Resources para sa Pamilya
Aralin 1: ‘ Ang Mag-anak ay Sentro sa Plano ng Lumikha’


Aralin 1

“ Ang Mag-anak ay Sentro sa Plano ng Lumikha”

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Ayon sa inyong sariling mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o ang kapwa mga mungkahing ito.

  • Repasuhin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (pahina iv). Humanap ng mga paraan na mas masusunod ninyo ang payong ito ng propeta.

  • Kumuha ng isang poster ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (35602 893 o 35538) mula sa sentro sa pamamahagi ng Simbahan. Ipakita ito sa lantad na lugar sa inyong tahanan.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalain na kasama ang inyong asawa.

Para sa Panahon at sa Walang Hanggan

Elder Boyd K. Packer
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan

Minamahal na mga kapatid, ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga apostol at propeta ay tumutukoy sa atin sa buhay bago ang buhay na ito bilang mga anak na lalaki at babae, mga espiritung anak ng Diyos.1 Mayroon nang kasarian doon, at hindi ito nagsimula sa mortal na pagsilang.2

Sa malaking pagpupulong sa langit3 ay itinanghal ang plano ng Diyos:4 ang plano ng kaligtasan,5 ang plano ng pagtubos,6 ang dakilang plano ng kaligayahan.7 Naglalaan ang plano ng isang pagsubok; lahat ay kailangang pumili sa tama at mali.8 Naglalaan ang Kanyang plano ng isang Manunubos, isang Pagbabayad-sala, ng Pagkabuhay na Mag-uli, at, kung susunod tayo, ng ating pagbalik sa piling ng Diyos.

Naghimagsik ang kaaway at gumawa ng sarili niyang plano.9 Ang mga sumunod sa kanya ay inalisan ng karapatang magkaroon ng katawanglupa. 10 Ang pag-iral natin dito ay nagpapatunay na sinang-ayunan natin ang plano ng Ama.11

Ang tanging layunin ni Lucifer ay ang salungatin ang dakilang plano ng kaligayahan, upang sirain ang mga pinakadalisay, pinakamaganda at pinakakaakitakit na karanasan sa buhay: ang pagsusuyuan, pagmamahalan, kasal, at pagiging magulang.12 Ang mga multo ng kasawian at kasalanan13 ay susunud- sunod sa kanya. Tanging pagsisisi lamang ang makagagamot sa kanyang mga nasaktan.

Kinakailangan ang Kasal at Mag-anak sa Plano ng Diyos

Kinakailangan ang matwid na pagsasama ng lalaki at babae sa plano ng kaligayahan.14 Itinuturo sa atin ng mga doktrina kung paano tutugon sa mga nagpupumilit na likas na simbuyo ng damdaming na kadalasang namamayani sa ating pag-uugali.

Isang katawang itinulad sa katauhan ng Diyos ang nilikha para kay Adan,15 at inilibot siya sa Halamanan.16 Noong una ay nag-iisa si Adan. Taglay niya ang pagkasaserdote,17 ngunit kung nag-iisa siya ay hindi niya matutupad ang mga layunin ng pagkalikha sa kanya.18

Hindi makatutulong kay Adan ang isa pang lalaki sa pagtupad sa mga layunin ng pagkalikha sa kanya. Nag-iisa man o may kasamang ibang lalaki ay hindi uunlad si Adan. Maging si Eva ay dayundin kung ang kasama ay ibang babae. Ganito noon. Ganito rin ngayon.

Si Eva, na isang katuwang, ay nilikha. Itinatag ang kasal,19 dahil inutusan si Adan na pumisan sa kanyang asawa (hindi sa kung sinong babae lamang) at “wala nang iba.”20

Maaaring sabihing pinilit si Eva na piliin iyon.21 Dapat siyang purihin sa kanyang pasiya. Dahil doon “nahulog si Adan nang ang tao ay maging gayon.”22

Inilarawan ni Elder Orson F. Whitney ang Pagkahulog bilang pagkakaroon ng “isang dalawahang direksyon— pababa, ngunit pasulong. Dinala nito ang tao sa mundo at itinuntong ang kanyang mga paa sa landas ng pag-unlad.”23

Binasbasan ng Diyos sina Adan at Eva “at sinabi sa kanila: Magpakarami, at kalatan ang mundo.”24 Kaya nga naitatag ang mag-anak.

Pantay ang Pagpapahalaga ng Diyos sa mga Lalaki at Babae

Walang anuman sa mga paghahayag na nagsasabing mas mahalaga sa paningin ng Diyos ang pagiging lalaki kaysa pagiging babae, o mas pinahahalagahan Niya ang mga anak na lalaki kaysa sa mga anak na babae.

Ang lahat ng magagandang katangian na nakalista sa mga banal na kasulatan—pagmamahal, kagalakan, kapayapaan, pananampalataya, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao—ay pinagsasaluhan ng kapwa mga lalaki at babae,25 at ang pinakamataas na ordenansa sa pagkasaserdote sa buhay na ito ay ibinibigay lamang sa lalaki at babae na magkasama.26

Matapos ang Pagkahulog, naging napakabisa ng likas na batas sa mortal na pagsilang. Ito ang mga tinatawag ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. na “mga kalokohan” ng kalikasan,27 na nagiging dahilan ng iba-ibang kapansanan, kakulangan, at kapinsalaan. Gaano man tila hindi makatarungan ang mga ito sa pangangatwiran ng tao, kahit paano’y naaakma ang mga ito sa mga layunin ng Panginoon sa pagsubok sa sangkatauhan.

Ang pagsunod sa bawat karapat-dapat na likas na damdamin, ang pagtugon sa bawat matwid na simbuyo ng damdamin, ang pagsasakatuparan ng bawat nagpapadakilang kaugnayan ng tao ay nakalaan at sinang-ayunan sa mga doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo at pinangangalagaan ng mga kautusang inihayag sa Kanyang Simbahan.

Ang mga Tungkuling Ginagampanan ng mga Lalaki at Babae

Kung hindi likas na nagkaiba sa isa’t isa sina Adan at Eva, hindi sila makapagpaparami at kakalat sa lupa.28 Ang mga magkatugmang pagkakaiba ang mismong susi sa plano ng kaligayahan.

Ang ilang tungkulin ay akmang-akma sa panlalaking kalikasan at ang iba ay sa pambabaeng kalikasan. Itinuturing kapwa ng mga banal na kasulatan at mga huwaran ng kalikasan ang lalaki bilang tagapagtanggol at tagatustos.29

Ang mga pananagutang iyon ng pagkasaserdote na may kinalaman sa pamamahala ng Simbahan ay kinakailangang gawin sa labas ng tahanan. Sa pamamagitan ng banal na ordenansa, ipinagkatiwala ang mga ito sa mga lalaki. Ganoon na iyon sa simula pa lamang, dahil inihayag ng Panginoon na “ang orden ng pagkasaserdoteng ito ay pinagtibay na ipasa-pasa mula sa ama patungo sa anak na lalaki… Ang orden na ito ay itinatag sa mga araw ni Adan.”30

Ang isang lalaking may taglay na pagkasaserdote ay hindi nakalalamang sa isang babae sa pagkakamit ng kadakilaan. Ang babae, sa pamamagitan ng kanyang likas na katauhan, ay katuwang ng Diyos sa paglikha at ang pangunahing tagapangalaga ng mga bata. Ang magagandang pag-uugali at katangiang pinagbabatayan ng pagiging perpekto at pagdakila ay likas na dumarating sa isang babae at pinagbubuti ito ng pagaasawa at pagiging ina.

Iginagawad lamang ang pagkasaserdote sa mga karapat-dapat na lalaki upang tumugma sa plano ng kaligayahan ng ating Ama. Sa pagtutulungan ng mga batas ng kalikasan at ng inihayag na salita ng Diyos, talagang iyon ang pinakamainam na paraan.

Dala ng pagkasaserdote ang katakut-takot na pananagutan. “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman.”31

Kung ang isang lalaki ay “gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit…sa alinmang antas ng kasamaan,”32 nilalabag niya “ang sumpa at tipan na napapaloob sa pagkasaserdote.”33 Kung magkagayon “ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati.”34 Kung hindi siya magsisisi, mawawala ang kanyang mga pagpapala.

Kahit na itinakda sa mga dakilang selestiyal na pagpapahayag ang iba’t ibang tungkuling ginagampanan ng lalaki at babae, naipamamalas ang mga ito nang lubos sa mga pinakapraktikal, at karaniwang karanasan ng buhay mag-anak.

Kamakailan lamang ay narinig kong magreklamo ang isang tagapagsalita sa pulong sakramento na hindi niya maunawaan kung bakit laging binabanggit ng kanyang mga apo ang pagpunta sa bahay ni Lola, at kailanma’y hindi sa bahay ni Lolo. Nilutas ko ang malaking hiwagang ito para sa kanya: hindi nagluluto ng pastel ang mga lolo!

Ang mga Likas at Espirituwal na Batas ay Walang Hanggan

Ang mga likas at espirituwal na batas na namamahala sa buhay ay itinatag mula pa sa pagkakatatag ng mundo.35 Ang mga ito ay walang hanggan, gaya ng mga kahihinatnan ng pagsunod man o pagsuway dito. Hindi nababatay ang mga ito sa panlipunan o pulitikal na mga kalagayan. Hindi mababago ang mga ito. Walang pamumuwersa, walang pagtutol, walang pagsasabatas na makapagpapabago sa mga ito.

Maraming taon na ang nakalilipas noong pangasiwaan ko ang mga seminary ng mga Indian. Nang bisitahin ko ang eskuwelahan sa Albuquerque, ikinuwento sa akin ng punong-guro ang isang pangyayaring naganap sa isang klase sa unang grado.

Habang nagleleksyon, isang kuting ang naligaw sa kuwarto at ginulo ang mga kabataan. Dinala ito sa harapan ng kuwarto upang makita ng lahat.

Tanong ng isang kabataan, “Lalaki ba ang kuting o babae?”

Dahil hindi handa sa talakayang iyon, sinabi ng guro na, “Hindi na mahalaga iyon; kuting lang iyon.”

Ngunit nagpilit ang mga bata, at isang batang lalaki ang nagsabi, “Alam ko kung paano natin malalaman kung lalaki o babae ang isang kuting.”

Sukol, sinabi ng guro, “Sige nga, sabihin mo sa amin kung paano natin masasabi kung lalaki o babae ang isang kuting.”

Sagot ng batang lalaki, “Puwede nating pagbotohan iyon!”

Hindi mababago ang ilang bagay. Hindi mababago ang doktrina.

“Ang mga alituntuning inihayag,” sabi ni Pangulong Wilford Woodruff, “para sa kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng tao…ay mga alituntuning hindi ninyo mapupuksa. Ito ay mga alituntuning hindi masisira ng anumang kombinasyon ng mga lalaki [o babae]. Ito ay mga alituntuning hindi kailanman namamatay… Malayo ito sa abot ng tao upang hawakan o wasakin… Wala sa pinagsama-samang kapangyarihan ng buong mundo ang makawawasak sa mga alituntuning iyon… Walang isa mang tuldok o kudlit ng mga alituntuning ito ang mawawasak kailanman.”36

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tinawag ang mga lalaki upang makipaglaban. Sa mga biglaang pangangailangan, ang mga asawang babae at mga ina sa buong mundo higit kailanman ay napilitang magtrabaho na di tulad noon. Ang lubhang nakapipinsalang epekto ng digmaan ay sa mag-anak. Nagtatagal ito hanggang sa henerasyong ito.

Magpakarami at Kalatan ang Lupa

Sa pangkalahatang komperensiya noong Oktubre 1942, nagbigay ng mensahe ang Unang Panguluhan sa “mga Banal sa bawat lupain at pook,” kung saan sinabi nila, “Sa pamamagitan ng awtoridad na iginawad sa amin bilang Unang Panguluhan ng Simbahan, binabalaan namin ang aming mga tao.”

At sinabi nila, “Kabilang sa mga pinakauna Niyang utos kina Adan at Eva, sabi ng Panginoon ay: ‘Magpakarami at kalatan ang lupa.’ Inulit Niya ang utos na iyon sa ating panahon. Muli Niyang inihayag dito, sa huling dispensasyong ito, ang alituntunin ng kawalang hanggan ng tipan sa kasal…

“Sinabi sa atin ng Panginoon na tungkulin ng bawat asawang lalaki at babae na sundin ang utos na ibinigay kay Adan na magpakarami at kalatan ang lupa, upang ang mga hukbo ng mga piling espiritu na naghihintay para sa kanilang mga tabernakulong laman ay makarating dito at sumulong sa ilalim ng dakilang disenyo ng Diyos na maging mga perpektong kaluluwa. Sapagkat kung wala ang mga tabernakulong ito ng laman ay hindi sila uunlad sa naging plano ng Diyos na kanilang kahantungan. Kung magkagayon, bawat asawang lalaki at babae ay dapat maging isang ama at ina sa Israel sa mga batang ipinanganak sa ilalim ng banal at walang-hanggang tipan.

“Sa pamamagitan ng pagdadala sa mga piling espiritung ito sa daigdig, bawat ama at bawat ina ay nagkakaroon ng napakabanal na pananagutan sa mga espiritu na nagkaroon ng tabernakulo at sa Panginoon Mismo sa pamamagitan ng pananamantala sa pagkakataong handog Niya. Ito ay sapagkat ang kapalaran ng espiritung iyon sa darating na walang hanggan, ang mga pagpapala o parusang maghihintay dito sa kabilang buhay, ay batay, sa malaking bahagi, sa pag-aaruga, sa mga turo, sa pagsasanay na ibibigay ng mga magulang sa espiritung iyon.

“Walang magulang na makatatakas sa obligasyon at pananagutang iyon, at para sa wastong pagtugon doon, papananagutin tayong mabuti ng Panginoon. Wala nang mas matayog na tungkulin kaysa rito ang maaangkin ng mga mortal.”

Ang Pagiging Ina ay Isang Banal na Tungkulin

Ganito ang sinabi ng Unang Panguluhan tungkol sa mga ina: “Ang pagiging ina kung gayon ay nagiging isang banal na tungkulin, isang sagradong dedikasyon sa pagsasakatuparan ng mga plano ng Panginoon, isang lubusang katapatan sa pagpapalaki at pagtataguyod, sa pangangalaga sa katawan, isipan, at espiritu, sa mga taong napanatili ang kanilang unang kalagayan at nakarating sa daigdig na ito para sa kanilang ikalawang kalagayan ‘upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.’ (Abraham 3:25) Ang akayin sila sa pagpapanatili ng kanilang ikalawang kalagayan ay gawain ng pagiging ina, at ‘sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.’ (op. cit.) [Abraham 3:26]

“Ang banal na paglilingkod na ito ng pagiging ina ay maibibigay lamang ng mga ina. Hindi ito maipapasa sa iba. Hindi ito magagawa ng mga narses; hindi ito magagawa ng mga pampublikong alagaan [nursery]; hindi ito magagawa ng mga bayarang katulong—tanging ina lamang, sa lubos na pag-alalay ng mapagmahal na mga kamay ng ama, mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, ang makapagbibigay ng kinakailangang buong sukatan ng mapagkalingang pag-aaruga.”

Ipinayo ng Unang Panguluhan na “ang inang ipinagkakatiwala ang kanyang anak sa pag-aaruga ng iba, upang makagawa siya ng mga gawaing hindi para sa ina, maging para sa ginto, para sa katanyagan, o para sa paglilingkod sa kapwa, ay dapat tandaan na ‘ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.’ (Mga Kawikaan 29:15) Sa ating panahon sinabi ng Panginoon na maliban kung tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng mga doktrina ng Simbahan ‘ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.’ (D at T 68:25)

“Ang pagiging ina ay malapit sa kabanalan. Ito ang pinakamataas, ang pinakabanal na paglilingkod na maaangkin ng sangkatauhan. Inilalagay siya sa tabi ng mga anghel ng taong nagbibigay-dangal sa kanyang banal na katungkulan at paglilingkod.”37

Ang mensahe at babalang iyon mula sa Unang Panguluhan ay mas kailangan ngayon kaysa noong ibigay ito. At walang anumang tinig mula sa anumang organisasyon ng Simbahan sa anumang antas ng pamamahala ang nakapapantay sa Unang Panguluhan.38

Sinumang kaluluwang likas o sapilitang hindi nadudulutan ng pagpapala ng kasal at pagiging magulang, o hindi sinasadyang kinakailangang magisang magpalaki sa mga bata at magtrabaho upang suportahan sila, ay hindi mapagkakaitan ng anumang pagpapala sa kawalang-hanggan—basta’t sinusunod nila ang mga kautusan.39 Tulad ng ipinangako ni Pangulong Lorenzo Snow, “Ito’y tiyak at positibo.”40

Parabula ng Kayamanan at mga Susi

Magwawakas ako sa isang parabula.

Minsan ay nagmana ang isang lalaki ng dalawang susi. Ang unang susi, sabi sa kanya, ay magbubukas ng isang balantok [vault] na kailangan niyang pangalagaan anuman ang mangyari. Ang ikalawang susi ay para sa isang kaha de yero na nasa loob ng balantok na naglalaman ng kayamanang walang kasinghalaga. Kailangan niyang buksan ang kaha de yerong ito at buong layang gamitin ang mahahalagang bagay na nakatago doon. Binalaan siya na maraming maghahangad na umagaw sa kanyang mana. Pinangakuan siya na kung marapat niyang gagamitin ang kayamanan, papalitan ito at hindi kailanman mababawasan, hindi sa buong walang hanggan. Susubukin siya. Kung gagamitin niya ito sa kapakinabangan ng iba, madaragdagan ang kanyang sariling mga pagpapala at kagalakan.

Mag-isang nagtungo ang lalaki sa balantok. Nabuksan ng unang susi ang pintuan. Sinikap niyang buksan ang kayamanan sa pamamagitan ng isa pang susi, ngunit hindi niya nagawa, sapagkat dalawa ang susian sa kaha de yero. Hindi ito mabuksan ng kanyang susi lamang. Gaano man niya sikapin, hindi niya ito mabuksan. Nagtaka siya. Nabigyan siya ng mga susi. Alam niyang ang kayamanan ay talagang kanya. Sinunod niya ang mga tagubilin, ngunit hindi niya mabuksan ang kaha de yero.

Nang malaon ay may dumating na isang babae sa balantok. May taglay din siyang isang susi. Mapapansing kakaiba ito sa taglay niyang susi. Lumapat ang susi niya sa isa pang susian. Naantig siya na malamang hindi niya makakamtan ang kanyang karampatang mana kung wala ang babae.

Gumawa sila ng tipan na magkasama nilang bubuksan ang kayamanan at, gaya ng tagubilin, babantayan at pangangalagaan ng lalaki ang balantok; babantayan ng babae ang kayamanan. Hindi inalintana ng babae na, bilang bantay ng balantok ay dalawang susi ang taglay ng lalaki, sapagkat ang kanyang buong layunin ay ang tiyakin na ang babae ay ligtas habang binabantayan nito ang pinakamahalagang bagay para sa kanilang dalawa. Magkasama nilang binuksan ang kaha de yero at nakamtan nila ang kanilang mana. Nagalak sila, sapagkat, gaya ng ipinangako, kusa itong napapalitan.

Napakalaki ng kanilang kagalakan na matuklasang maaari nilang ipasa ang kayamanan sa kanilang mga anak; bawat isa ay maaaring makatanggap ng buungbuo at walang bawas hanggang sa huling henerasyon.

Marahil ilan sa kanilang mga inapo ang hindi makatatagpo ng kaparehang nagtataglay ng katugmang susi, o isang taong marapat at handang sundin ang mga tipang nauugnay sa kayamanan. Gayunpaman, kung susundin nila ang mga kautusan, maging ang pinakamaliit na pagpapala ay hindi ipagkakait sa kanila.

Sapagkat ilang tao ang tumukso sa kanilang gamitin sa kasamaan ang kanilang kayamanan, maingat sila sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa mga susi at mga tipan.

Nang malaon, dumating at napabilang sa kanilang mga inapo ang ilang nalinlang o nainggit o makasarili dahil nabigyan ang isa ng dalawang susi at ang isa ay iisa lamang. “Bakit,” pangangatwiran ng mga makasarili, “hindi maaaring maging aking-akin lamang ang kayamanan upang magamit ayon sa aking nais?”

Sinikap ng ilan na baguhin ang hugis ng susing ibinigay sa kanila upang maging kamukha ng isa pang susi. Marahil, inisip nila, na magkakasya rin ito sa dalawang susian. Dahil dito ang kaha de yero ay nanatiling sarado sa kanila. Nawalan ng kabuluhan ang kanilang mga susing binago, at ang kanilang kayamanan ay nawala.

Ang mga nakatanggap ng kayamanan nang may pasasalamat at sumunod sa mga batas hinggil dito ay nakabatid ng kagalakang walang hangganan ngayon at magpakailanman.

Pinatototohanan ko ang plano ng ating Ama para sa kaligayahan, at nagpapatotoo ako sa pangalan Niya na nagsakatuparan ng Pagbabayad-sala, na maaari itong mangyari.

Mula sa talumpati ni Elder Packer sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Oktubre 1993 (tingnan sa Conference Report, Okt. 1993, 27–31; o Ensign, Nob. 1993, 21–24).