Kabanata 10
Nagkaroon ng katahimikan sa lupain sa loob ng maraming oras—Ang tinig ni Cristo ay nangakong titipunin ang Kanyang mga tao tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw—Napangalagaan ang higit na matwid na bahagi ng mga tao. Mga A.D. 34–35.
1 At ngayon, dinggin, ito ay nangyari na narinig ng lahat ng tao ng lupain ang mga salitang ito, at sumaksi rito. At matapos ang mga salitang ito ay nagkaroon ng katahimikan sa lupain sa loob ng maraming oras;
2 Sapagkat labis-labis ang panggigilalas ng mga tao kung kaya’t nagsitigil sila sa pananaghoy at paghagulgol dahil sa pagkawala ng kanilang mga kaanak na napatay; kaya nga nagkaroon ng katahimikan sa buong lupain sa loob ng maraming oras.
3 At ito ay nangyari na may tinig na muling nangusap sa mga tao, at narinig ito ng lahat ng tao, at sumaksi rito, sinasabing:
4 O kayong mga mamamayan nitong mga dakilang lungsod na mga bumagsak, na mga inapo ni Jacob, oo, na kabilang sa sambahayan ni Israel, gaano kadalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at inalagaan kayo.
5 At muli, gaano kadalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, oo, O kayong mga tao ng sambahayan ni Israel, na nahulog; oo, O kayong mga tao ng sambahayan ni Israel, kayong nananahan sa Jerusalem, na tulad ninyong nahulog; oo, gaano kadalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw, at tumanggi kayo.
6 O kayong sambahayan ni Israel na aking iniligtas, gaano kadalas ko kayong titipunin tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, kung kayo ay magsisisi at magbabalik sa akin nang may buong layunin ng puso.
7 Subalit kung hindi, O sambahayan ni Israel, ang mga lugar na inyong tinitirahan ay magiging mapanglaw hanggang sa panahon ng pagsasakatuparan ng tipan sa inyong mga ama.
8 At ngayon, ito ay nangyari na matapos marinig ng mga tao ang mga salitang ito, dinggin, sila ay nagsimulang muling magsipanangis at magsipaghagulgol dahil sa pagkawala ng kanilang mga kaanak at kaibigan.
9 At ito ay nangyari na sa gayon lumipas ang tatlong araw. At ito ay sa umaga, at naglaho ang kadiliman mula sa ibabaw ng lupain, at ang lupa ay tumigil sa pagyanig, at tumigil ang mga bato sa pagbiyak-biyak, at ang mga kakila-kilabot na paghihinagpis ay tumigil, at lumipas ang lahat ng malakas na ingay.
10 At ang lupa ay muling kumapit, kung kaya’t nanatili ito; at ang pagdadalamhati, at ang pananangis, at ang paghagulgol ng mga taong naligtas na mabuhay ay nagsitigil; at naging kagalakan ang kanilang pagdadalamhati, at ang kanilang mga pananaghoy ay naging pagbibigay-puri at pasasalamat sa Panginoong Jesucristo, na kanilang Manunubos.
11 At sa gayon natupad ang mga banal na kasulatan na winika ng mga propeta.
12 At ang higit na matwid na bahagi ng mga tao ang naligtas, at sila itong mga tumanggap sa mga propeta at hindi sila pinagbabato; at sila itong mga hindi pinadanak ang dugo ng mga banal, na mga naligtas—
13 At sila ay naligtas at hindi nalubog at nalibing sa lupa; at hindi sila nalunod sa kailaliman ng dagat; at hindi sila nasunog ng apoy, ni hindi sila nabagsakan at nadurog hanggang mamatay; at hindi sila natangay ng buhawi; ni hindi sila nadaig ng abu-abo ng usok at ng kadiliman.
14 At ngayon, kung sinuman ang nagbabasa, unawain niya; siya na may mga banal na kasulatan, saliksikin niya ang mga ito, at suriin at masdan kung ang lahat ng yaong kamatayan at pagkawasak sa pamamagitan ng apoy, at sa pamamagitan ng usok, at sa pamamagitan ng mga bagyo, at sa pamamagitan ng mga buhawi, at sa pamamagitan ng pagbubukas ng lupa upang tanggapin sila, at ang lahat ng bagay na ito ay hindi tungo sa katuparan ng mga propesiya ng marami sa mga banal na propeta.
15 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Oo, marami ang nagpatotoo sa mga bagay na ito na tungkol sa pagparito ni Cristo, at pinatay dahil sa sila ay nagpatotoo sa mga bagay na ito.
16 Oo, ang propetang si Zenos ay nagpatotoo sa mga bagay na ito, at nangusap din si Zenok hinggil sa mga bagay na ito, dahil sa sila ay nagpatotoo lalung-lalo na hinggil sa atin, na mga labi ng kanilang binhi.
17 Dinggin, ang ating amang si Jacob ay nagpatotoo rin hinggil sa mga labi ng binhi ni Jose. At dinggin, hindi ba’t tayo ay mga labi ng binhi ni Jose? At ang mga bagay na ito na nagpapatotoo sa atin, hindi ba’t ang mga ito ay nasusulat sa mga laminang tanso na dinala ng ating amang si Lehi mula sa Jerusalem?
18 At ito ay nangyari na sa pagtatapos ng ikatatlumpu’t apat na taon, dinggin, ipakikita ko sa inyo na ang mga tao ni Nephi na mga naligtas, at ang mga yaon ding dating tinatawag na mga Lamanita, na mga naligtas, ay nagkaroon ng mga dakilang kabutihan na ipinakita sa kanila, at mga dakilang pagpapala na ibinuhos sa kanilang mga ulo, kung kaya nga’t pagkatapos ng pag-akyat ni Cristo sa langit ay tunay niyang ipinakita ang kanyang sarili sa kanila—
19 Ipinapakita ang kanyang katawan sa kanila at nangaral sa kanila; at ang ulat ng kanyang ministeryo ay ibibigay pagkaraan nito. Samakatwid, sa oras na ito ay tinatapos ko ang aking mga pangungusap.