Resources para sa Pamilya
Aralin 10: Ang mga Sagradong Tungkuling Ginagampanan ng mga Ama at Ina (Bahagi 1: Mga Tungkulin ng mga Ama)


Aralin 10

Ang mga Sagradong Tungkuling Ginagampanan ng mga Ama at Ina

Bahagi 1: Mga Tungkulin ng mga Ama

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Batay sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o kapwa mga mungkahing ito.

  • Repasuhin ang mga tungkuling ginagampanan ng mga ama at ina na nakabanghay sa ikapitong talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (tingnan sa pahina iv). Mapanalanging alamin kung paano naaangkop ang payo sa inyong tahanan at kung ano ang inyong gagawin upang sundin ito.

  • Sumulat ng isang liham sa inyong ama o sa isang lolo.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa.

Sa Mga Ama Sa Isreal

Pangulong Ezra Taft Benson
Ika-13 Pangulo ng Simbahan

Minamahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong makasama kayo sa maluwalhating pagtitipuntipong ito ng pagkasaserdote ng Diyos. Idinadalangin ko na mapasaakin at mapasainyo ang Espiritu ng Panginoon sa pagsasalita ko sa inyo tungkol sa isang napakahalagang paksa. Ngayong gabi ay nais kong magsalita sa mga amang nagtitipun-tipon dito at sa buong Simbahan tungkol sa kanilang mga banal na tungkulin.

Sana ay taimtim din kayong makinig na mga kabataang lalaki, dahil naghahanda na kayo ngayon na maging mga ama sa Simbahan sa hinaharap.

Isang Walang-hanggang Tungkulin

Mga ama, inyo ang isang walang-hanggang tungkulin na kailanma’y hindi mawawala sa inyo. Ang mga tungkulin sa Simbahan, gaano man kahalaga ang mga ito, ay likas na para lamang sa isang panahon, at dumarating ang oras na matatapos kayo sa pagganap ng tungkuling ito. Ngunit ang tungkulin ng isang ama ay walang hanggan, at ang kahalagahan nito ay lumalampas pa sa panahon. Isa itong tungkulin para sa panahon at sa walang hanggan.

Totoong sinabi ni Pangulong Harold B. Lee na “ang pinakamahalaga sa gawain ng Panginoon na gagampanan ninyo [na mga ama] ay ang gawain ninyo sa loob ng inyong sariling tahanan. Ang pagtuturo ng tahanan, gawain ng obispado, at iba pang tungkulin sa Simbahan ay pawang mahahalaga, ngunit ang pinakamahalagang gawain ay sa loob ng inyong tahanan” (Strengthening the Home [polyeto, 1973], 7).

Ano, kung gayon, ang natatanging responsibilidad ng isang ama sa loob ng kanyang banal na tahanan? Nais kong imungkahi ang dalawang pangunahing responsibilidad ng bawat ama sa Israel.

Maglaan ng mga Materyal na Pangangailangan

Una, kayo ay may sagradong responsibilidad na maglaan para sa mga materyal na pangangailangan ng inyong mag-anak.

Malinaw na inisa-isa ng Panginoon ang mga tungkulin ng pagtustos at pagpapalaki ng isang matwid na angkan. Sa simula, si Adan, hindi si Eva, ang tinagubilinang maghanap ng kakainin sa pamamagitan ng pawis ng kanyang kilay.

Ipinapayo ni Apostol Pablo sa mga asawang lalaki at ama, “Datapuwa’t kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya” (1 Kay Timoteo 5:8).

Sa pagsisimula ng kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan, itinakda ng Panginoon sa mga kalalakihan ang obligasyon na tustusan ang kanilang mga kabiyak at mag-anak. Noong Enero ng 1832 sinabi Niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na bawat lalaki na may tungkulin na maglaan para sa kanyang sariling mag-anak, siya ay maglaan, at hindi mawawala sa kanya ang kanyang putong” (D at T 75:28). Makalipas ang tatlong buwan muling sinabi ng Panginoon, “Ang mga babae ay may karapatan sa kanilang mga asawa para sa kanilang ikabubuhay, hanggang sa ang kanilang mga asawa ay kunin”(D at T 83:2). Ito ang banal na karapatan ng isang kabiyak at ina. Habang inaalagaan niya at inaaruga ang kanyang mga anak sa tahanan, naghahanapbuhay ang kanyang asawa para sa mag-anak, upang makapangyari ang pangangalagang ito.

Sa tahanan kung saan may isang matipunong asawang lalaki, inaasahang siya ang maghahanapbuhay. Kung magkaminsan ay nakakarinig tayo ng mga asawa na, dahil sa kalagayan ng kabuhayan, ay nawawalan ng trabaho at inaasahan ang mga kabiyak na lumabas ng tahanan at magtrabaho, kahit na kaya pa rin ng lalaki na tustusan ang kanyang mag-anak. Sa mga ganitong kaso, hinihimok namin ang mga asawang lalaki na gawin ang lahat ng kanyang makakaya upang pahintulutan ang kanyang kabiyak na manatili sa tahanan para alagaan ang kanyang mga anak habang patuloy niyang itinataguyod ang kanyang mag-anak sa abot ng kanyang makakaya, kahit na ang trabahong nakuha niya ay hindi maganda at kakailanganin pang higpitan ang pagbabadyet ng kanyang mag-anak.

Gayundin, hindi binibigyang-katarungan ng pangangailangan para sa edukasyon o mga materyal na bagay ang pagpapaliban sa pagkakaroon ng mga anak upang manatiling naghahanapbuhay ang kabiyak para sa mag-anak.

Payo ni Pangulong Kimball

Natatandaan ko ang payo ng ating mahal na propetang si Spencer W. Kimball sa mga may-asawang estudyante. Sinabi niya: “Nasabi ko na sa libu-libong kabataan na kapag nag-asawa sila hindi nila dapat hintaying makatapos sila ng pag-aaral at makamtan ang hangad na kabuhayan bago magkaroon ng anak… . Dapat silang magkasamang mamuhay nang normal at hayaang isilang ang mga anak… .

“Wala akong alam na anumang mga banal na kasulatan,” patuloy ni Pangulong Kimball, “na nagbibigay ng karapatan sa mga batang babaing may-asawa na pigilan ang kanilang panganganak at magtrabaho upang suportahan ang kanilang mga asawang lalaki sa pag-aaral. Libu-libong mga asawang lalaki ang nakapagtapos ng pag-aaral sa sarili nilang kayod kasabay ng pagpapalaki ng pamilya” (“Marriage Is Honorable,” in Speeches of the Year, 1973 [1974], 263).

Ang Tungkuling Ginagampanan ng Isang Ina sa Tahanan

Mga kapatid sa pagkasaserdote, patuloy kong binibigyang-diin ang kahalagahan ng pananatili ng mga ina sa tahanan upang arugain, alagaan, at hubugin ang kanilang mga anak sa mga alituntunin ng kabutihan.

Sa aking paglalakbay sa buong Simbahan, nadarama ko na ang malaking bahagi ng mga inang Banal sa mga Huling Araw ay taimtim na nagnanais na sundin ang payong ito. Subalit alam natin na kung minsan ay nagtatrabaho ang ina sa labas ng tahanan sa paghihikayat, o maging sa pamimilit, ng kanyang asawa. Siya ang tunay na nagnanais ng mga bagay na makagiginhawa na mabibili ng dagdag na kita. Hindi lamang magdurusa ang mag-anak sa gayong mga pagkakataon, mga kapatid, kundi mahahadlangan ang inyong sariling espirituwal na pag-unlad at pagsulong. Sinasabi ko sa inyong lahat, iniatas ng Panginoon sa mga lalaki ang responsibilidad na tustusan ang kanilang mag-anak nang sa gayon ay matupad ng asawang babae ang kanyang tungkuling ginagampanan bilang ina sa tahanan.

Mas Kailangan Ngayon ang Kahandaan ng Mag-anak

Mga ama, isa pang mahalagang bahagi ng paglalaan para sa mga materyal na pangangailangan ng inyong mag-anak ay ang paglalaang dapat ninyong gawin para sa inyong mag-anak sa oras ng biglaang pangangailangan. Ang kahandaan ng mag-anak ay isang matagal nang naitatag na alituntuning pangkapakanan. Mas kailangan ito ngayon.

Taimtim kong itinatanong sa inyo, naglaan na ba kayo para sa inyong mag-anak ng pagkain, pananamit, at, hangga’t maaari, panggatong na aabot nang isang taon? Ang paghahayag na magtanim at mag-imbak ng pagkain ay maaaring kasinghalaga ng pagsakay sa arko ng mga tao noong panahon ni Noe para sa ating temporal na kapakanan ngayon.

Gayundin, namumuhay ba kayo nang naaayon sa inyong kinikita at nagtatabi nang kaunti?

Tapat ba kayo sa Panginoon sa pagbabayad ng inyong mga ikapu? Magdudulot ng kapwa espirituwal at materyal na mga pagpapala ang pamumuhay ng banal na batas na ito.

Opo, mga kapatid na lalaki, bilang mga ama sa Israel malaki ang responsibilidad ninyo na tustusan ang mga materyal na pangangailangan ng inyong mag-anak at magkaroon ng mga kinakailangan sa oras ng biglaang pangangailangan.

Maglaan ng Espirituwal na Pamumuno

Ikalawa, may banal na responsibilidad kayong gampanan ang espirituwal na pamumuno sa inyong mag-anak.

Sa polyetong inilathala ng Kapulungan ng Labindalawa ilang taon na ang nakararaan, isinaad namin ang mga sumusunod: “Ang pagiging ama ay pamumuno, ang pinakamahalagang uri ng pamumuno. Noon pa’y gayon na ito; gayon ito magpakailanman. Ama, taglay ang pag-alalay at payo at panghihikayat ng inyong walang hanggang katuwang, kayo ang namumuno sa tahanan” (Father, Consider Your Ways [polyeto, 1973], 4–5).

Gayunpaman, kaakibat ng katungkulan sa pamumunong iyon ang mahahalagang obligasyon. Kung minsan ay nakaririnig tayo ng mga kuwento tungkol sa mga lalaki, maging sa Simbahan, na ipinalalagay na kahit paano ang pagiging ulo ng tahanan ay naglalagay sa kanila sa mas mataas na katungkulan at nagpapahintulot sa kanila na magdikta at mag-utos sa kanilang mag-anak.

Itinuro ni Apostol Pablo na “ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia” (Mga Taga Efeso 5:23; idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita). Iyan ang huwarang dapat nating sundin sa ating katungkulang mamuno sa tahanan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuno sa Simbahan nang may karahasan o kalupitan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na pinakikitunguhan ang Kanyang Simbahan nang walang paggalang o may pagpapabaya. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na gumagamit ng pamumuwersa o pamimilit para isakatuparan ang Kanyang mga layunin. Saanman ay hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na gumagawa ng anuman kung hindi yaong nagpapabanal, nagpapabuti, nagpapaginhawa, at nagpapadakila sa Simbahan. Mga kapatid na lalaki, sinasabi ko sa inyo nang buong kahinahunan, na Siya ang huwarang kailangan nating sundin sa espirituwal na pamumuno natin sa ating mga mag-anak.

Totoo ito lalung-lalo na sa inyong pakikipag-ugnayan sa inyong asawa.

Mahalin ang Inyong Asawa

Muli ang payo mula kay Apostol Pablo ay napakaganda at tuwiran. Simple niyang sinabi, “Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia” (Mga Taga Efeso 5:25).

Sa paghahayag sa mga huling araw muling nangungusap ang Panginoon tungkol sa obligasyong ito. Sinabi niya, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba”(D at T 42:22). Batay sa aking kaalaman ay may isa pang binanggit sa buong banal na kasulatan kung saan inuutusan tayong mahalin nang buong puso, at iyon ay ang Diyos Mismo. Isipin ninyo ang kahulugan noon!

Ang uri ng pagmamahal na ito ay maipakikita sa inyong mga asawa sa maraming paraan. Una sa lahat, walang iba maliban sa Diyos Mismo ang nangingibabaw sa inyong asawa sa inyong buhay— hindi trabaho, hindi pag-aaliw, hindi mga libangan. Ang inyong asawa ang inyong napakahalagang walang-hanggang katuwang—ang inyong kasama.

Ano ang kahulugan ng mahalin ang isang tao nang buong puso? Nangangahulugan ito na magmahal nang buo ninyong damdamin at buo ninyong katapatan. Tiyak na kapag minamahal ninyo ang inyong asawa nang buong puso, hindi ninyo siya makakayanang hamakin, pintasan, hanapan ng kamalian, o abusuhin sa pamamagitan ng salita, pagalit na asal, o kilos.

Ano ang kahulugan ng “pumisan sa kanya”? Nangangahulugan ito na manatiling malapit sa kanya, matapat at nananalig sa kanya, nakikipag-usap sa kanya, at ipinahahayag ang inyong pagmamahal sa kanya.

Ang ibig sabihin ng pagmamahal ay pagiging matalas ang pakiramdam sa kanyang damdamin at mga pangangailangan. Nais niyang mapansin at mapahalagahan. Nais niyang masabihan na nagagandahan kayo at naaakit sa kanya at mahalaga siya sa inyo. Ang pagmamahal ay nangangahuluhan ng pagbibigay ng mataas na priyoridad sa kanyang kapakanan at pagpapahalaga sa kanya sa inyong buhay.

Dapat kayong magpasalamat na siya ay ina ng inyong mga anak at reyna ng inyong tahanan, magpasalamat na pinili niyang manatili sa tahanan at maging ina—upang dalhin, pakainin, mahalin, at turuan ang inyong mga anak—bilang pinakamarangal na tungkulin sa lahat.

Mga asawang lalaki, kilalanin ang talino at kakayahang magpayo sa inyo ng inyong asawa bilang tunay na katuwang hinggil sa mga plano ng mag-anak, mga aktibidad ng mag-anak, at pagbabadyet ng mag-anak. Huwag tipirin ang inyong oras o salapi.

Bigyan siya ng pagkakataong umunlad ang kanyang kaisipan, damdamin, at pakikihalubilo at gayundin ang espirituwalidad.

Tandaan, mga kapatid na lalaki, maaaring pangalagaan at palaguin ang pagmamahal sa pamamagitan ng maliliit na alaala. Maganda ang mga bulaklak sa mga natatanging okasyon, ngunit gayundin ang inyong pagkukusang tumulong sa paghuhugas ng mga pinggan, pagpapalit ng mga lampin, pag-aaruga sa umiiyak na anak sa gabi, at pag-iwan sa telebisyon o diyaryo upang tumulong sa paghahanda ng pagkain. Gayon ang mga tahimik na pamamaraan ng pagsasabi sa pamamagitan ng kilos ng “Mahal kita.” Naghahatid ito ng malalaking pakinabang para sa kakatiting na pagsisikap.

Ang ganitong uri ng mapagmahal na pamumuno ng pagkasaserdote ay kapwa angkop sa inyong mga anak at gayundin sa inyong asawa.

Ang Tungkuling Ginagampanan ng Ama sa Tahanan

Gumaganap ng mahalagang tungkulin ang mga ina bilang puso [sentro] ng tahanan, subalit hindi nito binabawasan sa anumang paraan ang tungkulin na kasing-halaga nito na dapat gampanan ng mga ama, bilang ulo ng tahanan, sa pangangalaga, pagtuturo, at pagmamahal sa kanilang mga anak.

Bilang patriyarka ng inyong tahanan, may mabigat na responsibilidad kayong tanggapin ang pamumuno sa pakikipagtulungan sa inyong mga anak. Kailangan kayong tumulong sa paglikha ng isang tahanan kung saan makapananatili ang Espiritu ng Panginoon. Tungkulin ninyong magbigay ng direksyon sa buong pamumuhay ng mag-anak. Dapat kayong aktibong makilahok sa pagtatatag ng mga patakaran at disiplina sa mag-anak.

Dapat maging mga lugar ng kapayapaan at kagalakan para sa inyong mag-anak ang inyong mga tahanan. Hindi dapat katakutan ng sinumang bata ang sarili niyang ama—lalung-lalo na ang isang amang maytaglay ng pagkasaserdote. Ang tungkulin ng ama ay gawing lugar ng kaligayahan at kagalakan ang kanyang tahanan. Hindi niya ito magagawa kung may pagtataltalan, pag-aawayan, pagtatalo, o di-makatwirang pag-uugali. Ang mabisang epekto ng mabubuting ama sa pagpapakita ng halimbawa, pagdidisiplina at pagtuturo, pangangalaga at pagmamahal ay mahalaga sa espirituwal na kapakanan ng kanyang mga anak.

Magbigay ng Espirituwal na Pamumuno

Taglay ang pagmamahal sa aking puso para sa mga ama sa Israel, hayaan ninyong imungkahi ko ang sampung natatanging paraan kung saan ay makapagbibigay ng espirituwal na pamumuno ang mga ama sa kanilang mga anak:

  1. Magbigay ng pagbabasbas ng ama sa inyong mga anak. Binyagan at pagtibayin ang inyong mga anak. Ordenan ang inyong mga anak na lalaki sa pagkasaserdote. Ito ang mga magiging espirituwal na karanasan sa buhay ng inyong mga anak.

  2. Personal na pangasiwaan ang pang-araw-araw na ng panalangin mag-anak, pang-araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan, at mga lingguhang gabing pantahanan ng mag-anak. Ang personal ninyong pakikilahok ay magpapakita sa inyong mga anak kung gaano kahalaga ang mga gawaing ito.

  3. Hangga’t maaari, magkakasamang dumalo bilang isang mag-anak sa mga pulong sa Simbahan. Ang pagsamba ng mag-anak sa ilalim ng inyong pamumuno ay mahalaga sa espirituwal na kapakanan ng inyong mga anak.

  4. Mamasyal nang kayo lamang dalawa ng inyong mga anak na babae o anak na lalaki. Bilang mag-anak, magkamping at magpiknik, manood ng palaro at mga pagtatanghal, damalo sa mga programa sa paaralan, at iba pa. Malaking kaibahan ang makapiling si Itay.

  5. Bumuo ng mga nakagawiang pagbabakasyon at paglalakbay at pamamasyal ng mag-anak. Ang mga alaalang ito ay hindi kailanman malilimutan ng inyong mga anak.

  6. Isa-isang kausapin ang inyong mga anak. Hayaan ninyong magsalita sila ng gusto nila. Turuan sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Turuan sila ng mga bagay na tunay na mahalaga. Sabihin ninyong mahal ninyo sila. Ang paggugol ng personal na panahon kasama ang inyong mga anak ay nagpapahiwatig sa kanila kung sino o ano ang pinahahalagahan ni Itay.

  7. Turuang magtrabaho ang inyong mga anak, at ipakita sa kanila ang kahalagahan ng pagsisikap tungo sa isang makabuluhang adhikain. Ang pagsisimula ng pondo para sa misyon at pag-aaral ng inyong mga anak ay nagpapamalas sa kanila kung ano ang itinuturing ni Itay na mahalaga.

  8. Maghikayat ng mabuting musika at sining at literatura sa inyong mga tahanan. Ang mga tahanang may diwa ng kapinuhan at kagandahan ay magpapala sa buhay ng inyong mga anak magpakailanman.

  9. Kung malapit sa inyo ang templo dumalo ng palagian kasama ang inyong kabiyak. Sa gayo’y higit na mauunawaan ng inyong mga anak ang kahalagahan ng kasal at mga sumpaan sa templo at ang walang hanggang yunit ng mag-anak.

  10. Ipakita sa inyong mga anak ang inyong kagalakan at kasiyahan sa paglilingkod sa Simbahan. Makakahawa ito sa kanila, kaya’t nanaisin nila mismong makapaglingkod sa Simbahan at mamahalin ang kaharian.

Ang Inyong Pinakamahalagang Tungkulin

Mga asawa at ama sa Israel, malaki ang inyong magagawa para sa kaligtasan at kadakilaan ng inyong mga mag-anak! Napakahalaga ng inyong mga responsibilidad.

Tandaan ang inyong banal na tungkulin bilang isang ama sa Israel—ang inyong pinakamahalagang tungkulin sa panahon at sa walang hanggan—isang tungkuling hindi ninyo kailanman maaalpasan.

Nawa ay palagi ninyong matustusan ang mga materyal na pangangailangan ng inyong mag-anak at, kasama sa inyong tabi ang inyong walang hanggang katuwang, nawa ay maisakatuparan ninyo ang inyong banal na responsibilidad na maglaan ng espirituwal na pamumuno sa inyong tahanan.

Mula sa talumpati ni Pangulong Benson sa sesyon sa pagkasaserdote sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Oktubre 1987 (tingnan sa Conference Report, Okt. 1987, 59–63; o Ensign, Nob. 1987, 48–51).