Resources para sa Pamilya
Aralin 15: Paggabay sa mga Anak sa Paggawa Nila ng mga Pasiya


Aralin 15

Paggabay sa mga Anak sa Paggawa Nila ng mga Pasiya

Mga Idea para sa Pagsasagawa

Batay sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o higit pa sa mga mungkahing ito.

  • Sa takdang babasahin sa ibaba, apat na mungkahi ang ibinibigay ni Elder M. Russell Ballard upang tulungan tayong “magtayo ng moog ng pananampalataya sa ating mga tahanan at…maghanda sa ating mga kabataan na maging malinis at dalisay at ganap na karapat-dapat na makapasok sa templo.” Repasuhin ang kanyang mga mungkahi at gumawa ng mga natatanging plano upang masunod ang mga mungkahing ito sa inyong tahanan.

  • Mag-isip ng mga pagpapasiyang maaaring kaharapin ng bawat bata sa inyong mag-anak sa paaralan, sa tahanan, at sa ibang mga kapaligiran. Pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo para maihanda ang bawat bata sa paggawa ng mabubuting pagpapasiya.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa.

Tulad ng apoy na Di-maapula

Elder M. Russell Ballard
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Kagalakan ng Kasal sa Templo

Paminsan-minsan ay nagkakaroon ako ng pribilehiyong mangasiwa sa templo kapag ang dalawang karapat-dapat na dalaga at binata ay ikinakasal at ibinubuklod sa bahay ng Panginoon. Lagi nang mga natatanging panahon ang mga ito para sa mag-anak at mga kaibigan. Ang mga nadarama sa gayong mga panahon ay ang pinagsamang tamis at kasiyahan ng kaligayahan sa mundo at walang hanggang kagalakang nakikita sa luhaang mga mata ng mga ina na buong pusong nanalangin para sa araw na ito. Nakikita ninyo ito sa mga mata ng mga ama na, sa unang pagkakataon sa loob ng maraming buwan, ay nag-iisip ng iba maliban sa kung paano mababayaran ang lahat ng gastusin. Ngunit higit sa lahat ay nakikita ninyo ito sa mga mata ng mararangal na magkasintahang ikakasal na namuhay nang tapat sa mga turo ng ebanghelyo, na umiiwas sa mga tukso ng mundo. May natatangi, hindi maitatatuwang damdaming madarama ng mga yaong nanatiling malinis at dalisay at marangal.

Tiyak na Hindi Nagbabago ang mga Pamantayan ng Moralidad

Napakarami sa ating mga kabataang lalaki at babae ang napadadaig sa mga impluwensiyang iginigiit ng mundo na dinadagsaan ng masasamang mensahe at kahalayan. Nagtataguyod si Lucifer ng masamang pakikipaglaban para sa mga kaluluwa ng mga kabataan at matatanda man, at tumataas ang bilang ng mga nabibiktima. Ang mga pamantayan ng mundo ay nagbago tulad ng mga buhangin ng disyertong tinangay ng hangin. Yaong dating hindi pa naririnig o hindi katanggap-tanggap ay karaniwan na ngayon. Napakalaki ng pagbabago ng pananaw ng mundo na yaong mga pinipiling kumapit nang mahigpit sa mga nakaugaliang pamantayan ng moralidad ay itinuturing na kakatwa, na halos parang kailangan nilang pangatwiranan ang kanilang pagnanais na sundin ang mga kautusan ng Diyos.

Ngunit isang bagay ang tiyak: hindi pa nagbabago ang mga kautusan. Huwag magkakamali tungkol sa bagay na iyan. Ang tama ay nananatiling tama. Ang mali ay nananatiling mali, gaano man katusong naikukubli ito sa mapitagan o politikal na kawastuhan. Naniniwala tayo sa kalinisang-puri bago ang kasal at katapatan pagkatapos nito. Ang pamantayang iyan ay isang di nagbabagong pamantayan ng moralidad. Hindi ito nakasalalay sa opinyon ng publiko ni sa sitwasyon o kalagayan. Hindi kailangang pagtalunan ito o ang iba pa mang pamantayan ng ebanghelyo.

Pagpapatibay ng Pananampalataya sa Tahanan

Ngunit may matinding pangangailangan para sa mga magulang, pinuno, at guro na tulungan ang ating mga kabataan na matutuhan, mahalin, pahalagahan, at ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Dapat magkasamang manindigan sa pagtatanggol ang mga magulang at kabataan laban sa tuso at mapanlinlang na kaaway. Kailangan nating maging matapat, mabisa, at determinado sa ating mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo tulad ng pagsisikap niyang wasakin ito—at tayo.

Napakalaki ng hamong kinakaharap natin. Nalalagay sa panganib ang mga kaluluwa ng mga taong minamahal natin. Maaari bang magmungkahi ako ng apat na pamamaraan sa pagtatayo natin ng moog ng pananampalataya sa ating mga tahanan at lalung-lalo na sa pagtulong na makapaghanda ang ating mga kabataan sa pagiging malinis at dalisay at ganap na karapat-dapat na makapasok sa templo.

Ituro sa mga Anak ang Ebanghelyo

Ang una ay ang impormasyon sa ebanghelyo. Ang pinamahalaga, nakapagpapabagong-buhay na impormasyong nalalaman ko ay ang kaalamang tayo ay tunay na mga anak ng Walang-Hanggang Diyos Ama sa Langit. Hindi lang wasto ang pagkadoktrina nito, espirituwal na mahalaga ito. Sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang makapangyarihang tagapamagitan na panalangin, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, samakatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3). Ang makilala ang Ama sa Langit at maunawaan ang ating kaugnayan sa kanya bilang ating Ama at ating Diyos ay ang makatagpo ng kabuluhan sa buhay na ito at pag-asa sa buhay na darating. Kailangang malaman ng ating mga mag-anak na Siya ay tunay, na sa katunayan ay mga anak Niya tayo at tagapagmana ng lahat ng mayroon Siya, ngayon at magpakailanman. Sa kaligtasang dulot ng kaalamang iyon, mas malamang na hindi maghanap ng masasamang libangan ang mga miyembro at mas malamang na umasa sa Diyos at mabuhay (tingnan sa Mga Bilang 21:8).

Mamuhay Sang-ayon sa Tipan, Hindi Sang-ayon sa Kaginhawahan

Kahit paano ay kailangan nating ikintal sa ating mga puso ang makapangyarihang patotoo ng ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng sa ating mga tagabunsod na ninuno. Alalahanin ninyo noong bumagsak ang Nauvoo noong Setyembre ng 1846 at ang mga di-makayanang kalagayan ng mga Banal sa mga maralitang kampo. Nang umabot ang balita sa Winter Quarters, agad na ipinatawag ni Brigham Young ang mga miyembrong lalaki. Matapos ipaliwanag ang sitwasyon at paalalahanan sila ng tipang ginawa nila sa Templo ng Nauvoo na sinumang ayaw sumama, gaano man kadukha, ay maiiwan, ibinigay niya ang kahanga-hangang hamong ito:

“Ngayon ang panahon ng paggawa,” sabi niya. “Hayaan ang apoy ng tipan na inyong ginawa sa Bahay ng Panginoon, na magningas sa inyong mga puso tulad ng apoy na di-maapula” (To the High Council at Council Point, Ika-27 ng Set. 1846, Brigham Young Papers, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik). Sa loob ng ilang araw, sa kabila ng halos naghihikahos na kalagayan sa Winter Quarters, maraming bagon ang sumulong pasilangan upang sagipin ang mga Banal sa mga maralitang kampo sa baybayin ng Ilog Mississippi.

Madalas nating naririnig ang paghihirap at ang pagsasakripisyong tiniis ng mga naunang Banal, at itinatanong natin sa ating sarili, Paano nila nagawa iyon? Ano ang nagbigay sa kanila ng gayong lakas? Bahagi ng kasagutan ay nakasalalay sa makapangyarihang mga salita ni Pangulong Young. Nakipagtipan sa Diyos ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw na iyon, at ang mga tipang iyon ay nagningas na tulad ng di-maapulang apoy sa kanilang mga puso.

Kung minsan ay natutukso tayong hayaang higit na mapamahalaan ang buhay natin ng kaginhawahan kaysa ng tipan. Hindi laging madaling ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo at panindigan ang katotohanan at magpatotoo tungkol sa Pagpapanumbalik. Kadalasan ay hindi madaling ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Hindi laging maginhawang tumugon sa tungkulin sa Simbahan, lalung-lalo na yaong sumusubok sa ating kakayahan. Ang mga ipinangako nating gagawin, ay bihirang dumarating sa magiginhawang panahon. Ngunit walang espirituwal na kapangyarihan sa pamumuhay batay sa kaginhawahan. Dumarating ang kapangyarihan kapag pinananatili natin ang ating mga tipan. Habang tinitingnan natin ang buhay ng mga naunang Banal, nakikita natin na pangunahing puwersa sa kanilang buhay ang kanilang mga tipan. Sapat ang kapangyarihan ng kanilang halimbawa at patotoo upang makaimpluwensiya sa mga susunod pang salinlahi ng kanilang mga anak.

Ituro sa mga Anak ang tungkol sa Moralidad

Habang lumalaki ang ating mga anak, kailangan nila ng impormasyong mas tuwiran at mas payak na itinuro ng kanilang mga magulang tungkol sa kung ano ang angkop at hindi. Kailangang malaman ng mga bata at kabataan mula sa mga magulang na ang anumang uri ng pornograpiya ay kasangkapan ng diyablo; at kung susubukan ito ninuman, may kapangyarihan ito para magpagumon, magpapurol, at maging mangwasak ng kaluluwa ng tao. Kailangang maturuan sila na huwag gumamit ng mahalay na salita at huwag gamitin kailanman ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Kailanma’y hindi dapat ikalat ang magagaspang na birong narinig. Turuan ang mga miyembro na huwag makinig sa musikang pumupukaw sa kahalayan. Kausapin silang mabuti tungkol sa seks at sa turo ng ebanghelyo tungkol sa kalinisang-puri. Hayaang magmula sa mga magulang sa tahanan ang impormasyong ito sa angkop na paraan. Kailangang malaman ng mga miyembro ng mag-anak ang lahat ng patakaran at espirituwal na mapalakas upang matupad nila ito. At kapag may pagkakamaling nagawa, dapat maunawaan at matanggap ang kagila-gilalas na Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo nang sa pamamagitan ng ganap at minsa’y mahirap na proseso ng pagsisisi, matamo ang pagpapatawad at patuloy na pag-asa, sa hinaharap. Hindi natin kailanman dapat isuko ang sarili at pangmag-anak nating pagsisikap na matagpuan ang buhay na walang hanggan.

Sa kasamaang-palad, napakaraming magulang sa daigdig natin ngayon ang bumibitiw sa responsibilidad na ituro ang mga pinahahalagahang ito at iba pang mga doktrina ng Simbahan sa kanilang mga mag-anak, at naniniwalang magagawa ito ng iba: ng mga kabarkada, ng paaralan, ng mga pinuno at guro ng Simbahan, o maging ng media. Araw-araw ang ating mga anak ay nag-aaral, at pinupuno ang kanilang mga isipan at puso ng mga karanasan at pang-unawa na lubos na nakaiimpluwensiya sa kanilang mga pansariling pinahahalagahang sistema.

Palakasin ang Bawat Isa Laban sa Kasamaan

Mga kapatid, kailangang tagubilinan natin ang isa’t isa at magkintal ng mas masidhing pananampalataya sa ating mga puso upang palakasin ang ating sarili upang magkaroon ng tapang na sundin ang mga kautusan sa patuloy na sumasamang daigdig. Kailangang maging lubos tayong napabalik-loob sa ebanghelyo ni Cristo nang ang apoy ng tipan ay magningas sa ating mga puso tulad ng di-maapulang apoy. At sa ganyang uri ng pananampalataya gagawin natin ang kinakailangan upang manatiling tapat at karapat-dapat.

Buksan ang Linya ng Komunikasyon sa mga Anak

Ang pangalawa ay komunikasyon. Wala nang mas mahalaga pa sa ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng mag-anak maliban sa bukas, tapat na komunikasyon. Totoo ito lalung-lalo na sa mga magulang na nagsisikap ituro sa kanilang mga anak ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang kakayahang makipagsanggunian sa ating mga kabataan…at marahil ang mas mahalaga, ay ang tunay na pagdinig sa kanilang mga alalahanin… ang saligan kung saan itinatayo ang matatagumpay na ugnayan. Kadalasan ang nakikita natin sa mga mata at nadarama natin sa ating mga puso ay higit na makapagpaparating ng mensahe kaysa sa naririnig o sinasabi natin. Isang paalala sa inyong mga anak: Huwag kayong lapastangan sa mga magulang. Kailangan din ninyong matutong makinig, lalung-lalo na sa payo ng inyong ina at ama at sa mga panghihikayat ng Espiritu. Kailangang manmanan at samantalahin ang mga natatanging sandali ng pagtuturo na laging nagaganap sa ating mga ugnayang pangmag-anak, at kailangang magpasiya tayo ngayong magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak tuwing Lunes ng gabi.

May mabibisang sandali ng komunikasyon sa pamamagitan ng regular na panalanging pangmag-anak at sa pamamagitan ng pag-aaral ng mag-anak ng mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ay tutulong sa paglalarawan ng mga pinahahalagahan at layunin ng mag-anak, at ang sama-samang pag-uusap tungkol dito ay tutulong sa mga miyembro ng mag-anak na matutong maging sila ay maging panatag, espirituwal na malakas, at nagtitiwala sa sariling kakayahan. Nangangailangan ito ng panahon, kaya kailangang sama-sama tayong magsanggunian tungkol sa kung ilang oras dapat ipahintulot ang panonood sa telebisyon, gaano karaming pelikula, video, laro sa video, oras sa Internet, o mga gawain sa labas ng tahanan.

Kailangang Maghimasok ang mga Magulang at mga Pinuno

Ang ikatlo ay panghihimasok. Tungkulin ng mga magulang na manghimasok kapag nakakakita sila ng mga maling pagpili. Hindi iyan nangangahulugan na inaagaw ng mga magulang sa mga anak ang mahalagang kaloob na pagpili. Dahil ang pagpili ay kaloob ng Diyos, sa huli ay kanila pa rin ang pagpili kung ano ang gagawin nila, paano sila kikilos, at ano ang paniniwalaan nila. Ngunit bilang mga magulang kailangan nating tiyakin na nauunawaan nila ang angkop na pag-uugali at ang mga kahihinatnan nito kung ipagpapatuloy pa rin nila ang mali nilang ginagawa. Tandaan, walang tinatawag na hindi makatwirang pagdidisiplina sa tahanan. Ang mga sine, magasin, telebisyon, video, ang Internet, at iba pang media ay naroon bilang mga panauhin at dapat lamang tanggapin kapag sila ay naaangkop para sa kasiyahan ng mag-anak. Gawing kanlungan ng kapayapaan at kabutihan ang inyong tahanan. Huwag hayaang dumihan ng masasamang impluwensiya ang sarili ninyong espirituwal na kapaligiran. Maging mabait, maalalahanin, mahinahon, at mapagbigay sa sinasabi ninyo at sa pakikitungo ninyo sa isa’t isa. Sa gayon ang mga layunin ng mag-anak na batay sa mga pamantayan ng ebanghelyo ay makapagpapadali sa paggawa ng mabubuting pasiya.

Ang gayunding alituntunin ay naaangkop sa inyong mga obispo, guro, at iba pang pinuno ng Simbahan habang umaalalay kayo sa mga mag-anak. Hindi kayo dapat magpabaya habang gumagawa ng mga maling pagpili ang mga yaong pinangangasiwaan ninyo. Kapag ang isa sa ating mga kabataan ay nasa mga panahon ng mabibigat na pagpapasiya sa buhay, halos lagi nang may isang tao—magulang, pinuno, guro— na makagagawa ng kaibhan sa pamamagitan ng panghihimasok nang may pagmamahal at kabaitan.

Maging Mabuting halimbawa sa mga Bata

Ang ikaapat ay halimbawa. Katulad ng mahirap para sa napapagal na manlalayag na mahanap ang kanyang landas patawid sa karagatan nang walang tulong ng kompas, gayundin na halos imposible para sa mga bata at kabataan na makita ang kanilang landas sa mga karagatan ng buhay nang walang mapanggabay na liwanag ng mabuting halimbawa. Hindi natin sila maaasahang iwasan ang mga bagay na hindi naaangkop kung nakikita nila ang pagwawalang-bahala ng mga magulang sa mga alituntunin at pagkukulang sa pamumuhay ng ebanghelyo.

Bilang mga magulang, guro, at pinuno, banal na tungkulin natin na magpakita ng makapangyarihang pansariling halimbawa ng matwid na lakas, tapang, sakripisyo, mapagparayang paglilingkod, at pagpipigil sa sarili. Ito ang mga katangiang tutulong sa ating mga kabataan na mangunyapit sa gabay na bakal ng ebanghelyo at manatili sa makipot at makitid na landas.

Nakakatulong ang Pamumuhay ng ebanghelyo para Maiwasan ang Pagkakamali

Sana’y masabi ko sa inyo na ang pagtutuon sa impormasyon, komunikasyon, panghihimasok, at halimbawa ay lagi nang magbubunga ng perpektong mag-anak na may mga perpektong anak na hindi kailanman maliligaw mula sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi ganoon ang nangyayari. Ngunit ang mga mag-anak na nakaaalam, nagtuturo, at namumuhay sang-ayon sa mga alituntunin at pamantayan ng ebanghelyo ay mas malamang na mailigtas ang kanilang sarili sa sakit bunga ng mabibigat na pagkakamali. Kapag nananaig ang matagal nang naitatag na huwaran ng positibong komunikasyon at matapat na halimbawa, mas madali nang sama-samang magsanggunian tungkol sa mga pansariling suliranin at pagsikapan ang mga kinakailangang pagbabago na magpapala sa bawat miyembro ng mag-anak.

Pakinggan ang makahulugang payo ni Haring Benjamin:

“Hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala; sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya’t hindi ko na yaon magagawang bilangin.

“Ngunit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, na kung hindi ninyo babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon maging hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay, kayo ay tiyak na masasawi. At ngayon, o tao, pakatandaan at nang huwag masawi” (Mosias 4:29–30).

Mga kapatid, nawa’y pagpalain ng Diyos ang bawat isa sa atin nang manatiling nagniningas sa ating mga puso ang ating mga tipan na tulad ng apoy na di-maapula. Nawa’y maging handa tayo na espirituwal na panibaguhin ang ating mga sagradong tipan bawat linggo habang nakikibahagi tayo ng sakramento. Dalangin ko na parangalan natin ang Panginoon at maging sabik tayo sa paggawa ng ating bahagi sa pinakamasaya at dakilang araw na ito, upang itayo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating mga mag-anak.

Mula sa talumpati ni Elder Ballard sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1999 (tingnan sa Conference Report, Ab. 1999, 111–15; o Ensign, Mayo 1999, 85–87).