Aralin 7
Ang Nakapagpapagaling na Kapangyarihan ng Pagpapatawad
Mga Ideya para sa Pagsasagawa
Ayon sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o pareho sa mga mungkahing ito.
-
Pag-aralan ang mga halimbawa ng pagpapatawad sa mga sumusunod na banal na kasulatan: Lucas 23:33–34; Mga Gawa 7:58–60; 1 Nephi 7:8–21.
-
Gumawa ng matibay na pangako na maging higit na mapagpatawad at higit na karapat-dapat sa kapatawaran ng iba.
Takdang Babasahin
Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalain kasama ang inyong asawa.
“Kayo ay Kinakailangang Magpatawad”
Pangulong Gordon B. Hinckley
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Ang diwa ng pagpapatawad at ugaling mapagmahal at maawain sa mga taong maaaring nagkasala sa atin ang pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kailangan ng bawat isa sa atin ng diwang ito. Kailangan ito ng buong sanlibutan. Itinuro ito ng Panginoon. Ipinakita Niya ang halimbawa nito sa paraang hindi pa naipakita ng iba.
Sa oras ng Kanyang matinding paghihirap sa krus ng Kalbaryo, sa harap ng mga imbi at nakasusuklam Niyang mga tagausig, sa mga nagdala sa Kanya sa kahila-hilakbot na pagkakapako sa krus, sinabi Niya, “Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).
Walang isa man sa atin ang sinabihang magpatawad nang lubusan, ngunit bawat isa sa atin ay nasasailalim sa isang obligasyong kumalinga nang may pagpapatawad at awa. Ipinahayag ng Panginoon sa mga salita ng paghahayag: “Ang aking mga disipulo, noong unang panahon, ay naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso; at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.
“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.
“Ako ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.
“At nararapat ninyong sabihin sa inyong mga payo…ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at gagantimpalaan ka alinsunod sa iyong mga gawa” (D at T 64:8–11).
Sadyang dapat maisagawa ang alituntuning ito ng Diyos at ang katuwang na alituntunin nito, ang pagsisisi. Nakikita natin ang pangangailangan para dito sa mga tahanan, kung saan ang mga mumunting di-pagkakaunawaan ay nagiging gabundok na pagtatalo. Nakikita natin ito sa mga magkakapitbahay, kung saan humahantong sa walang katapusang pagkakagalit ang mga walang kabuluhang pagtatalo. Nakikita natin ito sa mga magkakasama sa trabaho na nag-aaway-away at tumatangging makipagkasundo at magpatawaran gayong, kadalasan, kung mayroon sanang pagkukusang magkasamang upuan at pag-usapan ito nang payapa ay malulutas sana ang problema sa ikabubuti ng lahat. Sa halip, pinalilipas nila ang kanilang mga araw sa pagtatanim ng galit at pagbabalak na makaganti.
Sa unang taon na iyon ng pagkakatatag ng Simbahan, noong paulit-ulit na inaresto at inusig si Propetang Joseph Smith sa mga maling paratang ng mga taong nagtangkang saktan siya, sinabi sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag: “Sinuman ang magsasakdal sa iyo sa batas ay parurusahan sa batas” (D at T 24:17). Nakita ko iyon sa ating panahon sa ilang taong mapaghiganting nagpatuloy sa pagtatanim ng galit. Maski sa ilang nananalo sa kanilang mga laban ay parang walang gaanong kapayapaan ng isip, at bagama’t kumita sila ng salapi, may nawala sa kanilang higit na mahalaga.
Iwasan ang Pagkagalit
Isinalaysay ni Guy de Maupassant, ang manunulat na Pranses, ang kuwento tungkol sa isang magbubukid na nagngangalang Hauchecome na dumating sa nayon sa araw ng pamamalengke. Habang naglalakad sa liwasang pampubliko, napansin niya ang isang pirasong tali na nasa ibabaw ng giharo [cobblestones]. Dinampot niya ito at isinilid sa kanyang bulsa. Nakita ng tagagawa ng tali, na dati niyang nakagalit, ang ginawa niya.
Nang malaon sa araw ding iyon nabalitang may nawawalan ng pitaka. Inaresto si Hauchecome dahil sa bintang ng tagagawa ng tali. Iniharap siya sa alkalde, kung kanino ipinagpilitan niyang wala siyang kasalanan, at ipinakita ang piraso ng taling dinampot niya. Pero hindi siya pinaniwalaan at pinagtawanan pa.
Nang sumunod na araw ay natagpuan ang pitaka, at napawalang-sala si Hauchecome sa anumang kasalanan. Ngunit, dahil sa hinanakit at kahihiyang dinanas niya bunga ng maling paratang, nagalit siya at hindi kinalimutan ang bagay na iyon. Dahil ayaw niyang magpatawad at lumimot, halos wala na siyang ibang maisip at masabi maliban doon. Pinabayaan niya ang kanyang bukid. Saan man siya pumunta, lahat ng makausap niya ay pinagsabihan niya ng sinapit niyang di-makatarungan. Araw at gabi ay nagmukmok siya dahil dito. Sa sobrang hinanakit, nagkasakit siya nang malubha at namatay. Sa kanyang paghihingalo, paulit-ulit niyang inusal ang, “isang pirasong tali, isang pirasong tali” (The Works of Guy de Maupassant [walang petsa], 34–38).
Iiba-ibahin lang ang mga tauhan at mga pangyayari, maaaring ulit-ulitin ang kuwentong iyan sa sarili nating panahon. Napakahirap para sa sinuman sa atin na patawarin ang mga nagkasala sa atin. Mahilig tayong lahat na isip-isipin ang kasamaang ginawa sa atin. Ang pag-iisip na iyon ay nagiging parang ngumangatngat at namiminsalang singaw. May iba pa bang mas kailangang isagawa sa ating panahon kaysa sa pagpapatawad at paglimot? May mga nagtuturing dito bilang tanda ng kahinaan. Gayon nga ba? Naniniwala ako na hindi kailangan ng lakas o katalinuhan para magtanim ng galit sa mga pasakit na dinanas, na magpatuloy sa buhay nang may diwa ng paghihiganti, na sayangin ang kakayahan ng isang tao sa pagpaplanong makapaghiganti. Walang kapayapaan sa pagtatanim ng galit. Walang kaligayahan sa paghihintay ng araw upang “makaganti” kayo.
Nagsalita si Pablo tungkol sa “mahihina at walang bisang mga pasimulang aral” ng ating buhay (tingnan sa Mga Taga Galacia 4:9). Mayroon pa bang mas mahina at walang bisa kaysa sa pagpapasiyang sayangin ng isang tao ang kanyang buhay sa walang katapusang pag-iisip ng mapapait na kaisipan at pagtatangkang makaganti sa mga taong maaaring humamak sa atin?
Namuno si Joseph F. Smith sa Simbahan noong panahon ng matinding pagkapoot sa ating mga tao. Naging tampok siya ng imbing pagbibintang, ng tunay na umaatikabong pamumuna ng mga editoryal maging sa sarili niyang komunidad. Kinutya siya, ginawang katawa-tawa at ininsulto. Pakinggan ninyo ang tugon niya sa mga gumagawang biro sa panghahamak sa kanya: “Hayaan ninyo sila. Hayaan ninyong magpatuloy sila. Ibigay ninyo ang kalayaan nilang magsalita nang gusto nila. Hayaan ninyong isulat nila ang sarili nilang kuwento, at isulat ang sarili nilang kapahamakan” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 339). At pagkatapos, taglay ang mapagkalingang diwa ng pagpapatawad at paglimot, ipinagpatuloy niya ang dakila at magandang gawain na pamumuno sa Simbahan patungo sa bagong pag-unlad at kahanga-hangang pagsasakatuparan. Sa kanyang kamatayan, marami sa mga taong kumutya sa kanya ang sumulat ng mga papuri at parangal hinggil sa kanya.
Naaalala ko ang matagal kong pakikinig sa isang mag-asawang nakaupo sa harapan ng aking mesa. May hinanakit ang namamagitan sa kanila. Alam kong minsan ay naging marubdob at tunay ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Ngunit ang bawat isa ay nagkaroon ng ugaling punahin ang pagkakamali ng isa. Tumatangging magpatawad sa uri ng mga pagkakamaling nagagawa nating lahat, at tumatangging kalimutan ang mga ito at tanggapin ang mga ito nang may pagtitimpi, pinulaan nila ang isa’t isa hanggang sa magmaliw ang pag-ibig na dati nilang nadama. Nauwi ito sa abo sa batas ng tinatawag na paghihiwalay na “walang aamin ng kasalanan.” Ngayon ay tanging kalungkutan at pagpaparatang lamang ang namamayani. Naniniwala ako na kung nagkaroon man lamang sana ng kahit bahagyang pagsisisi at pagpapatawad, magkasama pa sana sila ngayon, at tinatamasa ang pagsasamang nagpala nang lubos sa unang mga taon ng kanilang pagsasama.
Kapayapaan sa Pamamagitan ng Pagpapatawad
Kung mayroong sinumang nagkikimkim sa kanilang mga puso ng makamandag na lason ng pagkapoot sa isa’t isa, nagsusumamo ako sa inyo na humingi ng lakas sa Panginoon para magpatawad. Ang pagpapahayag na ito ng inyong hangarin ang magiging pinakasangkap ng inyong pagsisisi. Maaaring hindi ito maging madali, at maaaring hindi dumating kaagad. Ngunit kung taimtim ninyong hahangarin at pagyayamanin ito, tiyak na darating ito. … At bagama’t siya na pinatawad ninyo ay patuloy na pinagbabantaan kayo, malalaman ninyong ginawa na ninyo ang lahat upang magkasundo kayo. May kapayapaang darating sa puso ninyo na hindi matatamo sa ibang paraan. Ang kapayapaang iyan ay ang kapayapaan Niya na nagsabing:
“Sapagka’t kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan:
“Datapuwa’t kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan” (Mateo 6:14–15).
Alibughang Anak
Wala na akong nalalamang kuwento sa buong panitikan na gaganda pa sa matatagpuan sa ikalabinlimang kabanata ng Lucas. Ito ang kuwento ng isang nagsisising anak at mapagpatawad na ama. Ito ay kuwento ng anak na inaksaya ang kanyang mana sa palunging pamumuhay, na hindi pinakinggan ang payo ng ama, at namumuhing itinatatwa ang mga nagmamahal sa kanya. Nang magasta na niya ang lahat, na gutom siya at nawalan ng kaibigan, “at nang matauhan siya” (Lucas 15:17), bumalik siya sa kanyang ama, na samantalang nasa malayo pa siya, “ay tumakbo at niyakap siya sa leeg, at siya’y hinagkan” (Lucas 15:20).
Hinihiling kong basahin ninyo ang kuwentong iyon. Kailangang ulit-ulitin ng bawat magulang ang pagbasa noon. Sapat ang lawak nito para sakupin ang bawat sambahayan, at higit na malawak kaysa riyan upang sakupin ang buong sangkatauhan, sapagkat hindi nga ba’t lahat tayo ay mga alibughang anak na lalaki at babae na kailangang magsisi at makibahagi sa mapagpatawad na awa ng ating Ama sa Langit at sumunod sa Kanyang halimbawa?
Ang Kanyang Minamahal na Anak, ang ating Manunubos, ay tinutulungan tayo nang may pagpapatawad at awa, ngunit kapalit nito ay inuutusan Niya tayong magsisisi. … Magiging pagpahayag ng kinakailangang pagsisising iyon ang tunay at dakilang diwa ng pagpapatawad. Sinabi ng Panginoon—at babanggit ako mula sa paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph:
“Kaya nga iniuutos ko sa iyong magsisi—magsisi, upang hindi kita masaktan ng pamalo ng aking bibig, at ng aking poot, at ng aking galit, at ang iyong mga pagdurusa ay maging masakit—at kung gaano kasakit ay hindi mo nalalaman, kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.
“Sapagka’t masdan, ako ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu. …
“Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:15–18, 23).
Iyan ang kautusan, at iyan ang pangako Niya, na, sa Kanyang dakila at huwarang panalangin, ay nagsumamo, “Ama, …ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin” (Mateo 6:9, 12).
“Gamutin ang…mga Sugat”
Hindi ba’t napakaganda ng mga salita ni Abraham Lincoln na binanggit niya bunga ng trahedya ng kahila-hilakbot na digmaang sibil: “Nang walang masamang hangarin kaninuman, nang may pagibig para sa lahat, …tayo nang…gamutin ang mga…sugat? (Sa Familiar Quotations ni John Bartlett, [1968], 640).
Mga kapatid, tapalan natin ang mga sugat—o, ang maraming sugat na bunga ng masasakit na salita, ng mga kinimkim na hinanakit, ng mga balak na “makaganti” sa mga taong maaaring nagkasala sa atin. Lahat tayo ay may kaunti ng diwa ng paghihiganting ito sa ating puso. Sa kabutihang-palad, may kapangyarihan tayong lahat na pangibabawan ang mga ito, kung “dadamitan [tayo] ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao, gaya ng isang balabal, na siyang bigkis ng pagiging ganap at ng kapayapaan” (D at T 88:125).
“Ang magkasala’y likas sa tao, ang magpatawad ay banal” (An Essay on Criticism, ni Alexander Pope, 2:1711). Walang kapayapaan sa pag-iisip ng sakit ng mga dating sugat. Sa pagsisisi at pagpapatawad lamang magkakaroon ng kapayapaan. Ito ang matamis na kapayapaan ng Cristo, na nagsabing, “Mapapalad ang mga mapagpayapa; sapagka’t sila ay tatawaging mga anak ng Dios” (Mateo 5:9).
Mula sa Ensign noong Hunyo 1991, mga pahina 2–5.