Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 11


Ipinakita ni Jesucristo ang kanyang sarili sa mga tao ni Nephi, habang ang maraming tao ay magkakasamang nagtipon sa lupaing Masagana, at nangaral sa kanila; at sa ganitong paraan niya ipinakita ang kanyang sarili sa kanila.

Simula sa kabanata 11.

Kabanata 11

Ang Ama ay nagpatotoo tungkol sa Kanyang Minamahal na Anak—Si Cristo ay nagpakita at ipinahayag ang Kanyang Pagbabayad-sala—Hinipo ng mga tao ang mga bakas ng sugat sa kanyang mga kamay at paa at tagiliran—Sumigaw sila ng Hosana—Itinakda niya ang paraan at panuntunan ng pagbibinyag—Ang diwa ng pagtatalo ay sa diyablo—Ang doktrina ni Cristo ay na dapat maniwala ang mga tao at mabinyagan at matanggap ang Espiritu Santo. Mga A.D. 34.

1 At ngayon, ito ay nangyari na may napakaraming tao na sama-samang nagtipon sa mga tao ni Nephi, sa paligid ng templo na nasa lupaing Masagana; at sila ay nanggigilalas at namamangha ang isa’t isa, at isinasalaysay sa isa’t isa ang malaki at kagila-gilalas na pagbabagong nangyari.

2 At sila ay nag-uusap din tungkol sa Jesucristo na ito, na kung kanino ang palatandaan ay ibinigay hinggil sa kanyang kamatayan.

3 At ito ay nangyari na habang nasa gayon silang pakikipag-usap sa isa’t isa, sila ay nakarinig ng tinig na tila nanggagaling sa langit; at inilibot nila ang kanilang mga paningin sa paligid, sapagkat hindi nila naunawaan ang tinig na kanilang narinig; at iyon ay hindi garalgal na tinig, ni hindi ito malakas na tinig; gayunpaman, at sa kabila ng iyon ay isang maliit na tinig, iyon ay tumimo sa kanila na nakaririnig hanggang sa kaibuturan, kung kaya’t walang bahagi ng kanilang katawan ang hindi nagawang panginigin nito; oo, iyon ay tumimo sa kanilang pinaka-kaluluwa, at nagpaalab sa kanilang mga puso.

4 At ito ay nangyari na muli nilang narinig ang tinig, at hindi nila ito naunawaan.

5 At muli, sa ikatlong pagkakataon, narinig nila ang tinig, at binuksan ang kanilang mga tainga upang marinig ito; at ang kanilang mga mata ay tumingin sa pinanggagalingan ng tunog niyon; at sila ay walang kurap na tumingin sa langit, kung saan nanggaling ang tunog.

6 At dinggin, sa ikatlong pagkakataon ay naunawaan nila ang tinig na kanilang narinig; at sinabi nito sa kanila:

7 Masdan, ang Minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan—pakinggan ninyo siya.

8 At ito ay nangyari na nang kanilang maunawaan, muli nilang itinuon ang kanilang mga paningin sa langit; at dinggin, nakita nila ang isang Lalaki na bumababa mula sa langit; at siya ay nabibihisan ng isang puting bata; at siya ay bumaba at tumayo sa gitna nila; at ang mga paningin ng lahat ng tao ay natuon sa kanya, at hindi sila nangahas na buksan ang kanilang mga bibig, maging sa isa’t isa, at hindi nalalaman ang kahulugan nito, sapagkat inakala nila na isang anghel ang nagpakita sa kanila.

9 At ito ay nangyari na iniunat niya ang kanyang kamay at nangusap sa mga tao, sinasabing:

10 Dinggin, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.

11 At dinggin, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan; at ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan, na kung saan aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula.

12 At ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, ang lahat ng tao ay nangabuwal sa lupa; sapagkat kanilang naalalang ipinropesiya sa kanila na ipakikita ni Cristo ang kanyang sarili sa kanila pagkatapos na siya ay umakyat sa langit.

13 At ito ay nangyari na nangusap ang Panginoon sa kanila, sinasabing:

14 Bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang mga bakas ng pako sa aking mga kamay at sa aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

15 At ito ay nangyari na lumapit ang maraming tao, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, at sinalat ang mga bakas ng pako sa kanyang mga kamay at sa kanyang mga paa; at ito ay ginawa nila, isa-isang nagsisilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit, at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan at nagpatotoo, na ito ay siya nga, na siyang isinulat ng mga propeta, na paparito.

16 At nang lahat sila ay makalapit at makasaksi para sa kanilang sarili, sila ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing:

17 Hosana! Purihin ang pangalan ng Kataas-taasang Diyos! At sila ay nagsiluhod sa paanan ni Jesus, at sinamba siya.

18 At ito ay nangyari na nangusap siya kay Nephi (sapagkat si Nephi ay kabilang sa maraming tao) at kanya siyang inutusan na nararapat siyang lumapit.

19 At si Nephi ay tumayo at lumapit, at iniyukod ang kanyang sarili sa harapan ng Panginoon at hinalikan ang kanyang mga paa.

20 At iniutos sa kanya ng Panginoon na tumayo siya. At siya ay tumayo at tumindig sa harapan niya.

21 At sinabi sa kanya ng Panginoon: Binibigyan kita ng kapangyarihan na binyagan mo ang mga taong ito kapag ako ay umakyat nang muli sa langit.

22 At muli, ang Panginoon ay tumawag pa ng iba, at gayundin ang sinabi sa kanila; at binigyan niya sila ng kapangyarihan na magbinyag. At kanyang sinabi sa kanila: Sa ganitong paraan kayo magbibinyag; at huwag magkakaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo.

23 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sinuman ang magsisisi ng kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng inyong mga salita, at magnanais na mabinyagan sa aking pangalan, sa ganitong paraan ninyo sila bibinyagan—Dinggin, kayo ay lulusong at tatayo sa tubig, at sa aking pangalan ay bibinyagan ninyo sila.

24 At ngayon, dinggin, ito ang mga salitang inyong sasabihin, bibigkasin ang kanilang pangalan, sinasabing:

25 Sa karapatang ipinagkaloob sa akin ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

26 At pagkatapos, inyo silang ilulubog sa tubig, at muling iaahon mula sa tubig.

27 At sa ganitong paraan kayo magbibinyag sa aking pangalan; sapagkat dinggin, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang Ama, at ang Anak, at ang Espiritu Santo ay isa; at ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin, at ang Ama at ako ay isa.

28 At alinsunod sa iniutos ko sa inyo, sa gayon kayo magbibinyag. At hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo, na kagaya noon; ni huwag magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo hinggil sa mga bahagi ng aking doktrina, na kagaya noon.

29 Sapagkat katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang puso ng mga tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.

30 Dinggin, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang puso ng mga tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi.

31 Dinggin, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ipahahayag ko sa inyo ang aking doktrina.

32 At ito ang aking doktrina, at ito ang doktrinang ibinigay ng Ama sa akin; at ako ay nagpapatotoo sa Ama, at ang Ama ay nagpapatotoo sa akin, at ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama at sa akin; at ako ay nagpapatotoo na inuutusan ng Ama ang lahat ng tao, saanman, na magsisi at maniwala sa akin.

33 At sinuman ang maniniwala sa akin, at mabinyagan, siya rin ay maliligtas; at sila ang yaong magmamana ng kaharian ng Diyos.

34 At sinuman ang hindi maniniwala sa akin, at hindi mabinyagan, ay mapapahamak.

35 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ito ang aking doktrina, at ako ay nagpapatotoo na mula ito sa Ama; at sinuman ang naniniwala sa akin ay naniniwala rin sa Ama; at magpapatotoo ang Ama sa kanya tungkol sa akin, sapagkat kanya siyang dadalawin ng apoy at ng Espiritu Santo.

36 At sa gayon magpapatotoo ang Ama tungkol sa akin, at ang Espiritu Santo ang magpapatotoo sa kanya tungkol sa Ama at sa akin; sapagkat ang Ama, at ako, at ang Espiritu Santo ay isa.

37 At muli, sinasabi ko sa inyo, kailangan na kayo ay magsisi, at maging katulad ng isang maliit na bata, at magpabinyag sa aking pangalan, o hindi ninyo maaaring matanggap ang mga bagay na ito sa anumang paraan.

38 At muli, sinasabi ko sa inyo, kailangan na kayo ay magsisi, at magpabinyag sa aking pangalan, at maging katulad ng isang maliit na bata, o hindi kayo magmamana ng kaharian ng Diyos sa anumang paraan.

39 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ito ang aking doktrina, at sinuman ang magtatayo sa ibabaw nito ay nagtatayo sa ibabaw ng aking bato, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa kanila.

40 At sinuman ang magpapahayag nang humigit-kumulang dito, at itatatag ito bilang aking doktrina, sa kanya rin nagmumula ang kasamaan, at hindi nakatayo sa ibabaw ng aking bato; kundi siya ay nagtayo sa isang saligang mabuhangin, at ang mga pintuan ng impiyerno ay nakabukas upang tanggapin ang gayon kapag dumating ang mga baha at hampasin ito ng hangin.

41 Samakatwid, humayo kayo sa mga taong ito, at ipahayag ang mga salitang aking sinabi hanggang sa mga dulo ng mundo.