Resources para sa Pamilya
Aralin 1: ‘Ang Mag-anak ay Sentro sa Plano ng Lumikha’


Aralin 1

“Ang Mag-anak ay Sentro sa Plano ng Lumikha”

Layunin

Upang bigyang-diin ang walang-hanggang kahalagahan ng mag-anak at tulungan ang mga kalahok na malaman ang kailangan nilang gawin upang matanggap ang buong kapakinabangan ng kursong Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak.

Paghahanda

  1. Repasuhin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito). Humanap ng mga paraan upang maipamuhay ang mga alituntuning ito sa inyong paghahanda sa pagtuturo.

  2. Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag, na nagbabalangkas ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga doktrina at alituntuning ito sa buong linggo, na hinahangad ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.

  3. May panalanging pag-aralan ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na matatagpuan sa pahina ix sa manwal na ito at pahina iv sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak.

  4. Kumuha ng kopya ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak (36357 893) para sa bawat kalahok. Dapat ninyong matanggap ang mga kopyang ito mula sa panguluhan ng Panlinggong Paaralan, sa klerk ng purok, o sa kawaksing klerk ng purok na nakatalaga sa mga materyal.

  5. Kaagad na mag-atas ng isa o dalawang kalahok upang maghanda ng maikling pananalita tungkol sa nadama nila noong ikasal sila sa templo. Atasan din silang maghanda ng pananalita tungkol sa kagalakan at mga pagpapalang tinatanggap nila sa buhay na ito dahil nabuklod sila sa kanilang asawa para sa kawalang-hanggan. Hangarin ang patnubay ng Espiritu habang pinagpapasiyahan ninyo kung sino ang aatasan ninyong gaganap sa gawaing ito.

  6. Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na sipi (mula sa Stand Ye in Holy Places [1974], 255):

    Ang pinakamahalaga sagawain ngPanginoon na kapwa natin magagawa ay nasa loob ng mga dingding ng ating sariling tahanan.

    Pangidong Harold B. Lee

    Ika-11 Pangulo ng Simbahan

Iminungkahing Pagbubuo sa Aralin

Ipinahahayag ng mga propeta sa mga huling araw ang walang-hanggang kahalagahan ng kasal at ng mag-anak.

Ibahagi ang sumusunod na kuwento sa totoong buhay:

Tila nawala na ang lahat sa taong ito dahil sa mapaminsalang baha. Umiyak siya, hindi dahil sa nawalang mga ari-arian niya, kundi dahil hindi niya matagpuan ang minamahal niyang asawa at apat na anak. Malamang na nalunod sila. Hindi nagtagal at kumalat ang balitang buhay sila at naghihintay sa kanya sa kalapit na pasilidad para sa dagliang lunas. Isang napakaligayang sandali nang muling magkasama-sama ang mag-anak na iyon! Habang nagsasaya sila, sinabi ng lalaki, “Nasa akin nang muli ang mag-anak ko, at kahit na walang natira sa aking mga ari-arian, pakiramdam ko’y milyonaryo ako” (binanggit ni Robert L. Simpson, sa Conference Report, Okt. 1980, 11-12; o Ensign, Nob. 1980, 11).

Maikling ibahagi ang inyong mga paniniwala at patotoo tungkol sa kasal at sa mag-anak. Kung naaangkop, ibahagi ang inyong nadarama tungkol sa inyong sariling mag-anak. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pinakasentro ng Simbahan ay hindi ang [sentro ng] istaka; hindi ang kapilya…. Ang pinakasagradong lugar sa daigdig ay hindi kinakailangang ang templo. Ang kapilya, ang [sentro ng] istaka, at ang templo ay sagrado sapagkat bahagi sila sa pagtatayo ng pinakasagradong institusyon ng Simbahan—ang tahanan—at sa pagpapala sa mga pinakasagradong ugnayan sa Simbahan, ang mag-anak” (“That All May Be Edified” [1982], 234–35).

Bigyan ang bawat kalahok ng kopya ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Ipabuklat sa mga kalahok ang pahina iv. Ipaliwanag na noong 1995, naglathala ang Unang Panguluhan ng isang pagpapahayag sa buong mundo tungkol sa kasal at sa mag-anak. Marami sa mga doktrina at alituntuning itinuro sa pagpapahayag ang tatalakayin sa kursong ito. Basahin kasama ng mga kalahok ang pagpapahayag, na inaanyayahan ang iba-ibang kalahok na basahin nang malakas ang bawat talata.

  • Ano ang ilan sa mga doktrina at alituntunin na itinuro sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak? (Pag-isipang isulat sa pisara ang mga sagot ng mga kalahok.) Bakit kailangan ng mundo ang payo at babalang ito?

    Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ika-15 Pangulo ng Simbahan: “Bakit tayo may ganitong pagpapahayag tungkol sa mag-anak ngayon? Sapagkat ang mag-anak ay sinalakay. Sa lahat ng panig ng mundo ay nagkakawatak-watak ang mga mag-anak. Ang lugar kung saan dapat simulan ang pagpapabuti sa lipunan ay sa tahanan. Kadalasa’y ginagawa ng mga bata ang itinuturo sa kanila. Sinisikap nating pagandahin ang mundo sa pamamagitan ng higit na pagpapatatag sa mag-anak” (“Inspirational Thoughts,” Ensign, Agosto 1997, 5).

  • Paano ka napalakas at gayundin ang inyong mag-anak ng pagsunod sa payo sa pagpapahayag na ito?

Ang walang-hanggang kasal ay nagdudulot ng kagalakan at mga dakilang pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Bigyang-diin na ang walang-hanggang kasal ay sentro sa dakilang piano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Pinahihintulutan nito ang mga mag-anak na makatagpo ng tunay na kagalakan sa buhay na ito at magpatuloy at umunlad sa kawalang-hanggan.

  • Anong mga pagpapala ang matatanggap natin sa buhay na ito kapag ikinasal tayo sa kawalang-hanggan?

    Anyayahan ang mga itinalagang kalahok na magsalita nang maikli tungkol sa nadama nila noong ikasal sila sa templo at tungkol sa kagalakan at mga pagpapalang tinanggap nila sa buhay na ito dahil naibuklod sila sa kanilang asawa sa kawalang-hanggan (tingnan sa “Paghahanda,” aytem 5).

    Pag-isipang magbahagi ng isa o higit pa sa mga sumusunod na pahayag:

    Itinuro ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan: “Maraming tipan ang lubhang kailangan sa ating kaligayahan dito at sa kabilang buhay. Kabilang sa pinakamahahalaga ay ang mga tipan ng kasal sa pagitan ng mag-asawa. Mula sa mga tipang ito dumadaloy ang mga pinakadakilang kagalakan sa buhay” (sa Conference Report, Abr. 1998, 19; o Ensign, Mayo 1998, 17).

    Sinabi ni Elder Boyd K. Packer na “ang pagsusuyuan, pag-ibig, kasal, at pagiging magulang” ang “mga pinakadalisay, pinakamaganda at nakahahalinang karanasan sa buhay” (sa Conference Report, Okt. 1993, 28; o Ensign, Nob. 1993, 21).

    Ipinahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang matamis na pagsasamahan sa walang-hanggang kasal ay isa sa mga pinakadakilang pagpapalang iginawad ng Diyos sa Kanyang mga anak. Walang alinlangang ang maraming taong pinagsamahan namin ng aking magandang asawa ay nagdulot sa akin ng matitinding kagalakan sa buhay. Sa Simula pa lamang, ang pagsasama ng mag-asawa ay naging pangunahin na sa dakilang piano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Naaantig ang ating buhay para sa kabutihan, at tayo ay kapwa napatatatag at napadadakila habang nilalasap natin ang matatamis na pagpapala ng pakikisama sa mga minamahal na miyembro ng ating mag-anak” (sa Conference Report, Okt. 1997, 42; o Ensign, Nob. 1997, 32).

    Sa kanyang unang talumpati sa pangkalahatang miyembro ng Simbahan bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Sa minamahal kong asawa sa loob ng limampu’t walong taon ngayong buwang ito, ipinahahayag ko ang pagpapahalaga…Lubos akong nagpapasalamat sa natatanging babaeng ito na naging kaagapay ko umaraw man o bumagyo. Hindi na kami makatayo na singtuwid ng dati. Ngunit walang nabawas sa pag-ibig namin sa isa’t isa” (sa Conference Report, Abr. 1995, 93; o Ensign, Mayo 1995, 70).

Ipaliwanag na maraming tao ang naniniwala na ang kasal at buhay mag-anak ay mga karanasang para sa buhay na ito lamang. Ngunit bilang mga miyembro ng Simbahan, alam nating ang karapat-dapat na mag-asawa ay makapapasok sa templo at mabubuklod sa pamamagitan ng sagradong ordenansa ng pagkasaserdote, bilang mag-asawa sa kawalang-hanggan. Kapag ang lalaki at babae ay ikinasal sa paraang ito, nagsisimula ang isang walang-hanggang mag-anak.

  • Anong mga walang-hanggang pagpapala ang ipinangako sa mga mag-asawang ibinuklod sa pamamagitan ng pagkasaserdote at pagkatapos ay nanatiling tapat sa kanilang mga tipan? (Basahin kasama ng mga kalahok ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:19–24, 30–31. Ang sumusunod na listahan ay kinabibilangan ng ilang kasagutan, na maaaring isulat sa pisara).

    1. Dadakilain sila sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal kapiling ang Ama sa Langit at ni Jesucristo (D at T 131:1–3; 132:20–24).

    2. Magsasama-sama sila “sa panahon, at sa buong kawalang-hanggan” (D at T 132:19). Ang kanilang mga anak ay maaari ding maging bahagi ng kanilang walang-hanggang mag-anak. (Ipaliwanag na ang Banal na Espiritu ng Pangako, na binanggit sa D at T 132:19, ay ang Espiritu Santo. Ayon sa ating katapatan, pinagtibay ng Espiritu Santo na ang mga ordenansa ng pagkasaserdote na natanggap natin at mga tipang ginawa natin ay katanggap-tanggap sa Diyos.)

    3. Sila ay “magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan” (D at T 132:19).

    4. Patuloy silang magkakaroon ng mga binhi, o mga espiritung anak, sa kawalang-hanggan (D at T 132:19, 30–31; tingnan din sa D at T 131:4).

  • Paano nakatutulong sa inyo na malamang ang mga mag-anak ay maaaring maging walang hanggan?

Tukuyin na maraming matatapat na Banal sa mga Huling Araw na hindi dahil sa ginusto nila ay hindi nagkakaroon ng pagkakataong makatanggap ng mga pagpapala ng walang-hanggang kasal, Bigyang-diin na nangako ang Panginoon na lahat ng matatapat na Banal ay makatatanggap ng mga pagpapalang ito sa bandang huli. Kung nadarama ninyo na kailangang tulungan ang mga kalahok na unawain ang alituntuning ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Alam natin na maraming karapat-dapat at kahanga-hangang Banal sa mga Huling Araw ang kasalukuyang kinukulang sa angkop na pagkakataon at mahahalagang kinakailangan para sa kanilang pag-unlad. Ang pagiging nag-iisa, kawalan ng anak, kamatayan, at paghihiwalay ang bumibigo sa mga mithiin at nagpapaliban sa katuparan ng mga ipinangakong pagpapala. Dagdag pa riyan, ang ilang kababaihang nagnanais maging mga full-time na ina at maybahay ay talagang napipilitang magtrabaho sa labas ng tahanan. Ngunit ang mga kabiguang ito ay pansamantala lamang. Ipinangako ng Panginoon na sa mga kawalang-hanggan walang pagpapalang ipagkakait sa kanyang mga anak na lalaki at babae na sumusunod sa mga kautusan, tapat sa kanilang mga tipan, at naghahangad ng tama.

“Marami sa pinakamahahalagang bagay na ipinagkakait ng buhay na ito ay matutugunan sa Milenyo, na siyang panahon para punan ang lahat ng kakulangan sa dakilang piano ng kaligayahan para sa lahat ng karapat-dapat na anak ng ating Ama. Alam nating mangyayari iyon sa mga ordenansa sa templo. Naniniwala akong mangyayari rin iyon sa mga ugnayan at karanasang pangmag-anak” (sa Conference Report, Okt. 1993, 101; o Ensign, Nob. 1993, 75).

Upang matugunan ang mga kalagayan ng bawat kalahok, makatutulong na basahin ang isa o ang parehong pahayag sa “Mga Karagdagang Mapagkukunang Materyal” sa pahina 9.

Ang kursong Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak ay nilayon upang tulungan tayong makatagpo ng kagalakan sa ating mga ugnayang pangmag-anak.

Anyayahan ang isang kalahok na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag:

Si Pangulong Harold B. Lee, ika-11 Pangulo ng Simbahan, ay nagsabi: “Ang pinakamahalaga sa gawain ng Panginoon na kapwa natin magagawa ay nasa loob ng mga dingding ng ating sariling tahanan” (Stand Ye in Holy Places, 255).

  • Sa anong mga paraan maiiba ang mundo kung namuhay ang lahat batay sa simpleng pagpapahayag na ito?

Ipaliwanag na ang kursong ito ay nilayon upang tulungan tayong patatagin ang pagsasama ng mga mag-asawa at mag-anak at makatagpo ng kagalakan sa ating mga ugnayang pangmag-anak. Ang mga aralin ay batay sa mga doktrina at alituntuning itinuro sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta sa mga huling araw.

Bigyang-diin na sa pagpiling lumahok sa kursong ito, nagpapamalas ang mga miyembro ng hangaring patatagin ang kanilang mga mag-anak. May tatlong bagay silang kailangang gawin upang matanggap ang buong kapakinabangan ng kursong ito.

  1. Lumahok sa klase.

    Bigyang-diin na lahat ng kalahok sa kursong ito ay matututo sa isa’t isa, anuman ang kanilang karanasan sa pag-aasawa o pagpapalaki ng mga anak. Anyayahan ang mga kalahok na magpatotoo sa mga katotohanang tinatalakay nila at magbahagi ng mga karanasang angkop na iugnay sa mga aralin.

  2. Gamitin ang Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak.

    Ipabuklat sa mga kalahok ang kanilang mga kopya ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Bigyang-diin na sa bawat aralin, ang gabay ay naglalaman ng “Mga Ideya para sa Pagsasagawa,” na mga mungkahi upang tulungan ang mga kalahok na maipamuhay ang mga doktrina at alituntuning natutuhan nila. Dagdag pa riyan, bawat aralin ay may kasamang isa o dalawang lathalain ng mga Pangkalahatang Awtoridad ng Simbahan. Pagkatapos ng bawat aralin, dapat kumpletuhin ng mga kalahok ang kahit isa sa mga iminungkahing gawain at pag-aralan ang bawat lathalain. Makatatanggap ang mga mag-asawa ng malalaking kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain.

    Tukuyin ang mga pahina 3–7 sa gabay sa pag-aaral. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pag-aaral sa lathalaing “Para sa Ngayon at sa Kawalang-hanggan” ni Elder Boyd K. Packer.

    Hikayatin ang mga kalahok na dalhin sa klase ang kanilang mga gabay sa pag-aaral para sa bawat aralin.

  3. Pagsikapang mamuhay ayon sa mga doktrina at alituntunin ng mga aralin.

    Bigyang-diin na hindi sapat na matutuhan lamang ang ebanghelyo. Upang maging mabisa ang ebanghelyo sa ating buhay, kailangan nating ipamuhay ang natutuhan natin. Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee, “Hindi natin kailanman tunay na malalaman ang anuman sa mga turo ng ebanghelyo hangga’t hindi natin nararanasan ang mga pagpapalang nagmumula sa pamumuhay ng bawat alituntunin” (Stand Ye in Holy Places, 215).

Maaaring maging “kapirasong langit” ang ating mga tahanan habang nagtatayo tayo sa “bato ng ating Manunubos.”

Bigyang-diin na sa mundo ngayon, ang tahanan ang isa sa mga tanging lugar kung saan makatatagpo tayo ng kapayapaan. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag mula kay Pangulong Thomas S. Monson ng Unang Panguluhan:

“Kung talagang magsisikap tayo, maaaring maging kapirasong langit ang tahanan natin dito sa lupa. Ang ating mga iniisip, ginagawa, at pamumuhay ay nakaiimpluwensiya hindi lamang sa tagumpay ng ating paglalakbay sa lupa; nag-iiwan ang mga ito ng marka sa ating mga walang-hanggang layunin” (sa Conference Report, Okt. 1988, 80-81; o Ensign, Nob. 1988, 69).

  • Sa anong mga paraan maaaring maging “kapirasong langit” ang tahanan?

Matapos makatugon ang mga kalahok sa tanong na ito, ibahagi ang inyong sariling paniniwala tungkol sa kung paano maaaring maging kapirasong langit ang tahanan. Kung naaangkop, magbahagi ng isa o dalawang pansariling karanasan bilang bahagi ng inyong patotoo.

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang ika-12 Pangulo ng Simbahan:

“Marami sa mga ipinagbabawal ng lipunan na noon ay nakatulong sa pagpapatatag at pagtataguyod sa mag-anak ang nalalansag at nawawala. Darating ang oras na yaon lamang mga masidhi at masigasig ang paniniwala sa mag-anak ang magkakaroon ng kakayahang pangalagaan ang kanilang mag-anak sa gitna ng natitipong kasamaan sa ating paligid” (sa Conference Report, Okt. 1980, 3; o Ensign, Nob. 1980, 4).

Basahin kasama ng mga kalahok ang Helaman 5:12. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kung itatayo ninyo ang inyong mga tahanan sa saligang bato ng ating Manunubos at sa ebanghelyo, maaari silang maging mga kanlungan kung saan ang inyong mga mag-anak ay maliligtas mula sa mga rumaragasang unos ng buhay” (sa Conference Report, Abr. 1993, 88; o Ensign, Mayo 1993, 71).

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng pagtatayo ng inyong tahanan “sa saligang bato ng ating Manunubos”? Ano ang ilang natatanging bagay na gagawin ng mga mag-anak kung mayroon silang mga tahanang nakasentro kay Cristo?

Bigyang-diin na ang kursong ito ay tumatalakay sa mga alituntuning makatutulong sa pagpapatatag ng pagsasama ng mga mag-asawa at mag-anak. Dapat nating ipamuhay ang mga alituntuning ito upang lalo tayong mapalapit sa Ama sa Langit at kayjesucristo sa ating mga tahanan. Hindi dapat mawaglit sa ating paningin ang walang hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na nagbigay-daan sa atin upang makapiling ang ating mga mag-anak magpakailanman.

Katapusan

Ipakita ang inyong sigla sa kursong ito, at ipaalam sa mga kalahok kung ano ang maaasahan nila sa inyo bilang guro. Halimbawa, maaari ninyong tiyakin sa kanila na espirituwal ninyong ihahanda ang inyong sarili sa pagtuturo at makikiisa kayo sa kanila sa pamumuhay ng mga alituntunin sa bawat aralin at sa paggamit sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga tinuturuan ninyo na mangakong makikilahok sa klase, gagamitin ang gabay sa pag-aaral, at ipamumuhay ang mga doktrina at alituntuning natututuhan nila.

Sang-ayon sa panghihikayat ng Espiritu, magpatotoo sa napakalaking kahalagahan ng mag-anak. Magpahayag ng pasasalamat para sa kaalaman na ang inyong mag-anak ay maaaring maging walang hanggan.

Mga Karagdagang Mapagkukunang Materyal

Mga paghahayag na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga taong hindi nabibilang sa mga tradisyonal na kalagayang pangmag-anak.

Upang matugunan ang mga kalagayan ng mga kalahok na hindi nabibilang sa mga tradisyonal na kalagayang pangmag-anak, basahin ang isa o ang kapwa sumusunod na mga pahayag:

Si Pangulong Ezra Taft Benson, ang ika-13 Pangulo ng Simbahan, ay nagsabi ng ganito sa mga kapatid na dalaga ng Simbahan: “Itinuturing namin kayong mahalagang bahagi ng pinakatampok na kabuuan ng Simbahan. Idinadalangin namin na ang likas na pagbibigay-diin namin sa mga mag-anak ay hindi magpapadama sa inyo na hindi kayo gaanong kailangan o hindi gaanong mahalaga sa Panginoon o sa Kanyang Simbahan. Ang mga sagradong bigkis ng pagiging miyembro ng Simbahan ay higit pa sa katayuang matrimonyal, gulang, o kasalukuyang kalagayan. Ang kahalagahan ng bawat isa sa inyo bilang anak ng Diyos ang nangingibabaw sa lahat” (“To the Single Adult Sisters of the Church,” Ensign, Nob. 1988, 96).

Si Pangulong Joseph Fielding Smith, ang ika-10 Pangulo ng Simbahan, ay nagturo: “Kung ang lalaki o babaeng naibuklod sa templo para sa panahon at sa kawalang-hanggan ay magkasala at mawalan ng karapatang tumanggap ng kadakilaan sa kahariang selestiyal, hindi niya maaaring pigilin ang pag-unlad ng nasaktang kasama na nanatiling tapat. Bawat isa ay hahatulan ayon sa kanyang [sariling] mga gawa, at hindi makatarungang usigin ang walang sala para sa mga kasalanan ng maysala” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954-56], 2:177).