Resources para sa Pamilya
Aralin 13: Pagtuturo ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa mga Bata (Bahagi 1)


Aralin 13

Pagtuturo ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa mga Bata

Bahagi 1

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Batay sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o ang kapwa mga mungkahing ito.

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:25–28. Habang nagbabasa kayo, tukuyin ang mga alituntunin at ordenansang iniutos ng Panginoon na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak. Magplano ng ilang bagay na magagawa ninyo upang maituro ang mga alituntunin at ordenansang ito sa inyong mga anak o sa mga apo, pamangkin, o iba pang mga batang kilala ninyo.

  • Habang binabasa ninyo ang sumusunod na lathalain, piliing ituon ang pansin sa isa o dalawa sa mga mungkahing ibinigay ni Elder Robert D. Hales. Sa paglitaw ng iba’t ibang oportunidad, ituon ang pansin sa iba pang mungkahi mula sa lathalain.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa.

Pagpapatatag sa Mag-anak: Ang Ating Sagradong Tungkulin

Elder Robert D. Hales
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Pinatatatag ng Espiritu ang mga Mag-anak

Ang pagpapatatag ng mag-anak ay ating sagradong tungkulin bilang mga magulang, anak, kamag-anak, pinuno, guro, at miyembro ng Simbahan.

Malinaw na itinuturo sa mga banal na kasulatan ang kahalagahan ng espirituwal na pagpapatatag ng mag-anak. Itinuro nina Amang Adan at Inang Eva ang ebanghelyo sa kanilang mga anak. Tinanggap ng Panginoon ang mga handog ni Abel na kanyang minamahal. Sa kabilang dako, si Cain ay “minahal si Satanas nang higit pa sa Diyos” at gumawa ng mabibigat na kasalanan. Sina Adan at Eva ay “nagdalamhati sa harapan ng Panginoon dahil kay Cain at sa kanyang mga kapatid,” ngunit hindi sila huminto sa pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:12, 18, 20, 27; 6:1, 58).

Dapat nating unawain na iba-iba ang mga kakayahan at talino ng ating mga anak. Ang ilan, tulad ni Abel, ay tila napagkalooban ng pananampalataya sa pagsilang. Ang iba’y nakikibaka sa bawat pagpapasiyang ginagawa nila. Bilang mga magulang, hindi natin dapat hayaang pahinain o alisin ng mga pananaliksik at pakikibaka ng ating mga anak ang ating pananampalataya sa Panginoon.

Nang ang Nakababatang si Alma ay “ginigiyagis ng pagdurusa…[at] sinasaktan ng alaala ng marami [niyang] kasalanan,” naalala niyang narinig niya ang kanyang ama na nagtuturo tungkol sa pagparito ni “Jesucristo, ang Anak ng Diyos, upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (Alma 36:17). Ang mga salita ng kanyang ama ang umakay sa kanya sa pagbabalik-loob. Sa gayunding paraan, maaalala ng ating mga anak ang ating turo at patotoo.

Pinatotohanan ng 2,000 kabataang mandirigma sa hukbo ni Helaman na mabisang naituro sa kanila ng butihin nilang mga ina ang mga alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa Alma 56:47–48).

Sa sandali ng masidhing espirituwal na pananaliksik, sinabi ni Enos, “Ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan…ay tumimo nang malalim sa aking puso” (Enos 1:3).

Sa Doktrina at mga Tipan sinasabi ng Panginoon na kailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak “na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristong Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, …

“At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon (D at T 68:25, 28).

Nakapagpapatatag ng mga Mag-anak ang Pagtuturo ng Ebanghelyo

Habang itinuturo natin ang ebanghelyo sa ating mga anak sa pamamagitan ng salita at halimbawa, espirituwal na napatatatag at napatitibay ang ating mag-anak.

Malinaw ang mga salita ng ating mga buhay na propeta hinggil sa sagrado nating tungkulin na espirituwal na patatagin ang ating mga mag-anak. Noong 1995 nagbigay ng pahayag sa mundo ang Unang Panguluhan at Kapulungan ng Labindalawang Apostol na nagsasaad na “ang mag-anak ang sentro ng plano ng Lumikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak… . Ang mag-asawa ay may banal na tungkling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak… . Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na pangangailangan, turuan silang magmahal at maglingkod sa isa’t isa, [at] sundin ang mga kautusan ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 1995, 102).

Sa Pebrero ng taong ito, nanawagan ang Unang Panguluhan sa lahat ng magulang na “ilaan ang kanilang buong kakayahan sa pagtuturo at pagpapalaki ng kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo na siyang magpapanatili sa kanilang malapit sa Simbahan. Ang tahanan ang batayan ng matwid na buhay, at walang ibang kasangkapan na makahahalili rito o makatutupad sa mahalagang gagampanan nito sa pagsusulong ng responsibilidad na ito na bigay ng Diyos.”

Sa liham noong Pebrero, itinuro ng Unang Panguluhan na sa pamamagitan ng pagtuturo at pagpapalaki ng mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo, mapangangalagaan ng mga magulang ang kanilang mga mag-anak mula sa mga nakasisirang elemento. Pinayuhan din nila ang mga magulang at anak “na magbigay ng pinakamataas na priyoridad sa panalanging pagmag-anak, gabing pantahanan ng mag-anak, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at mga makatuturang gawaing pangmag-anak. Gaano man kamarapat at kaangkop ang iba pang pangangailangan o gawain, hindi sila dapat pahintulutang alisin sa lugar ang banal na hinirang na mga tungkulin na tanging mga magulang at mga mag-anak lamang ang makagaganap nang sapat” (Liham ng Unang Panguluhan, ika-11 ng Pebrero 1999; isinaad sa Church News, ika-27 ng Pebrero 1999, 3).

Sa tulong ng Panginoon at ng Kanyang doktrina, lahat ng masasakit na epekto ng mga hamong maaaring kaharapin ng mag-anak ay mauunawaan at malalagpasan. Anuman ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng mag-anak, mapatatatag natin ang ating mag-anak habang sinusunod natin ang payo ng mga propeta.

Ang susi ng pagpapatatag ng mag-anak ay ang pagkakaroon ng Espiritu ng Panginoon sa ating tahanan. Ang layunin ng ating mag-anak ay ang tumahak sa tuwid at makipot na landas.

Mga Ideya para sa Pagpapatatag ng mga Mag-anak

Di-mabilang na mga bagay ang magagawa sa loob ng tahanan upang mapatatag ang mag-anak. Hayaan ninyong magbahagi ako ng ilang ideya na maaaring makatulong sa pagtukoy sa mga kinakailangang palakasin sa sarili nating mag-anak. Inihahandog ko ang mga ito nang may paghihikayat, na nalalamang bawat mag-anak—at bawat miyembro ng maganak—ay naiiba.

Dapat Maging Ligtas na Lugar ang mga Tahanan

  • Gawin nating ligtas na lugar ang tahanan kung saan makadarama ang bawat miyembro ng maganak ng pagmamahal at ng pagiging kabilang doon. Alalahanin na may iba’t ibang angking kakayahan at talino ang bawat bata; bawat isa ay nangangailangan ng natatanging pagmamahal at pag-aalaga.

  • Tandaan, “ang malumanay na sagot ay nakapapawi ng poot” (Mga Kawikaan 15:1). Nang ibuklod kami ng aking minamahal sa Salt Lake Temple, binigyan kami ni Elder Harold B. Lee ng matalinong payo: “Kapag pagalit kayong nagtaas ng boses, nililisan ng Espiritu ang inyong tahanan.” Hindi natin dapat isara kailanman ang ating tahanan o ang ating puso sa ating mga anak dahil sa galit. Tulad ng alibughang anak, kailangang malaman ng ating mga anak na kapag nabatid nila ang kanilang pagkakamali makababaling sila sa atin para sa pagmamahal at payo.

  • Gumugol ng oras para sa bawat anak, at hayaan silang pumili ng aktibidad at ng paksang paguusapan. Alisin ang mga makagagambala.

Turuan ang Inyong mga Anak na Manalangin, Magbasa ng mga Banal na Kasulatan, at Makinig sa mga Karapat-dapat na Musika

  • Hikayatin ang mga pansariling pag-uugaling pangrelihiyon ng inyong mga anak, tulad ng pansariling panalangin, pansariling pag-aaral ng banal na kasulatan, at pag-aayuno para sa mga natatanging pangangailangan. Sukatin ang kanilang espirituwal na pag-unlad sa pamamagitan ng pagmamasid sa kanilang mga pananalita, at pakikitungo sa iba.

  • Manalanging kasama ang inyong mga anak arawaraw.

  • Magkasamang mag-aral ng mga banal na kasulatan. Natatandaan ko ang sarili kong ina at ama na nagbabasa ng mga banal na kasulatan habang nakaupo kaming mga anak sa sahig at nakikinig. Kung magkaminsan ay itinatanong nila, “Ano ang kabuluhan sa inyo ng banal na kasulatang iyon? Ano ang ipinadama nito sa inyo?” Pagkatapos ay makikinig sila sa amin habang sumasagot kami sa sarili naming mga salita.

  • Basahin ang mga salita ng mga buhay na propeta at iba pang nagbibigay-inspirasyong lathalain sa magasin ng Simbahan para sa mga bata, kabataan, at mga nasa hustong gulang.

  • Mapupuno natin ng himig ng karapat-dapat na musika ang ating mga tahanan habang sama-sama tayong umaawit mula sa aklat ng mga himno at Aklat ng mga Awiting Pambata.

Magdaos ng Gabing Pantahanan ng Mag-anak at mga Pagsasanggunian sa Mag-anak

  • Magdaos ng gabing pantahanan ng mag-anak linggu-linggo. Bilang mga magulang, kung minsan ay masyado tayong natatakot magturo at magpatotoo sa ating mga anak. Pagkakamali ko rin iyon sa sarili kong buhay. Kailangan ng ating mga anak na mabahaginan natin sila ng mga espirituwal na damdamin at maturuan at magpatotoo sa kanila.

  • Magdaos ng mga pagsasanggunian ng mag-anak upang talakayin ang mga plano at problema ng mag-anak. Ilan sa mga pinakamabisang pagsasanggunian ay ang isa-isang pakikipag-usap sa bawat miyembro ng mag-anak. Tulungan nating malaman ng ating mga anak na mahalaga ang kanilang mga ideya. Makinig at matuto sa kanila.

Ibahagi ang Ebanghelyo, Suportahan ang mga Pinuno ng Simbahan, at Makilahok Bilang Mag-anak

  • Anyayahan ang mga misyonero na turuan sa ating tahanan ang mga kaibigan nating di-gaanong aktibo o di-miyembro.

  • Ipakitang sinasang-ayunan at sinusuportahan natin ang mga pinuno ng Simbahan.

  • Kumain nang sama-sama hangga’t maaari, at magkaroon ng makabuluhang talakayan sa oras ng pagkain.

  • Sama-samang gumawa bilang isang mag-anak, kahit na mas mabilis at madaling matapos ang trabaho kung tayong mag-isa lang ang gagawa nito. Kausapin ang ating mga anak habang magkasamang gumagawa. May ganyang pagkakataon kami ng aking ama tuwing Sabado.

Turuan ang Ating mga Anak na Maging Mabuting Kaibigan at Maghanda para sa Hinaharap

  • Tulungan ang ating mga anak na matuto kung paano bubuo ng mabuting pakikipagkaibigan at magandang pakikitungo sa kanilang mga kaibigan sa ating mga tahanan. Makipagkilala sa mga magulang ng mga kaibigan ng ating mga anak.

  • Turuan ang ating mga anak sa pamamagitan ng halimbawa kung paano magbadyet ng panahon at kabuhayan. Tulungan silang matutong umasa sa sariling kakayahan at ang kahalagahan ng paghahanda para sa hinaharap.

Magbahagi ng mga Pamana at Tradisyong Pangmag-anak

  • Ituro sa ating mga anak ang kasaysayan ng ating mga ninuno at ang kasaysayan ng ating sariling mag-anak.

  • Bumuo ng mga tradisyong pangmag-anak. Magplano at magsagawa ng mga makabuluhang bakasyon nang sama-sama, na isinasaalang-alang ang mga pangangailangan, talino, at kakayahan ng ating mga anak. Tulungan silang lumikha ng masasayang alaala, paunlarin ang kanilang mga talino, at magkaroon ng pagpapahalaga sa sarili.

Ituro ang Kahalagahan ng Pagsunod sa mga Kautusan at Pagtanggap ng mga Ordenansa

  • Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, magturo ng mga pagpapahalagang moral at matibay na hangaring sundin ang mga kautusan.

  • Pagkatapos ng aking binyag at pagpapatibay, isinama ako ng aking ina sa isang tabi at tinanong, ‘Ano ang nadarama mo?’ Ipinaliwanag ko sa abot ng aking makakaya ang init ng damdamin ng kapayapaan, ginhawa, at kaligayahan na napasaakin. Ipinaliwanag ni Inay na ang nadarama ko ay ang natanggap kong kaloob, ang kaloob na Espiritu Santo. Sinabi niya sa akin na kung mamumuhay ako nang marapat doon, patuloy na mapapasaakin ang kaloob na iyon. Isang sandali ng pagkatuto iyon na nanatili sa akin sa buong buhay ko.

Ituro sa ating mga anak ang kahalagahan ng binyag at pagpapatibay, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, pakikibahagi ng sakramento, paggalang sa pagkasaserdote, at paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo. Kailangan nilang malaman ang kahalagahan ng pamumuhay nang karapat- dapat sa isang rekomendasyon sa templo at paghahanda para sa kasal sa templo.

  • Kung hindi pa kayo naibubuklod sa inyong asawa at mga anak sa templo, magsikap bilang mag-anak na makatanggap ng mga pagpapala ng templo. Magtakda ng mga layunin sa templo bilang maganak.

  • Maging karapat-dapat sa pagkasaserdoteng taglay ninyo, mga kapatid, at gamitin ito para pagpalain ang buhay ng inyong mag-anak… .

Alamin ang mga Gawain sa Komunidad, Paaralan, at Simbahan

May mga mapagkukunan sa labas ng tahanan. Makapagpapatatag ng mag-anak ang matalinong paggamit sa mga ito.

  • Hikayatin ang ating mga anak na maglingkod sa Simbahan at sa komunidad.

  • Makipag-usap sa mga guro, tagasanay, tagapayo, namumunong guro sa klase ng ating mga anak, at mga pinuno ng Simbahan tungkol sa mga problema at pangangailangan ng ating mga anak.

  • Alamin ang ginagawa ng ating mga anak sa mga libre nilang oras. Impluwensiyahan ang pagpili nila ng mga pelikula, programa sa telebisyon, at video. Kung gumagamit sila ng Internet, alamin kung ano ang ginagawa nila. Tulungan silang malaman ang kahalagahan ng makabubuting paglilibang.

  • Hikayatin sila sa mga makabuluhang aktibidad sa paaralan. Alamin kung ano ang pinag-aaralan ng ating mga anak. Tulungan sila sa kanilang mga takdang-aralin. Tulungan silang maunawaan ang kahalagahan ng edukasyon at paghahanda para makapagtrabaho at sariling kasapatan.

  • Mga kabataang babae: Dumalo sa Samahang Damayan pagtuntong ninyo sa ika-18 taon ng inyong kaarawan. Maaaring nag-aalangan ang ilan sa inyo sa pagbabagong iyon. Maaaring natatakot kayong hindi makabagay. Mga kapatid kong kabataang babae, hindi totoo iyan. Napakaraming nakalaan para sa inyo sa Samahang Damayan. Maaari itong maging isang pagpapala sa buong buhay ninyo.

  • Mga kabataang lalaki: Igalang ninyo ang Pagkasaserdoteng Aaron. Ito ay pagkasaserdoteng maghahanda sa inyo para sa Pagkasaserdoteng Melquisedec. Maging ganap na aktibo sa korum ng mga elder kapag naordenan kayo sa Pagkasaserdoteng Melquisedec. Ang kapatiran, ang tagubilin sa korum, at ang mga pagkakataong maglingkod sa iba ay magpapala sa inyo at sa inyong mag-anak sa buong buhay ninyo.

Sundin ang Halimbawa ng Pagmamahal ng Panginoon

Mapalalakas ang bawat mag-anak sa iba’t iba paraan kung nasa loob ng tahanan ang Espiritu ng Panginoon at nagtuturo tayo sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa.

  • Kumilos nang may pananampalataya; huwag tumugon nang may takot. Kapag nagsisimula nang subukan ng ating mga kabataan ang mga pinahahalagahan ng mag-anak, kailangang humingi ng gabay sa Panginoon ang mga magulang tungkol sa mga partikular na pangangailangan ng bawat mag-anak. Ito ang panahon para sa karagdagang pagmamahal at suporta at pagbibigay-diing muli sa mga turo tungkol sa paraan ng mga pagpili. Nakakatakot hayaang matuto ang ating mga anak sa mga pagkakamaling nagawa nila, ngunit mas malamang na kusang-loob nilang piliin ang paraan ng Panginoon at ang mga pinahahalagahan ng mag-anak kapag nanggagaling sa kalooban ang pagpili kaysa sa tinatangka nating igiit ang mga pinahahalagahang iyon sa kanila. Ang paraan ng pagmamahal at pagtanggap ng Panginoon ay mas mabuti kaysa sa paraan ng pamumuwersa at pamimilit ni Satanas, lalung-lalo na sa pagpapalaki ng mga kabataan.

  • Tandaan ang mga salita ni Propetang Joseph Smith: “Wala nang iba pang natatantiyang makaaakay sa mga tao na talikuran ang kanilang kasalanan maliban sa pag-akay sa kanila, at pagkalinga sa kanila nang may pagmamahal. Kapag nagpapakita ng kahit kaunting kabaitan at pagmamahal sa akin ang isang tao, napakalakas ng kapangyarihan nito sa aking isipan, samantalang ang kasalungat nito ay malamang na lalo pang patindihin ang sakit ng damdamin at palungkutin ang isip ng tao” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 240).

Babalik ang mga Anak na Naligaw

  • Bagama’t nalulungkot tayo kapag, matapos gawin ang lahat ng magagawa natin, ay lumalayo pa rin sa landas ng kabutihan ang ilan sa ating mga anak, nakapagbibigay-kaaliwan sa atin ang mga salita ni Orson F. Whitney: “Bagama’t gumagala ang ilan sa mga tupa, nakatutok sa kanila ang mata ng Pastol, at hindi magtatagal madarama nila ang mga galamay ng Banal na Maykapal na inaabot sila at ibinabalik silang muli sa kawan. Sa buhay mang ito o sa buhay na darating, magbabalik sila. Kinakailangang magbayad sila ng utang sa katarungan; pagdurusahan nila ang kanilang kasalanan; at maaaring tumahak sa matinik na landas; ngunit kung aakayin sila nito sa wakas, tulad ng nagsisising alibughang anak, sa mapagmahal at mapagpatawad na puso ng [ina at] ama at sa tahanan, hindi mawawalangkabuluhan ang masakit na karanasan. Ipanalangin natin ang [ating] mga mapagpabaya at dimasunuring mga anak; hawakan natin sila nang [ating] pananampalataya. Umasa, maniwala, hanggang sa makita ninyo ang kaligtasan ng Diyos” (binanggit ni Joseph Smith, sa Conference Report, Abr. 1929, 110).

Makapagbibigay ng Lakas ang mga Kabinataan at Kadalagahan at Kamag-anak

  • Paano kung wala kayong asawa o hindi nabiyayaan ng mga anak? Kailangan ba ninyong pag-ukulan ng pansin ang payong may kinalaman sa mga mag-anak? Oo. Isang bagay ito na kailangan nating malaman sa buhay sa mundo. Kadalasang nakapagbibigay ng natatanging uri ng lakas sa mag-anak ang mga walang asawang miyembro ng mag-anak, nagiging napakalaking pinagmumulan ng suporta, pagtanggap, at pagmamahal sa kanilang mga mag-anak at sa mga mag-anak na nakapalibot sa kanila.

  • Maraming miyembro ng kamag-anak na nasa hustong gulang ang nakagaganap ng papel ng pagiging magulang sa sariling pamamaraan nila. May malaking impluwensiya sa mag-anak ang mga lolo at lola, tiya at tiyo, kapatid, pamangkin, pinsan, at iba pang miyembro ng mag-anak. Nais kong ipahayag ang aking pasasalamat sa sarili kong mga kamag-anak na gumabay sa akin sa pamamagitan ng halimbawa at patotoo. Kung minsan ay may mga bagay na nasasabi ang mga kamag-anak na hindi nasasabi ng mga magulang nang hindi nagkakaroon ng pagtatalo. Matapos ang mahabang personal na pakikipag-usap sa kanyang ina, isang kabataang babae ang nagsabi: “Natatakot akong sabihin sa inyo ni Itay na may nagawa akong hindi tama. Pero mas malubha ang mangyayari kung sasabihin ko ito kay Tiya Susan. Hindi ko kayang pasamain ang loob niya.

Walang mga Perpektong Mag-anak

Gayong alam natin na narito tayo sa lupa upang matuto at palakasin ang ating pananampalataya, kailangang maunawaan natin na may pagsalungat sa lahat ng bagay. Sa isang pagsasanggunian sa tahanan ko, sinabi ng aking asawa, “Kapag iniisip ninyo na may perpektong mag-anak, hindi lang ninyo sila lubos na kilala.”

Isaayos ang Sambahayan at Mag-anak

Mga kapatid, bilang mga magulang pakinggan natin ang payo, maging ang mahigpit na utos na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith at sa mga pinuno ng Simbahan noong 1833 na “isaayos [ninyo] ang inyong sambahayan” (D at T 93:43). “Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan” (D at T 93:40). “Ayusin ang [inyong] mag-anak, at tiyaking sila ay maging higit na masigasig at mapagmalasakit sa tahanan, at manalanging tuwina, o sila ay aalisin sa kanilang kinalalagyan” (D at T 93:50).

Ang mga propeta sa ating panahon ay nagbigay ng gayunding payo at babala sa mga magulang na ayusin ang ating mga mag-anak. Nawa ay mapagpala tayo ng inspirasyon at pag-ibig na tugunan ang oposisyon nang may pananampalataya sa loob ng ating pamamahay. Malalaman natin pagkatapos na lalo tayong mapapalapit sa Panginoon at sa isa’t isa ng ating mga pagsubok. Nawa’y pakinggan natin ang tinig ng propeta at ayusin ang ating sariling mga tahanan (tingnan sa D at T 93:41–49). Napalalakas ang mag-anak kapag lumalapit tayo sa Panginoon, at bawat miyembro ng ating mag-anak ay napalalakas habang iniaangat at pinalalakas at minamahal at pinagmamalasakitan natin ang isa’t isa. “Iniaangat mo ako at iniaangat kita at magkasama tayong papaitaas” (Kawikaang Quaker).

Nawa’y matanggap at mapanatili natin ang Espiritu ng Panginoon sa ating mga tahanan upang mapatatag ang ating mag-anak. Idinadalangin ko na bawat miyembro ng ating mag-anak ay mamalagi sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:18).

Mula sa talumpati ni Elder Hales sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1999 (tingnan sa Conference Report, Abr. 1999, 39–4; o Ensign, Mayo 1999, 32–34).