Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Paano Maibabahagi ng mga Adult ang Ebanghelyo


Paano Maibabahagi ng mga Adult ang Ebanghelyo

2:46

Ang pag-aanyaya sa ibang tao na lumapit kay Cristo ang “pinakamahalagang paanyaya na maibibigay mo sa isang tao,” dahil ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa mga tao ng kapayapan, gabay, at lakas (Henry B. Eyring, “Come unto Christ,” Ensign, Mar. 2008, 49).

Mga Paraan na Maibabahagi ng mga Adult ang Ebanghelyo

  • Sabihin sa isang tao na mahal siya ng Diyos at mahal mo rin siya.

  • Makinig sa isang kaibigan nang hindi nanghuhusga, at ibahagi ang iyong pagtitiwala na tutulungan sila ng Diyos.

  • Panatagin ang isang kaibigan na may pinagdaraanang pagsubok—at manalangin kasama siya at ipanalangin siya.

  • Mag-text sa isang kaibigan na matagal mo nang hindi nakakausap, at ipaalam sa kanya na ikaw ay nagmamalasakit.

  • Ibahagi ang natutuhan mo sa simbahan nitong nakaraang Linggo.

  • Ibahagi sa isang social media post o personal na imbitasyon ang isang aktibidad ng ward.

  • Magbahagi ng isang talata sa banal na kasulatan sa isang kaibigan na may kinakaharap na hamon.

  • Magpakilala sa isang bisita sa simbahan, o tabihan ang isang bagong bisita.

  • Anyayahan ang isang kaibigan na dumalo sa isang klase sa self-reliance o EnglishConnect na kasama ka.

Mga Resource na Maibabahagi ng mga Adult sa Kanilang mga Kaibigan

Payo ng Propeta

Ikaw ay may pagkakataon araw-araw na ibahagi ang ebanghelyo sa mga taong nakapaligid sa iyo at tulungan sila na mas mapalapit kay Jesucristo. Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Lahat ay nararapat na magkaroon ng pagkakataong malaman ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat tao ay nararapat na malaman kung saan siya makasusumpong ng pag-asa at kapayapaan na ‘hindi maabot ng pag-iisip’ [Filipos 4:7]” (“Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2022, 7).

Isama ang Ama sa Langit sa iyong mga pagsisikap, at humingi ng tulong sa Kanya habang kumikilos ka ayon sa mga alituntuning “magmahal, magbahagi, at mag-anyaya.” Gagabayan ka Niya sa partikular na mga hangarin at pangangailangan ng mga taong nakapalibot sa iyo. Sasamahan ka Niya sa pagbibigay mo ng mga imbitasyon para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Habang ikaw ay nananalangin para sa mga pagkakataong magbahagi at kumilos ayon dito, makakahanap ka ng mga taong handa nang gumawa at tumupad ng mga tipan. Mas lubos mong mauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng maging kasangkapan sa pagtulong sa iba na makapasok sa landas ng tipan. Pupunuin ng Ama sa Langit ang iyong buhay ng kagalakan habang tinutulungan mo ang iyong mga kaibigan na madama ang Espiritu at mapalapit kay Jesucristo.

Isaalang-alang ang paglilingkod sa full-time o service mission bilang mag-asawa o nang mag-isa kapag kaya ng iyong kalagayan. “Napakaraming bagay ang nagagawa ng mga senior missionary na hindi kayang gawin ng iba. Kayo ay pambihirang puwersa para sa kabutihan, dalubhasa sa Simbahan, at handang manghikayat at sumagip ng mga anak ng Diyos. … Kapag kayo ay naglilingkod, madarama ninyo ang pagmamahal ng Panginoon sa inyong buhay, makikilala ninyo Siya, makikila Niya kayo, at ‘anong laki ng inyong kagalakan’ [Doktrina at mga Tipan 18:15]” (Ronald A. Rasband, “Anong Laki ng Inyong Kagalakan,” Liahona, Nob. 2023, 53, 54).