Kabanata 13
Itinuro ni Jesus sa mga Nephita ang Panalangin ng Panginoon—Pinagtitipon sila ng mga kayamanan sa langit—Ang labindalawa sa kanilang ministeryo ay inutusang huwag alalahanin ang mga bagay na temporal—Ihambing sa Mateo 6. Mga A.D. 34.
1 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko na nais ko na kayo ay maglimos sa mga maralita; ngunit mag-ingat kayo na ang inyong paglilimos ay hindi ginagawa sa harapan ng mga tao upang makita nila; kung hindi ay wala kayong tatanggaping gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.
2 Samakatwid, kung kayo ay maglilimos, huwag kayong magpatunog ng trumpeta sa harapan ninyo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang sila ay papurihan ng tao. Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, mayroon na silang gantimpala.
3 Ngunit kung kayo ay maglilimos, huwag hayaang malaman ng inyong kaliwang kamay ang ginagawa ng inyong kanang kamay;
4 Upang ang inyong paglilimos ay malihim; at ang inyong Ama na nakakikita nang lihim, siya na rin ang maggagantimpala sa inyo nang hayagan.
5 At kung kayo ay mananalangin, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga mapagpaimbabaw, sapagkat iniibig nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan, upang sila ay makita ng mga tao. Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, mayroon na silang gantimpala.
6 Ngunit kayo, kung kayo ay mananalangin, pumasok kayo sa inyong munting silid, at kung naisara na ninyo ang inyong pintuan, manalangin nang palihim sa inyong Ama; at ang inyong Ama, na nakakikita nang lihim, ay gagantimpalaan kayo nang hayagan.
7 Ngunit kung kayo ay mananalangin, huwag gumamit ng mga walang kabuluhang pag-uulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga hindi binyagan, sapagkat iniisip nila na diringgin sila sa labis na kasasalita.
8 Kaya nga huwag kayong tumulad sa kanila, sapagkat nalalaman ng inyong Ama ang mga bagay na kailangan ninyo bago pa kayo humingi sa kanya.
9 Kaya nga sa ganitong pamamaraan kayo manalangin: Ama namin na nasa langit, sambahin ang pangalan ninyo.
10 Mangyari ang inyong kalooban dito sa lupa katulad ng sa langit.
11 At patawarin ninyo kami sa aming mga utang, katulad ng aming pagpapatawad sa mga may utang sa amin.
12 At huwag ninyo kaming hayaang akayin sa tukso, kundi iligtas kami sa masama.
13 Sapagkat sa inyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman. Amen.
14 Sapagkat kung inyong patatawarin ang mga tao sa kanilang mga pagkakasala, ang inyong Ama sa langit ay patatawarin din kayo;
15 Ngunit kung hindi ninyo patatawarin ang mga tao sa kanilang mga pagkakasala, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.
16 Bukod dito, kung kayo ay nag-aayuno, huwag kayong tutulad sa mga mapagpaimbabaw, na may malulungkot na mukha, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao na sila ay nag-aayuno. Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, mayroon na silang gantimpala.
17 Ngunit kayo, kung kayo ay nag-aayuno, langisan ang inyong ulo, at maghilamos ng inyong mukha;
18 Upang huwag ipakita sa mga tao na kayo ay nag-aayuno, kundi sa inyong Ama, na nasa lihim; at ang inyong Ama, na nakakikita nang lihim, ay gagantimpalaan kayo nang hayagan.
19 Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, kung saan nakapaninira ang tangà at kalawang, at ang mga magnanakaw ay sapilitang nakapapasok at nakapagnanakaw;
20 Ngunit mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan hindi nakapaninira ang tangà ni ang kalawang, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi sapilitang nakapapasok at nakapagnanakaw.
21 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso.
22 Ang ilaw ng katawan ay ang mata; kung magkagayon na ang inyong mata ay tapat, ang inyong buong katawan ay mapupuspos ng liwanag.
23 Ngunit kung ang inyong mata ay masama, ang buo ninyong katawan ay mapupuspos ng kadiliman. Kung magkagayon, ang liwanag na nasa inyo ay kadiliman, kaytindi ng kadilimang yaon!
24 Walang taong makapaglilingkod sa dalawang panginoon; sapagkat kanyang kapopootan ang isa at iibigin ang isa pa, o kung hindi ay kakapit siya sa isa at kamumuhian ang isa pa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa Mammon.
25 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, siya ay tumingin sa labindalawang kanyang pinili, at sinabi sa kanila: Tandaan ang mga salitang aking sinabi. Sapagkat dinggin, kayo ang mga yaong aking piniling maglingkod sa mga taong ito. Samakatwid, sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala para sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; ni sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba’t ang buhay ay higit pa kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa kasuotan?
26 Masdan ang mga ibon sa himpapawid, hindi naghahasik ang mga yaon, ni nag-aani o nagtitipon sa bangan; gayunman, ang mga yaon ay pinakakain ng inyong Ama sa langit. Hindi ba’t kayo ay higit na mahalaga kaysa sa kanila?
27 Sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng isang siko sa kanyang tangkad?
28 At bakit ninyo aalalahanin ang kasuotan? Isaalang-alang ang mga lirio sa parang, kung paano lumalago ang mga yaon; hindi gumagawa ang mga ito, ni hindi humahabi ang mga yaon;
29 At gayunman, sinasabi ko sa inyo, na maging si Solomon, sa lahat ng kabantugan niya, ay hindi nabibihisan na katulad ng isa sa mga ito.
30 Samakatwid, kung sa gayon binibihisan ng Diyos ang mga damo sa parang, na sa araw na ito ay gayon, at bukas ay ihahagis sa hurno, maging sa gayon niya kayo bibihisan, kung hindi kayo may kakaunting pananampalataya.
31 Samakatwid, huwag kayong mag-alala, sinasabing, Ano ang aming kakainin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming isusuot?
32 Sapagkat nalalaman ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito.
33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos at ang kanyang katwiran, at ang lahat ng bagay na ito ay idaragdag sa inyo.
34 Kaya nga huwag kayong mag-alala para sa bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala ng mga bagay para sa sarili nito. Sapat na ang araw sa kasamaan nito.