Resources para sa Pamilya
Aralin 16: Pangmag-anak na Panalangin, Pangmag-anak na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan, at Gabing Pantahanan ng Mag-anak


Aralin 16

Pangmag-anak na Panalangin, Pangmag-anak na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan, at Gabing Pantahanan ng Mag-anak

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Batay sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o pareho sa mga mungkahing ito.

  • Kung palagiang nagdaraos ang inyong mag-anak ng pangmag-anak na panalangin, pangmag-anak na pag-aaral ng banal na kasulatan, at gabing pantahanan ng mag-anak, mapanalanging isipin ang mga paraan kung paano ninyo mapagbubuti ang isa sa mga tagpong ito. Kung hindi ginagawa ng inyong mag-anak ang mga bagay na ito, pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo upang matulungan kayong itatag ang mga gawaing ito sa inyong tahanan.

  • Bilang mag-anak, magplano ng gawaing sama-sama ninyong magagawa.

  • Repasuhin ang materyal sa mga pahina 167–89 ng Pagtuturo: Walang Higit na Dakilang Tungkulin (36123 893).

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang mga sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa.

Ang mga Pagpapala ng Panalanging Pangmag-anak

Pangulong Gordon B. Hinckley

Ipinahayag ni Apostol Pablo kay Timoteo:

“Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.

“Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,

“Walang katutubong pag-ibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,

“Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios” (II Kay Timoteo 3:1–4).

Kinakailangan ang bagong pagbibigay-diin sa katapatan, ugali, at paninindigan sa ating panahon. Mababago lang ang kalakaran ng ating panahon kung itatayo nating muli sa mga himaymay ng ating buhay ang mga kabutihang siyang diwa ng tunay na sibilisasyon. Ang katanungang kinakaharap natin ngayon ay, Saan tayo magsisimula?

Nasisiyahan ako na kailangan itong magsimula sa pagkilala sa Diyos bilang ating Amang Walang Hanggan, sa ating kaugnayan sa Kanya bilang Kanyang mga anak, sa pakikipag-usap sa Kanya sa pagkilala sa Kanyang pinakamakapangyarihang katayuan, at sa araw-araw na pagsamo para sa Kanyang patnubay sa lahat ng ating mga gawain.

Sumasang-ayon ako na ang pagbalik sa dating kaugaliang pananalangin, ang pangmag-anak na panalangin sa mga tahanan ng mga tao, ay isa sa mga pangunahing panlunas na pipigil sa nakamamatay na sakit na sanhi ng pagkabulok ng karangalan ng ating lipunan. Hindi tayo makaaasa ng himala sa isang araw, ngunit magkakaroon tayo ng himala sa isang henerasyon.

Mga isa o dalawang henerasyon na ang nagdaan, ang panalanging pangmag-anak sa mga tahanan ng mga Kristiyano sa buong daigdig ay isang gawain sa maghapon na kasinghalaga ng pagkain. Nang mabawasan ang nakasanayang iyan, sumunod dito ang pagkabulok ng moralidad gaya ng ipinahayag ni Pablo.

Naniniwala ako na walang sapat na makahahalili sa umaga at gabing pagluhod nang sabay-sabay— ama, ina, at mga anak. Ito, higit pa sa malalambot na karpet, higit pa sa magagandang kurtina, higit pa sa mahusay na pagkakabalanse ng mga kulay, ang bagay na siyang makagagawa ng mas maiinam at mas magagandang tahanan.

May isang bagay sa mismong pagkakaluhod na sumasalungat sa mga ugaling inilarawan ni Pablo: “mayayabang…matitigas ang ulo, mga palalo.”

May isang bagay sa mismong ginagawang sama-samang pagluhod ng ama at ina at mga anak na nagpapalaho sa ibang mga katangiang kanyang inilarawan: “masuwayin sa mga magulang…walang katutubong pag-ibig.”

May isang bagay sa ginagawang pagtawag sa Diyos na bumibigo sa posibleng paghantong sa kalapastanganan at sa pagiging maibigin sa kalayawan kaysa sa maging maibigin sa Diyos.

Ang kagustuhang maging makasalanan, gaya ng pagkakalarawan ni Pablo rito, ang maging walang utang-na-loob, ay napapawi kapag ang mga miyembro ng mag-anak ay sama-samang nagpapasalamat sa Panginoon para sa buhay at kapayapaan at lahat ng mayroon sila. At habang pinasasalamatan nila ang Panginoon para sa isa’t isa, may nabubuo sa loob ng mag-anak ng bagong pagpapahalaga, bagong paggalang, bagong pagsuyo para sa isa’t isa.

Ipinahayag ng banal na kasulatan: “Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay” (D at T 59:7). At muli: “At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa” (D at T 59:21).

Sa sama-samang pag-alala sa harapan ng Panginoon sa mga maralita, sa nangangailangan, at sa mga nahihirapan, may nabubuong pagmamahal, nang di napapansin ngunit makatotohanan, para sa iba na higit sa sarili, ng paggalang sa iba, ng pagnanais na tugunan ang mga pangangailangan ng iba. Hindi mahihiling sa Diyos ninuman na tulungan ang isang kapitbahay na nangangailangan nang hindi nakadarama sa kanyang sarili mismo ng pagnanais na tulungan ang nangangailangang kapitbahay na iyon. Anong laking mga himala ang mangyayari sa buhay ng mga bata ng daigdig kung isasaisantabi nila ang sariling kasakiman at kalilimutan ang sarili sa paglilingkod sa iba. Ang binhing pagmumulan ng mapagkanlong at mabungang punong ito ang pinakamainam na maitatanim at maaalagaan sa araw-araw na pagsusumamo ng mag-anak.

Wala akong alam na ibang paraan upang maikintal ang pag-ibig sa bayan maliban sa pananalangin ng mga magulang sa harapan ng kanilang mga anak para sa bayang kanilang tinitirhan, na humihiling ng mga pagpapala ng Makapangyarihan para dito nang manatili itong malaya at mapayapa. Wala na akong alam na ibang paraan upang maitatag sa mga puso ng ating mga anak ang lubos na kinakailangang paggalang para sa awtoridad kaysa pag-alala sa sa araw- araw na pagsamo ng mag-anak sa mga pinuno ng ating kani-kanyang bayan na nagpapasan ng mga suliranin ng pamahalaan.

Natatandaan ko na nakita ko sa isang malaking paskil ang pangungusap na nagsasaad ng “Ang bayang nananalangin ay bayan ng kapayapaan.” Naniniwala ako rito.

Wala akong ibang alam na lubos na makakatulong na mapayapa ang di magandang samahan sa mag-anak, na sa mahinay na paraan ay magdudulot ng paggalang sa mga magulang na hahantong sa pagsunod, na makaaapekto sa diwa ng pagsisisi na labis na papawi sa pagkabulok ng mga wasak na tahanan, kaysa sa sama-samang panalangin, pagtatapat ng mga kahinaan sa harapan ng Panginoon, at paghingi ng pagpapala sa Panginoon para sa tahanan at sa mga naninirahan doon.

Matagal na akong humahanga sa ipinahayag ng isang taong matagal nang pumanaw. Sumulat si James H. Moyle sa kanyang mga apo hinggil sa pangmag-anak na panalangin sa kanyang sariling tahanan. Sabi niya: “Hindi kami natutulog hangga’t hindi lumuluhod sa panalangin upang magsumamo ng banal na patnubay at pagsang-ayon. Maaaring magkaroon ng di-pagkakasundo sa pinakamahuhusay na pinamahalaang mag-anak, ngunit ito ay mapapawi sa pamamagitan ng…diwa ng panalangin… . Isinusulong ng mismong sikolohiya nito ang mas matwid na buhay sa mga tao. Nauuwi ito sa pagkakaisa, pagmamahalan, kapatawaran, sa paglilingkod.”

Noong 1872 muling nagpakanluran si Koronel Thomas L. Kane, ang dakilang kaibigan ng ating mga miyembro sa mga panahon ng kanilang paghihirap sa Iowa at sa panahon ng pagdating ng hukbo sa Salt Lake Valley, kasama ang kanyang asawa at dalawang anak na lalaki. Naglakbay sila patungong St. George kasama si Brigham Young, at tumitigil bawat gabi sa mga tahanan ng mga miyembro ng Simbahan na nadaraanan nila. Sunud-sunod na mga liham ang ipinadala ni Gng. Kane sa kanyang amang nasa Philadelphia. Sinabi niya sa isa sa mga ito:

“Sa bawat isa sa mga lugar na pinaglagian namin sa paglalakbay na ito nananalangin kami pagkatapos na pagkatapos ng hapunan, at muli bago mag-almusal. Walang lumiliban… . Ang mga Mormon… ay lumuluhod kaagad, habang ang puno ng sambahayan, o isang panauhing pandangal ay nananalangin nang malakas… . Kaunting panahon lang ang ginugugol nila sa pagpapahayag ng mga katangian ng Diyos, subalit humihiling ng kanilang mga pangangailangan, at pinasasalamatan Siya sa mga ibinigay Niya… . Ipinalalagay [nila] na alam ng Diyos ang ating mga pangalan at titulo, at hihiling ng pagpapala para sa [isang tao na binabanggit ang pangalan nito], …Nagustuhan ko ito nang makasanayan ko.”

Ah, sana ay ganap nating mapagyaman bilang mga tao ang kaugaliang ito, na lubos na mahalaga sa ating mga tagabunsod na ninuno. Bahagi na ng kanilang mga pagsamba ang pangmag-anak na panalangin gaya ng mga pulong na ginaganap sa Tabernakulo. Sa pananampalatayang kaakibat ng araw-araw na mga panalanging iyon, hinawan nila ang damo sa paligid ng mga halaman, pinatubigan ang tigang na lupa, pinamulaklak ang disyerto, pinamahalaan sa pagmamahal ang kanilang mga mag-anak, namuhay nang mapayapa sa piling ng isa’t isa, at ginawang imortal ang kanilang mga pangalan habang kinalimutan nila ang mga sarili sa paglilingkod sa Diyos.

Ang mag-anak ang pangunahing yunit ng ating lipunan. Ang nananalanging mag-anak ang pag-asa ng mas mabuting lipunan. “Inyong hanapin ang Panginoon samantalang siya’y masusumpungan” (Isaias 55:6).

Mas mapagaganda ba natin ang ating mga tahanan? Oo, sa pamamagitan ng pagtukoy natin bilang mga mag-anak sa Pinagmumulan ng lahat ng tunay na kagandahan. Mapalalakas ba natin ang lipunan at magagawa itong mas magandang tirahan?

Oo, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kabutihan ng ating buhay-mag-anak sa pamamagitan ng sama-samang pagluhod at pagsusumamo sa Makapangyarihan sa pangalan ng Kanyang Minamahal na Anak.

Ang kaugaliang ito, ang pagbalik sa pagsamba ng mag-anak, na lumalaganap sa buong lupain at sa ibabaw ng daigdig, ay lubhang papawi sa loob ng isang henerasyon sa pangwawasak na sumisira sa atin. Ipanunumbalik nito ang paninindigan, paggalang sa isa’t isa, at isang diwa ng pasasalamat sa puso ng mga tao.

Ipinahayag ng Panginoon, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7).

Nagpapatotoo ako sa inyo na kung matapat ninyong maisasagawa ang pangmag-anak na panalangin, hindi kayo lilisan nang hindi nagagantimpalaan. Maaaring hindi kaagad mahalata ang mga pagbabago. Maaaring halos hindi na ito mapansin. Ngunit magkakatotoo ang mga ito, sapagkat ang Diyos “ay tagapagbigay ganti sa mga sa Kaniya’y nagsisihanap” (Sa Mga Hebreo 11:6).

Nawa’y maging matapat tayo sa pagkikita ng halimbawa sa kaugaliang ito sa harapan ng sanlibutan at sa panghihikayat sa iba na gayon din ang gawin.

Mula sa Ensign ng Pebrero 1991, mga pahina 2–5.

“Kaya Ako ay Naturuan”

Elder L. Tom Perry
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Butihing mga Magulang

Nagsisimula ang Aklat ni Mormon sa mga salitang ito: “Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang samakatwid, ako ay naturuan ng lahat halos ng karunungan ng aking ama” (1 Nephi 1:1). Magiging iba ang mundong ito kung ang mga pansariling talaarawan ng bawat isa sa mga anak ng ating Ama sa Langit ay magsisimula sa ganitong parirala—ang pagkakaroon ng butihing mga magulang at ang maturuan nila.

Nabubuhay tayo sa gayong katangi-tanging panahon sa kasaysayan, isang panahon kung kailan naipanumbalik ang ebanghelyo ng Panginoon sa kabuuan nito. Nag-iibayo ang uri at bilang ng puwersa ng ating mga misyonero; sa gayon, itinuturo ang ebanghelyo sa mas maraming wika sa mas maraming bansa at sa mas malalaking bilang ng mga nakikinig kaysa noon. Habang itinatatag ang mga purok at istaka sa pinakamaraming bahagi ng mundo, binigyang-inspirasyon ang mga malikhaingisip na makabuo ng mga kagamitang pangkomunikasyon na may kakayahang maghatid ng mga tagubilin ng mga propeta sa mga tainga ng mas marami pang tao. Ang magandang balita ng ebanghelyo ay mas mabilis nang lalaganap ngayon upang magdala ng pag-asa ng walang-hanggang kapayapaan sa mga puso ng sangkatauhan.

Buhay-Mag-anak na nasa Krisis

Isa sa mga dakilang mensahe ng ebanghelyo ay ang doktrina ng walang-hanggang kalikasan ng mag-anak. Ipinahahayag namin sa buong mundo ang kahalagahan ng buhay-mag-anak, ngunit karamihan sa kaguluhan at paghihirap na natatagpuan nating umiiral sa daigdig ngayon ay nagmumula sa untiunting pagkasira ng mag-anak. Ang mga karanasan sa tahanan kung saan tinuturuan at sinasanay ng mga mapagmahal na magulang ang mga anak ay nababawasan.

Ang buhay-mag-anak kung saan sama-samang nakikipag-ugnayan ang mga anak at mga magulang sa pag-aaral, paglalaro, at pagtatrabaho ay nahalinhan na ng mabilis, kani-kanyang ininit na pagkain sa harap ng telebisyon sa gabi. Noong 1991 ipinalagay ng National Association of Countries, na nagpulong sa Salt Lake City, na ang kakulangan ng impluwensiya ng tahanan ay umabot na sa puntong naging krisis ito sa ating bansa at gumugol ng panahon sa kanilang mga pulong sa pagtalakay sa kanilang mga alalahanin. Tumukoy sila ng limang pangunahing konsepto na magdaragdag ng pagkakataong magtagumpay ang mag-anak.

Una, palakasin ang mga ugnayan sa pamamagitan ng mga gawaing pangmag-anak; ikalawa, magtatag ng mga makatwirang patakaran at inaasahan; ikatlo, magpalago ng pagpapahalaga sa sarili; ikaapat, magtakda ng mga maisasakatuparang adhikain; at ikalima, paminsan-minsang suriin ang mga kalakasan at pangangailangan ng mag-anak.

Biglang nagkaroon ng natatanging kabuluhan ang nagpupumilit at nagbababalang tinig ng ating mga propeta mula pa noong unang panahon. Gaya ng ipinayo at inihikayat sa atin, kailangan nating bigyang-pansin ang ating sariling mag-anak at pag-ibayuhin ang ating pagsisikap na maibahagi sa iba ang kaalaman sa katotohanan at ang kahalagahan ng mag-anak.

Natutuhan nina Adan at Eva ang mga Tungkulin ng mga Magulang

Sa simula pa lamang, ang mga tagubilin ng Panginoon kina Adan at Eva ay nagbigay-linaw sa kanilang mga responsibilidad bilang mga magulang. Maliwanag na nailarawan ang kanilang mga tungkuling gagampanan. Matapos nilang makatanggap ng mga tagubilin mula sa Panginoon, nalaman nating sinunod nila ang kanyang payo at sinasabi ito:

“At sa araw na yaon, pinapurihan ni Adan ang Diyos at napuspos, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, na nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos.

“At si Eva, na kanyang asawa, ay narinig ang lahat ng bagay na ito at natuwa, na nagsasabing: Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin.

“At pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos at ipinaalam ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae” (Moises 5:10–12).

Turuan at Sanayin ang mga Anak

Oo, noong una pa man ang responsibilidad ng mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak ay isa sa mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa ating unang mga magulang sa lupa.

Ang mga paghahayag na natanggap nang muling naipanumbalik ang Simbahan sa panahong ito ay pinaaalalahanan ang mga magulang sa kanilang obligasyong turuan at sanayin ang kanilang mga anak. Sa ikasiyamnapu’t tatlong bahagi ng Doktrina at mga Tipan, natatagpuan natin ang Panginoon na pinarurusahan ang ilan sa mga miyembrong lalaki dahil sa hindi pagbibigay ng pansin sa kanilang mga responsibilidad sa mag-anak. Isinasaad sa mga banal na kasulatan:

“Subalit ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan… .

“Hindi mo tinuruan ang iyong mga anak ng liwanag at katotohanan, alinsunod sa mga kautusan; at yaong masama ay may kapangyarihan, sa ngayon, sa iyo, at ito ay dahilan ng iyong pagdurusa.

“At ngayon isang kautusan ang ibinibigay ko sa iyo—kung ikaw ay maliligtas ay isasaayos mo ang iyong sambahayan, sapagkat maraming bagay na hindi wasto sa iyong sambahayan” (D at T 93:40, 42–43).

Kahalagahan ng Gabing Pantahanan ng Mag-anak

Ilang taon na ang nakalilipas pinayuhan ng Simbahan ang lahat ng mga magulang na magdaos ng lingguhang gabing pantahanan ng mag-anak. Ngayon nasimulan na ang payong iyon sa mga tahanan ng mga miyembro ng Simbahan. Isinasaisantabi na ang Lunes ng gabi bilang gabi para magsama-sama ang mga mag-anak. Walang mga gawain sa Simbahan o mga pagtitipon sa labas na dapat idaos sa gabing ito. Pinangakuan tayo ng malalaking pagpapala kung magiging tapat ang ating mga mag-anak sa bagay na ito.

Pinayuhan tayo ni Pangulong Harold B. Lee:

“Tandaan ninyo ito ngayon; na kapag naunawaan ang ganap na saklaw ng misyon ni Elias, papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang. Naaangkop ito sa buhay na ito gaya ng ginagawa nito sa kabilang buhay. Kung kinaliligtaan natin ang ating mga mag-anak dito sa pagdaraos ng gabing pantahanan ng mag-anak at nagkukulang tayo sa ating responsibilidad dito, ano ang magiging anyo ng langit kung mawalay sa atin ang ilan sa kanila dahil sa sarili nating kapabayaan? Hindi magiging langit ang langit hangga’t hindi natin nagagawa ang lahat ng makakaya natin upang iligtas ang mga isinugo ng Panginoon sa pamamagitan ng ating angkan.”

Pagkatapos ay nagpatuloy siya:

“Kaya, ang mga puso ninyong mga ama at ina ay kailangang maipabalik-loob sa inyong mga anak ngayon din, kung nasa inyo ang tunay na diwa ni Elias, at hindi ninyo iisiping naaangkop lamang ito sa mga nasa kabilang buhay. Hayaang mapabalikloob ang inyong mga puso sa inyong mga anak, at turuan ang inyong mga anak; ngunit kailangan ninyong gawin ito kapag sapat na ang gulang nila upang maturuan nang wasto. At kung kinaliligtaan ninyo ang gabing pantahanan ng mag-anak, kinaliligtaan ninyo ang pagsisimula ng misyon ni Elias na parang kinaliligtaan ninyo ang pagsasaliksik ninyo sa inyong talaangkanan” (sa Relief Society Courses of Study, 1977–78 [1977], 2; idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita).

Lagi kong iniisip ang masasayang araw noong bata pa ang aming mag-anak at nasa tahanan ang aming mga anak. Nirepaso ko sa aking isipan ang mga araw na iyon at inisip ko ang mga pagbabagong gagawin ko sa kaayusan at pamamahala sa aming mag-anak kung may pagkakataon kaming muling mabuhay sa panahong iyon. May dalawang bahagi akong nais pagbutihin kung mabibigyan ako ng pribilehiyong iyon na muling magkaroon ng mga musmos na anak sa aming tahanan.

Ang una ay ang gumugol ng mas maraming oras bilang mag-asawa sa mga kapulungang pangmag-anak sa pag-aaral, pakikipag-ugnayan, pagpaplano, at pagsasaayos upang higit na maisakatuparan ang aming mga tungkuling ginagampanan bilang magulang.

Ang pangalawang hiling ko, kung mabubuhay akong muli sa mga taong iyon, ay ang gumugol ng mas maraming oras sa mag-anak. Kinabibilangan ito ng mas walang-maliw at makabuluhang mga gabing pantahanan ng mag-anak.

Nag-aambag sa Tagumpay ang mga Kabataan

Ang buong pasanin ng pagpaplano at paghahanda para sa mga gabing pantahanan ng mag-anak ay hindi dapat iatang lamang sa mga magulang. Ang pinakamatatagumpay na nasaksihan ko ay kapag aktibong nakikilahok ang kabataan ng mag-anak.

Nananawagan ako sa inyong mga dakilang diyakono, guro, at mga saserdote, kayong mga kabataang babae sa Beehive, Mia Maid, at Laurel na gumawa ng malaking kontribusyon para sa tagumpay ng gabing pantahanan ng mag-anak. Maaaring kayo ang maging konsensiya ng mag-anak sa maraming tahanan. Kunsabagay, kayo ang may pinakaraming matatamo mula sa karanasang ito. Kung nais ninyong mabuhay sa daigdig ng kapayapaan, seguridad, at oportunidad, ang mag-anak na maaari ninyong iambag ay makadaragdag sa mabuting kapakanan, oo, maging ng buong sanlibutan.

Naaalala ko ang isang halimbawa nito na naganap sa Kapaskuhan isang taon nang isama namin sa pamamasyal ang aming mga apo. Upang tunay na makaranas ng pagsasama-sama, napagkasunduan naming sumakay sa isang van upang sama-samang magbiyahe. Nasa loob kaming Lolo at Lola at ang aking anak na lalaki at ang tatlo niyang mas nakatatandang anak. Naiwan sa bahay ang aking manugang kasama ang mga mas nakababatang miyembro ng mag-anak. Ako naman ang nagmamaneho, at nakaupo sa tabi ko ang aking asawa at siyang tagabigay ng direksyon ng pupuntahan. Mula sa may likuran ng van, narinig ko si Audrey, ang panganay, na nakikipagsanggunian sa kanyang ama. Sinabi niya: “Itay, isa sa mga layunin natin ngayong taon ay ang tapusin ang Aklat ni Mormon sa ating pangmag-anak na pag-aaral. Huling araw na ito ng taon. Bakit hindi natin tapusin ito ngayon para hindi tayo mahuli sa takdang oras?”

Napakagandang karanasan ang makinig sa aking anak at sa kanyang tatlong anak, na isa-isang naghahalinhinan sa pagbabasa ng mga huling kabanata ni Moroni at tinatapos ang kanilang layuning basahin ang buong Aklat ni Mormon. Alalahanin ninyo, isang kabataang babae ang nagbigay ng mungkahing ito, hindi isa sa mga magulang.

Hamon sa Kabataan

Kayo ay isang piling henerasyon—inilaan para sa natatanging panahong ito sa kasaysayan ng sangkatauhan. Napakarami ninyong maibibigay upang maidagdag sa paglago at pag-unlad ng mga mag-anak kung saan kayo nabibilang. Hinahamon ko kayong humakbang pasulong sa inyong mga mag-anak nang may natatanging siglang iyon ng diwa ng inyong kabataan upang tunay na ipamuhay ang ebanghelyo sa inyong mga tahanan. Tandaan ang payo ni Pangulong Joseph F. smith nang sabihin niyang:

“Nais kong malaman ng aking mga anak, at ang lahat ng mga anak ng Sion, na walang bagay sa daigdig na ito na lubos na mahalaga sa kanila maliban sa kaalaman tungkol sa Ebanghelyo ayon sa pagkakapanumbalik nito sa mundo sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Walang makapupuno sa kawalan nito. Walang bagay sa daigdig na ito na makahahambing sa kahusayan sa kaalaman kay Jesucristo. Samakatwid, hayaang kalingain ng lahat ng mga magulang sa Sion ang kanilang mga anak, at ituro sa kanila ang mga alituntunin ng Ebanghelyo, at pagsikapan hangga’t maaari na ipatupad sa kanila ang mga tungkulin nila—hindi nang wala sa loob, dahil napipilitan lang silang gawin ito, kundi ikintal sa mga puso ng mga bata ang diwa ng katotohanan at ang walang-maliw na pagmamahal para sa Ebanghelyo, nang sa gayo’y hindi nila gawin ang kanilang tungkulin para lamang bigyang-lugod ang kanilang mga magulang, kundi dahil kalugud-lugod din ito sa kanilang sarili” (sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo [1987–92], 5:436).

Pasiglahing Muli ang Gabing Pantahanan ng Mag-anak

Para sa lahat ang gabing pantahanan ng mag-anak, maging ito man ay sa tahanang may mga magulang, isang magulang, o sa tahanang iisa lamang ang miyembro. Mga tagapagturo ng tahanan, nananawagan kami sa inyo na sa palagiang pagdalaw ninyo ay hikayatin at pasiglahing muli ang pagdaraos ng mga gabing pantahanan ng mag-anak.

Ipinaalala sa atin ng ating [dating] propeta, si Pangulong Ezra Taft Benson, ang pangangailangang magdaos ng mga gabing pantahanan ng mag-anak at ang mga bagay na nagpapatagumpay dito. Sinabi niya:

“Nilayon upang palakasin at pangalagaan ang mag-anak, ang programang gabing pantahanan [ng mag-anak] ng Simbahan ay nagtatakda ng isang gabi bawat linggo upang tipunin ng mga ama at ina ang kanialng mga anak sa tahanan. Nag-aalay ng panalangin, umaawit ng mga himno at iba pang awitin, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, tinatalakay ang mga paksang pangmag-anak, ipinakikita ang mga talino, itinuturo ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at kadalasa’y nagkakaroon ng mga palaro at nagsisilbi ng lutong meryenda” (sa Conference Report, Philippine Islands Area Conference 1975, 10).

Umaasa kami na bawat isa sa inyo ay isusulat ang bawat isa sa mga mungkahing ito na ginawa ng propeta tungkol sa dapat kapalooban ng gabing pantahanan ng mag-anak.

Pagkatapos ay nagpatuloy siya: “Ngayon, narito ang mga pagpapalang ipinangako ng propeta ng Diyos para sa mga magdaraos ng mga lingguhang gabing pantahanan [ng mag-anak]: “Kung susundin ng mga Banal ang payong ito, ipinangangako namin na darating ang malalaking pagpapala. Mag-iibayo ang pagmamahalan sa tahanan at pagsunod sa mga magulang. Mabubuo ang pananampalataya sa mga puso ng mga kabataan ng Israel, at matatamo nila ang lakas na labanan ang masasamang impluwensiya at tuksong dumadagsa sa kanila” (sa Conference Report, Philippine Islands Area Conference 1975, 10; tingnan din sa Improvement Era, Hunyo 1915, 734).

Hinihikayat namin ang bawat isa sa inyo na sumunod sa payo ng ating propeta. Sa lahat ng mga yunit ng mag-anak sa buong Simbahan, suriing muli ang pag-unlad ninyo sa pagdaraos ng mga palagiang gabing pantahanan ng mag-anak. Ang pagsasagawa ng programang ito ay magiging pananggalang at proteksyon sa inyo laban sa mga kasamaan ng ating panahon at magdudulot sa inyo, sa sarili o sa pangkalahatan, ng mas malaki at masaganang kagalakan ngayon at sa mga susunod na kawalang-hanggan.

Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos upang mapasigla nating muli at mapatatag ang napakahalagang programang ito habang sama-sama tayong nagsasanggunian bilang mga miyembro ng mag-anak.

Mula sa talumpati ni Elder Perry sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1994 (tingnan sa Conference Report, Abr. 1994, 47–51; o Ensign, Mayo 1994, 36–38).