Resources para sa Pamilya
Aralin 5: Pagtugon sa mga Hamon sa Pamamagitan ng Magandang Pag-uusap


Aralin 5

Pagtugon sa mga Hamon sa Pamamagitan ng Magandang Pag-uusap

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Sang-ayon sa inyong mga sariling pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o pareho sa mga mungkahing ito.

  • Sa takdang babasahin sa ibaba, pinupuna ni Elder Joe J. Christensen na: “Kakaunting tao lamang ang napagbuti ang pag-uugali ng palagiang pamimintas o pagrereklamo. Kung hindi tayo maingat, ang ilan sa inaakala nating nakatutulong na pamimintas ay nakasisira pala. Kung minsan, may mga bagay na mas makabubuting huwag na lang banggitin pa” (tingnan sa pahina 19). Sa susunod na linggo, pagukulan ng pansin ang mga bagay na iniisip at sinasabi ninyo sa iba. Sikaping maging mabait at palakasin ang iba sa lahat ng sasabihin ninyo.

  • Hanapin ang mga kahanga-hangang katangian ng inyong asawa. Gumawa ng listahan ng mga katangiang ito, at ibahagi ito sa inyong asawa.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito na kasama ang inyong asawa.

Ang Kasal at ang Dakilang Plano ng Kaligayahan

Elder Lynn G. Robbins
Ng Pitumpu

Kami ni Barbara ay biniyayaan ng anim na anak. Ilang taon na ang nakalilipas, nang dalhin namin silang lahat para dumalaw sa kanilang lolo’t lola ay sinabi ng aking ama, “Joe, sa palagay ko’y nasimulan ninyo ni Barbara ang isang bagay na hindi ninyo matitigilan.”

Sa panahong ito ng Linggo ng Pagkabuhay ipinahahayag natin sa buong mundo na si Jesus ang Cristo at na sa pamamagitan ng Kanyang banal na pagkasaserdote at nakapagbubuklod na kapangyarihan, ang mga kasal at mag-anak ay hindi kailangang itigil kailanman—hindi kailangang magwakas kailanman.

Ngayo’y nais kong magsalita sa inyo tungkol sa ating mga kasal. Narito ang walong praktikal na mungkahi na sana’y maging makabuluhan sa pagpapatatag ng pagsasama ng mga mag-asawa, ngayon at sa hinaharap.

Tandaan ang Kahalagahan ng Kasal

1. Tandaan ang sentro ng kahalagahan ng inyong kasal. Dinggin ang mga salitang ito ni Elder Bruce R. McConkie tungkol sa kahagalahan ng kasal sa “dakilang plano ng kaligayahan” ng ating Ama sa Langit. (Alma 42:8):

“Mula sa sandali ng ating pagsilang sa mundong ito hanggang sa oras na ikasal tayo sa templo, lahat ng nasasaatin sa buong sistema ng ebanghelyo ay upang ihanda at gawing marapat tayo sa pagpasok sa banal na orden na iyon ng matrimonyo na nagbibigay daan upang maging mag- asawa tayo sa buhay na ito at sa kabilang buhay… .

“Walang anuman sa daigdig na ito na kasinghalaga ng paglikha at pagiging perpekto ng mga mag-anak” (“Salvation is a Family Affair,” Improvement Era, Hunyo 1970, 43–44).

Ipanalangin ang Tagumpay ng Pagsasama Ninyong Mag-asawa

2. Ipanalangin ang tagumpay ng pagsasama ninyong mag-asawa. Maraming taon na ang nakalipas, nang karaniwan nang nililibot ng Pangkalahatang Awtoridad ang misyon at kinakapanayam ang lahat ng misyonero, kinausap ni Elder Spencer W. Kimball, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawa, ang isang elder na papatapos na sa kanyang misyon.

“Kapag natapos ka na sa misyon mo, Elder, ano ang mga plano mo?”

“A, plano ko pong bumalik sa kolehiyo.” At nakangiti niyang idinagdag, “Pagkatapos ay umaasa akong iibig ka at magpapakasal.”

Ibinahagi ni Elder Kimball ang matalinong payong ito: “Huwag mong ipanalangin na basta pakasalan lang ang minamahal mo. Sa halip, ipanalangin mong mahalin ang pakakasalan mo.

Dapat tayong manalangin na maging mas mabait, magalang, mapagpakumbaba, mapagpasensiya, mapagpatawad, at lalung-lalo na, maging mas mapagparaya.

Upang makilala ang sarili nating mga suliranin o kahinaan na humahadlang sa ating pagiging mas mabubuting asawa, dapat tayong manalangin sa Panginoon at anihin ang mga kapakinabangan ng makapangyarihang pangako nitong Aklat ni Mormon: “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan…, sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

Kaya nga kailangang manalangin. Maraming pinuno ng Simbahan at tagapayo sa pag-aasawa ang nagsasabi na wala pa silang nakita ni isang magasawang nagkaroon ng malubhang suliranin na nanatili pa ring magkasamang nananalangin arawaraw. Tuwing dumarating ang mga suliranin at nagbabantang masira ang pagsasama ng mag-asawa, ang pinakamabisang lunas dito marahil ay ang magkasamang pagdalangin ng mag-asawa.

Makinig sa Inyong Asawa

3. Makinig. Maglaan ng oras upang makinig sa inyong asawa; gumawa pa ng iskedyul para dito. Kausapin ang isa’t isa at suriin kung ano ang inyong katayuan bilang isang asawa.

Tinanong ni Brother Brent Barlow ang isang grupo ng mga kapatid na lalaking maytaglay ng pagkasaserdote: “Ilan sa inyo ang nais makatanggap ng paghahayag?” Bawat kamay ay tumaas. Pagkatapos ay iminungkahi niyang umuwi silang lahat at tanungin ang kanilang kabiyak kung paano sila magiging mas mabubuting asawa. Dagdag pa niya, “Sinunod ko ang sarili kong payo, at nagkaroon kami ng napakamakabuluhang talakayan ni Susan [na asawa ko] sa loob ng mahigit isang oras nang hapong iyon!” (“To Build a Better Marriage,” Ensign, Set. 1992, 7). Maaaring maging isang pagbubunyag para sa sinuman sa atin ang ganoong pag-uusap.

Naringgan na ba ng sinuman sa inyong mga kapatid ang inyong asawa na nagsasabi ng tulad nito: “Joe, nakikinig ka ba?” Hindi lang siya ang nagtanong kung nakikinig ako. Minsan ay umiidlip ako at dumating ang musmos kong apong si Allison at ibinuka ang talukap ng isang mata ko at nagsabi, “Lolo, nariyan po ba kayo?” Dapat ay “nariyan tayo” at tumutugon sa ating asawa.

Iwasan ang Walang Puknat na Pandurutdot

4. Iwasan ang “walang puknat na pandurutdot.” Huwag masyadong mapamintas sa mga kakulangan ng bawat isa. Kilalanin na walang sinuman sa atin ang perpekto. Lahat tayo ay marami pang dapat gawin upang maging tulad ni Cristo gaya ng isinasamo sa atin ng ating mga pinuno.

Ang “walang puknat na pandurutdot,” na siyang tawag ni Pangulong Spencer W. Kimball dito, ay makakasira sa halos anumang pagsasama ng magasawa (“Marriage and Divorce,” 1976 Devotional Speeches of the Year [1977], 148). Lahat tayo ay karaniwang nasasaktan na malaman ang ating mga kahinaan, at hindi natin kailangan ang madalas na paalala. Kakaunting tao lamang ang napagbuti ang pag-uugali ng palagiang pamimintas o pagrereklamo. Kung hindi tayo maingat, ang ilan sa inaakala nating nakatutulong na pamimintas ay nakasisira pala.

Kung minsan ay may mga bagay na mas makabubuting huwag na lang banggitin pa. Bilang bagong kasal, nabasa ni Sister Lola Walters sa isang magasin na upang mapatatag ang pagsasama ng isang magasawa, kailangang magkaroon ng palagiang sesyon ng pagbabahagi ang mag- asawa kung kailan ililista nila ang anumang mga gawing nakayayamot sa kanila. Isinulat niya:

“Babanggit kami noon ng limang bagay na nakayayamot sa amin, at nagsimula ako… . Sinabi ko sa kanyang hindi ko nagustuhan ang pamamaraan niya sa pagkain ng suha. Binalatan niya ito at kinaing parang dalandan! Wala akong kilala na ganoong kumain ng suha. Maaasahan bang gugulin ng isang babae ang buong buhay niya, at maging ang kawalang hanggan, sa pagmamasid sa kanyang asawa sa pagkain ng ubas na parang dalandan?…

“Nang matapos akong bumanggit [ng lima], pagkakataon naman niyang sabihin ang mga bagay na hindi niya gusto sa akin. Sabi [niya], ‘Alam mo, ang totoo’y wala akong maisip na anumang ayaw ko sa iyo, Mahal.’

“Hayyy.

“Mabilis akong tumalikod, dahil hindi ko alam kung paano ipaliliwanag ang mga luhang namuo sa aking mga mata at tumulo sa aking pisngi.”

Pagtatapos ni Sister Walters, “Tuwing makakarinig ako ng mga mag-asawang hindi nagkakasundo, madalas kong naiisip na baka dinaranas nila ang tinatawag ko ngayong Sintomas ng Suha” (“The Grapefruit Syndrome,” Ensign, Abr. 1993, 13).

Oo, kung minsan, may mga bagay ngang mas makabubuting huwag na lang banggitin pa.

Panatilihing Masigla ang Inyong Pagsusuyuan

5. Panatilihing masigla ang inyong pagsusuyuan. Maglaan ng oras para magkasama kayong gumawa ng mga bagay-bagay—kayong dalawa lamang. Kung gaano kahalaga na makapiling ang mga anak bilang isang mag-anak, gayundin na kailangan ninyo ng lingguhang panahon na magkasarilinan kayong dalawa. Ang paglalaan ng oras para dito ay magpapahiwatig sa inyong mga anak na napakahalaga ng inyong pagsasama kaya kailangan ninyo itong pangalagaan. Nangangailangan ito ng matibay na hangarin, pagpaplano, at paglalaan ng oras.

Hindi kailangang maging magastos ito. Ang oras ng pagsasama-sama ang pinakamahalagang sangkap.

Minsan habang papaalis ng bahay ang biyenan kong lalaki matapos mananghalian para magtrabaho sa bukid, sinabi ng biyenan kong babae, “Albert, bumalik ka rito sa loob ngayon din at sabihin mong mahal mo ako.” Ngumisi siya at pabirong sinabi, “Elsie, noong ikasal tayo, sinabi ko sa iyong mahal kita, at kung magbabago man iyan, ipaaalam ko sa iyo.” Mahirap sumobra ang paggamit ng mga katagang “Mahal kita.” Gamitin ito araw-araw.

Maging Maagap sa Pagsasabi ng “Ikinalulungkot Ko”

6. Maging maagap sa pagsasabi ng “Ikinalulungkot ko.” Mahirap mang sabihin ang mga katagang ito, maging maliksi sa pagsasabi ng, “Ipagpaumanhin mo, at patawarin mo ako,” kahit hindi kayo ang talagang may kasalanan. Nabubuo ang tunay na pag-ibig sa mga taong kusang umaamin ng mga pagkakamali at kasalanan.

Kapag dumarating ang mga di-pagkakaunawaan, mahalagang pag-usapan at lutasin ito, ngunit may mga pagkakataon na ang pinakamabuting gawin ay magpahinga muna kayo. Mahalaga ang di-pagkibo at pagbilang ng hanggang sampu o isandaan. At paminsan-minsan, nakatutulong na hayaang lubugan ng araw ang galit ninyo at harapin ang problema kinaumagahan kung kailan mas nakapahinga na kayo, payapa, at mas handang magpasiya.

Paminsan-minsan ay nakaririnig tayo ng katulad nito, “Bakit kami, limampung taon nang kasal pero ni minsan ay hindi kami nagkaiba ng opinyon.” Kung totoong nangyayari iyan, isa sa pareha ang lubos na napapangibabawan ng isa o, gaya ng minsa’y sinabi ng isang tao, hindi makatotohanan ang taong iyan. Sinumang matalinong mag-asawa ay magkakaroon ng magkaibang opinyon. Ang hamon sa atin ay tiyaking alam natin kung paano lulutasin ang mga ito. Bahagi iyan ng proseso ng pagpapabuti ng buhay may-asawa.

Mamuhay Ayon sa Abot ng Inyong Makakaya

7. Pag-aralang mamuhay ayon sa abot ng inyong makakaya. Ilan sa pinakamahihirap na hamon sa pagsasama ng mag-asawa ay dumarating sa bahagi na pananalapi. “Isinaad ng American Bar Association… na 89 na porsiyento ng lahat ng diborsyo ay bunga ng mga pag-aaway at bintang ukol sa pera” (Marvin J. Ashton, “One for the Money,” Ensign, Hulyo 1975, 72). Maging handang ipagpaliban o kalimutan na ang pagbili ng ilang bagay upang hindi lumampas sa laanggugulin. Bayaran muna ang ikapu, at iwasan ang utang hangga’t maaari. Tandaan na ang paggasta nang mas kakaunti kaysa sa kinikita ninyo ay katumbas ng kaligayahan at ang paggasta nang higit kaysa sa kinikita ninyo ay katumbas ng kapighatian. Marahil ay dumating na ang panahon para ilabas ang gunting at mga credit card at gawin ang tinatawag ni Elder Jeffrey R. Holland na “plastic surgery” (“Things We Have Learned Together,” Ensign, Hunyo 1986, 30).

Pagtulungan ang mga Responsibilidad sa Tahanan at Mag-anak

8. Maging isang tunay na katuwang sa mga responsibilidad sa tahanan at mag-anak. Huwag tumulad sa mga lalaking paupu-upo lang sa bahay at umaasang paglilingkuran, na ipinapalagay na tungkulin niya ang maghanapbuhay at tanging asawa lang niya ang may responsibilidad sa bahay at sa pag-aalaga ng mga anak. Ang tungkuling pagaalaga sa tahanan at mag-anak ay responsibilidad ng mahigit sa isang tao.

Tandaan ninyo na magkatuwang kayo rito. Natuklasan namin ni Barbara na wala pang isang minuto namin inaayos ang aming higaan at tapos na ito para sa araw na iyon. Sabi niya, hinahayaan niya akong gawin ito para bumuti ang pakiramdam ko sa aking sarili buong araw, at palagay ko ay may katwiran siya.

Maglaan ng oras na magkasamang magbasa ng mga banal na kasulatan, at sundin ang malinaw na payong ito mula kay Pangulong Kimball. “Kapag madalas na magkasamang pumupunta ang magasawa sa banal na templo, magkasamang lumuluhod sa panalangin sa kanilang tahanan kasama ang kanilang mag-anak, magkahawak-kamay na dumadalo sa kanilang mga pulong sa Simbahan, pinananatiling ganap na busilak ang kanilang buhay, sa isip at katawan, …at magkasamang nagsisikap para sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, kung gayon ang kaligayahan ay nasa pinakarurok na nito” (Marriage and Divorce [1976], 24).

Bilang buod:

  • Tandaan ang sentro ng kahalagahan ng inyong kasal.

  • Ipanalangin ang tagumpay nito.

  • Makinig.

  • Iwasan ang“walang puknat na pandurutdot.”

  • Panatilihing masigla ang inyong pagsusuyuan.

  • Maging maagap sa pagsasabi ng, “Ikinalulungkot ko.”

  • Matutong mamuhay ayon sa abot ng inyong makakaya.

  • Maging isang tunay na katuwang sa mga responsibilidad sa tahanan at sa mag-anak.

Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, na ang libingan ay walang laman sa ikatlong araw na iyon, at na “sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay nangangamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Mga Taga Corinto 15:22). Kaya taglay ang pasasalamat para sa nakapagbubuklod na kapangyarihang nakapaloob sa naipanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, may paniniwala nating masasambit kasama ng makata, “Higit kitang mamahalin sa kabilang buhay” (Sonnets from the Portuguese, ni Elizabeth Barrett Browning, blg. 43, ika-14 na linya).

Mula sa talumpati ni Elder Christensen sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1995 (tingnan sa Conference Report, Abr. 1995, 84–87; o Ensign, Mayo 1995, 64–66).