Resources para sa Pamilya
Aralin 14: Pagtuturo ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa mga Bata (Bahagi 2)


Aralin 14

Pagtuturo ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa mga Bata

Bahagi 2

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Batay sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o higit pa sa mga mungkahing ito.

  • Bilang mag-anak, magplano ng gawaing sama-sama kayong makapaglilingkod.

  • Gumawa ng gawaing-bahay na kasama ang isa sa inyong mga anak o apo, pamangkin, o isa pang bata sa inyong mag-anak. Makipag-usap sa bata habang nagtatrabaho kayo. Samantalahin ang pagkakataong makapagturo nang hindi nagiging palapintas sa pagsisikap ng bata na makatulong.

  • Basahin ang mga sumusunod na bahagi sa polyetong Para sa Lakas ng Kabataan (34285 893): “Media: Mga Pelikula, Telebisyon, Radyo, Videocassette, mga Aklat, at mga Magasin” (mga pahina 13–14), “Musika at Pagsayaw” (mga pahina 16–17), at “Seksuwal na Kadalisayan” (mga pahina 17–20). Matapos ninyong repasuhin ang materyal, alamin kung sino sa inyong mga anak ang makikinabang mula sa pagbabasa at pagtalakay ng materyal na ito.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa.

Turuan ang mga Anak

Pangulong Boyd K. Packer
Gumaganap na Pangulo ng Korum
ng Labindalawang Apostol

Pinatutunayan ng bilang ng mga taong naririto at sa iba pang lugar ang di-mapatid na uhaw para sa katotohanan na kaakibat ng pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Habang idinadalangin ko kung ano ang pinakakapaki-pakinabang sa inyo, naisip ko na tatlong linggo mula ngayon sasapitin ko na ang aking ika-75 kaarawan at palipat na sa pinili kong tawaging dakong itaas ng katanghaliang-gulang.

Halos mahigit 50 taon na akong guro. Tiyak na makakatulong sa inyo ang isang bagay na natutuhan ko.

Natuto ako sa karanasang ito: Tuturuan tayo ng buhay ng ilang bagay na hindi natin inakalang gusto nating malaman. Maaaring maging pinakamahahalagang bagay ang mahihirap na leksyong ito.

May natutuhan pa akong iba tungkol sa pag-aaral sa aking pagtahak sa dakong huli ng katanghaliang-gulang. Pag-isipan ninyo ang pag-uusap na ito sa pagitan ng isang doktor at isang pasyente:

Doktor: “Paano ko kayo matutulungan? Ano ba ang problema ninyo?”

Pasyente: “Itong memorya ko, doktor. May babasahin ako, tapos ay hindi ko ito maalala. Hindi ko maalala kung bakit ako pumasok sa isang kuwarto. Hindi ko matandaan kung saan ko inilalagay ang mga bagay-bagay.”

Doktor: “Ganoon ba, sabihin nga ninyo, kailan pa kayo binabagabag ng kondisyong ito?”

Pasyente: “Gaano katagal nang bumabagabag sa akin ang anong kondisyon, Dok?”

Ngayon, kung natawa kayo riyan, maaaring wala pa kayong 60 o pinagtatawanan ninyo ang inyong sarili.

Pagtuturo sa mga Anak Habang Silay ay Bata Pa

Kapag tumanda na kayo, hindi na kayo matututo o makapagsasaulo o makapag-aaral na tulad noong kabataan ninyo. Iyon kaya ay dahilan kung bakit ipinayo ni Propetang Alma na, “matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos”?1

Humihirap para sa akin ang magsaulo ng mga banal na kasulatan at mga taludtod ng tula. Noong kabataan ko isa o dalawang beses ko lang pinapaulitulit ang mga salita at matatandaan ko na ito. Kapag inulit ko ito nang maraming beses, permanente na itong nakikintal sa isipan ko.

Ang kabataan ay panahon ng madaling pagkatuto. Iyan ang dahilan, kung bakit sa simula pa lang ay napakalaking alalahanin na ng mga pinuno ng Simbahan ang mga bata at kabataan.

Napakahalagang maituro ang ebanghelyo at mga leksyon ng buhay sa mga bata at kabataan.

Iniatang ng Panginoon ang unang responsibilidad sa mga magulang at binibigyan sila ng babala:

“Yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, …na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibigay at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.”2

Pangunahing layunin ng Simbahang ito na turuan ang mga kabataan: una sa tahanan at pagkatapos sa simbahan.

Pag-iimbak ng Kaalaman

Isa pang bagay na natutuhan ko ay may kinalaman sa pag-alala natin sa natutuhan natin noong bata pa tayo. Sa ngayon maaaring maghintay ng maraming taon bago kailanganin ang kaalamang inimbak sa murang isipan.

Hayaan ninyong ilarawan ko ito. Lubos akong nababagabag na may mga miyembro na nagwawalangbahala sa payo ng obispo o, sa kabilang dako naman, ay labis na umaasa sa kanya.

Napagpasiyahan kong magsalita sa pangkalahatang komperensiya tungkol sa obispo.

Mapanalangin akong naghanda, at naalaala ko ang isang pag-uusap 50 taon na ang nakararaan. Tinugunan nito ang pangangailangan ko bilang guro—ganap na tinugunan. Babanggitin kong muli ang pag-uusap na iyon gaya ng ginawa ko sa pangkalahatang komperensiya:

“Maraming taon na ang nakararaan naglingkod ako sa mataas na kapulungan ng istaka kasama ni Emery Wight. Sa loob ng 10 taon naglingkod si Emery bilang obispo ng panlalawigang Harper Ward. Ang kanyang asawa, si Lucille, ang aming naging pangulo ng Samahang Damayan.

“Sinabi sa amin ni Lucille na isang umaga ng tagsibol ay may isang kapitbahay ang kumatok sa pinto at hinanap si Emery. Sinabi niya sa kapitbahay na nasa labas ito at nag-aararo. Sumunod, nagsalita nang may labis na pagkabahala ang kapitbahay. Nang umagang iyon naparaan siya sa bukid at napansin niya ang mga kabayo ni Emery na nakatayo sa hindi pa natatapos na tudling na nakasabit ang renda sa ibabaw ng araro. Hindi matanaw kahit saan si Emery. Walang inakalang anuman ang kapitbahay hanggang sa dumaan siyang muli sa bukid nang malaunan, at hindi pa rin gumagalaw ang mga hayop. Inakyat niya ang bakod at tinawid ang bukid patungo sa mga kabayo. Hindi niya maapuhap kahit saan si Emery. Nagmamadali siyang nagtungo sa bahay para ipagbigay-alam kay Lucille.

“Payapang sumagot si Lucille, ‘A, huwag kang mag-alala. Siguradong may nagkaproblema at sinundo ang obispo.’

“Ang imahen ng mga kabayong iyon na nakatayo sa bukid sa loob ng maraming oras ay sumasagisag sa dedikasyon ng mga obispo sa Simbahan at ng mga tagapayo na nakaalalay sa kanila. Bawat obispo at bawat tagapayo, sa matalinghagang pananalita, ay iiwanang nakatayo ang kanilang mga hayop sa hindi pa tapos na tudling kapag may isang nangangailangan.”3

Kailanma’y hindi ko pa nagamit sa pananalita ang karanasang iyon—hindi iyon sumagi sa isip ko kailanman.

Gusto kong ihanda muna ito sa isipan ko bago magsalita sa komperensiya, kaya hinanap ko ang anak na babae ni Emery Wight. Pumayag siyang makipagkita sa akin sa kanilang lumang tahanan at ipinakita sa akin ang bukid na maaaring inaararo ng kanyang ama nang araw na iyon.

Dinala ako roon ng isa sa mga anak kong lalaki isang Linggo ng umaga. Kinunan niya ito ng ilang letrato.

Isang napakagandang umaga iyon ng tagsibol. Bagong araro ang bukid, tulad ng pagkakaararo dito maraming taon na ang nakararaan. Kumakain ang mga tagak sa bagong bungkal na lupa.

Ang dagliang pag-alala, na nagpapagunita sa pag-uusap na iyon, ay pangkaraniwan sa akin. Pinagtitibay nito ang katotohanan ng banal na kasulatan—isang bagay na nagkataong naisaulo ko noong aking kabataan—

“Ni huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin; kundi papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao.”4

May kasunod na pangako sa mga nag-iimbak ng kaalaman:

“Sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagka’t ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”5

Magandang leksyong iyon sa akin, pero hindi nagwakas doon ang leksyon ko.

Nagpinta at Naglilok noong kabataan ko. Natutuhan ko ito nang halos sa sarili ko lang. Habang lumalaki ang mga anak [ko], ginugol ko ang panahon ko sa pagtuturo sa kanila tungkol sa mga bagay na natutuhan ko sa buhay at tungkol sa paglililok at pagpipinta ko nang bata pa ako.

Nang magsilaki na sila, nag-aral ako ng paglililok para pampalipas-oras. Lumilok ako ng mga ibon at gumugol ng maraming oras sa paglililok. Kapag tinatanong ako kung, “Gaano mo katagal nililok ito?” lagi kong isinasagot, “Ewan ko. Kung alam ko lang noon, di ko tinapos ito.”

Sa mga oras na iyon na ginagamit ko ang aking mga kamay sa paggawa, nagnilay-nilay ako tungkol sa kamangha-manghang paglikha, at dadaloy na ang inspirasyon. Habang lumililok ako ng kahoy, lumililok ako ng mga talumpati.

Napapahinga ako sa paglililok. Minsan kapag pagod ako at mainit ang ulo, sasabihin ng asawa ko, “Simulan mo na kayang maglilok.”

Palagay ko kung tatalas nang kaunti ang memorya kong nasa dakong huli ng katanghaliang-gulang, maituturo ko ang isa sa aking mga nililok at masasabi kung anong talumpati ang kinakatawan nito. Natutuhan ko na sa mga payapang sandaling iyon sabay kong magagawa ang dalawang bagay.

Paggapas ng Ani mula sa Pagtuturo

Hindi ko na kayang maglilok. Masyado nang delikado para sa akin ang gawaing ito dahil sa aking salamin at ngayo’y naninigas na nang kaunti ang mga daliri ko at kasu-kasuan dahil sa polyo noong kabataan ko. Bukod pa riyan nalilimitahan ng mga hinihingi ng aking tungkulin ang panahon na inilalaan ko sa paglililok at paghahanda ng mga talumpati.

Nawala nang tuluyan sa akin ngayon ang kakayahang maglilok, ngunit hindi sa aming mga anak. Tinuruan namin sila nang sila’y mga bata pa.

Nananatili pa rin sa isipan ko ang larawan ng mga hayop na nakatayo sa bukid. Inisip ko na marahil makapipinta ako ng mga hayop ng obispo na nakatayo sa bukid na nakasabit ang renda sa ibabaw ng araro.

Nag-alangan ako dahil siyam na taon na ang nakararaan mula nang ipinta ko ang larawang iyon. Dalawang kaibigang may di-pangkaraniwang talino at inspirasyon ang nag-alok ng tulong para maipinta ko ang mga hayop ng obispo, at nakapahinga naman ako sa pagbibiyahe sa buwan ng Hulyo, kaya nagsimula ako.

Napakarami kong natutuhan mula sa dalawang kaibigang iyon, at talagang makikita ang impluwensiya nila sa ipininta ko. Ngunit nakatanggap pa ako ng tulong mula sa dalawang anak kong lalaki. Isa sa kanila ang kumuha ng mga letratong iyon ng inararong bukid, dahil lagi kong sinisikap na maging eksaktong-eksakto kapag naglalarawan ng bagay sa paglilok o sa pagpinta o sa talumpati.

Isa pang leksyon iyon. May makukuha akong bagay mula sa aming mga anak na natutuhan nila noong bata pa sila.

Ipinasiya ng isa kong anak na lalaki na maglilok ng mga hayop ng obispo na momoldehin sa tanso para maging katuwang ng ipininta ko. Maraming makabuluhang oras ang ginugol namin sa pagtutulungan.

Kumuha siya sa kamalig namin ng ilang lumang guwarnis na hindi nagalaw sa pagkakasabit sa loob ng mahigit 50 taon. Pinagpagan niya ito at iniuwi sa bahay. Itinali niya ang isang guwarnis sa isang napakatiyagang kabayong pangarera. Tahimik itong nakatayo habang inaayos niya ang guwarnis sa tamang lugar at gumagawa ng mga detalyadong drowing nito.

Nangolekta ng ilang lumang pang-araro ang kapitbahay niya. Isa roon ang luma ngunit magandang uri ng araro na idinrowing din niya.

At bumalik nga ang ibinigay sa mga anak na iyon sa kanilang kabataan. At tulad din sa iba pa naming mga anak, pinagbuti rin nila ang mga itinuro namin bilang mga magulang noong maliliit pa sila. At kung pahahabain man ang buhay namin sa mundo, may darating pang pangalawang tag-ani—ang aming mga apo—at marahil mayroon pang pangatlo.

Gisinging Muli ang mga Natutulog na Talino

May isa pa akong muling natutuhan. May ipininta ako noon na isang larawang bunga ng mga komentaryong narinig ko noong bata pa ako. Isinasalarawan nito ang Willard Peaks. Naringgan kong tinutukoy ito ng matatanda na Ang Panguluhan. Ang tatlong malahigante at purong taluktok na ito na nakatayong salungat sa langit ay sumasagisag sa mga pinuno ng Simbahan.

Siyam na taon na noon ang nakalipas. Dinala ako ng aking anak sa Willard, Utah, at kinunan ng letrato ang mga taluktok. Bumalik kaming muli kung kailan mas maraming anino at iba’t ibang kulay.

Matapos ang mga taong iyon kinailangan kong gisingin ang hinayaan kong makatulog. Napakahirap gawin ito noong una. Ilang beses kong tinangkang sumuko. Isa sa mga kaibigan ko ang naghikayat sa akin sa pagsasabing, “Ituloy mo! Palaging may pagkakataon para makapagsimula.”

Hindi ako sumuko, dahil lang sa ayaw akong payagan ng asawa kong gawin iyon. Natutuwa ako ngayon at hindi ko ginawa iyon. Marahil, ngayong nagsimula na naman ako nito, gagawa ulit ako ng isa pang dibuho balang araw—malay ninyo.

Palagay ko ang pagsisikap na makabalik muli sa pagpipinta ay hindi kaiba sa isang matagal na naging di-aktibo sa Simbahan at nagpasiyang bumalik sa kawan. Mayroong gayong panahon ng pakikibaka na masanay na muli sa anumang matagal nang tulog ngunit hindi naman talagang nawala. At nakakatulong ang pagkakaroon ng isa o dalawang kaibigan.

Iyan ang isa pang alituntunin ng pag-aaral—ang pagkakaroon ng mga leksyon mula sa karaniwang karanasan sa buhay.

Malapit nang matapos ang dibuho na Ang mga Kabayo ng Obispo. Nasa tubugan pa ng tanso ang nililok ng aking anak.

Nagkataong higit na maganda ang kanyang nililok kaysa sa ipininta ko. Iyan naman ang dapat asahan. Ang bata niyang mga kamay at isipan ay mas madaling matuto kaysa sa akin.

Sa pagsapit natin sa dakong huli ng katanghaliang-gulang nalalaman natin na hindi na madaling bumaluktot ang matatandang buto, hindi na madaling gumalaw ang matatandang kasu-kasuan. Hindi na madaling magtali ng sapatos sa oras na lumampas na kayo sa 60 taong gulang—sa panahong iyon ay ibinababa na nila ang mga sahig.

Nariyan na namang muli ang leksyong iyan, “Matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos.”6

“Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan, o sa ibang salita, liwanag at katotohanan.”7

“Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.”8

Ang makalangit na kaloob na Espiritu Santo ay iginagawad sa ating mga anak kapag sila ay walong taong gulang pa lamang.

“Ang Mang-aaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.”9

Pansinin ang mga salitang magtuturo at magpapaalala.

Nagdudulot ng sariling gantimpala ang pagtuturo ng mga anak. Hindi pa ba ninyo nalalaman na kapag nagtuturo kayo higit kayong natututo sa itinuturo ninyo kaysa sa mga anak ninyo?

Makaaasa Tayo sa mga Espirituwal na Alaala

May kaibhan ang pagtatamo ng temporal na kaalaman sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Natututuhan iyan ng mga estudyante sa araw ng pagsusulit. Napakahirap tandaan ng isang bagay na hindi mo naman talagang pinag-aralan.

Totoo iyan sa temporal na kaalaman, ngunit espirituwal tayong matututo sa alaalang bumabalik sa panahon bago pa tayo isinilang. Maaaring maging matalas ang ating pakiramdam sa mga bagay na hindi naunawaan noong mas bata pa tayo.

May nadama ang makatang si Wordsworth tungkol sa buhay bago ang buhay na ito nang isinulat niya,

Ang pagsilang ay paglimot at paghimlay;

Ang Kaluluwang bumangon, bituin ng buhay;

Lumubog sa ibang dako,

At nanggaling sa malayo:

Hindi sa pagkalimot na ganap,

Ni sa lubos na kahubaran,

Ngunit tumatahak sa maluwalhating ulap

Mula sa Diyos, na ating tahanan.10

Hinugot ko ang mga taludtod na iyon sa aking alaala, kung saan ko inimbak ang mga ito sa isang klase sa Ingles sa kolehiyo.

Nagmumula sa mga karaniwang pangyayari sa buhay ang pinakamahahalagang leksyon.

May ilang naghihintay sa mapamilit na mga espirituwal na karanasan upang pagtibayin ang kanilang patotoo. Hindi iyan naidadaan sa ganyang paraan. Ang mga tahimik na panghihikayat at paramdam ng mga karaniwang bagay ang nagbibigaykatiyakan sa atin ng ating pagkakakilanlan bilang mga anak ng Diyos. Mas mababa ang uri ng ating pamumuhay kaysa sa ating mga pribilehiyo kapag naghahanap tayo ng mga palatandaan at tumitingin “nang lampas sa tanda”11 para sa mga kagila-gilalas na pangyayari.

Tayo ay mga anak ng Diyos, dahil nabuhay tayong kasama Niya sa buhay bago tayo isinilang. Paminsan-minsan ay nahahawi ang tabing na iyan. Dumarating sa atin ang pamilyar na damdamin hinggil sa kung sino tayo at ang kalalagyan natin sa mga walang hanggang plano ng mga bagay-bagay. Tawagin natin iyang alaala o espirituwal na kabatiran, isa ito sa mga patotoong iyon na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Dumarating ang gayong mga paghahayag kapag nagtuturo tayo.

Minsan ay narinig ko si Pangulong Marion G. Romney (1897–1988) na nagsasabing: “Lagi kong nalalaman kapag nagsasalita ako sa ilalim ng impluwensiya ng Espiritu Santo dahil lagi akong may natututuhan sa sinasabi ko.”

Sinabi ng Panginoon sa mga elder:

“Kayo ay hindi isinugo upang maturuan, kundi upang turuan ang mga anak ng tao ng mga bagay na aking inilagay sa inyong mga kamay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking espiritu;

“At kayo ay kailangang maturuan mula sa kaitaasan. Pabanalin ang inyong sarili at kayo ay pagkakalooban ng kapangyarihan, nang kayo ay makapagbigay maging gaya ng aking sinabi.”12

Kahit na kakaunti lang ang pag-ani ng mga napabalik-loob para sa mga misyonero, dumarating sa kanila at sa Simbahan ang espirituwal na kapangyarihan dahil natututo sila mula sa kanilang pagtuturo.

Ang pangulo ng korum ng mga diyakono ay uupo sa kapulungan at tuturuan ang kapwa nila diyakono.13 Ang pangulo ng korum ng mga elder ay tuturuan ang mga miyembro ng kanyang korum alinsunod sa mga tipan.14

Sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa gitna ng maraming saksi, ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat, na makapagtuturo naman sa mga iba.”15

Ipinaliwanag niya sa labindalawang salita kung paano naging gantimpala ng pagtuturo ang sarili nito:

Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnanakaw, ay nagnanakaw ka?

“Ikaw na nagsasabing ang tao ay huwag mangalunya, ay nangangalunya ka?”16

Pagkukusang-loob na Matuto

Noong isang araw nakatanggap ako ng liham na humihingi ng paumanhin tulad ng naranasan ko na sa maraming pagkakataon. Sinasabi sa liham kung gaano katindi ang hinanakit at galit ng miyembrong iyon sa akin sa matagal na panahon dahil sa pagsasalitang ibinigay ko. Humihiling ito ng kapatawaran.

Mabilis akong magpatawad. Kasangkapan lang ako kapwa sa pagbibigay ng pagsasalita at pagpapaabot ng kapatawaran.

Naglalaman ng maraming reperensiya ang mga banal na kasulatan na naghahayag kung gaano “kasakit”17 para sa mga Israelita at Nephita na tanggapin ang mga turo ng mga propeta at apostol. Napakadaling tanggihan ang turo at kamuhian ang guro. Iyan na ang kapalaran ng mga propeta at apostol mula pa nang simula.

Itinuturo ng isa sa mga Lubos na Pagpapala na:

“Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinag-uusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin.

“Magalak kayo at mangagsayang totoo: sapagkat malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka’t gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.”18

Karaniwan nang sinasabi sa mga liham na humihingi ng kapatawaran na, “Hindi ko maunawaan kung bakit kinailangan ninyong ipadama sa akin ang pagkaasiwa at pang-uusig ng budhi.” Pagkatapos, dahil sa kanilang pagpupunyagi, lumilitaw ang kabatiran, ang inspirasyon, ang pag-unawa sa mga sanhi at epekto. Sa bandang huli ay nalalaman at nauunawaan nila kung bakit dapat maging ganoon ang ebanghelyo.

Binabanggit ko ang isa sa ilang paksang ito. Maaaring sa bandang huli ay makita ng isang miyembrong babae kung bakit binibigyang-diin natin ang kahalagahan ng pamamalagi ng mga ina sa tahanan sa piling ng kanilang mga anak. Nauunawaan niya na walang paglilingkod na makapapantay sa dakilang kapinuhang dumarating sa pamamagitan ng hindi makasariling pagkaina. Ni hindi niya kailangang kaligtaan ang sariling intelektuwal o kultural o sosyal na pagpapahusay. Naaakma ang mga bagay na iyon—sa tamang panahon—sapagkat naghahatid ang mga ito ng walang-maliw na kabutihang dulot sa pagtuturo ng mga bata.

Walang pagtuturo na makapapantay, mas espirituwal na makabuluhan, o mas nakapagpapadakila kaysa sa pagtuturo ng ina sa kanyang mga anak. Maaaring makadama ng kakulangan ang isang ina na hindi ganap na maalam sa banal na kasulatan dahil abala siya sa pagtuturo ng kanyang mag-anak. Hindi kukulangin ang matatanggap niyang gantimpala.

Nakikipagtalakayan tungkol sa doktrina si Pangulong Grant Bangerter kay Pangulong Joseph Smith, na nililibot ang misyon niya sa Brazil. Nakinig si Sister Bangerter at sa wakas ay sinabi, “Pangulong Smith, nagpapalaki ako ng mga anak at wala akong oras para maging dalubhasa sa banal na kasulatan na gaya niya. Mapupunta ba ako sa kahariang selestiyal kasama ni Grant?”

Ilang sandaling payapang nagnilay-nilay si Pangulong Smith at pagkatapos ay nagsabi, “Siguro, kung ipaghuhurno mo siya ng pastel.”

Mahihirapan nang husto ang isang lalaki upang mapantayan ang espirituwal na kagalingan na kusang tumitindi sa kanyang asawa habang tinuturuan nito ang kanyang mga anak. At kung nauunawaan man niya ang ebanghelyo, alam niyang hindi siya maliligtas kung wala ang kanyang asawa.19 Ang pinakapag-asa niya ay manguna sa pagiging maalalahanin at responsableng katuwang sa pagtuturo ng kanilang mga anak.

Mga Pagpapala sa mga Guro

Ngayon, pag-isipan ang pangakong ito:

“Masigasig kayong magturo at ang aking pagpapala ay dadalo sa inyo [ang guro] upang kayo [ang guro, ang ina, ang ama] ay lalong ganap na matagubilinan sa teoriya, sa alituntunin, sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos, na kapaki-pakinabang ninyong [ang ina, ang ama] mauunawaan.”20

Pansinin na ang pangako ay sa guro sa halip na sa estudyante.

“Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo [na mga nagtuturo sa inyong mga anak o ang Primarya, Panlinggong Paaralan, Mga Kabataang Babae at Lalaki, pagkasaserdote, seminary, Samahang Damayan]” upang makaalam kayo:

“Ng mga bagay maging sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa; mga bagay na nangyari na, mga bagay na nangyayari, mga bagay na malapit nang mangyari; mga bagay na nasa tahanan, mga bagay na nasa ibang bansa; ang mga digmaan at ang mga bumabagabag sa mga bansa, at ang mga kahatulan na nasa lupa; at kaalaman din tungkol sa mga bansa at sa mga kaharian—

“Upang kayo [na nagtuturo] ay maging handa sa lahat ng bagay kapag kayo ay muli kong isusugo upang gawin ang tungkulin kung saan ko kayo tinawag, at ang misyon na aking iniatas sa inyo.”21

Ipinropesiya ni Pablo sa batang si Timoteo na “sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.”22 Sabi niya, “Ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama nang sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangagdadaya.”23

Ngunit magiging ligtas pa rin tayo. Ang kaligtasan natin ay nasa pagtuturo sa mga bata:

“Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, At pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.”24

Pinayuhan ni Pablo si Timoteo:

“Dapatuwa’t manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan;

“At mula sa pagkasanggol ay iyang nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng ng pananampalataya kay Cristo Jesus.”25

Ito ang Simbahan ni Jesucristo. Ito ay Kanyang Simbahan. Siya ang ating Halimbawa, ang ating Manunubos. Iniutos sa ating maging “gaya niya na matwid.”26

Naging guro Siya ng mga bata. Inutusan Niya ang Kanyang mga disipulo sa Jerusalem na “Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin; sapagka’t sa mga ganito ang kaharian ng langit.” 27

Sa kuwento tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita, mas makikilala natin Siya marahil nang higit pa sa alinpamang lugar:

“At ito ay nangyari na, na kanyang iniutos na ang kanilang maliliit na anak ay ilapit.

“Kaya inilapit nila ang kanilang maliliit na anak at inilapag sa lupa na nakapalibot sa kanya, at si Jesus ay tumayo sa gitna; at ang maraming tao ay nagbigaydaan hanggang sa ang lahat ay madala sa kanya… .

“…Siya ay tumangis, at ang maraming tao ay nagpatotoo nito, at kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.

“At nang magawa na niya ito, siya ay muling tumangis;

“At nangusap siya sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Masdan ang inyong mga musmos.

“At nang sila ay tumingin upang pagmasdan ay itinuon nila ang kanilang mga paningin sa langit, at kanilang nakitang bumukas ang kalangitan, at nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit na parang ito ay nasa gitna ng apoy; at sila ay bumaba at pinalibutan yaong mga musmos, at sila ay napalibutan ng apoy; at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila.

“At ang maraming tao ay nakakita at nakarinig at nagpatotoo; at alam nila na ang kanilang patotoo ay totoo sapagkat lahat sila ay nakakita at nakarinig.”28

Alam kong totoo ang tala. Pinatototohanan ko Siya at pagpalain kayong lahat na nagtuturo sa mga bata sa Kanyang pangalan.

Mula sa talumpating ibinigay sa isang debosyonal sa Brigham Young University Education Week noong ika-17 ng Agosto 1999 (tingnan sa Ensign, Peb. 2000, 10–17).