Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 15


Kabanata 15

Ipinahayag ni Jesus na ang batas ni Moises ay natupad sa Kanya—Ang mga Nephita ang ibang mga tupa na Kanyang sinabi sa Jerusalem—Dahil sa kasamaan, ang mga tao ng Panginoon sa Jerusalem ay hindi alam ang tungkol sa mga nakakalat na tupa ng Israel. Mga A.D. 34.

1 At ngayon, ito ay nangyari na nang matapos ni Jesus ang mga salitang ito, inilibot niya ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Dinggin, inyong narinig ang mga bagay na aking itinuro bago ako umakyat sa aking Ama; kaya nga, ang sinumang makatatanda sa mga salita kong ito at ginagawa ang mga yaon, siya ay ibabangon ko sa huling araw.

2 At ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, nahiwatigan niya na may ilan sa kanila na nanggigilalas, at namamangha kung ano ang ipagagawa niya hinggil sa batas ni Moises; sapagkat hindi nila nauunawaan ang sinabi na ang mga lumang bagay ay lumipas na, at lahat ng bagay ay naging bago.

3 At kanyang sinabi sa kanila: Huwag kayong manggilalas na sinabi ko sa inyo na ang mga lumang bagay ay lumipas na, at lahat ng bagay ay naging bago.

4 Dinggin, sinasabi ko sa inyo na ang batas na ibinigay kay Moises ay natupad na.

5 Dinggin, ako ang siyang nagbigay ng batas, at ako ang siyang nakipagtipan sa aking mga taong Israel; kaya nga, ang batas sa akin ay natupad na, sapagkat ako ay naparito upang tuparin ang batas; kaya nga iyon ay natapos.

6 Dinggin, hindi ko pinabubulaanan ang mga propeta, sapagkat kasindami ng hindi pa natutupad sa akin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, lahat ay matutupad.

7 At sapagkat sinabi ko sa inyo na ang mga lumang bagay ay lumipas na, hindi ko pinabubulaanan ang mga sinabi na hinggil sa mga bagay na magaganap.

8 Sapagkat dinggin, ang tipan na ginawa ko sa aking mga tao ay hindi pa natutupad na lahat; subalit ang batas na ibinigay kay Moises ay nagtapos sa akin.

9 Dinggin, ako ang batas, at ang ilaw. Bumaling kayo sa akin, at magtiis hanggang wakas, at kayo ay mabubuhay; sapagkat siya na nagtitiis hanggang wakas ay bibigyan ko ng buhay na walang hanggan.

10 Dinggin, naibigay ko na sa inyo ang mga kautusan; anupa’t sundin ninyo ang aking mga kautusan. At ito ang batas at ang mga propeta, sapagkat tunay na sila ay nagpatotoo tungkol sa akin.

11 At ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, sinabi niya sa labindalawang yaon na kanyang pinili:

12 Kayo ay aking mga disipulo; at kayo ay ilaw sa mga taong ito, na mga labi ng sambahayan ni Jose.

13 At dinggin, ito ang lupaing inyong mana; at ibinigay ito ng Ama sa inyo.

14 At hindi sa alinmang panahon nagbigay sa akin ng utos ang Ama na nararapat kong sabihin ito sa inyong mga kapatid sa Jerusalem.

15 Ni hindi sa alinmang panahon nagbigay sa akin ng utos ang Ama na nararapat kong sabihin sa kanila ang hinggil sa iba pang mga lipi ng sambahayan ni Israel, na inakay ng Ama palabas ng lupain.

16 Ito lamang ang iniutos ng Ama sa akin na sabihin ko sa kanila:

17 Na mayroon akong ibang mga tupa na hindi kabilang sa kawang ito; sila ay dapat ko ring akayin, at kanilang diringgin ang aking tinig; at magkakaroon ng isang kawan, at isang pastol.

18 At ngayon, dahil sa katigasan ng leeg at kawalang-paniniwala ay hindi nila naunawaan ang aking salita; kaya nga ako ay inutusan ng Ama na huwag nang magsalita pa hinggil sa bagay na ito sa kanila.

19 Ngunit katotohanan, sinasabi ko sa inyo na nag-utos sa akin ang Ama, at sinasabi ko ito sa inyo, na kayo ay nahiwalay sa kanila dahil sa kanilang kasamaan; kaya nga dahil sa kanilang kasamaan kung kaya’t hindi nila nalalaman ang tungkol sa inyo.

20 At katotohanan, sinasabi ko sa inyong muli na ang iba pang mga lipi ay inihiwalay ng Ama sa kanila; at dahil sa kanilang kasamaan kung kaya’t hindi nila nalalaman ang tungkol sa kanila.

21 At katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na kayo ang yaong aking sinabi: Mayroon akong ibang mga tupa na hindi sa kawang ito; sila ay dapat ko ring akayin, at kanilang diringgin ang aking tinig; at magkakaroon ng isang kawan, at isang pastol.

22 At hindi nila ako naunawaan, sapagkat inakala nila na iyon ay ang mga Gentil; sapagkat hindi nila naunawaan na ang mga Gentil ay magbabalik-loob sa pamamagitan ng kanilang pangangaral.

23 At hindi nila ako naunawaan nang sinabi ko na kanilang maririnig ang aking tinig; at hindi nila ako naunawaan na ang mga Gentil ay hindi kailanman makaririnig ng aking tinig—na hindi ko ipakikita ang aking sarili sa kanila maliban kung ito ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

24 Ngunit dinggin, kapwa ninyo narinig ang aking tinig at nakita ako; at kayo ay aking mga tupa, at kayo ay kabilang sa mga yaong ibinigay sa akin ng Ama.