Resources para sa Pamilya
Aralin 5: Pagtugon sa mga Hamon sa Pamamagitan ng Magandang Pag-uusap


Aralin 5

Pagtugon sa mga Hamon sa Pamamagitan ng Magandang Pag-uusap

Layunin

Upang turuan ang mga kalahok kung paano iiwasan at lulutasin ang mga suliranin ng mag-asawa sa pamamagitan ng magiliw na pag-uusap.

Paghahanda

  1. Habang inihahanda ninyo ang inyong sarili sa pagtuturo, humanap ng mga paraan upang sundin ang mga alituntunin sa ilalim ng “Ang Inyong mga Pananagutan Bilang Guro” (mga pahina x-xiii sa manwal na ito).

  2. Basahin ang mga ulo ng aralin na malinaw na nakalimbag. Ang mga ulong ito ay nagbibigay ng buod ng mga doktrina at alituntunin sa aralin. Bilang bahagi ng inyong paghahanda, pag-isipang mabuti ang mga paraan ng pagtulong sa mga kalahok na ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning ito. Hangarin ang patnubay ng Espiritu sa pagpapasiya kung ano ang dapat ninyong bigyang-diin upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok.

Iminungkahing Pagbubuo ng Aralin

Bawat mag-asawa ay magkakaroon ng pagkakaiba ng opinyon.

Ipabasa sa mga kalahok ang sumusunod na pahayag ni Elder Joe J. Christensen ng Pitumpu (pahina 20 ng Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Paminsan-minsan ay nakaririnig tayo ng katulad nito, ‘Bakit kami, limampung taon nang kasal, pero ni minsan ay hindi kami nagkaiba ng opinyon/ Kung totoong nangyayari yan, isa sa pareha ang lubos na napapangibabawan ng isa o, gaya ng minsa’y sinabi ng isang tao, hindi makatotohanan ang taong yan. Sinumang matalinong mag-asawa ay magkakaroon ng magkaibang opinyon. Ang hamon sa atin ay ang tiyaking alam natin kung paano lulutasin ang mga ito. Bahagi iyan ng proseso ng pagpapabuti ng buhay may-asawa” (sa Conference Report, Abr. 1995, 86; o Ensign, Mayo 1995, 65).

Ipaliwanag na tinatalakay ng araling ito ang mga natatanging alituntuning makatutulong sa mag-asawa na iwasan at lutasin ang mga suliranin sa kanilang ugnayan.

Dapat hanapin ng mag-asawa ang mga kahanga-hangang katangian ng isa’t isa.

Bigyang-diin na kapag hinahanap ng mag-asawa ang mga kahanga-hangang katangian ng isa’t isa ay higit nilang maiiwasan ang mga suliranin. Maaari din silang magtulungan sa paglutas ng mga dumarating na problema. Ibahagi ang sumusunod na kuwento.

Isang babae ang paulit-ulit na pumunta sa kanyang obispo upang magpahayag ng mga hinanakit niya sa kanyang asawa. Sa huli ay tinanong siya ng obispo, “Bakit mo pinakasalan ang taong ito na itinuturing mong manhid at di mo matagalan?” Nag-isip sandali ang babae at sinabi, “Ah, palagay ko ay mayroon siyang ilang magagandang katangian, pero wala akong maalaala. Maaaring nagbago siya.” Sinabihan siya ng obispo na umuwi at manalangin na mapalambot ang kanyang puso upang masimulan niyang maalaala ang mga katangiang dati niyang hinangaan sa kanyang asawa. Nabatid niya na sa paglipas ng mga panahon, nagawa niyang makilala at mapagtuunan ng pansin ang mga kahanga-hangang katangian ng kanyang asawa. Dati, labis siyang nakatuon sa mga pagkakamali ng kanyang asawa kung kaya hindi niya nakita ang magagandang katangian nito.

  • Sa anong mga paraan ninyo nakita ang kahalagahan ng paghahanap ng mga kahanga-hangang katangian ng iba? Paano makatutulong sa mag-asawa ang paghahanap sa mga kahanga-hangang katangian ng isa’t isa upang mapatatag ang kanilang pagsasama?

Paalalahanan ang mga kalahok na bagama’t magkakaiba ang bawat tao, lahat tayo ay mga anak ng Diyos. Mag-anyaya ng isang kalahok upang basahin ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (pahina ix ng manwal na ito at pahina iv sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugtiayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

“Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa wangis ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may banal na katangian at tadhana na.”

  • Paano nakatutulong sa mag-asawa ang katotohanang ito sa kanilang mga pagsisikap na unawain ang isa’t isa?

    Ipaliwanag na kapag hinangad ng mag-asawa na tingnan ang maganda at banal sa isa’t isa, nakatatagpo sila ng dagdag na kagalakan sa pakikisama sa isa’t isa at lalo silang nagtutulungan na maisakatuparan ang kanilang dakilang kakayahan.

    Habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, nagsalita si Elder Gordon B. Hinckley sa “uri ng paggalang na nagtuturing sa kasama ng isang tao bilang pinakamahalagang kaibigan sa lupa.” Sinabi niya: “Ang pagsasama bilang mag-asawa ay nagiging pangkaraniwan na lamang at nakababagot pa. Wala na akong ibang alam na tiyak na paraan upang panatilihin itong nasa matayog at nakapagbibigay-inspirasyong kalagayan maliban sa paminsan-minsang pagmumuni-muni ng isang lalaki tungkol sa katotohanang ang katuwang na nakatayo sa kanyang tabi ay anak ng Diyos at may kaugnayan sa [Diyos] sa dakilang proseso ng paglikha upang maisakatuparan ang Kanyang walang hanggang layunin. Wala akong alam na ibang higit na mabisang paraan upang panatilihin ng isang babae na maalab ang kanyang pag-ibig sa kanyang asawa maliban sa paghahanap niya at pagbibigay-diin sa mga banal na katangian na bahagi ng bawat anak na lalaki ng ating Ama at mapupukaw ito kapag may paggalang at paghanga at panghihikayat. Ang mismong mga proseso ng gayong mga kilos ay makalilikha ng palagiang pagpapahalaga na kalugud-lugod isa’t isa” (sa Conference Report, Abr. 1971, 81–82; o Ensign, Hunyo 1971, 71–72).

Ang magandang pag-uusap ay nakatutulong sa pag-iwas at paglutas sa mga suliranin.

Ipaliwanag na bukod sa pagkilala sa mga kahanga-hangang katangian ng bawat isa, dapat pagsikapan ng mag-asawa na makipag-usap nang maayos sa isa’t isa. Mahalaga ang pag-uusap sa pagbuo ng pag-iibigan at pagkakaisa at sa paglutas sa mga suliraning maaaring dumating.

Isulat ang mga sumusunod na alituntunin sa pisara:

Makinig sa isa’t isa

Talakayin ang mga hamon nang tapatan at mahinahon.

Makipag-usap sa magigiliw at magagandang paraan.

Ipaliwanag na ang mga alituntuning ito ay makatutulong sa mag-asawa na pagbutihin ang kanilang pag-uusap. Gamitin ang sumusunod na materyal upang magkaroon ng talakayan tungkol sa bawat alituntunin:

Makinig sa isa’t isa

Ibahagi ang sumusunod na payo mula kay Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Mga mag-asawa, matutong makinig, at makinig upang matuto mula sa isa’t isa… . Ang pag-uukol ng panahon para magkausap ay mahalaga upang panatilihing bukas ang linya ng pakikipag-ugnayan. Kung ang pag-aasawa ay pangunahing ugnayan sa buhay, karapat-dapat itong bigyan ng pangunahing oras! Ngunit madalas na nangunguna ang di-gaanong mahalagang tipanan at iniiwan lamang ang anumang natitirang oras sa pakikinig sa mga minamahal na kapareha” (sa Conference Report, Abr. 1991, 28; o Ensign, Mayo 1991, 23).

  • Anong mga kapakinabangan ang maaaring dumating sa mag-asawa kapag maingat at mapagmahal silang nakikinig sa isa’t isa? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng mga nakalista sa ibaba.)

    1. Nalalaman nilang lalo ang tunay na damdamin at layunin ng bawat isa.

    2. Hinahangad nilang umunawa bago humatol at magpayo.

    3. Mas malamang na madama ng bawat isa na pinahahalagahan at minamahal siya.

    4. Hindi gaanong ipagtatanggol ng tao ang kanyang sarili at mas gugustuhing makipag-usap ng bawat isa.

  • Ano ang maaaring humadlang sa mag-asawa sa pakikinig sa isa’t isa? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng abalang iskedyul, hindi pagkakaroon ng panahon para makinig, at kawalan ng interes sa pananagutan ng bawat isa.)

  • Ano ang maaaring gawin ng mga mag-asawa upang maging mas mabubuting tagapakinig? (Bukod sa pagtatanong sa mga ideya ng mga kalahok, pag-isipang ibahagi ang mga nakalista sa ibaba.)

    1. Mag-ukol ng panahon upang magkausap. Alisin ang mga sagabal, at ibigay ang buong pansin sa isa’t isa.

    2. Makinig upang makaunawa. Huwag gambalain ang taong nagsasalita. Kung kinakailangan, magtanong ng gaya ng “May masasabi ka pa ba sa akin tungkol diyan?” o “Ano ang nadama mo nang mangyari iyon?” o “Hindi ko siguradong nauunawaan ko na. Ibig mo bang sabihi’y… ?”

    3. Iwasang magalit o masaktan. Tandaan na sa maraming pagkakataon ay maaaring tama ang higit sa iisang opinyon.

Talakayin ang mga hamon nang tapatan at mahinahon.

  • Bakit mahalagang magkausap nang tapatan ang mag-asawa tungkol sa mga hamong kinakaharap nila sa kanilang pagsasama?

Tukuyin na ang mga talakayan tungkol sa mga hamon ay dapat pangasiwaan sa mapitagang paraan, nang walang malakas na pagtatalo o pag-aaway. Habang naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, itinuro ni Elder Gordon B. Hinckley:

“Bihira tayong mapaaway kapag nagsasalita tayo nang malumanay. Nagkakaroon lamang ng pag-aaway at lumalaki ang maliliit na sigalutan kapag nagtataas tayo ng boses. … Ang tinig ng langit ay marahan at banayad na tinig; gayundin naman ang tinig ng kapayapaan sa loob ng pamamahay, ito ay isang banayad na tinig” (sa Conference Report, Abr. 1971, 82; o Ensign, Hunyo 1971, 72).

Sinabi ni Pangulong David O. McKay, “Huwag hayaang mag-usap ang mag-asawa sa malalakas na tinig kailanman, ‘Maliban kung nasusunog ang bahay’ ” (Stepping Stones to an Abundant Life, tinipon ni Llewelyn R. McKay [1971], 294).

Makipag-usap sa magigiliw at magagandang paraan.

  • Sa anong mga paraan nakaiimpluwensiya sa mag-asawa ang pagpapamalas ng pagpapahalaga, suporta, at pagmamahal? Paano nakaapekto sa mag-asawa ang hindi magandang pag-uusap—tulad ng pamumuna, paninigaw, at paghahanap ng kapintasan?

    Ipabasa sa mga kalahok ang payo mula kay Elder Joe J. Christensen (pahina 19 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak):

    “Iwasan ang ‘walang puknat na pandurutdot.’ Huwag masyadong mapamintas sa mga kakulangan ng bawat isa. Kilalanin na walang sinuman sa atin ang perpekto. Lahat tayo ay marami pang dapat gawin upang maging tulad ni Cristo na gaya ng isinasamo sa atin ng ating mga pinuno.

    “Ang ‘walang puknat na pandurutdot, na siyang tawag ni Pangulong Kimball dito, ay makasisira sa halos anumang pagsasama ng mag-asawa. … Lahat tayo ay karani wang nasasaktan na malaman ang ating mga kahinaan, at hindi natin kailangan ang madalas na paalala. Kakaunting tao lamang ang napagbuti ang pag-uugali ng palagiang pamimintas o pagrereklamo. Kung hindi tayo maingat, ang ilan sa inaakala nating nakakatulong na pamimintas ay nakasisira pala” (tingnan sa Conference Report, Abr. 1995, 85; o Ensign, Mayo 1995, 64–65; tingnan din sa “Marriage and Divorce,” ni Spencer W. Kimball, 1976 Devotional Speeches of the Year [1977], 148).

  • Ano ang maaaring ibunga ng palagiang pagrereklamo o pamumuna?

  • Ang isang uri ng pamumuna ay ang paghahambing sa kahinaan ng isang tao sa mga kalakasan ng iba. Paano nakaaapekto ang pag-uugaling ito sa pagsasama ng mag-asawa?

  • Ano na ang mga naranasan ninyo na nagpapakita ng kahalagahan ng pagpuri at paghihikayat sa iba sa halip na madalas na pamumuna sa kanila? Sa anong mga paraan nakapagpapatatag ng pagsasama ng mag-asawa ang mabuting pagpapahayag ng damdamin?

    Isang babae ang nagpaliwanag na madalas pinupuri ng kanyang asawa ang kanyang mga angking talino bilang asawa at maybahay, hindi lamang sa tahanan nila kundi maging kapag kasama nila ang kanilang mga kaibigan. Hindi niya binabanggit kailanman ang kanyang mga kahinaan. Sa halip, pinipili niyang pagtuunan ng pansin ang kanyang mga kalakasan. Sinabi niyang ang mga pagpuring ito ay nagbibigay sa kanya ng pag-asa at pagnanais na magpakabuti pa.

Katapusan

Ibahagi ang sumusunod na payo mula kay Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Sa mga talakayang pangmag-anak, hindi dapat balewalain ang mga di pagkakaunawaan, sa halip dapat itong timbangin at suriin nang mahinahon. Ang pananaw o opinyon ng isang tao ay kadalasang di kasinghalaga ng maayos at patuloy na ugnayan. Ang paggalang at pagpipitagan sa pakikinig at pagtugon sa oras ng mga talakayan ay mahalaga sa wastong pag-uusap… . Napakahalagang malaman kung paano sasalungat sa pananaw ng iba nang hindi nagpapagalit?” (sa Conference Report, Abr. 1976, 79; o Ensign, Mayo 1976, 52).

Repasuhin nang kaunti ang mga alituntuning tinalakay ninyo. Hikayatin ang mga kalahok na ipamuhay ang mga alituntuning ito. Ibahagi ang inyong patotoo ayon sa panghihikayat ng Espiritu.

Sumangguni sa mga pahina 18–21 sa Gabay ng Kalahok sa Pag-aaral ng mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak. Hikayatin ang mga kalahok na repasuhin ang mga doktrina at alituntunin sa araling ito sa pamamagitan ng (1) pagsunod sa kahit isa sa mga mungkahi sa “Mga Ideya para sa Pagsasagawa” at (2) pagbabasa ng lathalaing “Ang Kasal at ang Dakilang Piano ng Kaligayahan,” ni Elder Joe J. Christensen. Bigyang-diin na makatatanggap ng mga dakilang kapakinabangan ang mag-asawa mula sa magkasamang pagbabasa at pagtalakay ng mga lathalain sa gabay sa pag-aaral.