Resources para sa Pamilya
Aralin 9: ‘Ang mga Anak ay Mana mula sa Panginoon’


Aralin 9

“Ang mga Anak ay Mana mula sa Panginoon”

Layunin

Upang paalalahanan ang mga kalahok na kapag tinatanggap ng mga magulang sa lupa ang mga anak ng Ama sa Langit sa kanilang mga tahanan, inaako nila ang pananagutang mahalin sila, alagaan sila, turuan sila, at akayin sila tungo sa buhay na walang hanggan.

Paghahanda

  1. Habang inihahanda ninyo ang inyong sarili sa pagtuturo, humanap ng mga paraan upang sundin ang mga alituntunin sa ilalim ng “ Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito).

  2. Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag. Ang mga ulong ito ay nagbibigay ng buod ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga paraan sa pagtulong sa mga kalahok na ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning ito. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.

  3. Kaagad hilingin sa ilang bata sa Primarya na pumunta sa klase sa Simula ng aralin at awitin ang “Ako ay Anak ng Diyos”(Aklat ng mga Awiting Pambata; Mga Himno 189). O maghandang awitin ito kasabay ng mga kalahok.

  4. Kaagad na anyayahan ang isa o dalawang kalahok na maghandang magbigay ng maikling pananalita tungkol sa kagalakang dulot ng kanilang mga anak sa kanilang buhay. Imungkahi na magbahagi sila ng mga pansariling karanasan bilang bahagi ng kanilang mga paglalahad. Hangarin ang patnubay ng Espiritu habang pinagpapasiyahan kung sino ang dapat ninyong hilingang magsakatuparan ng gawaing ito.

Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin

Ipinagkakatiwala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga espiritung anak sa mga magulang sa lupa.

Hilingin sa mga inatasang bata sa Primarya na awitin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (tingnan sa “Paghahanda,’ aytem 3). Hayaang makabalik agad sa kanilang mga klase sa Primarya ang mga bata pagkatapos ng awitin. Kung hindi kayo nakapag-anyaya ng mga bata sa Primarya na pumunta sa klase, anyayahan ang mga kalahok na kantahin ang awitin kasama ninyo.

  • Anong mga katotohanan ang itinuturo sa awiting ito?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa awiting ito tungkol sa mga pananagutan ng mga magulang? (Isaalang-alang na tukuyin ang mga salita sa koro: “ Akayin at patnubayan / sa tamang daan. / Ituro ang gagawin. / Nang siya”y makapiling.

    Ipinayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang ika-15 Pangulo ng Simbahan: “Huwag kalilimutan kailanman na ang mga musmos na ito ay mga anak ng Diyos at na kayo ay tanging tagapag-alaga nila, na Siya ay magulang na bago pa man kayo naging mga magulang at hindi Siya nagpapabaya sa Kanyang karapatan o interes bilang magulang ng Kanyang mga musmos. Ngayon, mahalin sila, alagaan sila. Mga ama, pigilin ang mga silakbo ng inyong damdamin, ngayon at sa lahat ng taong darating. Mga ina, pigilin ang inyong mga tinig; hinaan ito. Palakihin ang inyong mga anak sa pagmamahal, sa pangangalaga at pagpapayo ng Panginoon. Alagaan ang inyong mga musmos. Malugod silang tanggapin sa inyong mga tahanan, at pangalagaan at mahalin sila nang buong puso” (“Excerpts from Recent Addresses of President Gordon B. Hinckley,” Ensign, Hulyo 1997, 73).

    Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bawat tao ay espiritung anak ng Diyos at nanirahan sa piling ng Ama sa Langit bago naparito sa mundo. Ipinagkakatiwala Niya ang Kanyang mga espiritung anak sa mga magulang sa lupa, na naglalaan ng katawang-lupa para sa kanila sa pamamagitan ng himala ng pisikal na pagsilang, at ibinibigay sa mga magulang ang sagradong pagkakataon at pananagutan na mahalin, ipagtanggol, turuan, at palakihin sila sa liwanag at katotohanan upang balang-araw, sa pamamagitan ng pagbabayad-sala at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo, ay makabalik sila sa piling ng ating Ama” (sa Conference Report, Abr. 1991, 104; o Ensign, Mayo 1991, 78).

  • Paano dapat makaapekto ang kaalaman at pang-unawang ito sa paraan ng pakikitungo ng mga magulang sa kanilang mga anak?

Basahin ang sumusunod na payong ibinigay ni Bishop Robert D. Hales habang naglilingkod siya bilang Namumunong Obispo: “Sa maraming paraan kinakatawan ng mga magulang sa lupa ang kanilang Ama sa Langit sa proseso ng pangangalaga, pagmamahal, pag-aaruga, at pagtuturo sa mga anak. Likas na amaasa ang mga anak sa kanilang mga magulang upang matutuhan ang mga Katangian ng ating Ama sa Langit. Matapos nilang matutuhang mahalin, igalang, it pagkatiwalaan ang mga magulang nila sa lupa, kadalasa’y di nila lamamalayang nagkakaroon sila ng gayunding damdamin para sa kanilang Ama sa Langit” (sa Conference Report, Okt. 1993, 10; o Ensign, Nob. 1993, 9).

Anyayahan ang mga kalahok na pag-isipang mabuti kung paano lakaiimpluwensiya ang mga pag-uugali at kilos ng mga magulang sa damdamin ig mga anak para sa Ama sa Langit.

Dapat hangarin ng mga magulang na matugunan ang bawat )angangailangan ng bawat anak.

Ipaliwanag na bawat anak ay may sari-sariling pagnanais, talino, at pangangailangan. Mahalaga para sa mga magulang na sikaping maunawaan ang kani-kanyang kakayahan at pangangailangan ng bawat anak.

Maraming anak ang medyo kakaiba sa kanilang mga magulang. Maaaring cakaiba ang kanilang pag-uugali, at maaari silang magkaroon ng iba-ibang kalakasan at kahinaan. Maaaring makapanlumo ang mga pagkakaibang ito sa mga magulang, na nahihirapang gabayan at tulungan ang mga anak sa mga caranasang hindi nila mismo naranasan. Ngunit dapat alalahanin ng mga magulang na ipinagkatiwala ng Ama sa Langit ang mga batang ito sa kanila at tutulungan Niya silang malaman kung paano gagabayan ang bawat anak tungo sa katuparan ng kanyang dakilang potensiyal. Sinabi ni Sister Michaelene R Grassli, dating pangkalahatang Pangulo ng Primarya:

“Kailangan nating tuklasin kung sino talaga ang ating mga anak. Kailangan nating alamin kung ano ang mga hilig nila, ano ang mga bumabagabag sa kanila, at ano ang gagawin nila kung magkatotoo ang magagandang pangarap nila. Halos lagi namang napakagaganda ng kanilang mga pangarap. Maaari nating hayaang magkaroon ng sariling pagkatao ang ating mga anak at huwag silang asahang maging katulad ng kanilang mga magulang. Bigyan sila ng iba’ t ibang karanasan upang matiiklasan nila ang kanilang mga hilig, at pagkatapos ay linangin ang mga hilig at talinong ito—kahit na hindi katulad ang mga ito ng sa inyo” (“Teaching Our Children,” Ensign, Abr. 1994, 62).

  • Bakit mahalagang maunawaan ng mga magulang ang kani-kanyang katangian at pangangailangan ng bawat isa sa kanilang mga anak?

  • Ano ang masamang dulot ng pagpipilit ng mga magulang sa mga anak sa mga gawain o karanasang hindi akma sa sariling talino at hilig ng mga bata?

  • Ano ang magagawa ng mga magulang upang mapangalagaan ang mga talino at kakayahan ng bawat isa sa kanilang mga anak?

Upang matulungan ang mga kalahok na maisagawa ang alituntuning ito, magpalista sa kanila ng ilang bagay kung saan ang mga anak sa isang pamilya ay maaaring maiba sa isa’ t isa at sa kanilang mga magulang. Sa gayon, maaaring sumangguni ang mga kalahok sa kanilang mga karanasan bilang mga magulang o sa karanasan mismo ng kanilang sariling mga magulang o kapatid. Isulat ang kanilang mga ideya sa pisara. Pagkatapos ay talakayin ang ilang natatanging talino o katangian sa listahan. Banggitin ang mga natatanging talino o katangian sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Ano ang magagawa ng mga magulang upang mahikayat ang anak na ipagpatuloy ang paglilinang sa talinong ito?

  • Kung may ganitong katangian ang anak, ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang turuan siyang maging mapagmahal at mabait?

  • Sa anong mga paraan makapag-aambag ang anak na may ganitong talino sa gabing pantahanan ng mag-anak?

Bigyang-diin na ang mga magulang na nakauunawa sa mga kakayahan at katangian ng bawat anak ay higit na nadidisiplina ang kanilang mga anak. Anyayahan ang isang kalahok na basahin ang sumusunod na payong ibinigay ni Elder James E. Faust habang naglilingkod siya sa Korum ng Labindalawang Apostol (pahina 57 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Isa sa pinakamahihirap na hamon sa mga magulang ay ang wastong pagdidisiplina sa mga anak. Iba-iba ang pagpapalaki sa anak. Ang bawat anak ay naiiba at kakaiba. Ang pupuwede sa isa ay maaaring hindi pumuwede sa isa pa. Hindi ko alam kung sino ang sapat ang karunungan upang masabi kung anong klaseng disiplina ang napakarahas o kung ano ang napakaluwag maliban sa mga magulang ng mga bata mismo, na nagmamahal sa kanila nang labis. Nasa mapanalanging pag-unawa ito ng nga magulang. Tunay ngang ang pinakamahalaga at pinakapangunahing alituntunin ay na ang pagdidisiplina sa mga anak ay kailangang higit na dahil sa pagmamahal kaysa sa pagpaparusa” (in Conference Report, Okt. 1990, 41; o Ensign, Nob. 1990, 34).

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo upang maunawaan na ang disiplina ay dapat ibigay ayon sa mga pangangailangan at kalagayan ng bawat bata?

Ang mga anak ay may karapatan sa magiliw na pakikipag-ugnayan sa kanilang mga magulang.

Bigyang-diin na isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa ng mga magulang ay ang maglaan ng kapaligirang may pagmamahalan, pagkakaibigan, at kaligayahan sa kanilang tahanan. Ibahagi ang mga sumusunod na pahayag:

Habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi ni Elder Gordon B. Hinckley: “Napakapalad, lubos na pinagpala ang isang anak na nakadarama ng pagmamahal ng kanyang mga magulang. Ang init na iyon, ang pagmamahal na iyon ay magbubunga nang maganda sa susunod na mga taon” (sa Conference Report, Okt. 1978, 25; o Ensign, Nob. 1978, 18).

Sinabi ni Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu: “Tulad ng kung ano ang makabuluhan sa buhay, ang mga pangangailangan natin para sa pagkakaibigan ay kadalasang pinakamainam na natutugunan sa tahanan. Kung ang ating mga anak ay nakadarama ng pagkakaibigan sa mag-anak, sa bawat isa, at sa mga magulang, hindi sila maghahanap ng pagtanggap sa labas ng mag-anak” (sa Conference Report, Abr. 1999, 81; o Ensign, Mayo 1999, 64).

  • Ano ang naaalala ninyo mula sa inyong kabataan na nakatulong sa inyong madama na mahal kayo? Sa anong mga paraan nakaimpluwensiya ang ganitong mga damdamin ng pagmamahal sa buong buhay ninyo?

  • Ano ang maaaring gawin ng mga magulang sa kanilang tahanan upang tulungan ang kanilang mga anak na malamang mahal nila ang mga ito?

Tukuyin na sa pagsisikap ng mga magulang na magkaroon ng magiliw na ugnayan sa kanilang mga anak, mahalaga ang mabuting pakikipag-usap. Ipinayo ni Elder M. Russell Ballard: “Walang ibang mas mahalaga sa ugnayan ng mga miyembro ng pamilya kaysa sa bukas at tapat na pakikipag-usap. Ito ay totoo sa mga magulang na nagsisikap ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mga pamantayan sa kanilang mga anak. Ang kakayahang makipagsanggunian sa ating mga kabataan—at marahil ay higit na mahalaga, na talagang makinig sa kanilang mga alalahanin—ay siyang pundasyon kung saan binubuo ang matatagumpay na ugnayan. Kadalasan ang nakikita ng ating mga mata at nadarama ng ating mga puso ay higit na makapagpapahiwatig kaysa sa naririnig o sinasabi natin” (sa Conference Report, Abr. 1999, 114; o Ensign, Mayo 1999, 86–87).

  • Ano ang magagawa ng mga magulang upang makipag-usap nang maayos sa kanilang mga anak? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng nasa sumusunod na listahan.)

    1. Huwag magsawa sa pakikinig. Kung kinakailangan, ulitin ang pagkakaunawa ninyo sa sinasabi ng inyong mga anak. Ipamamalas nito sa kanila na kayo ay talagang nakikinig at makabubuting tiyakin ninyo na nauunawaan nga ninyo.

    2. Mag-ukol ng oras sa pakikipag-usap at pakikinig sa mga anak kahit na batang-bata pa sila—maging kahit bago pa sila matutong magsalita.

    3. Maging interesado sa kanilang mga ideya.

    4. Magpasimula ng pag-uusap sa oras ng pagkain.

    5. Maglaan ng oras na kausapin sila nang isa-isa.

    Upang mabigyang-diin na dapat maglaan ng oras ang mga magulang na makasama nang sarilinan ang bawat isa sa kanilang mga anak, ibahagi ang sumusunod na payo mula kay Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maglaan ng kani-kanyang oras sa [inyong] mga anak, at hayaan silang pumili ng aktibidad at ng paksang pag-uusapan. Alisin ang mga sagabal” (sa Conference Report, Abr. 1999, 41; o Ensign, Mayo 1999, 33).

Para sa mga karagdagang ideya tungkol sa mga alituntunin ng magandang pakikipag-usap, tingnan ang mga pahina 30-31 sa aralin 5.

Ang pang-aabuso sa anak ay kasalanan sa Diyos.

Basahin sa mga kalahok ang Mateo 18:6 Ipaliwanag na hindi dapat abusuhin kailanman ng mga magulang ang kanilang mga anak sa anumang paraan.

  • Ano ang ilang uri ng pang-aabuso ng anak? (Pag-isipang isulat ang mga sagot ng mga kalahok sa pisara. Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng mga nasa listahan.)

    1. Marahas na pagkagalit

    2. Pagsigaw

    3. Pagbabanta

    4. Pananakit

    5. Anumang seksuwal na paglalapat o mahalay na paghipo

    6. Mga nakapanliliit na puna

    7. Hindi pagpapakita ng pagmamahal

    8. Paglalantad sa mga hindi angkop na pelikula, biro, pananalita, magasin, o materyal sa Internet

    9. Hindi tamang pagbibilad sa mga elemento

    10. Pagpapabaya, kabilang na ang kakulangan ng pangangalagang medikal at di sapat na pagpatnubay o disiplina

  • Sa anong mga paraan nakasasama sa mga anak ang ganitong mga kilos?

Matapos talakayin ang katanungang ito, ipaliwanag na kung minsan ay masama rin ang pakikitungong ipinakikita ng mga nasa hustong gulang na pinagmalupitan noong kanilang kabataan, na hindi nababatid kung gaano kasama ang pag-uugaling iyon. Kung minsan ay nadarama nilang wala silang kakayahang baguhing mag-isa ang kanilang pag-uugali. Bigyang-diin na mababago ng mga taong dating mapang-abuso ang kanilang ugali habang mapagpakumbaba nilang hinahangad ang tulong at patnubay ng Panginoon.

Ang mga nagnanais ng tulong upang maunawaan at mabago ang mapang-abuso nilang pag-uugali ay maaring lumapit sa kanilang obispo. Magagawa nitong payuhan sila. Maaari din siyang magrekomenda ng mga tagapayo sa LDS Family Services o ng mga makatutulong sa pamayanan na naaakma sa mga pamantayan ng Simbahan.

Basahin sa mga kalahok ang Doktrina at mga Tipan 121:41-44.

  • Sa anong mga paraan nauugnay ang taludtod na ito sa paraan ng pagdidisiplina ng mga magulang sa kanilang mga anak?

    Habang naglilingkod bilang Unang Tagapagyo sa Unang Panguluhan, itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

    “Hindi kailangan ng mga anak ng palo. Kailangan nila ng pagmamahal at panghihikayat. Kailangan nila ng mga amang igagalang nila sa halip na katatakutan. Higit sa lahat, kailangan nila ng halimbawa… .

    “Ang pakiusap ko… ay iligtas ang mga bata. Napakarami sa kanila ang nabubuhay nang may hinanakit at takot, sa kalungkutan at kabiguan. Kailangan ng mga bata ng init ng araw. Kailangan nila ng kaligayahan. Kailangan nila ng pagmamahal at pangangalaga. Kailangan nila ng kabaitan at kasiglahan at pagmamahal. Bawat tahanan, gaano man ang halaga ng bahay ay makapagdudulot ng kapaligiran ng pagmamahalan na siyang magiging kapaligiran ng kaligtasan” (sa Conference Report, Okt. 1994, 74–75; o Ensign, Nob. 1994, 54).

    Itinuro ni Pangulong Brigham Young, ang pangalawang Pangulo ng Simbahan:

    “Palakihin ang inyong mga anak sa pagmamahal at takot sa Panginoon; pag-aralan ang kanilang mga saloobin at pag-uugali, at pakibagayan sila nang wasto, na hindi hinahayaan ang inyong sarili na iwasto sila sa bugso ng damdamin; turuan silang mahalin kayo sa halip na katakutan” (Discourses of Brigham Young, tinipon ni John A. Widtsoe [1954], 207).

Nagdudulot ng malaking kagalakan ang mga anak sa buhay ng kanilang mga magulang.

Tukuyin na mahalagang alalahanin ng mga magulang ang kanilang mga sagrado at dakilang pananagutan, ngunit mahalaga ring pag-isipan nila ang kagalakang dulot ng kanilang mga anak sa kanilang buhay. Habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, ipinahayag ni Elder James E. Faust na “bagama’t may ilang hamong nakahihigit sa pagiging mabubuting magulang, iilang pagkakataon lamang ang naglalaan ng mas malaking potensiyal para sa kagalakan” (sa Conference Report, Okt. 1990, 40; o Ensign, Nob. 1990, 32; tingnan din sa pahina 55 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak).

Anyayahan ang mga itinalagang kalahok na magbigay ng maikling pananalita tungkol sa kagalakang dulot ng kanilang mga anak sa kanilang buhay (tingnan sa “Paghahanda,” aytem 4). Kung may oras pa, pag-isipang ibahagi ang inyong mga damdamin tungkol sa kagalakang idinudulot ng mga anak sa inyong buhay.

Katapusan

Bigyang-diin na ang mga anak ay mga handog mula sa ating Ama sa Langit. Tulad ng sinabi ng Mang-aawit, “Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon” (Awit 127:3). Kapag tinatanggap ng mga magulang sa lupa ang mga anak ng Ama sa Langit sa kanilang mga tahanan, inaako nila ang pananagutang mahalin sila, alagaan sila, turuan sila, at akayin sila tungo sa buhay na walang hanggan.

Sumangguni sa mga pahina 39–43 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Mga Minamahal na Anak, Handog mula sa Diyos,” ni Pangulong Thomas S. Monson. Tukuyin na ang mga mag-asawa ay makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalaing ito sa gabay sa pag-aaral.

Hikayatin ang mga kalahok na dalhin sa klase ang kanilang mga gabay sa pag-aaral para sa susunod na aralin.

Karagdagang Mapagkukunang Materyal

Mga pahayag na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga wala sa nakamulatang kalagayang pangmag-anak.

Upang matugunan ang mga kalagayan ng mga kalahok na wala sa nakamulatang kalagayang pangmag-anak, basahin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na pahayag:

Ipinaliwanag ni Elder Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sinumang kaluluwa na dahil sa kalikasan o kalagayan ay hindi nabiyayaang makapag-asawa at maging magulang, o hindi sinasadyang mag-isang magpalaki ng mga anak at magtrabaho upang itaguyod sila, ay hindi pagkakaitan sa kawalang-hanggan ng anumang biyaya—kung susundin nila ang mga kautusan. Tulad ng ipinangako ni Pangulong Lorenzo Snow [ang ika-5 Pangulo ng Simbahan], ’Iyan ay tiyak at mangyayari’ ” (sa Conference Report, Okt. 1993, 30; o Ensign, Nob. 1993, 23).

Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee, ang ika-11 Pangulo ng Simbahan: “[Ang mga kababaihang] pinagkaitan ng pagpapalang makapag-asawa o maging ina sa buhay na ito—na sinasambit sa kanilang puso, kung magagawa ko, ginawa ko na sana, o ibibigay ko kung mayroon ako, ngunit hindi ko magawa dahil ako’y wala—pagpapalain kayo ng Panginoon na parang ginawa ninyo, at ang mundong darating ay pupunuan ang mga yaong naghahangad sa kanilang mga puso ng mabubuting bagay na hindi nila nagawa nang hindi naman nila kasalanan” (“Maintain Your Place As a Woman,” Ensign, Peb. 1972, 56).

Ipinaliwanag ni Elder Gene R. Cook ng Pitumpu: “Kung minsan ang isang maganak ay iisa lamang ang magulang dahil sa kamatayan o paghihiwalay. Kung minsan isa lamang sa mga magulang ang miyembro ng Simbahan. Kung minsan ang isa ay hindi kasing-aktibo ng isa. Magkagayon man, ang isang magulang na espirituwal ay matagumpay na mapalalaki ang isang mag-anak sa Panginoon. Ilan sa pinakamagagaling na kalalakihan at kababaihang kilala ko ay nagmula sa gayong uri ng mag-anak. Nawa’y pagpalain lagi ng Panginoon ang mabubuting ina at ama na maaaring iniisip na kailangang gawin nila ito ‘nang mag-isa’ ngunit ang totoo ay pinalalaki ang kanilang mga anak sa ilalim ng patnubay ng Panginoon” (Raising Up a Family to the Lord [1993], xv).

Print