Resources para sa Pamilya
Aralin 12: Pagtuturo sa mga Anak sa Pamamagitan ng Halimbawa at Tagubilin


Aralin 12

Pagtuturo sa mga Anak sa Pamamagitan ng Halimbawaat Tagubilin

Layunin

Upang tulungan ang mga kalahok na maunawaan na pananagutan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at tagubilin at hangarin ang inspirasyon ng langit sa lahat ng kanilang mga pagsisikap na magturo.

Paghahanda

  1. Habang inihahanda ninyo ang inyong sarili sa pagtuturo, humanap ng mga paraan upang sundin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina xi-xiii sa manwal na ito).

  2. Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag. Ang mga ulong ito ay nagbibigay ng buod ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga paraan sa pagtulong sa mga kalahok na ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning ito. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.

Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin

Pananagutan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak.

Ibahagi ang sumusunod na kuwentong isinalaysay ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ang ika-15 Pangulo ng Simbahan:

“Hindi pa naglalaon mula nang ikasal kami ay itinayo namin ang aming unang tahanan. Kakaunti lamang ang pera namin noon. Mag-isa kong ginawa ang karamihan sa trabaho… . Akin ang buong responsibilidad sa pagpapaganda ng paligid. Ang una sa maraming punong itinanim ko ay ang isang walang tinik na honey locust. … Napakaliit lamang ng punong ito, marahil ay ikatlong bahagi ng isang pulgada ang lapad. Napakalambot nito kaya madali ko itong naipapaling sa anumang direksyon. Hindi ko ito gaanong pinansin sa paglipas ng mga taon.

“Isang araw ng taglamig, nang mawalan na ng mga dahon ang puno ay nagkataong nakita ko ito mula sa bintana. Napansin kong humihilig ito pakanluran, mali ang pagkakahubog at nakahapay. Hindi ako halos makapaniwala. Lumabas ako at niyakap ito, pilit na itinutuwid ito. Pero halos isang dyametro na ang haba ng katawan nito. Walang nagawa ang aking lakas… .

“Noong una itong itinanim, isang piraso ng tali lamang ang kailangan para patatagin ito laban sa mga puwersa ng hangin. Madali at dapat sana ay inilagay ko ang taling iyon nang walang kahirap-hirap. Pero hindi ko ginawa, at yumukod ito sa mga puwersang kumalaban dito” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 419-20).

  • Paano naaangkop ang karanasan ni Pangulong Hinckley sa pananagutan ng mga magulang na turuan ang mga anak? (Habang tinatalakay ng mga kalahok ang katanungang ito, basahin sa kanila ang Mga Kawikaan 22:6.)

    Sa pagtukoy sa kanyang karanasan sa puno, sinabi ni Pangulong Hinckley: “Maraming beses na akong nakakita ng katulad noon, sa napagmasdan kong buhay ng mga bata. Ang mga magulang na nagdala sa kanila sa mundo ay tila halos tinalikuran na ang kanilang pananagutan. Nakalulunos ang mga naging bunga. Ilang simpleng angkla lamang ang nakapagbigay sana sa kanila ng lakas upang mapaglabanan ang mga puwersang humubog sa kanilang buhay” (Teachings of Gordon B. Hinckley, 420).

Ipaliwanag na binigyan ng Panginoon ang mga magulang ng sagradong tungkuling turuan ang kanilang mga anak. Hindi dapat ipagwalang-bahala o ipaubaya sa iba ang pananagutang ito. Binigyang-diin ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Hindi natin maaaring hayaan o kailangang hayaan ang paaralan, pamayanan, telebisyon, o maging ang mga organisasyon sa Simbahan na siyang bumuo ng mga pagpapahalaga ng ating mga anak. Iniatas ng Panginoon ang tungkuling ito sa mga ina at ama. Ito ang tungkuling hindi natin kayang takasan at hindi natin maaaring ipagawa sa iba. Maaaring tumulong ang iba, ngunit ang mga magulang pa rin ang nananatiling may pananagutan. Kung gayon, kailangan nating bantayan ang kabanalan ng ating mga tahanan sapagkat doon pinauunlad ng mga bata ang kanilang mga pagpapahalaga, pag-uugali, at gawi para sa pang-araw-araw na pamumuhay” (sa Conference Report, Abr. 1991, 106; o Ensign, Mayo 1991, 79–80).

  • Bakit mahalaga para sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak sa halip na ipaubaya ang pananagutang ito sa iba? Ano ang mga panganib kapag hindi nagawang tuparin ng mga magulang ang pananagutang ito?

  • Sa anong mga paraan makaaalalay ang mga kamag-anak, tulad ng mga lolo at lola at tiyahin at tiyuhin, sa mga pagsisikap ng mga magulang na turuan ang mga anak?

Makatatanggap ng inspirasyon ang mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak.

Ipabuklat sa mga kalahok ang Doktrina at mga Tipan 42:14. Ipaliwanag na naglalaman ang talatang ito ng mahalagang susi para sa mga magulang sa pagtuturo nila sa kanilang mga anak. Pagkatapos ay basahin sa mga kalahok ang talata.

  • Anong susi ang matatagpuan sa talatang ito? (Dapat tayong magturo sa pamamagitan ng Espiritu.) Ano ang ibig sabihin ng pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu?

    Basahin sa mga kalahok ang 2 Nephi 32:5 at 2 Nephi 33:1. Bigyang-diin na makatutulong sa atin ang Espiritu, o ang Espiritu Santo, upang malaman kung ano ang dapat nating gawin at sabihin. Kapag nagtuturo ang mga magulang ayon sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo, dadalhin ng Espiritu Santo ang mensahe sa puso ng kanilang mga anak.

Ibahagi ang sumusunod na payo mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Kayong mga magulang, mahalin ang inyong mga anak. Pakaingatan sila. Napakahalaga nila. Sila ang hinaharap. Kailangan ninyo ng higit sa inyong sariling kaalaman sa pagpapalaki sa kanila. Kailangan ninyo ng tulong ng Panginoon. Manalangin para sa tulong na iyon at sundin ang inspirasyong tinatanggap ninyo” (sa Conference Report, Okt. 1995, 120; o Ensign, Nob. 1995, 89).

  • Bakit kailangan ng mga magulang ng inspirasyon sa kanilang mga pagsisikap na turuan ang kanilang mga anak? Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang anyayahan ang impluwensiya ng Espiritu Santo sa pagtuturo sa kanilang mga anak?

Ibahagi ang sumusunod na kuwentong isinalaysay ni Elder F. Enzio Busche ng Pitumpu:

“Isang araw nang kinailangan akong umuwi ng bahay sa hindi inaasahang oras, nasaksihan ko mula sa kabilang kuwarto kung paano pinagsalitaan ng mga pangit na salita ng aking labing-isang-taong-gulang na anak na lalaki, na kararating pa lamang mula sa paaralan, ang nakababata niyang kapatid na babae. Nagpagalit sa akin ang mga salitang iyon—mga salitang hindi ko akalaing sasambitin ng aming anak na lalaki. Ang unang naisip ko dahil sa galit ay puntahan siya at pagalitan. Mabuti na lang at kinailangan ko munang tumawid sa kabilang kuwarto at buksan ang pinto bago ko siya abutan, at naalala ko sa loob ng maikling sandaling iyon na taimtim akong nanalangin sa aking Ama sa Langit na tulungan akong harapin ang pangyayari. Napayapa ako. Hindi na ako galit.

“Ang aking anak, na nabigla na makita ako sa bahay, ay takot na takot nang lapitan ko siya. Nagulat akong marinig ang sarili kong nagsasabi ng, ’Mabuti’t nakauwi ka na, anak!’ at kinamayan ko siya bilang pagbati. Pagkatapos ay pormal ko siyang inanyayahang umupo sa tabi ko sa sala para makapag-usap kami nang sarilinan. Narinig ko ang sarili kong nagpapahayag ng pagmamahal sa kanya. Nag-usap kami tungkol sa pakikidigmang kailangang labanan ng bawat isa sa atin sa ating sarili sa araw-araw.

“Habang ipinahahayag ko ang pagtitiwala ko sa kanya, bumulalas siya ng iyak, at isiniwalat na hindi siya karapat-dapat at isinusumpa niya ang kanyang sarili. Ngayon ay tungkulin kong ilagay sa wastong pananaw ang kanyang paglabag at aliwin siya. Napasaamin ang isang kalugud-lugod na espiritu, at pareho kaming napaiyak, at niyakap ang bawat isa nang may pagmamahal at sa bandang huli ay sa kagalakan. Ang isa sanang nakapipinsalang paghaharap ng mag-ama, sa tulong ng kapangyarihan sa langit, ay naging isa sa pinakamagagandang karanasan ng aming ugnayan na kapwa namin hindi malimutan kailanman” (sa Conference Report, Abr. 1982, 98-99; o Ensign, Mayo 1982, 70).

  • Ano kaya ang maaaring naging bunga kung sinunod ng amang ito ang bugso ng kanyang galit?

Hilingin sa mga kalahok na magbahagi ng mga karanasan kung kailan inakay sila ng Espiritu Santo na turuan o tulungan ang isang bata sa isang paraan—marahil sa isang paraang hindi niya talaga binalak.

  • Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang ihanda ang kanilang sarili sa pagtanggap ng patnubay ng Espiritu Santo? (Habang tinatalakay ng mga kalahok ang katanungang ito, anyayahan silang basahin ang ilan o kaya’y lahat ng sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan: Alma 17:2–3; D at T 11:21; 20:77; 121:45–46; 136:33.)

Nagtuturo ang mga magulang sa pamamagitan ng halimbawa at tagubilin.

Ipaliwanag na tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa dalawang pangkaraniwang paraan: sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at sa pamamagitan ng kanilang mga salita.

  • Sa anong mga paraan nakadaragdag ng kahulugan sa kanilang mga salita ang mga halimbawa ng mga magulang sa pagtuturo nila sa kanilang mga anak?

    Ipabasa sa mga kalahok ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Faust noong naglilingkod pa siya sa Korum ng Labindalawang Apostol (pahina 56-57 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak).

    “Kapag tinatangka ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na umiwas sa panganib, hindi dapat sumagot ang mga magulang sa kanilang mga anak na, ’Mas marami kaming karanasan at mas matalino kami sa mga pamamaraan ng mundo, at mas kaya naming sumuong sa panganib kaysa sa inyo.’ Nang dahil sa pagkukunwari ng mga magulang, maaaring maging mapamintas at walang paniniwala ang mga anak sa mga itinuro sa kanila sa tahanan. Halimbawa, kapag nanonood ang mga magulang ng mga pelikulang ipinagbabawal nilang panoorin ng mga anak, nababawasan ang paniniwala nila sa mga magulang. Kung inaasahang maging tapat ang mga anak, kailangang maging tapat ang mga magulang. Kung inaasahang maging mabait ang mga anak, kailangan ding maging mabait ang mga magulang. Kung inaasahan ninyong maging marangal ang inyong mga anak, kailangan ninyong maging marangal” (sa Conference Report, Okt. 1990, 41; o Ensign, Nob. 1990, 33–34).

  • Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng halimbawa?

    Habang naglilingkod bilang Namumunong Obispo, sinabi ni Bishop Robert D. Hales: “Kapag iniisip ko ang tungkol sa… mga pakikipag-ugnayan ko sa aking sariling mag-anak, hindi ko maiwasang balikan ang halimbawang natanggap ko mula sa aking sariling mga magulang” (sa Conference Report, Okt. 1993, 8; o Ensign, Nob. 1993, 8). Ang mga sumusunod na gunita ay nagpapakita kung paano natuto si Bishop Hales sa kanyang mga magulang:

    “Tinuruan ako ng aking ama ng paggalang sa pagkasaserdote. Habang naglilingkod sa Pagkasaserdoteng Aaron, ipinapasa namin ang sakramento na gamit ang trey ng sakramento na gawa sa hindi kinakalawang na metal na dahil sa pagtapun-tapon ng tubig ay napupuno ng batik-batik na bakas ng tubig. Bilang maytaglay ng Pagkasaserdoteng Aaron, may pananagutan akong tumulong sa paghahanda ng sakramento. Ipinauwi sa akin ni Itay ang mga trey, at nilinis naming dalawa ang mga ito ng steel wool hanggang sa kumintab ang bawat trey. Kapag ipinapasa ko ang sakramento, alam kong nakibahagi kami sa kaunti pang pagpapabanal ng ordenansa ng sakramento” (sa Conference Report, Okt. 1993, 8; o Ensigti, Nob. 1993, 8).

    “Nagpapasalamat ako sa isang ina na tapat sa kanyang asawa at mga anak— isang inang nagturo sa pamamagitan ng halimbawa. Nagpapasalamat ako sa kanyang tapat na paglilingkod sa Samahang Damayan sa loob ng mahigit tatlumpung taon. Sa gulang na labing-anim, pagkatanggap ko ng lisensiya sa pagmamaneho, nagkaroon ako ng pagkakataong matuto mula sa kanya kapag isinasama niya ako sa pagtulong sa obispo sa paglingap sa mahihirap at nangangailangan” (sa Conference Report, Abr. 1997, 90; o Ensign, Mayo 1992, 65).

  • Anong mga pagkakataon mayroon ang mga magulang upang maturuan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng kanilang mga salita?

    Habang tinatalakay ng mga kalahok ang tanong na ito, ipaliwanag na ang pangmag-anak na panalangin, pangmag-anak na pag-aaral ng banal na kasulatan, at gabing pantahanan ng mag-anak ay tatalakayin sa aralin 16. Bilang karagdagan sa mga naitakda nang pagkakataong ito sa pagtuturo, maraming pagkakataon sa pagtuturo ang dumarating sa mga hindi binalak na sandali ng pang-araw-araw na buhay. Nagiging napakabisang mga sandali ng pagtuturo ang mga pagkakataong ito dahil malapit na naiuugnay ito kaagad sa nararanasan ng mga anak. Dahil maaaring madaling dumating at mawala ang gayong mga pagkakataon, kailangang mabatid ito ng mga magulang at maging handa sa pagtuturo ng mga alituntunin na handa nang matutuhan ng kanilang mga anak.

  • Anu-ano ang ilan sa mga hindi nakaplanong sandali na kailangang abangan ng mga magulang? (Kung nahihirapang sagutin ito ng mga kalahok, pag-isipang ibahagi ang mga sumusunod na mungkahi upang manghikayat ng talakayan.)

    Magkakaroon ang mga magulang ng mga pagkakataon sa pagtuturo kapag ang mga anak ay may mga tanong at alalahanin, problema sa pakikitungo sa mga kapatid o kaibigan, mga pagkakataon ng pagpapasiya, o mga alalahanin tungkol sa mga ideyang inilalahad sa media. Dumarating ang iba pang mga pagkakataon sa pagtuturo kapag kailangang matuto ang mga anak mula sa kanilang mga pagkakamali, kapag naglilingkod sila. Kapag kailangang pigilin nila ang kanilang galit, o kapag kailangan ng tulong para madama ang impluwensiya ng Espiritu Santo.

  • Sa paanong mga paraan nakapagbibigay ng pagkakataon sa pagtuturo ang palagiang ginagawa ng mag-anak tulad ng oras ng pagkain at oras ng pagtulog?

  • Sa anong mga paraan nakapagbibigay ng pagkakataon sa pagtuturo ang sarilinang pakikipag-usap sa mga anak? Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang matiyak na gumugugol sila ng panahon na makasarilinan ang bawat isa sa kanilang mga anak?

  • Ano ang nagawa ninyong maituro sa mga anak sa oras ng mga hindi nakaplanong pagtuturong ito?

Ipaliwanag na ang susunod na apat na aralin sa kursong ito ay tatalakay sa mga alituntuning dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak at mga pagkakataon sa pagtuturo ng mga magulang.

Katapusan

Bigyang-diin na kapag humihingi ng patnubay sa Panginoon ang mga magulang ay gagabayan Niya sila sa kanilang mga pagsisikap na turuan ang kanilang mga anak. Dapat maging masigasig at matatag ang mga magulang sa kanilang pagsisikap na turuan sila sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at kanilang mga salita.

Ayon sa panghihikayat ng Espiritu, magpatotoo sa mga katotohanang tinalakay sa aralin.

Sumangguni sa mga pahina 55–61 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa aralin sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng mga lathalaing “Ang Pinakamalaking Hamon sa Mundo— Pagiging Mabuting Magulang/’ ni Elder James E. Faust, at “Isang Lamesang Napalilibutan ng Pagmamahal,” ni Elder LeGrand R. Curtis. Bigyang-diin na makatatanggap ang mga mag-asawa ng mga dakilang kapakinabangan mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.