Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 14


Kabanata 14

Iniutos ni Jesus: Huwag hahatol; humingi sa Diyos; mag-ingat sa mga bulaang propeta—Kanyang ipinangangako ang kaligtasan sa mga yaong gagawa sa kalooban ng Ama—Ihambing sa Mateo 7. Mga A.D. 34.

1 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, bumaling siyang muli sa maraming tao, at binuksang muli ang kanyang bibig sa kanila, sinasabing: Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, Huwag hahatol, upang huwag kayong hatulan.

2 Sapagkat sa kahatulang ihahatol ninyo, kayo ay hahatulan, at sa panukat na isusukat ninyo, iyon ang ipanunukat na muli sa inyo.

3 At bakit mo minamasdan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?

4 O paano mo sasabihin sa iyong kapatid: Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata—at dinggin, isang tahilan ang nasa iyong sariling mata?

5 Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa sarili mong mata; at pagkatapos, malinaw kang makakikita upang maalis ang puwing sa mata ng iyong kapatid.

6 Huwag ninyong ibigay ang anumang banal sa mga aso, ni ihagis ang inyong mga perlas sa mga baboy, na baka yurakan nila ang mga ito sa ilalim ng kanilang mga paa, at bumaling muli at lapain kayo.

7 Humingi, at iyon ay ibibigay sa inyo; maghanap, at kayo ay makasusumpong; kumatok, at kayo ay pagbubuksan.

8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan.

9 O mayroon ba sa inyo na kung humihingi ang anak ng tinapay ay bibigyan siya ng bato?

10 O kung humihingi siya ng isda, siya ba ay bibigyan niya ng ahas?

11 Kung kayo nga, na masasama, ay alam kung paano magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na nagbibigay ng mabubuting bagay sa kanila na humihingi sa kanya?

12 Samakatwid, lahat ng bagay na nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayon ang gawin ninyo sa kanila, sapagkat ito ang batas at ang mga propeta.

13 Magsipasok kayo sa makipot na pasukan; sapagkat maluwang ang pasukan, at malawak ang daan na patungo sa pagkawasak, at marami ang papasok dito;

14 Sapagkat makipot ang pasukan, at makitid ang daan, patungo sa buhay, at kakaunti ang nakasusumpong nito.

15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na nakadamit tupa, ngunit sa loob ay lobong maninila.

16 Makikilala ninyo sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. Ang mga tao ba ay namimitas ng mga ubas mula sa mga tinik, o mga igos mula sa mga dawagan?

17 Gayundin ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuting bunga; ngunit ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masamang bunga.

18 Ang mabuting punungkahoy ay hindi maaaring magbunga ng masamang bunga, ni ang masamang punungkahoy ay magbunga ng mabuting bunga.

19 Bawat punungkahoy na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.

20 Samakatwid, sa pamamagitan ng kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.

21 Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng Panginoon, Panginoon, ay makapapasok sa kaharian ng langit; kundi siya na gumagawa sa kalooban ng aking Ama na nasa langit.

22 Marami ang magsasabi sa akin sa araw na yaon: Panginoon, Panginoon, hindi po ba’t kami ay nagpropesiya sa inyong pangalan, at sa inyong pangalan ay nagpalayas po ng mga diyablo, at sa inyong pangalan ay gumawa po ng maraming kamangha-manghang gawa?

23 At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo nakikilala; lumayo sa akin, kayong gumagawa ng masama.

24 Samakatwid, ang sinumang nakikinig sa mga salitang ito at ginagawa ang mga yaon, itutulad ko siya sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato—

25 At bumuhos ang ulan, at dumating ang baha, at umihip ang hangin, at humampas sa bahay na yaon; at iyon ay hindi bumagsak, sapagkat ito ay nakatayo sa ibabaw ng bato.

26 At ang lahat na nakaririnig sa mga salita kong ito at hindi ito ginagawa ay itutulad ko sa isang taong hangal, na nagtayo ng kanyang bahay sa buhangin—

27 At bumuhos ang ulan, at dumating ang baha, at umihip ang hangin, at humampas sa bahay na yaon; at iyon ay bumagsak, at matindi ang pagbagsak niyon.