Pambungad
Layunin ng Kursong Ito
Ang kursong Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak ay nilayon upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na patatagin ang pagsasama ng mga mag-asawa at mag-anak at makatagpo ng kagalakan sa kanilang mga ugnayang pangmag-anak. Ito ay nahahati sa dalawa. Ang Bahagi A, “Pagpapatatag ng Pagsasama ng Magasawa,” ay higit na nakatutulong sa mga mag-asawa at sa mga miyembrong naghahandang magpakasal. Ang Bahagi B, “Mga Pananagutan ng mga Magulang sa Pagpapatatag ng mga Mag-anak,” ay tumutulong sa mga magulang at mga lolo at lola sa kanilang mga pagsisikap na “turuan ang [mga anak] ayon sa saway at aral ng Panginoon” (Mga Taga Efeso 6:4).
Ang kurso ay batay sa mga doktrina at alituntuning itinuro sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta at apostol sa mga huling araw. Nagbibigay-diin ito sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na kabilang sa pahina iv ng gabay sa pag-aaral na ito.
Para sa buod ng kurso, tingnan ang mga pahina vii–viii. Sumangguni sa buod na ito nang madalas upang repasuhin ang mga doktrina at alituntuning natutuhan ninyo at upang ihanda ang inyong sarili para sa darating na mga aralin.
Pagdalo sa Kurso Ayon sa Inyong Sariling mga Pangangailangan
Mapipili ninyong dumalo ayon sa inyong mga kani-kanyang pangangailangan. Halimbawa, kung kayo ay may asawa ngunit walang mga anak, maaari ninyong piliing daluhan ang unang walong aralin ngunit hindi ang huling walo. Kung kayo ay nagiisang magulang, maaari kayong magpasiyang daluhan lamang ang mga aralin sa bahagi B.
Pakikilahok sa Kurso
Sa pamamagitan ng pakikilahok sa kursong ito, naipamalas ninyo ang pagnanais na patatagin ang inyong mag-anak. Upang makamit ang buong kapakinabangan ng kurso, kailangan ninyong magambag sa mga talakayan sa klase, gamitin ang gabay sa pag-aaral na ito, at magpunyaging ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning natututuhan ninyo.
Pag-aambag sa mga Talakayan sa Klase
Habang kayo at ang iba pang mga kalahok ay nagaambag sa mga talakayan sa klase, maaanyayahan ninyo ang impluwensiya ng Espiritu Santo at matuturuan at mapapalago ang bawat isa. Sinabi ng Panginoon, “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo” (D at T 88:122).
Lahat ng lumalahok sa kurso ay matututo mula sa isa’t isa, anuman ang kanilang karanasan sa pagaasawa o sa pagpapalaki ng mga anak. Ang inyong karanasan sa silid-aralan ay magiging napakamakabuluhan habang nagbabahagi kayo ng mga karanasan na nauugnay sa mga aralin at buong galang na nakikinig kapag gayon din ang ginagawa ng iba. Habang nagpapatotoo kayo sa mga katotohanang tinatalakay, mapalalakas ninyo ang inyong patotoo at ang mga patotoo ng iba. Gayunpaman, dapat kayong maging maingat na huwag magtalakay ng mga matalik o sagradong karanasan na hindi angkop na talakayin sa silidaralan. Dapat din ninyong malaman ang mga limitasyon sa oras ng klase at isaalang-alang ang guro at iba pang mga kalahok.
Paggamit sa Gabay sa Pag-aaral na Ito
Sa linggong kasunod ng bawat aralin, gamitin ang gabay sa pag-aaral na ito upang repasuhin ang napag-aralan ninyo. Ang gabay sa pag-aaral ay naglalaman ng “Mga Ideya para sa Pagsasagawa,” na mga mungkahi upang tulungan kayong mamuhay ayon sa mga doktrina at alituntuning natutuhan ninyo sa bawat aralin. Dagdag pa rito, isa o dalawang lathalain ng mga Pangkalahatang Awtoridad ng Simbahan ang kasama sa bawat aralin. Kung kayo ay may asawa, malaki ang magiging pakinabang ninyo mula sa pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain kasama ang inyong asawa.
Ang ilan sa mga lathalain ay ibinigay bilang mga talumpati sa pangkalahatang komperensiya at iba pang tagpo, at ang iba ay isinulat para sa mga magasin ng Simbahan. Dahil kinuha sila sa iba’t ibang paglalathala, maaaring may maliliit na pagbabagong kinailangang gawin upang maitugma ang pormat sa gabay sa pag-aaral na ito. Halimbawa, ilang mga pambungad na puna ang inalis sa mga talumpati mula sa pangkalahatang komperensiya, at ilang mga pang-ulo at sipi ang maaaring binago. Ang mga itinuturo ay hindi binago.
Pamumuhay ng mga Doktrina at Alituntuning Natutuhan Ninyo
Hindi sapat na matutuhan lamang ang ebanghelyo. Upang maging mabisa ang ebanghelyo sa inyong buhay, kailangan ninyong ipamuhay ang inyong natutuhan. Ipinayo ni Pangulong Harold B. Lee, ika- 11 Pangulo ng Simbahan:
“Lahat ng alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay pawang mga paanyaya lamang na pag-aralan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pamumuhay ng mga turo nito. Walang taong nakaaalam ng alituntunin ng ikapu hanggang sa magbayad siya ng ikapu. Walang taong nakaaalam ng alituntunin ng Salita ng Karunungan hanggang sa masunod niya ang Salita ng Karunungan. Ang mga bata, o mga matatanda man, ay hindi napapaniwala sa ikapu, sa Salita ng Karunungan, sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, o sa panalangin sa pakikinig lamang sa isang taong nagsasalita tungkol sa mga alituntuning ito. Natututuhan natin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pamumuhay nito… .
“…Hindi natin kailanman tunay na malalaman ang anuman sa mga turo ng ebanghelyo hanggang sa maranasan natin ang mga pagpapalang nagmumula sa pamumuhay ng bawat alituntunin” (Stand Ye in Holy Places [1974], 215).
Mga Karagdagang Mapagkukunan
Ang mga sumusunod na mapagkukunan na inilathala ng Simbahan ay naglalaan ng karagdagang impormasyon sa mga paksang tinalakay sa kursong ito. Makukuha ang mga mapagkukunang ito sa mga sentro ng pamamahagi ng Simbahan. Maaaring ninyong naising makakuha ng mga latlahang ito at gamitin sila sa inyong tahanan.
-
Gabay na Aklat ng Mag-anak (31180 893). Ang gabay na aklat na ito ay naglalarawan ng organisasyon ng mag-anak, naglalaan ng impormasyon tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan, at nagbabalangkas ng mga pamamaraan para sa mga ordenansa at pagpapala ng pagkasaserdote.
-
Mga lathalain tungkol sa pag-aasawa at mag-anak sa mga magasin ng Simbahan.
-
Family Home Evening Resource Book (31106). Tumutulong ang aklat na ito sa mga magulang at anak sa paghahanda ng mga aralin para sa gabing pantahanan ng mag-anak (mga pahina 3–160, 173–332). Naglalaman ito ng mga ideya upang gawing matagumpay ang gabing pantahanan ng mag-anak (mga pahina 163–70) at nagsasaad ng mga mungkahi para sa pagtuturo ng mga natatanging alituntunin at pananagutan sa mga anak (mga pahina 235–62). Naglalaman din ito ng mga ideya para sa mga gawaing pangmag-anak (mga pahina 265–340).
-
Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (36123 893). Naglalaman ito ng mga alituntunin at praktikal na mungkahi upang tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na magpakahusay bilang mga guro ng ebanghelyo. Ang bahagi D, “Pagtuturo sa Tahanan” (mga pahina 167–89), ay tiyak na makatutulong sa mga magulang.
-
Gabay na Aklat sa Pagtuturo (34295 893). Ang gabay na aklat na ito ay naglalaan ng mga mungkahi para sa pagpapahusay ng pagtuturo at pagkatuto ng ebanghelyo.
-
Para sa Lakas ng Kabataan (34285 893). Ibinabalangkas ng polyetong ito ang mga pamantayan ng Simbahan sa pakikipagtipanan, pananamit at kaanyuan, pakikipagkaibigan, katapatan, pananalita, media, kalusugang pangkaisipan at pangkatawan, musika at pagsasayaw, kadalisayan ng puri, pag-uugali tuwing Linggo, pagsisisi, pagkamarapat, at paglilingkod.
-
Gabay na Aklat sa Pagtuturo (34295 893). Ang gabay na aklat na ito ay naglalaan ng mga mungkahi para sa pagpapahusay ng pagtuturo at pagkatuto ng ebanghelyo.
-
Para sa Lakas ng Kabataan (34285 893). Ibinabalangkas ng polyetong ito ang mga pamantayan ng Simbahan sa pakikipagtipanan, pananamit at kaanyuan, pakikipagkaibigan, katapatan, pananalita, media, kalusugang pangkaisipan at pangkatawan, musika at pagsasayaw, kadalisayan ng puri, pag-uugali tuwing Linggo, pagsisisi, pagkamarapat, at paglilingkod.
-
Gabay ng Magulang (31125 893). Ang hanbuk na ito ay naglalaman ng mga mungkahi upang tulungan ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak tungkol sa pisikal na pagniniig.
-
Cornerstones of a Happy Home (33108). Ang polyetong ito ay naglalaman ng pananalitang ipinihayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley noong naglilingkod siya bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.
-
One for the Money: Guide to Family Finances (33293). Ang polyetong ito ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay naglalaan ng mga praktikal na mungkahi sa pangangasiwa sa pananalapi ng mag-anak.