugon sa mga Hamon sa Pagsasama ng Mag-asawa


Aralin 4

Pagtugon sa mga Hamon sa Pagsasama ng Mag-asawa

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Ayon sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o higit pa sa mga mungkahing ito.

  • Sa takdang babasahin sa ibaba, inilalarawan ni Elder Lynn G. Robbins ang “putahe para sa kapahamakan.” Basahin ang paglalarawan niya sa pahinang ito. Pagkatapos ay bumuo ng isang putahe para sa pagkakasundo sa tahanan. Alamin kung aling mga “sangkap” ang isasama ninyo sa putahe.

  • Gumawa ng matibay na pangako na tutugon sa mga hamon nang matiyaga at magiliw sa halip na pagalit. Magpasiya tungkol sa anumang bagay na magagawa ninyo na madalas na magpapaalala sa inyo ng matibay na pangakong ito. Halimbawa, makapaglalagay kayo ng barya o iba pang maliit na bagay sa sapatos ninyo o maglagay ng sulat sa bulsa.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa.

Pagpili at Galit

Elder Lynn G. Robbins
Ng Pitumpu

Nag-uudyok si Satanas ng Galit sa mga Mag-anak

“Dito ako’y may mag-anak. Kami’y nagmamahalan.” Ito ang pag-asa ng bawat bata, na ipinahayag sa mga titik ng isa sa ating mga himno (“Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Mga Himno, 99; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik).

Natutuhan natin sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak na “ang mag-anak ay sentro ng plano ng Tagapagligtas” at na “ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak” at “banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 1995, 102).

Ang mag-anak din ang pangunahing puntirya ni Satanas. Nakikipaglaban siya sa mag-anak. Isa sa kanyang mga pakana ang mapandaya at mapanlinlang na pamamaraan niya sa palihim na pagpasok sa teritoryo ng kaaway at pagpasok sa atin mismong mga tahanan at sa ating buhay.

Sinisira at kadalasa’y winawasak niya ang mga mag-anak sa loob mismo ng sarili nilang pamamahay. Ang estratehiya niya ay ang mag-udyok ng kagalitan sa pagitan ng mga miyembro ng mag-anak. Si Satanas ang “ang amo ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik). Ang pandiwang nang-uudyok ay parang sa isang putahe para sa kapahamakan: Bahagyang initin ang mga damdamin, ihalo ang ilang piling salita, at pakuluin; patuloy na haluin hanggang sa lumapot; palamigin; hayaang manlamig ang mga damdamin nang ilang araw; ihain nang malamig; maraming tira.

Mapipili Nating Huwag Magalit

Bahagi ng mapanlinlang niyang estratehiya ang ibukod ang galit sa pagpili, na pinapapaniwalang tayo ay mga biktima ng damdaming hindi natin mapigil. Naririnig natin, “Hindi ko napigilan ang galit ko.” Ang di-napigilang galit ay nakawiwiling mga piling salita na lagi nang ginagamit na kawikaan. Ang “mawalan ng isang bagay” ay nagpapahiwatig ng “hindi sinasadya,” “pagkakataon lang,” “hindi kagustuhan,” “hindi pananagutan”—marahil ay di maingat pero “hindi pananagutan.”

“Pinagalit niya ako.” Isa pa itong pariralang naririnig natin, na nagpapahiwatig din ng kawalan ng pagpipigil o pagpili. Isa itong haka-haka na kailangang ibunyag. Walang sinumang nagpapagalit sa atin. Hindi tayo pinagagalit ng iba. Walang sangkot na pamimilit dito. Ang pagiging galit ay isang pinag-isipang pagpili, isang pagpapasiya; samakatwid, maaari nating piliing huwag magalit. Tayo ang pumipili!

Sa mga taong nagsasabing, “Pero hindi ko mapigilan ang sarili ko,” ang tugon ng manunulat na si William Wilbanks ay, “Kalokohan.”

“Ang karahasan, …pagpipigil ng galit, pagsasalita tungkol dito, pagtili at pagsigaw,” ay mga natututuhang estratehiya sa pagtitimpi ng galit. “Pinipili natin ang isang napatunayan nating epektibo sa atin noong nakaraan. Napansin na ba ninyo kung gaano kabihirang mawalan tayo ng pagpipigil kapag binibigo ng ating amo, pero gaano ito kadalas kapag iniinis tayo ng ating mga kaibigan o mag-anak?” (“The New Obscenity,” Reader’s Digest, Dis. 1988, 24; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik).

Sa ikalawang taon niya sa hayskul sinubukang sumali ni William Banks sa koponan ng basketbol at natanggap siya dito. Sa unang araw ng pagsasanay ay pinalaro siya ng kanyang tagasanay na kasama ang isang manlalaro habang nanonood ang koponan. Nang hindi nya naibuslo ang isang madaling tira, nagalit siya at nagdabog at nagmaktol. Nilapitan siya ng tagasanay at sinabi, “Gawin mo ulit iyan at hindi ka na makalalarong muli sa koponan ko.” Sa sumunod sa tatlong taon hindi na siya nawalan ng pagpipigil sa sarili. Pagkalipas ng maraming taon, habang ginugunita niya ang pangyayaring ito, natanto niyang tinuruan siya ng kanyang tagasanay ng nakapagpapabagong-buhay na alituntunin sa araw na iyon: napipigilan ang galit (tingnan sa “The New Obscenity,” 24).

Ang mga Turo ng Panginoon

Sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mga Taga Efeso 4:26, nagtatanong si Pablo ng ganito, “Magagalit ba kayo at hindi magkakasala?” Napakalinaw ng pahayag ng Panginoon tungkol sa bagay na ito.

“Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.

“Masdan, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang gayong mga bagay ay maiwaksi” (3 Nephi 11:29–30).

Ang doktrina o utos na ito mula sa Panginoon ay nagmumungkahi ng pagpili at isa itong panawagan sa gising na isipan na gumawa ng pasiya. Inaasahan ng Panginoon na pipiliin nating huwag magalit.

Ni hindi makatwiran ang magalit. Sa Mateo 5, talata 22, sinabi ng Panginoon, “Datapwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawat mapoot sa kanyang kapatid [nang walang dahilan] ay mapapasa panganib sa kahatulan” (idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita). Kapansin-pansin na ang pariralang “nang walang dahilan” ay hindi makikita sa binigyang-inspirasyong Pagsasalin ni Joseph Smith (tingnan sa Mateo 5:24), ni sa salin ng 3 Nephi 12:22. Kapag tinatanggal ng Panginoon ang pariralang “nang walang dahilan,” inaalisan Niya tayo ng dahilan. “Ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi” (3 Nephi 11:30). “Maiwawaksi” natin ang galit, dahil itinuro at iniutos Niya ito sa atin.

Ang Pagkagalit ay Pagpapailalim sa Impluwensiya ni Satanas

Ang pagkagalit ay pagpapailalim sa impluwensiya ni Satanas sa pamamagitan ng pagsusuko natin ng pagpipigil sa ating sarili. Ito ang pinag-isipang kasalanang humahantong sa masamang damdamin o pag-uugali. Ito ang nagpapasidhi ng alitan sa kalsada, mga init ng ulo sa paligsahan sa palakasan, at karahasan sa mga tahanan.

Kung hahayaan, ang galit ay mabilis na magpapasidhi ng pagsabog ng maaanghang na salita at iba pang pang-aabuso sa damdamin na nakasusugat sa maramdaming puso. Ito ang “lumalabas sa bibig,” ang sabi ng Panginoon; “ito ang nakakahawa sa tao” (Mateo 15:11).

Sinabi ni David O. McKay, “Huwag hayaang magsigawan ang mag-asawa kailanman, ‘Maliban kung nasusunog ang bahay’ “ (Stepping Stones to an Abundant Life, tinipon ni Llewelyn R. McKay [1971], 294).

Ang pisikal na pang-aabuso ay galit na sumilakbo at hindi kailanman makatwiran at laging hindi matwid.

Ang galit ay isang walang pakundangang pagtatangka na bagabagin ang konsiyensiya ng iba o isang malupit na paraan ng pagsisikap na iwasto sila. Madalas itong matawag na disiplina ngunit halos laging hindi makatuturan ito. Kaya nga’t nagbabala ang banal na kasulatan: “Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, at huwag kayong maging mapait sa kanila,” at “Mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang loob nila” (Mga Taga Colosas 19, 21).

“Hinding-hindi na Ako Muling Magagalit”

Ang pagpili at pananagutan ay mga alituntuning hindi mapaghihiwalay. Dahil ang galit ay isang pagpili, may matinding babala sa pagpapahayag “na ang mga taong…nagmamalabis sa asawa o anak…balang araw sila ay pananagutin sa harap ng Diyos.”

Ang pag-unawa sa kaugnayan sa pagitan ng pagpili at galit ang unang hakbang sa pagwawaksi ng galit sa ating buhay. Mapipili nating huwag magalit. At makagagawa tayo ngayon ng pasiya, ngayon din: “Hinding-hindi na ako muling magagalit.” Pag-isipang mabuti ang resolusyong ito.

Ang ika-121 bahagi ng Doktrina at mga Tipan ang isa sa ating pinakamainam na magagamit para matuto ng mga wastong alituntunin sa pamumuno. Marahil ay pinakaangkop sa mga mag-asawa at magulang ang bahagi 121. Dapat nating pamunuan ang ating mag-anak sa pamamagitan ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig (tingnan sa D at T 121:41–42).

Nawa’y matupad ang pangarap ng bawat bata na magkaroon ng mag-anak sa mundo na mabait sa kanila.

Mula sa talumpati ni Elder Robbins sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1998 (tingnan sa Conference Report, Abr. 1998, 105–6; o Ensign, Mayo 1998, 80–81).