Aralin 3
Pangangalaga sa Pagmamahalan at Pagkakaibigan ng Mag-asawa
Mga Ideya para sa Pagsasagawa
Sang-ayon sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o ang dalawang mungkahing ito.
-
Pag-aralan ang Moroni 7:45–48. Gumawa ng listahan ng mga katangian ng pag-ibig sa kapwatao na binanggit sa talatang ito. Gumawa ng matibay na pangako na pagbubutihin ang mga katangiang ito sa inyong buhay. Mag-isip ng mga paraan kung paano makatutulong ang mga katangiang ito na mapangalagaan ng mag-asawa ang kanilang pagmamahalan at pagkakaibigan.
-
Kasama ang inyong asawa, magplanong gumugol ng oras para sa inyong dalawa lamang bawat linggo. Maaaring kailanganin ninyong iplano ang mga araw na ito sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga paalala sa kalendaryo o sa kuwaderno.
Takdang Babasahin
Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa.
Pagkakaisa sa Pagsasama ng Mag-asawa
Pangulong Spencer W. Kimball
Ika-12 Pangulo ng Simbahan
Ang marangal, masaya, at matagumpay na pagaasawa ang tiyak na pangunahing adhikain ng bawat normal na tao. Ang pag-aasawa marahil ang pinakamahalaga sa lahat ng pagpapasiya at siyang may pinakamalawak na epekto, dahil hindi lamang ito nauugnay sa dagliang kaligayahan, kundi pati sa mga walang hanggang kagalakan. Naaapektuhan nito hindi lamang ang dalawang taong nasasangkot, kundi pati ang kanilang mga mag-anak at lalunglalo na ang kanilang mga anak at ang kanilang mga apo hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Sa pagpili ng makakasama sa buhay at sa walang hanggan, walang alinlangang dapat gawin ang pinakamaingat na pagpaplano at pag-iisip at panalangin at pag-aayuno upang makatiyak na sa kabila ng lahat ng mga pagpapasiya ay hindi dapat magkamali sa isang ito. Sa tunay na pag-aasawa kailangang mayroong pagkakaisa ng mga isipan at gayon din ng mga puso. Hindi dapat na damdamin lamang ang pairalin sa mga pagpapasiya, kundi kapwa ang isip at puso, na pinalakas ng pag-aayuno at panalangin at matinding pagsasaalang-alang, ang magbibigay sa isang tao ng pinakamalaking pagkakataong lumigaya sa pag-aasawa. Kaakibat nito ang sakripisyo, pakikibahagi, at matinding pagpaparaya.
Marami sa mga palabas sa telebisyon at mga kathang-isip na kuwento ang nagtatapos sa pagaasawa na: “Namuhay silang maligaya mula noon.” Napagtanto natin na hindi nagdudulot ng kaligayahan at matagumpay na pag-aasawa ang pagsasagawa lamang ng seremonya. Hindi dumarating ang kaligayahan sa pagpindot ng isang buton, tulod ng sa ilawan; nasa isip ang kaligayahan at nanggagaling sa kalooban. Pinagsusumikapan ito. Hindi ito mabibili ng salapi; hindi ito makukuha nang basta-basta.
Iniisip ng ilan na ang kaligayahan ay isang nakahahalinang buhay ng kaginhawaan, karangyaan, at palagiang paglilibang; ngunit ang tunay na pagaasawa ay batay sa isang kaligayahang higit pa riyan, isang nagmumula sa pagbibigay, paglilingkod, pakikibahagi, sakripisyo, at pagpaparaya.
Dalawang taong nagmula sa magkaibang kinalakhan ang nakatatanto matapos na matapos maisagawa ang seremonya na kailangan nilang harapin ang nagdudumilat na katotohanan. Wala na ang buhay ng pangangarap o likhang-isip; kailangan nating harapin ang katotohanan at magpakatatag. Kailangang akuin ang mga responsibilidad at tanggapin ang mga bagong tungkulin. Kailangang iwanan ang ilang pansariling kalayaan, at gumawa ng maraming pakikibagay, mapagparayang pakikibagay.
Hindi nagtatagal at napagtatanto ng isang tao na may mga kahinaan ang kanyang asawa na hindi naihayag o natuklasan noon. Ang magagandang ugaling dati’y laging naipakikita noong nagliligawan Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa. pa ay babahagya nang napapansin ngayon, at ang tila maliliit at di kapansin-pansing mga kahinaan noong nagliligawan ang naging kapansin-pansin na ngayon. Dumating na ang oras para sa mga maunawaing puso, para sa pagsusuri sa sarili, at sa mabuting pag-iisip, pangangatwiran, at pagpaplano. Nahahayag na ngayon ang mga nakaugalian sa mga nagdaang taon; ang asawa ay maaaring kuripot o gastador, tamad o masipag, relihiyoso o hindi; marahil ay mabait siya at matulungin o madaling magalit at pikon, mapaghanap o mapagbigay, mayabang o mapagpakumbaba. Lumalaki ang problema sa mga biyenan, bayaw, at hipag, at tumitindi naman ang kaugnayan sa kanila ng kabiyak.
Kadalasa’y walang pagkukusang lutasin at akuin ang mabibigat na responsibilidad na kaagad na naroroon. Nag-aatubiling halinhan ng pagtitipid ang marangyang pamumuhay, at kadalasa’y tila marubdob ang pagnanasa ng mga batang mag-asawa na makipagsabayan sa kanilang mga kapitbahay. Karaniwa’y walang pagkukusang iangkop ang kanilang pamumuhay sa kanilang kinikita. Kadalasa’y ipinipilit ng mga batang maybahay na patuloy nilang matamasa sa sarili nilang tahanan ang karangyaang dati nilang tinamasa sa mauunlad na tahanan ng matatagumpay nilang ama. Ilan sa kanila ang nagkukusang tumulong na makamtan ang marangyang pamumuhay na iyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho matapos ang kasal. Dahil dito ay iniiwan nila ang tahanan, kung saan naroroon ang kanilang tungkulin, upang maghanap ng propesyon o trabaho, para patatagin ang kanilang kabuhayan kaya nagiging napakahirap nang mamuhay pa na tulad ng karaniwan. Dahil parehong nagtatrabaho ang mag-asawa, pagpapaligsahan sa halip na pagtutulungan ang pumapasok sa mag-anak. Dalawang pagal sa trabaho ang umuuwi nang pagod na pagod, may kanikanyang kapalaluan, ibayong kalayaan, at pagkatapos ay nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan. Lumalaki ang dati’y maliliit na di-pagkakasundo.
Bagama’t mahirap mag-asawa, at karaniwan na ang di-pagkakasundo at kabiguan sa pag-aasawa, gayunpama’y maaari pa ring magkaroon ng tunay at walang-maliw na kaligayahan, at maaaring maging lubos na kagalakan ang pag-aasawa at hindi tulad ng inisip ng tao. Kayang abutin ito ng bawat mag-asawa, ng bawat tao. Gawa-gawa at sa pangarap lamang ang tinatawag na “soul mates”; at bagama’t bawat binata at dalaga ay maghahangad nang buong pagsisikap at panalangin na makakita ng kaparehang makakasama nila at makakasundo sa buhay, tiyak pa rin na sinumang mabuting lalaki at sinumang mabuting babae ay magiging maligaya at matagumpay sa pagaasawa kung kapwa sila handang magsakripisyo.
May isang walang-paltos na pormula na titiyak sa bawat pareha ng isang maligaya at walang hanggang pag-aasawa; ngunit tulad din ng lahat ng pormula, hindi dapat kalimutan, bawasan, o limitahan ang pinakamahahalagang sangkap. Ang pagpili bago ang panliligaw at ang patuloy na panliligaw matapos ang proseso ng kasal ay magkasinghalaga, ngunit hindi kasinghalaga ng pag-aasawa mismo, na ang tagumpay ay nakasalalay sa dalawang tao—hindi sa isa, kundi sa dalawa.
Sa isang pag-aasawang sinimulan at ibinatay sa makakatwirang pamantayang tulad ng nabanggit na, walang pinagsama-samang mga lakas na makasira dito maliban sa lakas na nasa isa o sa kapwa mag-asawa mismo; at kailangan nilang akuin ang pangkalahatang responsibilidad. Maaaring makaimpluwensiya sa mabuti o masama ang ibang tao at samahan. Maaaring may kinalaman ang kalagayan sa pananalapi, sa lipunan, sa pulitika, at iba pa; subalit una at palagi nang nakasalalay ang pag-aasawa sa magkabiyak na palagi nang nagagawang matagumpay at masaya ang kanilang pag-aasawa kung sila ay determinado, mapagparaya, at makatwiran.
Simple lang ang pormula; kakaunti ang mga sangkap, bagama’t maraming makapagpapabuti sa bawat isa.
Una, kailangang naroon ang tamang pamamaraan sa pag-aasawa, na pinag-iisipang mabuti ang pagpili ng isang kabiyak na halos angkin na ang tugatog ng kaganapan sa lahat ng bagay na mahalaga sa mga tao. Pagkatapos ay kailangang magpunta sa altar sa templo ang parehang ito na nalalamang kailangan nilang pagsikapang mabuti na magkaroon ng matagumpay na pagsasama.
Ikalawa, kailangan ang matinding pagpaparaya, paglimot sa sarili at pagtutuon ng lahat sa buhaymay-asawa at lahat ng may kinalaman dito para sa ikabubuti ng mag-anak, na isinusuko ang sarili.
Ikatlo, kailangang magpatuloy ang panliligaw at pagpapamalas ng pagsuyo, kabaitan, at pagsasaalangalang upang mapanatiling masigla at nag-iibayo ang pagmamahalan.
Ikaapat, kailangang may ganap na pamumuhay ng mga kautusan ng Panginoon tulad ng isinasaad sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Kung napagsasama-sama nang wasto at patuloy na naipaiiral ang mga sangkap na ito, mukhang imposible nang hindi lumigaya, magpatuloy ang mga dipagkakasundo, o mangyari ang mga paghihiwalay. Kakailanganin nang mag-iba ng larangan ang mga abogado at ikakandado na ang mga hukumang pangdiborsyo.
Kailangang malaman ng dalawang taong malapit nang ikasal na upang makamtan ang maligayang pag-aasawa na kanilang inaasam ay kailangan nilang malaman na hindi isang legal na panakip-butas ang pag-aasawa, kundi ito’y nangangahulugan ng sakripisyo, pakikibahagi, at maging ng pagbabawas ng ilang pansariling kalayaan. Nangangahulugan ito ng matagal at mahirap na pagtitipid. Nangangahulugan ito ng mga anak na mangangailangan ng pagtustos, paglilingkod, pangangalaga at pag-aasikaso; ngunit nangangahulugan din ito ng pinakamalalalim at pinakamatatamis na damdamin sa lahat.
Bago magpakasal, malaya ang bawat isa na umalis at dumating kung kailan niya naisin, ayusin at planuhin ang kanyang buhay nang pinakamainam, gumawa ng lahat ng pasiya na nauukol lamang sa sarili. Dapat matanto ng magkasintahan bago sila magsumpaan na kailangang tanggapin ng bawat isa nang literal at buung-buo na ang kapakanan ng bagong maliit na mag-anak ang kailangang mangibabaw sa kapakanan nilang mag-asawa. Kailangang alisin ng bawat panig ang “ako” at “akin” at halinhan ito ng “tayo” at “atin.” Kailangang isaalang-alang sa bawat pagpapasiya na may dalawa o higit pa na maaapektuhan nito. Habang papalapit na ang mabibigat na pagpapasiya ngayon, aalalahanin ng maybahay ang magiging epekto ng mga ito sa mga magulang, anak, tahanan, at sa kanilang espirituwal na buhay. Sa pagpili ng asawang lalaki ng kanyang trabaho, pakikisama, mga kaibigan, ang bawat interes niya ay kailangan na ngayong ibatay sa bahagi na lamang siya ngayon ng isang mag-anak, na kailangang isaalang-alang ang kabuuan ng grupo.
Maaaring hindi laging maayos at panatag ang pagsasama ng mag-asawa, ngunit magagawa itong maging lubos na mapayapa. Maaaring dumanas ang isang mag-asawa ng kahirapan, karamdaman, kabiguan, mga kakulangan, at maging kamatayan sa mag-anak, ngunit maging ang mga ito ay hindi nanakawin sa kanila ang kapayapaan. Magtatagumpay ang pagaasawa kung hindi papasok ng kasakiman. Paglalapitin ng mga gulo at problema ang mga magulang sa mga di-mapaghihiwalay na pagsasama kung may ganap na pagpaparaya roon. Noong matinding taghirap ng 1930 bumaba ang bilang ng diborsyo. Ang kahirapan, mga kakulangan, kabiguan— ang nagbigkis sa mga magulang. Napapatibay ng paghihirap ang mga ugnayang kayang wasakin ng pag-unlad.
Ang pag-aasawang batay sa kasakiman ay mas malamang na mabigo. Ang isang nagpakasal nang dahil sa yaman o ang isang nagpakasal nang dahil sa katanyagan o katayuan sa lipunan ay tiyak na masisiphayo. Ang isang nagpapakasal para bigyangkasiyahan ang kahambugan at kapalaluan o nagpapakasal para tikisin o pasakitan ang isang tao ay niloloko lamang ang kanyang sarili. Ngunit ang isang nagpapakasal para magpaligaya at lumigaya rin, para maglingkod at paglingkuran din, at pinangangalagaan ang mga kapakanan nilang dalawa at ng mag-anak na darating ay may malaking pagkakataon na maging maligaya ang pag-aasawang iyon.
Ang pag-ibig ay parang isang bulaklak, at tulad ng katawan, kailangan itong pakainin palagi. Hindi magtatagal ang mortal na katawan ay mamamayat at mamamatay kung hindi ito palaging pakakainin. Ang sariwang bulaklak ay malalanta at mamamatay kung walang pagkain at tubig. At gayon din ang pag-ibig, hindi maaasahang tatagal magpakailanman maliban kung ito ay patuloy na pinakakain ng pira-pirasong pagmamahal, pagpapakita ng pagpapahalaga at paghanga, pagpapahayag ng pasasalamat, at pagsasaalang-alang ng pagpaparaya sa sarili.
May isa pang bagay sa matagumpay na pag-aasawa na tiyak na maisasagawa ng ganap na pagpaparaya. Kung ang isa ay lagi nang hinahangad ang mga kapakanan, kaginhawahan, at kaligayahan ng isa pa, ang pag-ibig na nadama sa pagliligawan at pinatibay sa kasal ay lalago nang lubos. Maraming mag-asawa ang hinahayaang mapanis ang kanilang pagsasama at lumamig ang kanilang pag-iibigan na parang lumang tinapay o laos na mga biro o malamig na sawsawan. Walang alinlangang ang mga pagkaing pinakamahalaga sa pag-iibigan ay ang pagsasaalangalang, kabaitan, pagkamaalalahanin, pagmamalasakit, mga pagpapamalas ng pagsuyo, mga yakap ng pagpapahalaga, paghanga, pagmamalaki, pakikisama, tiwala, pananalig, pagkakasundo, pagkakapantaypantay, at pag-asa sa isa’t isa.
Upang tunay na lumigaya sa pag-aasawa, kailangan ng isa ang patuloy na katapatan sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. Walang sinuman, may-asawa man o wala, ang liligaya nang labis maliban kung siya ay mabuti. May mga panandaliang kasiyahan at nakabalatkayong sitwasyon sa ngayon, ngunit darating lamang ang palagian at ganap na kaligayahan sa pamamagitan ng kalinisan at pagiging karapat-dapat. Ang isang namumuhay nang may pananampalataya na may malalalim na paniniwala ay hindi kailanman liligaya nang walang ginagawa. Patuloy na magpapahirap ang budhi, maliban kung babalewalain ito, at kung magkagayo’y nasa panganib na ang pagsasama ng mag-asawa. Hindi patatahimikin ng bumabagabag na budhi ang buhay. Nakasisira ng pagsasama ng mag-asawa ang pagiging di-aktibo, lalo na kapag di-aktibo ang isa’t isa sa magkakaibang paraan.
Ang hindi pagkakaiba sa relihiyon ang pinakamalaking pagsubok at kabilang sa lahat ng suliraning pinakamahirap lutasin.
Ang kasal ay inordena ng Diyos. Hindi lamang ito isang nakaugalian sa lipunan. Kung walang marapat at matagumpay na pag-aasawa, hindi kailanman dadakilain ang isang tao. Basahin ang mga salita ng inyong Panginoon, na tama at marapat lamang na mag-asawa.
Dahil sa totoong iyan, maingat na paplanuhin ng isang mapag-isip at matalinong Banal sa mga Huling Araw ang kanyang buhay upang tiyaking walang sagabal dito. Sa isang malaking pagkakamali ay maaaring maglagay ang isang tao ng sagabal na maaaring hindi na kailanman matanggal at maaaring humadlang sa daanan patungong buhay na walang hanggan at kabanalan—ang ating panghuling patutunguhan. Kung minamahal ng dalawang tao ang Panginoon nang higit pa sa sarili nilang buhay at pagkatapos ay mamahalin ang bawat isa nang higit pa sa sarili nilang buhay, na magkasamang nagsusumikap nang may ganap na pagkakasundo na ginagawang pangunahing balangkas ang programa ng ebanghelyo, tiyak na makakamtan nila ang dakilang kaligayahang ito. Kapag madalas na magkasamang pumupunta ang mag-asawa sa banal na templo, magkasamang lumuluhod sa panalangin sa kanilang tahanan kasama ang kanilang mag-anak, magkahawak-kamay na dumadalo sa kanilang mga pulong sa Simbahan, pinananatiling ganap na busilak ang kanilang buhay—sa isip at katawan— nang sa gayon ay lubos na nakatuon ang buo nilang pag-iisip at pagnanasa at pag-ibig sa iisang tao, ang kanilang asawa, at magkasamang nagsisikap para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, kung gayon ang kaligayahan ay nasa pinakarurok na nito.
Kung minsan sa pag-aasawa ay mayroon pang ibang pakikipisan, sa kabila ng katotohanang ipinahayag ng Panginoon na: “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (D at T 42:22).
Nangangahulugan lamang ito na “mahalin mo ang iyong asawa nang buo mong puso at pumisan sa kanya at wala nang iba.” Kadalasan, patuloy na pumipisan ang mga tao sa kanilang mga ina at ama at mga kaibigan. Kung minsan ay ayaw pang pakawalan ng mga ina ang kanilang kanilang mga anak, at ang mga mag-asawa’y bumabalik sa kani-kanilang mga ina at ama upang sumangguni, humingi ng payo, at magtapat ng problema, gayong sa kani-kanilang asawa nila dapat ginagawa ang karamihan sa mga bagaybagay, at ang lahat ng nangyayari ay dapat manatiling lihim at silang dalawa lamang ang nakaaalam.
Makabubuti para sa mag-asawa na agad na bumukod ng tirahan mula sa mga kaanak ng magkabilang panig. Maaaring katamtaman lamang at napakasimple ng tahanan, ngunit sarili pa rin ninyo itong tirahan. Hindi dapat iasa sa mga kamag-anak ang buhay ninyong magasawa. Higit ninyo silang mahalin; pahalagahan ang kanilang payo; pahalagahan ang pakikisama nila; ngunit mamuhay kayo sa inyong sarili, na pinamamahalaan ng sarili ninyong mga pagpapasiya, ng sarili ninyong mapanalanging pagsasaalang-alang matapos ninyong tanggapin ang payo mula sa dapat magbigay nito. Ang pagpisan ay hindi lamang nangangahulugan ng pagtira sa iisang tahanan; nangangahulugan ito ng pagiging malapit sa isa’t isa, ng hindi naghihiwalay:
“Samakatwid, naaayon sa batas na…sila ay maging isang laman, at lahat ng ito ay upang matupad ng mundo ang layunin ng kanyang pagkakalikha;
“At nang ito ay mapuno ng tao, alinsunod sa kanyang pagkakalikha bago ginawa ang mundo” (D at T 49:16–17).
Mga kapatid, hayaan ninyong sabihin ko na ito ang salita ng Panginoon. Lubhang napakaseryoso nito, at walang sinumang dapat makipagtalo sa Panginoon. Ginawa Niya ang mundo; ginawa Niya ang mga tao. Alam Niya ang mga kalagayan. Inihanda Niya ang programa, at hindi sapat ang ating talino o galing upang makipagtalo sa Kanya sa mahahalagang bagay na ito. Alam Niya kung ano ang tama at totoo.
Hinihiling naming pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito. Tiyaking tama ang inyong pagpapakasal. Tiyaking wasto ang inyong buhay. Tiyaking naisasagawa nang wasto ang inyong bahagi sa pag-aasawa.
Mula sa Marso 1977 Ensign, mga pahina 3–5.