Aralin 14
Pagtuturo ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo sa mga Bata
Bahagi 2
Layunin
Upang tulungan ang mga kalahok na pag-ibayuhin ang kanilang hangarin at kakayahang turuan ang mga anak ng pagkahabag at paglilingkod, katapatan at paggalang sa pag-aari ng iba, kagalakan sa matapat na pagtatrabaho, at kadalisayan ng puri.
Paghahanda
-
Repasuhin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito). Humanap ng mga paraan upang maipamuhay ang mga alituntuning ito sa inyong paghahanda sa pagtuturo.
-
Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag, na nagbabanghay ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning ito sa buong linggo, na hinahangad ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.
-
Kung may makukuha sa mga sumusunod na materyal, repasuhin ang mga ito at dalhin sa klase:
-
Para sa Lakas ng Kabataan (34285 893).
-
Gabay ng Magulang (31125 893).
-
Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin
Nagpapakita ng pagmamahal ang mga magulang sa kanilang mga anak kapag tinuturuan nila ang mga ito.
Ibahagi ang sumusunod na karanasang isinalaysay ni Elder Loren C. Dunn ng Pitumpu:
“Habang lumalaki kami sa isang maliit na komunidad, nakita ng aking ama ang pangangailangang matutuhan namin ng kapatid ko ang alituntunin ng pagtatrabaho. Sa gayon, pinagtrabaho niya kami sa isang maliit na bukid sa dulo ng bayan kung saan siya lumaki. Naglimbag siya ng lokal na pahayagan, kaya hindi siya gaanong makagugol ng oras sa amin maliban sa madaling-araw at sa gabi. Malaking responsibilidad iyon para sa dalawang binatilyo, at paminsan-minsan ay nagkakamali kami.
“Naliligiran ng ibang bukid ang bukid namin, at pinuntahan ng isa sa mga magsasaka ang aking ama isang araw para sabihin sa kanya ang inaakala niyang mali sa ginagawa namin. Nakinig na mabuti sa kanya ang tatay ko at pagkatapos ay nagsabi, ‘Jim, hindi mo nauunawaan. Alam mo, nagpapalaki ako ng mga batang lalaki at hindi ng mga baka.’ Pagkamatay ng aking ama, isinalaysay sa amin ni Jim ang kuwento niya. Nagpapasalamat ako nang labis sa isang amang nagpasiyang magpalaki ng mga anak, at hindi ng mga baka. Sa kabila ng mga pagkakamali, natutuhan naming magtrabaho sa maliit na bukid na iyon, at sa palagay ko, kahit hindi nila ito sinasabi sa maraming salita, alam naming lagi na mas mahalaga kami kina Inay at Itay kaysa sa mga baka, o sa anupamang bagay” (sa Conference Report, Okt. 1974, 12; o Ensign, Nob. 1974, 11).
-
Ano ang hinangaan ninyo sa kuwentong ito?
Bigyang-diin na matagal nang alam ni Elder Dunn at ng kanyang kapatid na minahal sila ng kanilang mga magulang. Ang isang pagpapakita ng pagmamahal ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang paglalaan ng oras upang tulungan silang pag-aralan at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Tinatalakay ng araling ito kung paano ituturo sa mga anak ang limang pangunahing alituntunin sa pamumuhay ng ebanghelyo: pagkahabag at paglilingkod, katapatan, paggalang sa pag-aari ng iba, kagalakan sa matapat na pagtatrabaho, at kadalisayan ng puri.
Dapat turuan ng mga magulang ang mga anak ng pagkahabag at paglilingkod.
Ipaliwanag na sa Kanyang buong ministeryo, itinuro ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng pagmamahal at paglilingkod sa iba. Itinuro Niya ang alituntuning ito sa salita at halimbawa.
-
Anong mga kapakinabangan ang dumarating sa mga anak na natuto mula sa kanilang mga magulang na mahalin at paglingkuran ang iba? (Bilang karagdagan sa paghingi ng mga sagot sa mga kalahok, ibahagi ang mga sumusunod na halimbawa.)
Ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa paglipas ng mga taon nasubaybayan ko ang isang mahal na kapatid na babae na naglilingkod nang higit sa anumang tungkuling magturo o mamuno sa Simbahan. Nakakakita siya ng pangangailangan at naglilingkod—hindi ‘Tawagin mo ako kung kailangan mo ng tulong,’ kundi ‘Narito ako; ano ang magagawa ko?’ Napakarami niyang ginagawang maliliit na bagay, tulad ng paglingap sa anak ng kung sinuman sa isang pulong o paghahatid sa paaralan ng isang batang naiwan ng bus. Lagi siyang naghahanap ng mga bagong mukha sa Simbahan at gumagawa ng hakbang upang ipadama na tinatanggap sila…
“Natutuhan niya ang diwa ng paglilingkod mula sa kanyang ina. Ang diwa ng paglilingkod ay pinakamainam na naituturo sa tahanan. Kailangan nating turuan ang ating mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at sabihin sa kanila na ang mapagbigay na espiritu ay mahalaga sa kaligayahan” (sa Conference Report, Okt. 1997, 5; o Ensign, Nob. 1997, 6).
Sa isang mag-anak ay isang bata ang nahihirapan. Upang tulungan siyang harapin ang kanyang mga hamon, hinikayat siya ng kanyang mga magulang na lihim na paglilingkod sa ibang miyembro ng mag-anak bawat araw. Sa pagtatapos ng linggo, hindi na siya gaanong nag-alala sa sarili niyang mga problema at nagsimulang magtamasa ng mga biyaya at kapayapaang dumarating mula sa pagmamalasakit sa iba.
-
Ano ang matututuhan natin sa tahanan tungkol sa paglilingkod na hindi natin matututuhan sa ibang lugar?
-
Anong mga mungkahi ang maibabahagi ninyo na makatutulong sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na maglingkod sa iba?
Pag-isipang isulat sa pisara ang mga sagot ng mga kalahok sa pisara. Hikayatin ang mga kalahok na magbahagi ng mga halimbawa mula sa sarili nilang buhay. Hilingin din sa kanila na magbahagi ng mga ideya para sa mga gawaing paglilingkod ng mag-anak. Habang ginagabayan ninyo ang talakayan, banggitin ang mga sumusunod na ideya:
-
Makapagpapakita ng halimbawa ang mga magulang sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga miyembro ng mag-anak, pagtupad sa mga tungkulin sa Simbahan, at pagtulong sa mga taong nakapaligid sa kanila.
-
Maaari silang maghanap ng mga pagkakataon para makapaglingkod ang kanilang mga anak sa mga miyembro ng mag-anak at sa ibang nakapaligid sa kanila. Kahit ang napakababatang mga anak ay makadarama ng kagalakan sa paglilingkod.
-
Dapat turuan ng mga magulang ang mga anak ng katapatan at paggalang sa pag-aari ng iba.
Ibahagi ang sumusunod na payo mula kay Pangulong N. Eldon Tanner, na naglingkod bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Ang pagtuturo ng katapatan ay nagsisimula sa tahanan. Bawat isa sa atin ay may mga personal na pag-aari na ating-atin lamang. Maibabahagi natin at dapat nating ibahagi o ipahiram ang mga bagay na tulad ng mga laruan at mga laro at ang ating paglilingkod sa isa’t isa, ngunit mayroon tayong pera, o alahas, o pananamit na personal na pag-aari ng bawat isa at hindi dapat kunin nang walang pahintulot ng may-ari. Ang isang batang gumagalang sa gayong katapatan sa tahanan ay malamang na hindi lalabagin ang alituntunin sa labas ng tahanan. Sa kabilang dako, ang kakulangan ng gayong pagtuturo ay nag-uudyok ng kawalang-galang sa mga karapatan at pag-aari ng iba” (sa Conference Report, Abr. 1978, 64; o Ensign, Mayo 1978, 44).
-
Ano ang maaaring mangyari kapag hindi naturuan ang mga bata na igalang ang pag-aari ng iba?
-
Sa anong mga paraan natututuhan ng mga bata sa tahanan na maging matapat at igalang ang pag-aari ng iba? Kailan dapat simulan ng mga magulang na ituro ang mga alituntuning ito sa kanilang mga anak?
Dapat ituro ng mga magulang sa mga anak ang tungkol sa mga gantimpala ng matapat na pagtatrabaho.
Ipaliwanag na madalas nang mapayuhan ng mga pinuno ng Simbahan ang mga magulang tungkol sa kahalagahan ng pagtuturo sa mga anak na magtrabaho. Bagama’t kung minsan ay mahirap turuang magtrabaho ang mga anak, dapat magsikap ang mga magulang sa pagpupunyaging ito. Ipinayo ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang pagtuturo sa mga anak ng kagalakan sa matapat na pagtatrabaho ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na maibibigay mo sa kanila” (sa Conference Report, Okt. 1986, 78; o Ensign, Nob. 1986, 62).
-
Ano ang mga kahalagahan ng pagtuturo ng mga alituntunin ng pagtatrabaho at kasipagan sa mga anak habang bata pa sila? Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak na matutong magtrabaho? (Habang tinatalakay ng mga kalahok ang tanong na ito, hikayatin silang magbahagi ng mga halimbawa mula sa sarili nilang buhay. Pag-isipang banggitin ang mga sumusunod na ideya upang maghikayat ng talakayan.)
-
Magpakita ng halimbawa sa mga anak sa pamamagitan ng masayang pagtulong sa mga gawaing-bahay.
-
Bigyan ang mga bata ng mga pananagutang naaakma sa kanilang mga kakayahan.
-
Maglaan ng oras para turuan ang mga bata kung paano magtatagumpay sa kanilang mga pananagutan.
-
Magpahayag ng pasasalamat sa pagtulong ng mga anak.
-
Basahin ang isa o ang kapwa sumusunod na pahayag:
Ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ang ika-15 Pangulo ng Simbahan, “Kailangang magtrabaho ang mga anak kasama ang kanilang mga magulang— maghugas ng mga pinggan na kasama nila, maglampaso ng mga sahig na kasama nila, magtabas ng damo na kasama nila, magpungos ng mga puno at pulumpong na kasama nila, magpintura at magkumpuni at maglinis at gumawa ng sandaan pang ibang bagay kung saan matututuhan nila na ang pagtatrabaho ang kapalit ng kalinisan at kaunlaran at kasaganaan” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 707).
Habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, itinuro ni Elder James E. Faust: “Ang mahalagang bahagi ng pagtuturo sa mga anak na maging disiplinado at responsable ay ang hayaan silang matutong magtrabaho…Ang pinakamagagaling na guro ng alituntunin ng pagtatrabaho ay mismong ang mga magulang. Para sa akin, naging kagalakan ang pagtatrabaho noong una akong magtrabaho na kasama ang aking ama, lolo, mga tiyuhin, at mga kapatid. Tiyak kong kadalasa’y mas pabigat ako sa halip na makatulong, ngunit matamis ang mga alaala at ang mga aral na natutuhan ay mahalaga. Kailangang matuto ng pananagutan at pagtayo sa sariling paa ng mga bata. Ang mga magulang ba ay personal na naglalaan ng panahon upang magpakita at magpamalas at magpaliwanag para ang mga anak, gaya ng itinuro ni Lehi, ay ‘kumikilos para sa kanilang sarili… hindi pinakikilos’? (2 Nephi 2:26)” (sa Conference Report, Okt. 1990, 42; o Ensign, Nob. 1990, 34; tingnan din sa pahina 67-68 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak).
-
Bakit mahalaga para sa mga anak na magtrabaho na kasama ang kanilang mga magulang at ibang miyembro ng mag-anak? Sa anong mga paraan naiimpluwensiyahan ang mga ugnayan kapag magkakasamang nagtatrabaho ang mga miyembro ng mag-anak?
-
Ano ang ilang gantimpala ng matapat na pagtatrabaho? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng mga nasa sumusunod na listahan.)
-
Kasiyahan at kagalakan sa trabahong mahusay na isinagawa.
-
Pagkakaroon ng damdaming may naisakatuparan ka.
-
Pagkatuto sa mahahalagang kasanayang praktikal.
-
Pagkilala sa sariling kakayahan.
-
Mga materyal na gantimpala, tulad ng karangalang akademya at kapakinabangang pinansiyal.
-
-
Sa anong mga paraan kapwa espirituwal na biyaya at temporal na biyaya ang pagtatrabaho?
-
Ano ang magagawa ng mga magulang upang matulungan ang kanilang mga anak na kumita ng pera at gamitin ito nang may katalinuhan? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagbalanse ng pag-eempleyo sa iba pang uri ng gawain, tulad ng mga gawain sa Simbahan, sa paaralan, at mga gawaing-bahay?
-
Ano ang ilang panganib ng pagpapabaya ng mga magulang na iwasan ng mga anak ang pananagutang magtrabaho?
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang ebanghelyo ng pagtatrabaho ay bahagi ng ‘kabuuan ng ebanghelyo.’ Bagama’t nakagagalak, ang gawaing misyonero ay trabaho. Bagama’t nakagagalak, ang gawain sa templo ay trabaho. Sa wakas, ilan sa mga di gaanong masisigasig nating kabataan ang nagtatrabaho nga, ngunit ito ay para lamang pasayahin ang kanilang sarili…
“Mag-ingat… kapag labis ninyong hinahangad na maging mas mapabuti ang lahat para sa inyong mga anak kaysa sa inyo. Hindi man sinasadya, huwag ninyong palalain ang mga bagay sa pamamagitan ng pag-aalis ng kinakailangang makatwirang pagtatrabaho bilang bahagi ng kanilang karanasan, sa gayo’y iiwas ang inyong mga anak sa mismong mga bagay na nakatulong sa inyong magtagumpay!” (sa Conference Report, Abr. 1998, 50; o Ensign, Mayo 1998, 38).
Dapat turuan ng mga magulang ang mga anak ng kadalisayan ng puri.
Bigyang-diin na ang mga magulang ang may pananagutang turuan ang kanilang mga anak ng mga pamantayan sa kadalisayang-puri ng Panginoon. Makatutulong ito sa mga bata na labanan ang tukso.
-
Bakit kailangang ang mga magulang ang magkusang tumalakay sa kanilang mga anak tungkol sa kadalisayan ng puri at seksuwalidad? Ano ang mga panganib kapag hindi ginawa ng mga magulang ang pagkukusang ito?
Tukuyin na sa mundo ngayon, hindi maiiwasan ng mga bata ang makarinig ng tungkol sa seksuwalidad. Gayunman, karamihan sa naririnig nila sa mundo ay nagtataguyod ng pang-aabuso sa sagradong kapangyarihan ng paglikha. Ang mga bata—at lalung-lalo na ang mga kabataan—ay nangangailangan ng tumpak na impormasyon at totoong doktrina tungkol sa mga paksang ito. Dapat silang tulungan ng mga magulang na mag-angkin ng lakas upang mapaglabanan ang mga kasinungalingang itinuturo sa mundo. Dapat nilang ituro sa mga anak ang piano ng Panginoon para sa paggamit ng kapangyarihan ng paglikha.
Anyayahan ang mga kalahok na mga magulang na maglahad ng matatagumpay na karanasan nila sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa mga paksang ito. Bukod sa paghingi ng mga masasabi ng mga kalahok, ibahagi ang mga sumusunod na alituntunin:
Dapat mabigyan ng malinaw at simpleng impormasyon ang napakabata pang mga anak tungkol sa sagradong kalikasan ng kanilang katawan. Ang pagkaunawang ito ay tumutulong sa kanilang pangalagaan ang kanilang sarili laban sa mga maaaring magtangkang magsamantala sa kanila. Habang nagdadalaga o nagbibinata ang mga anak, dapat maingat na ipaliwanag sa kanila ng mga magulang ang mga pagbabagong mangyayari sa kanilang katawan. Dapat nilang ipaliwanag na ang pisikal na pagtanda ay normal at bahagi ng piano ng Diyos.
Dapat ding tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maunawaan na ang seksuwalidad ay maganda kapag ginamit sa mga hangganang itinakda ng Panginoon ngunit iyon ay mabigat na kasalanan kapag ginamit nang labag sa mga utos ng Panginoon. Kailangan ng mga kabataan ng malilinaw na tuntunin mula sa kanilang mga magulang tungkol sa mga pamantayan ng Panginoon.
Ipakita ang polyetong Para sa Lakas ng Kabataan. Ipaliwanag na mabisang tulong ang polyetong ito sa mga kabataan at sa kanilang mga magulang. Kinabibilangan ito ng impormasyon tungkol sa mga pamantayan ng Simbahan sa pakikipagtipanan, pananamit, pananalita, media, at musika at sayawan. Hikayatin ang mga magulang na basahin at talakayin ang polyetong ito sa bawat isa sa kanilang mga anak na nagdadalaga o nagbibinata. Naglalaan ito ng madaling paraan para sa mga magulang sa pagtalakay ng mga paksang maaaring mahirap pag-usapan. Nagbibigay din ito sa mga kabataan ng pagkakataong magtanong ng partikular sa mga pamantayan ng moralidad. Ibahagi ang sumusunod na halaw mula sa mga pahina 14–15 sa polyeto:
“Ang ating Ama sa Langit ay nagpayo na ang seksuwal na intimasiya ay dapat ilaan ng kanyang mga anak sa bigkis ng kasal. Ang pisikal na kaugnayan sa pagitan ng asawang lalaki at asawang babae ay maaaring maging maganda at banal. Ito ay ipinag-utos ng Diyos para sa pagkakaroon ng mga anak at para sa pagpapahayag ng pagmamahal sa loob ng kasal. ‘Kaya’t iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila‘y magiging isang laman’ (Genesis 2:24).
“Sapagkat ang seksuwal na intimasiya ay napakabanal, ipinag-uutos ng Panginoon ang pagpipigil sa sarili at kadalisayan bago ang kasal ganoon din ang buong katapatan pagkatapos ng kasal. Sa pakikipagtipanan, pakitunguhan nang may paggalang ang inyong katipanan, at asahan rin na ang inyong katipanan ay magpapakita ng gayunding paggalang sa inyo. Huwag pakitunguhan ang inyong katipanan na para bang isang kagamitan na inyong gagamitin para sa inyong pansariling kahalayang-pagnanasa o kayabangan. Ang maling pagdidikit ng katawan ay maaaring magdulot ng pagkawala ng pagpipigil sa sarili. Panatilihing pigilin ang inyong sarili at ang inyong pisikal na mga nararamdaman.
“May mga tiyakang ugali na ipinagbabawal ng Panginoon, kabilang na ang lahat ng seksuwal na ugnayan bago ang kasal, paghipo sa maseselang bahagi ng katawan, seksuwal na kabalakyutan (tulad ng pagkabinabae at pagkatomboy, panghahalay, at pakikipagtalik sa kaanak), pagpaparaos sa sarili, pagkaabala ng isip sa pagtatalik, pananalita, o gawa…
“Ang mga gawain ng binabae at tomboy ay makasalanan at karumal-dumal sa Panginoon (tingnan sa Mga Taga Roma 1:26–27, 31). Ang hindi-karaniwang pagsinta na kinabibilangan ng mga taong may parehong kasarian ay mga kasalungat ng walang-hanggang piano ng Diyos para sa kanyang mga anak. Tungkulin ninyong gumawa ng mga tamang pagpili. Ang mahahalay na damdamin at mga pagnanasa na nakatuon man sa kapareho o sa kaibang kasarian ay maaaring humantong sa lalong mabibigat na kasalanan. Lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay kailangang matutong pigilan at disiplinahin ang kanilang sarili.”
Bigyang-diin na habang kinakausap ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa seksuwalidad, makapagpapatotoo sila na ang kadalisayang puri ay humahantong sa kagalakan at kapayapaan.
-
Bakit mahalaga sa mga magulang na magpakita ng halimbawa ng kadalisayang puri bukod pa sa pagtuturo tungkol dito? Sa anong mga paraan makapagpapakita ng halimbawa ng kadalisayang puri ang mga magulang?
Bigyang-diin na matututuhan ng mga anak ang mga tunay na alituntunin ng kadalisayang puri sa paraan ng pakikitungo ng kanilang mga magulang sa isa’t isa, sa mga uri ng babasahin at iba pang media na ipinahihintulot ng kanilang mga magulang na pumasok sa tahanan, at sa paraan ng pagsasalita ng kanilang mga magulang tungkol sa sagradong kapangyarihan ng paglikha.
Katapusan
Bigyang-diin na ang mga magulang ay may pananagutang turuan ang kanilang mga anak ng mga alituntunin ng kabutihan. Hikayatin ang mga kalahok na pagsikapang ipamuhay ang mga alituntuning itinuro sa araling ito at alamin ang mga paraan kung paano nila higit na maituturo ang mga alituntuning ito sa kanilang mga anak.
Batay sa panghihikayat ng Espiritu, ibahagi ang inyong mga paniniwala sa mga katotohanang tinalakay sa aralin.
Sumangguni sa mga pahina 67-73 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Turuan ang mga Anak” ni Pangulong Boyd K. Packer. Bigyang-diin na makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan ang mga mag-asawa mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.