Aralin 9
“Ang mga Anak ay Mana mula sa Panginoon”
Mga Ideya para sa Pagsasagawa
Batay sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o kapwa mga mungkahing ito.
-
Gumawa ng pangakong gumugol ng oras para sa bawat isa sa inyong mga anak o kasama ang isang anak sa inyong kamag-anakan. Habang nakikipag-usap kayo sa bawat bata, hangaring matuto ng anumang bago tungkol sa kanyang mga kinawiwilihan, pangangailangan, at hamon.
-
Mag-ukol ng oras upang makipag-usap sa inyong asawa tungkol sa inyong mga anak. Bigyangpansin ang mga kalakasan at hamon ng bawat bata. Alamin kung ano ang inyong magagawa upang matugunan ang mga pangangailangan ng bawat bata.
Takdang Babasahin
Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalain kasama ang inyong asawa.
Mahahalagang Bata, Isang Kaloob Mula Sa Diyos
Pangulong Thomas S. Monson
Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
Mula sa aklat ni Mateo nalaman natin na matapos bumaba si Jesus at ang Kanyang mga disipulo mula sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (Transfiguration), huminto sila sa Galilea, at pagkatapos ay nagtungo sa Capernaum. Sinabi ng mga disipulo kay Jesus, “Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”
(Mateo 18:1–6) “At pinalapit niya sa kaniya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila,
“At sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.
“Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
“At sinomang tumanggap sa isa sa ganitong maliit na bata sa aking pangalan ay ako ang tinanggap.
“Datapuwa’t sinomang magbigay ng ikatitisod sa isa sa maliliit na ito na nagsisisampalataya sa akin, ay may pakikinabangan pa siya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya’y ilubog sa kalaliman ng dagat.”1
Sa palagay ko ay mahalagang minahal ni Jesus ang mga musmos na ito na kamakailan lamang ay nilisan ang buhay bago ang buhay na ito (preexistence) upang ipanganak sa daigdig. Pinagpapala ng mga bata noon at ng mga bata ngayon ang ating mga buhay, pinagaalab ang ating pag-ibig, at hinihikayat ang ating mabubuting gawa.
Kataka-taka bang magsalita ang makatang si Wordsworth ng ganito tungkol sa ating pagsilang: “Tayo’y tumahak sa landas ng kaulapan / Mula sa Diyos, na ating tahanan.” 2
Karamihan sa mga musmos na ito ay napupunta sa mga magulang na sabik na naghihintay sa kanilang pagdating, mga ina at amang nagagalak na maging bahagi ng himalang iyon na tinatawag nating pagsilang. Walang sakripisyong napakalaki, walang pasakit na napakatindi, walang paghihintay na napakatagal.
Hindi kataka-takang magulat tayo kapag isang balitang nagmumula sa isang lungsod sa Amerika ang magpapabatid na “isang bagong silang na sanggol na babae na ibinalot na supot na papel at itinapon sa isang basurahan ang mahigpit na binabantayan sa isang ospital. Mabuti ang lagay ng bata. ‘Siya ay talagang maganda at malusog na sanggol,’ sabi ng tagapagsalita ng ospital noong Miyerkoles. Sinabi ng pulisya na ang sanggol ay natagpuan matapos ilipat ng mga basurero ang laman ng basurahan sa likod ng kanilang trak ng basura at makitang may gumalaw sa mga sukal. Hinahanap ng mga maykapangyarihan ang ina.”
Banal na tungkulin natin, mahalagang pribilehiyo natin—at sagradong oportunidad natin—na salubungin sa ating mga tahanan at sa ating mga puso ang mga batang nagpapala sa ating buhay.
May tatlong silid-aralan ng pagkatuto ang ating mga anak na medyo magkakaiba. Tinutukoy ko ang silid-aralan sa paaralan, ang silid-aralan sa simbahan, at ang silid-aralan na tinatawag na tahanan.
Ang Silid-aralan sa Paaralan
Lagi nang may mahalagang pagmamalasakit ang simbahan sa edukasyong pampubliko at hinihikayat ang mga miyembro ninyo na lumahok sa mga aktibidad ng magulang-guro at iba pang kaganapang nilayon upang paghusayin ang edukasyon ng ating mga kabataan.
Wala nang ibang mas mahalagang bahagi ng edukasyong pampubliko maliban sa gurong may oportunidad na magmahal, magturo, at magbigayinspirasyon sa masisiglang batang lalaki at babae at mga kabataang lalaki at babae. Sinabi ni Pangulong David O. McKay: “Ang pagtuturo ang pinakamarangal na propesyon sa mundo. Sa angkop na edukasyon ng mga kabataan nakasalalay ang pananatili at kadalisayan ng tahanan, ang kaligtasan at pamamalagi ng bansa. Binibigyan ng magulang ang anak ng pagkakataong mabuhay; itinutulot ng guro na makapamuhay ang bata nang mahusay.”3 Nagtitiwala akong makikilala natin ang kanilang kahalagahan at mahalagang misyon sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pasilidad, mga pinakamainam na aklat, at mga suweldong nagpapamalas sa ating pasasalamat at pagtitiwala.
Naaalala ng bawat isa sa atin nang may pagmamahal ang mga guro ng ating kabataan. Nakatutuwang isipin na ang guro ko sa musika sa elementarya ay isang nagngangalang Bb. Sharp. May kakayahan siyang ikintal sa isipan ng kanyang mga estudyante ang pagmamahal sa musika at itinuro sa aming kilalanin ang mga instrumentong musikal at ang mga tunog nito. Tandang-tanda ko pa ang impluwensiya ng isang Bb Ruth Crow na nagturo ng araling pangkalusugan. Bagama’t Taghirap (Depression) ang mga panahong ito, tiniyak niya na bawat estudyante sa ika-anim na grado ay may tsart sa kalusugan ng ngipin. Siya mismo ang sumuri sa bawat estudyante para sa kalusugan ng ngipin at tiniyak na sa pamamagitan ng tulong mula sa publiko o sa pribado, walang batang aalis nang walang angkop na pangangalaga sa ngipin. Nang alisin ni Bb. Burkhaus, na nagtur o ng heograpiya, sa pagkakabilot ang mga mapa ng daigdig at, gamit ang kanyang panuro, ay minarkahan ang mga punong-lungsod ng mga bansa at ang mga kakaibang tampok ng bawat bansa, wika, at kultura, hindi ko inasam o pinangarap na balangaraw ay dadalawin ko ang mga lupain at mga taong ito.
A, ang kahalagahan sa buhay ng ating mga anak ng mga gurong nagpapasigla sa kanilang mga kaluluwa, nagpapatalas sa kanilang mga isipan, at naghihikayat sa kanilang sariling buhay!
Ang Silid-aralan sa Simbahan
Ang silid-aralan sa Simbahan ay nagdaragdag ng mahalagang paglawak sa edukasyon ng bawat bata at kabataan. Sa lugar na ito ang bawat guro ay makapaglalaan ng isang pag-unlad sa mga makikinig sa kanyang mga aralin at makadarama ng impluwensiya ng kanyang patotoo. Sa Primarya, Panlinggong Paaralan, mga pagpupulong ng Mga Kabataang Babae, at ng mga nasa Pagkasaserdoteng Aaron, maaantig ng mga gurong sapat ang paghahanda, na tinawag sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon, ang bawat bata, bawat kabataan, at mahihikayat ang lahat na “maghanap… sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”4 Ang isang panghihikayat dito at isang espirituwal na kaisipan doon ay makaaapekto sa isang mahalagang buhay at mag-iiwan ng di mabuburang tatak sa isang walang-kamatayang kaluluwa.
Maraming taon na ang nakalipas, sa isang salusalo para sa paggagawad ng gantimpala sa magasin ng Simbahan, naupo kami sa tabi nina Pangulo at Sister Harold B. Lee. Sinabi ni Pangulong Lee sa aming nagdadalagang anak na si Ann: “Biniyayaan ka ng Panginoon ng isang magandang mukha at katawan. Panatilihin mong kasingganda ng labas ang iyong kalooban, at pagpapalain ka ng tunay na kaligayahan.” Nag-iwan ang mahusay na gurong ito kay Ann ng isang inspiradong gabay patungon sa kahariang selestiyal ng ating Ama sa Langit.
Ang mapagpakumbaba at inspiradong guro sa silid-aralan ng Simbahan ay makapagkikintal sa kanyang mga estudyante ng pagmamahal para sa mga banal na kasulatan. Tunay na madadala ng guro ang sinaunang Apostol at ang Tagapagligtas ng mundo hindi lamang sa silid-aralan kundi gayundin sa kaibuturan ng ating mga puso, isipan, at kaluluwa ng ating mga anak.
Ang Silid-aralang Tinatawag na Tahanan
Marahil ang silid-aralan ng tahanan ang pinakamahalaga sa lahat ng silid-aralan. Sa tahanan natin hinuhubog ang ating mga pag-uugali, ang ating malalalim na paniniwala. Sa tahanan itinataguyod o winawasak ang pag-asa. Ang ating mga tahanan ang laboratoryo ng ating buhay. Anuman ang ginagawa natin doon ay siyang nagtatakda ng landas ng ating buhay paglisan natin sa tahanan. Isinulat ni Dr. Stuart E. Rosenberg sa kanyang aklat na The Road to Confidence, “ Sa kabila ng mga bagong tuklas at modernong disenyo, mga uso at anting-anting, wala pang nakatutuklas, o makatutuklas kailanman, ng isang nakasisiyang pamalit sa sariling pamilya ng isang tao.”5
Ang masayang tahanan ay isa lamang napaagang langit. Itinanong ni Pangulong George Albert Smith: “Nais [ba] nating maging masaya ang ating mga tahanan. Kung gayo’y panatilihin itong lugar ng panalangin, pasasalamat at pagkilala ng utang na loob.”6
May mga kalagayan kung saan ang mga bata ay dumarating sa buhay na ito na may kapansanan sa katawan o isip. Tangkain man natin, hindi natin malalaman kung bakit o paano nangyayari ang gayong mga kaganapan. Nagpupugay ako sa mga magulang na niyayakap sa kanilang mga bisig at tinatanggap sa kanilang buhay ang gayong mga bata nang walang reklamo at naglalaan ng dagdag na sakripisyo at pagmamahal sa isa sa mga anak ng Ama sa Langit.
Isang tag-init sa Aspen Grove Family Camp, napansin ko ang isang ina na buong pagtitiis na pinakakain ang isang nagdadalagang anak na may kapansanan sa pagsilang pa lamang at lubos na umaasa kay Inay. Isinubo ni Inay ang bawat kutsara ng pagkain, bawat lunok ng tubig, habang pinipigilan ang ulo at leeg ng kanyang anak. Tahimik kong inisip sa aking sarili, Sa loob ng 17 taon, inilaan ni Inay ang paglilingkod na ito at lahat na sa kanyang anak, na hindi kailanman inisip ang sarili niyang kaginhawahan, sariling kasiyahan, at sariling pagkain. Pagpalain nawa ng Diyos ang lahat ng gayong ina, gayong ama, at gayong anak. At gagawin Niya ito.
Ang Kawalang-malay ng mga Bata
Ang mga magulang saanmang dako ay natatanto na ang pinakamakapangyarihang kombinasyon ng mga damdamin sa mundo ay hindi nanggagaling sa anumang malaking kaganapan sa kalawakan, ni matatagpuan ito sa mga nobela o aklat ng kasaysayan, kundi sa isang magulang lamang na nakamasid sa isang natutulog na anak.
Sa gayon, pumapasok sa isipan ang katotohanan ng mga salita ni Charles M. Dickinson:
Sa mga puso at sambahayan sila’y mga idolo!
Mga anghel ng Diyos na nakabalatkayo;
Sikat ng araw nakahimlay sa kanilang tirintas,
Kaluwalhatian Niya sa kanilang mata’y nagniningas;
Sa tahanan at sa Langit ang mga lakwatsero
Ginawa akong higit na mahinahon at maamo;
Alam ko na ngayon bakit itinulad ni Jesus
Kaharian ng Diyos sa isang musmos.7
Sa ating mga pang-araw-araw na karanasan sa mga bata, natutuklasan nating napakatalas ng kanilang pakiramdam at madalas nagsasabi ng malalalim na katotohanan. Inilarawan ni Charles Dickens, ang awtor ng klasikong A Christmas Carol, ang katotohanang ito nang ipaliwanag niya ang mapagpakumbabang mag-anak ni Bob Cratchit na nagtitipun-tipon para sa isang hamak ngunit pinakahihintay na Pamaskong dulang. Pauwi na ang amang si Bob karga sa kanyang balikat ang kanyang mahinang anak na lalaking si Tiny Tim. “May maliit na saklay, at may suportang bakal” si Tiny Tim. Nagtanong ang asawa ni Bob sa kanya, “At kumusta naman ang pag-uugali ni Tim?
“ ‘Kasimbuti ng ginto,’ sabi ni Bob, ‘at higit pa. Kahit paano’y nagiging palaisip siya, at laging nakaupong mag-isa, at nag-iisip ng pinakakakaibang bagay na narinig na ninyo. Sinabi niya sa akin, sa pag-uwi, na umaasa siyang makakakita siya ng mga tao sa simbahan, dahil siya ay lumpo, at maaaring maging kasiya-siya sa kanila na alalahanin sa pagsapit ng Araw ng Pasko kung sino ang nagpalakad sa mga pulubing lumpo, at nagbigay-liwanag sa mga mata ng mga bulag.’ ”8
Sinabi ni Charles Dickens mismo na, “Mahal ko ang maliliit na batang ito, at hindi isang maliit na bagay, kapag sila na kagagaling lang sa Diyos ay mahal tayo.”
Ipinahahayag ng mga bata ang kanilang pagmamahal sa mga orihinal at makabagong paraan. Noong kaarawan ko noong nakaraang panahon, isang natatanging batang babae ang nagpakita sa akin ng kanyang sulat-kamay na card para sa kaarawan ko at inilakip sa sobre ang isang maliit na laruang kandado na gustung-gusto niya at inakalang masisiyahan akong matanggap ang regalong iyon.
“Sa lahat ng natatanging tanawin sa mundo, walang kasingganda ng isang bata kapag nagbibigay ito ng anuman. Anumang maliit na bagay na ibinibigay nito. Ibinibigay ng isang bata ang buong mundo sa inyo. Binubuksan niya ang mundo sa inyo na parang aklat na hindi pa ninyo nababasa kahit kailan. Ngunit kapag kailangang matagpuan ang isang regalo, lagi itong kakatwang munting bagay, nakadikit nang pabaku-bako, …isang anghel na mukhang payaso. Kakaunti lamang ang maaaring ibigay ng isang bata, dahil kailanma’y hindi nito alam na naibigay na niya sa inyo ang lahat-lahat.”9
Ganoon ang regalo sa akin ni Jenny.
Tila napagkalooban ang mga bata ng tumatagal na pananampalataya sa kanilang Ama sa Langit at sa Kanyang kakayahan at hangaring sagutin ang kanilang matatamis na panalangin. Pansariling karanasan ko na kapag nanalangin ang isang bata ay nakikinig ang Diyos.
Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang karanasan nina Barry Bonnell at Dale Murphy, mga dati’y bantog na propesyonal na manlalaro ng beysbol sa grupo ng Atlanta Braves. Bawat isa ay miyembro ng Simbahan, at si Dale Murphy ay nabinyagan ni Barry Bonnell.
“Isang karanasan ang naganap noong panahon [ng beysbol] ng 1978 na inilarawan ni Barry na “nakapagpapabagong-buhay.” Matindi ang kanyang pakikipagtunggali, na pumapalo ng mga .200. Dahil sa kanyang di-magandang pagganap, hinamak niya ang kanyang sarili at nalungkot nang husto. Hindi niya talaga gustong sumama nang pinasasama siya ni Dale Murphy sa ospital, pero sumama rin siya. Doon ay nakakilala niya si Ricky Little, isang matatag na tagatangkilik ng [Atlanta] Braves, ngunit isang kabataang may sakit na leukemia. Madaling mahalata na mamamatay na si Ricky. Nakadama si Barry ng matinding pagnanasang makapagsabi ng anumang makapagpapaginhawa pero parang walang sasapat. Sa wakas, itinanong niya kung mayroon silang magagawa. Nag-alangan ang kabataan, at nang malaunan ay itinanong kung maaaring pumalo ang bawat isa sa kanila ng isang home run para sa kanya sa susunod na laro. Sinabi ni Barry [nang malaunan], ‘Hindi mahirap para kay Dale ang kahilingang iyan, na sa katunayan ay nakapalo ng dalawang home run noong gabing iyon, ngunit nahirapan ako sa platong metal at hindi nakapalo ng kahit isang home run buong taon. Pagkatapos ay uminit ang pakiramdam ko at sinabi ko kay Ricky na asahan iyon.’ ” Nang gabing iyon, pumalo si Barry ng kaisa-isa niyang home run ng panahong iyon.10 Sinagot ang dalangin ng isang bata, natupad ang pangarap ng isang bata.
Pangangailangan para sa Kaligtasan
Kung mayroon lang sana ang lahat ng bata ng mapagmahal na mga magulang, ligtas na mga tahanan, at mapagmalasakit na mga kaibigan, gaganda nang husto ang kanilang mundo. Sa kasamaang-palad, hindi lahat ng bata ay pinagpala nang gayon kasagana. Nasasaksihan ng ilang bata ang kanilang mga ama na buong lupit na binubugbog ang kanilang mga ina, habang ang iba naman ay tumatanggap ng gayon ding pang-aabuso. Anong laking karuwagan, anong laking kabuktutan, anong laking kahihiyan!
Tinatanggap ng mga lokal na ospital ang mga batang musmos na ito, pasa-pasa at bugbog, na kaakibat ng harap-harapang mga pagsisinungaling na ang bata ay “humampas sa pintuan” o “nahulog sa hagdan.” Ang mga sinungaling, mga buktot na nangaabuso ng mga bata, balang araw ay aanihin nila ang haplit ng kanilang mga kahayupan. Kailangang matulungan ang tahimik, napinsala, pinagkasalahang batang biktima ng pang-aabuso, at kung minsan ay panggagahasa ng sariling kamag-anak.
Isang hukom ng distrito, sa isang liham sa akin, ang nagpahayag: “Ang pang-aabusong seksuwal sa mga bata ay isa sa pinakabuktot, nakapipinsala, at nakasisirang krimen sa sibilisadong lipunan. May nakakatakot na pagdami ng nakaulat na pisikal, sikolohiyal, at seksuwal na pang-aabuso ng mga bata. Nagiging tambakan ng nakasusuklam na pag-uugaling ito ang ating mga hukuman.”
Hindi kinukunsinti ng Simbahan ang gayong karima-rimarim at kasuklam-suklam na gawain. Sa halip, isinusumpa namin nang labis ang gayong pakikitungo sa pinakamamahal na mga anak ng Diyos. Iligtas ang mga bata, pangalagaan, mahalin, at pagalingin. Hayaang iharap sa katarungan ang nagkasala, sa pananagutan, para sa kanyang mga ginawa at tanggapin ang propesyonal na paglingap upang matigil ang gayon kasamaan at kademonyohan. Kapag may napag-alaman tayong gayong gawain at hindi tayo kumilos agad upang pigilin ito, nasasangkot tayo sa problema. Nagiging bahagi tayo ng pagkakasala. Nakikibahagi tayo sa parusa.
Nagtitiwala ako na hindi ako naging marahas sa pagsasalita, ngunit mahal ko ang mga batang musmos na ito at batid ko na mahal din sila ng Panginoon. Wala nang mas nakaaantig na kasaysayan ng pagmamahal na matatagpuan kaysa sa karanasan ni Jesus na binabasbasan ang mga bata na nakalarawan sa 3 Nephi. Isinasalaysay nito ang tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit, pagtuturo sa mga tao, at pagdalangin sa Ama sa Langit para sa kanila. Pero hayaan ninyong banggitin ko ang mahahalagang kataga:
“At kinuha [ni Jesus] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.
“At nang magawa na niya ito, siya ay muling tumangis;
“At nangusap siya sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Masdan ang inyong mga musmos.
“At nang sila ay tumingin upang pagmasdan ay itinuon nila ang kanilang mga paningin sa langit, at kanilang nakitang bumukas ang kalangitan, at nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit na parang ito ay nasa gitna ng apoy; …at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila.”11
Maitatanong ninyo, Nangyayari ba ang mga gayong bagay maging sa ngayon? Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang isang magandang kasaysayan ng isang lola at lolo na nagmisyon sa maraming taon na ang nakararaan at ang paraan ng naging pagpapala ng kanilang musmos na apo. Isinulat ng misyonerong lolo:
“Kami ng aking kabiyak na si Deanna ay naglilingkod ngayon sa isang misyon sa Jackson, Ohio. Isa sa malalaking alalahanin namin nang tanggapin namin ang pagmimisyon ay ang aming mag-anak. Wala kami roon kapag nagkaroon sila ng mga problema.
“Bago kami nagtungo sa aming misyon, ang apo naming si R. J., na dalawa’t kalahating taong gulang, ay kinailangang maoperahan upang iwasto ang pagkabanlag ng isang mata niya. Pinakiusapan ako ng kanyang ina na samahan sila dahil tunay na matalik kaming magkaibigan ni R. J. Maganda ang kinalabasan ng operasyon, ngunit talagang umiyak si R. J. bago at matapos ang operasyon dahil walang makasama sa kanya sa loob ng silid-operasyon, at natatakot siya.
“Makalipas ang mga anim na buwan, habang nasa misyon pa kami, kinailangang iwasto ang isa pang mata ni R. J. Tinawagan ako ng kanyang ina at ipinahayag ang kanyang pagnanais na sumama ako sa kanila para sa ikalawang operasyon. Siyempre pa, hindi ko sila nasamahan dahil sa layo at sa misyon. Nag-ayuno kami ni Deanna at nanalangin para paginhawahin ng Panginoon ang aming apo habang inooperahan siya.
“Tumawag kami ilang sandali matapos ang operasyon at nalaman namin na natandaan ni R. J. ang dati niyang karanasan at hindi niya gustong iwanan ang kanyang mga magulang. Ngunit pagpasok na pagpasok niya sa silid-operasyon, tumahimik siya. Humiga siya sa mesang pag-ooperahan, siya na ang naghubad ng kanyang salamin sa mata, at naoperahon nang panatag. Napakalaki ng aming pasasalamat; sinagot ang aming mga dalangin.
“Makalipas ang dalawang araw, tinawagan namin ang aming anak at kinumusta si R. J. Maayos ang kalagayan niya, at ikinuwento niya sa amin ang nangyari: Noong hapon matapos ang operasyon, nagising si R. J. at sinabi sa ina na naroon ang kanyang Lolo habang inooperahan siya. Sabi niya, ‘Naroon si Lolo at naayos ang lahat.’ Alam ninyo, ginawa ng Panginoon na kamukha ng Lolo ng batang musmos na iyon ang tagaturok ng pampatulog, pero nasa misyon ang kanyang lolo at lola na 1,800 milya ang layo.”
Maaaring hindi mo nakatabi sa kama ang iyong Lolo, R. J., pero nasa mga dalangin at isipan ka niya. Idinuyan ka sa kamay ng Panginoon at pinagpala ng Ama nating lahat.
Minamahal na mga kapatid, nawa ay paligayahin ng halakhak ng mga bata ang ating mga puso. Nawa ay payapain ng pananampalataya ng mga bata ang ating mga kaluluwa. Nawa ay udyukan ng pagmamahal ng mga bata ang ating mga gawain. “Pamana ng Panginoon ang mga bata.”12 Nawa ay pagpalain ng ating Ama sa Langit ang mabubuting kaluluwang ito, itong mga natatanging kaibigan ng Guro.
Mula sa Ensign, Hunyo 2000, mga pahina 2–5.