Aralin 11
Ang mga Sagradong Tungkuling Ginagampanan ng mga Ama at Ina
Bahagi 2: Mga Tungkulin ng mga Ina
Layunin
Upang tulungan ang mga kalahok na maunawaan kung paano tinutupad ng mga ina ang kanilang sagradong tungkulin at kung paano magtutulungan ang ina at ama bilang magkapantay na pareha.
Paghahanda
-
Repasuhin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito). Humanap ng mga paraan upang maipamuhay ang mga alituntuning ito sa inyong paghahanda sa pagtuturo.
-
Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag, na nagbabanghay ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning ito sa buong linggo, na hinahangad ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.
-
Ipaalala sa mga kalahok na dalhin sa klase ang kanilang kopya ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak.
Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin
Nakikilahok ang mga ina sa gawain ng Diyos.
Bilang pambungad sa araling ito, basahin sa mga kalahok ang sumusunod na halaw mula sa pananalita ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol (pahina 50 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak).
“Isinulat sa akin kamakailan ng isang batang ina na nakatuon sa tatlong bagay ang bumabalisa sa kanya. Una ay sa tuwing makaririnig siya ng mga talumpati tungkol sa pagiging inang Banal sa mga Huling Araw, nag-aalala siya dahil dama niyang hindi siya nakatutugon dito o kahit paano ay hindi niya magampanan ang tungkulin. Pangalawa, nadama niyang tila inaasahan ng mundo na turuan niya ang kanyang mga anak ng pagbasa, pagsulat, disenyo, Latin, calculus, at Internet—lahat ng ito bago pa man makapagsalita ang sanggol ng anumang karaniwan, tulad ng ’goo goo.’ Pangatlo, madalas niyang madamang kung minsan ay hinahanapan siya ng mga tao, na halos kadalasa’y hindi naman talagang sinasadya, dahil ang payong naririnig niya o maging ang mga papuring natatanggap niya ay tila walang kaugnayan sa pangkaisipang puhunan, sa espirituwal at emosyonal na pagod, sa mahabang gabi, sa mahabang araw, sagad-sagarang mga gawaing kung magkaminsa’y kinakailangan sa pagsisikap at pagnanais na maging ang uri ng inang inaasahan ng Diyos sa kanya.
“Ngunit isang bagay, sabi niya, ang naghihikayat sa kanyang magpatuloy: ’Sa hirap at ginhawa nito, at sa paminsan-minsang pagluha sa lahat ng ito, alam ko sa kaibuturan ng aking puso na ginagawa ko ang gawain ng Panginoon. Alam kong sa aking pagiging ina ako ay nasa walang hanggang pakikisama sa Kanya. Labis akong naaantig na malaman na natatagpuan ng Diyos ang pinakatampok Niyang layunin at kabuluhan sa pagiging isang magulang, kahit na pinaluluha Siya ng ilan sa Kanyang mga anak.
“‘Sa pagkaunawang ito ay sinisikap ko/ wika niya, ’na gunitain ang hindi maikakailang mahihirap na panahong iyon kung kailan tila nakakapagod ang lahat ng ito. Marahil ay mismong ang kawalang-kakayahan at pagkabalisa ang nag-uudyok sa atin upang lapitan Siya at nagpapahusay sa Kanyang kakayahang tulungan Tayo. Marahil ay lihim Siyang umaasa na magiging balisa tayo/ sabi niya, ’at gagawin nating magsumamo para tulungan Niya tayo. Kung gayon ay naniniwala ako na tahasan Niyang matuturuan ang mga batang ito, sa pamamagitan natin, nang walang pagtutol. Gusto ko ang ideyang iyon/ pagtatapos niya. ’Binibigyan ako nito ng pag-asa. Kung magiging tama ako sa harapan ng aking Ama sa Langit, marahil ay walang hahadlang sa paggabay Niya sa ating mga anak. Marahil kung magkagayo’y magiging gawain Niya at kaluwalhatian Niya ito sa totoong diwa’ ” (sa Conference Report, Abr. 1997, 47; o Ensign, Mayo 1997, 36).
Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na magbahagi ng kanilang damdamin tungkol sa kung paano nakikilahok ang mga ina sa gawain ng Diyos.
Pangunahing pananagutan ng mga ina ang pangangalaga sa kanilang mga anak.
Ipabuklat sa mga kalahok ang Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak sa pahina iv. Ituon ang kanilang pansin sa sumusunod na pahayag sa ikapitong talata ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-arunga ng kanilang mga anak.”
-
Sa anong mga paraan pinangangalagaan ng mga ina ang kanilang mga anak? (Anyayahan ang mga kalahok na magbahagi ng mga karanasan na nagpapamalas ng mabuting impluwensiya ng mga ina. Pagkatapos ay ibahagi ang mga sumusunod na pahayag.)
Sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bilang isang inang pinapatnubayan ng Panginoon, humahabi kayo ng pagkatao sa inyong mga anak mula sa mga alituntunin ng katotohanan sa pamamagitan ng maingat na pagtuturo at marapat na halimbawa. Nagkikintal kayo ng mga katangian ng katapatan, pananampalataya sa Diyos, tungkulin, paggalang sa iba, kabaitan, tiwala sa sarili, at hangaring makapag-ambag, matuto, at ibigay ang inyong tiwala sa mga isipan at puso ng mga bata. Walang paaralan sa pag-aalaga na makagagawa niyan. Ito ang inyong sagradong karapatan at pribilehiyo” (sa Conference Report, Okt. 1996, 102; o Ensign, Nob. 1996, 74).
Si Pangulong Boyd K. Packer, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagpahayag, “Walang pagtuturo na kapantay, at higit na nagpapala sa espirituwal, o higit na nagpapadakila kaysa sa isang inang nagtuturo sa kanyang mga anak” (“Teach the Children,” Ensign, Peb. 2000, 16).
Upang makapagbahagi ng iba pang ideya kung paano mapangangalagaan ng mga ina ang kanilang mga anak, ipabuklat sa mga kalahok ang Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ngmga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak sa pahina 52–54. Atasan silang hanapin ang 10 mungkahi ni Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa maaaring gawin ng mga ina upang pag-ukulan ng makabuluhang panahon ang kanilang mga anak. Bilang mga kalahok hanapin ang mga mungkahing ito, ilista ito sa pisara tulad ng ipinakikita sa ibaba. Talakayin ang mga kapakinabangan ng pagsunod sa bawat isa sa mga mungkahi:
Banggitin na binigyang-diin ng mga propeta sa mga huling araw ang kahalagahan ng pananatili ng mga ina sa tahanan kasama ang kanilang mga anak sa halip na magtrabaho sa labas. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Gordon B. Hinckley, ang ika-15 Pangulo ng Simbahan:
“May ilang kababaihan (sa katunayan ay napakarami na nila) na kinakailangang magtrabaho upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang mag-anak. Sinasabi ko sa inyo, gawin ninyo ang pinakamainam ninyong magagawa. Sana kung kayo man ay nagtatrabaho nang buong araw ginagawa ninyo ito upang tiyakin na natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan at hindi upang sundin lamang ang layaw sa isang magarbong pamamahay, mamahaling sasakyan, at iba pang karangyaan. Ang pinakadakilang trabahong magagawa ng isang ina ay ang pangalagaan, turuan, pasiglahin, hikayatin, at palakihin ang kanyang mga anak sa kabutihan at katotohanan. Wala nang ibang makahahalili sa kanya” (sa Conference Report, Okt. 1996, 93; o Ensign, Nob. 1996, 69).
-
Anong mga sakripisyo ang kakailanganing gawin ng mga mag-anak upang masunod ang payong ito?
Sa pagtatapos ninyo ng bahaging ito ng aralin, ibahagi ang isa o ang pareho sa mga sumusunod na pahayag:
Habang naglilingkod bilang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Ipinaaalala ko sa mga ina sa lahat ng dako ang kabanalan ng inyong tungkulin. Walang ibang nararapat na makahahalili sa inyo. Walang pananagutang higit na dakila, walang tungkuling higit na nagbibigkis kaysa sa ang palakihin ninyo sa pagmamahal at kapayapaan at karangalan ang mga iniluwal ninyo sa mundo” (sa Conference Report, Okt. 1993, 79; o Ensign, Nob. 1993, 60).
Ipinahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa mga ina: “Sumasainyo ang dakilang tradisyon ni Eva, ang ina ng buong sangkatauhan, ang siyang nakaunawa na sila ni Adan ay kinailangang mahulog upang ’ang mga lalaki [at mga babae] ay maging gayon’ [2 Nephi 2:25] at upang magkaroon ng kagalakan. Sumasainyo ang dakilang tradisyon nina Sara at Rebeka at Raquel, na kung hindi sa kanila ay wala ang mga dakilang pangakong patriyarkal kina Abraham, Isaac, at Jacob, na nagpapala sa ating lahat. Sumasainyo ang dakilang tradisyon nina Loida at Eunice [tingnan sa 11 Kay Timoteo 1:5] at ng mga ina ng 2,000 binatilyong mandirigma. Sumasainyo ang dakilang tradisyon ni Maria, na pinili at hinirang bago pa man nilikha ang mundong ito, upang ipaglihi, ipagdalantao, at isilang ang Mismong Anak ng Diyos. Pinasasalamatan namin kayong lahat, kabilang na ang sarili naming mga ina, at sinasabi namin sa inyo na walang higit na mahalaga sa mundong ito kaysa sa tahasang pakikilahok sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos, sa pagsasakatuparan ng mortalidad at buhay sa lupa ng Kanyang mga anak na babae at lalaki, upang ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ay makarating doon sa mga kahariang selestiyal sa kaitaasan” (sa Conference Report, Abr. 1997, 48; o Ensign, Mayo 1997, 36; tingnan din sa mga pahina 51 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak).
Dapat tulungan ng mga ama at ina ang isa’t isa bilang magkapantay na pareha.
Pansinin: Kung ito lamang araling ito ang ituturo ninyo at hindi pa naituturo ang aralin 10, pag-isipang simulan ang bahaging ito ng aralin sa pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer sa pahina 59 ng manwal na ito.
Sabihin sa mga kalahok na sumangguni sa sumusunod na pangungusap sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “Sa [kanilang] mga banal na tungkulin, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”
-
Ano ang kahulugan ng pagiging magkapantay na pareha ng mag-asawa sa kanilang mga pananagutan?
Bigyang-diin na ang mga mag-asawang nagtutulungan bilang magkapantay na pareha ay nagkakaisa sa kanilang mga pagsisikap. Aalalayan nila ang isa’t isa at magtutulungan sa pamamagitan ng lakas at talino ng bawat isa. Bawat mag-asawa ay makatatanggap ng patnubay ng Panginoon sa pagpapasiya kung paano aalalayan ang isa’t isa sa kanilang mga pananagutan. Makagagawa sila ng mga pagpapasiya batay sa mga alituntuning ipinahayag mula sa langit at sa mga kakaibang lakas at kakayahan ng bawat isa.
-
Ano ang maaaring gawin ng asawang lalaki upang maalalayan ang kanyang kabiyak sa mga pananagutan nito sa pangangalaga sa mga anak?
-
Ano ang maaaring gawin ng asawang babae upang maalalayan ang kanyang asawa sa mga pananagutan nito sa pamumuno at pagtustos?
-
Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa mga mag-asawa na mabisang maalalayan ang isa’t isa sa pag-aalaga at pagtuturo ng kanilang mga anak?
Katapusan
Basahin sa mga kalahok ang Doktrina at mga Tipan 64:33–34.
-
Paano nauugnay ang banal na kasulatang ito sa mga pananagutan ng pagiging ama at pagiging ina?
Bigyang-diin na ang mga ina at ama ay tunay na “naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain.“ Ang araw-araw na mga gawain sa pagpapalaki ng mga anak kung minsan ay maaaring tila napakaliit at walang kabuluhan, ngunit “mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.” Habang nagtutulungan ang mga ama at ina sa pagtupad ng kanilang mga sagradong pananagutan, makatatanggap ang kanilang mga mag-anak ng mga dakilang pagpapala mula sa Panginoon.
Ayon sa panghihikayat ng Espiritu, ibahagi ang inyong paniniwala sa mga katotohanang tinalakay sa aralin.
Sumangguni sa mga pahina 49–54 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntuning ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Dahil Siya ay Isang Ina,” ni Elder Jeffrey R. Holland, at “Sa mga Ina sa Sion,” ni Pangulong Ezra Taft Benson. Bigyang-diin na ang mga mag-asawa ay makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.