Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 16


Kabanata 16

Dadalawin ni Jesus ang mga ibang nawawalang tupa ng Israel—Sa mga huling araw, ipahahayag sa mga Gentil ang ebanghelyo at pagkatapos ay sa sambahayan ni Israel—Makikita ng mga tao ng Panginoon nang mata sa mata kapag Kanyang muling ibinalik ang Sion. Mga A.D. 34.

1 At katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na ako ay may iba pang tupa na hindi sa lupaing ito, ni sa lupain ng Jerusalem, ni saanmang mga dako ng lupain sa paligid na kung saan ako naglingkod.

2 Sapagkat sila na aking binabanggit ay silang mga hindi pa nakaririnig sa aking tinig; ni hindi ko kailanman naipakita ang aking sarili sa kanila.

3 Ngunit nakatanggap ako ng utos mula sa Ama na ako ay magtungo sa kanila, at pakikinggan nila ang aking tinig, at mapabibilang sa aking mga tupa, upang magkaroon ng isang kawan at isang pastol; kaya nga, ako ay paroroon upang ipakita ang aking sarili sa kanila.

4 At ipinag-uutos ko sa inyo na isulat ninyo ang mga salitang ito kapag ako ay wala na, nang kung magkagayon na ang mga tao ko sa Jerusalem, silang nakakita na sa akin at nakapiling ko sa aking ministeryo, ay hindi humihiling sa Ama sa aking pangalan, nang sila ay magkaroon ng kaalaman tungkol sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at tungkol din sa iba pang mga lipi na hindi nila kilala, na ang mga salitang ito na inyong isusulat ay iingatan at ipaaalam sa mga Gentil upang sa pamamagitan ng kaganapan ng mga Gentil, ang labi sa kanilang mga binhi, na kakalat sa kung saan-saang dako sa balat ng lupa dahil sa kawalan nila ng paniniwala, ay mapabilang, o maakay sa kaalaman tungkol sa akin, na kanilang Manunubos.

5 At sa gayon ko sila titipunin mula sa apat na sulok ng mundo; at sa gayon ko tutuparin ang tipang ginawa ng Ama sa lahat ng tao sa sambahayan ni Israel.

6 At pinagpala ang mga Gentil dahil sa kanilang paniniwala sa akin, mula sa at sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa kanila tungkol sa akin at sa Ama.

7 Dinggin, dahil sa kanilang paniniwala sa akin, wika ng Ama, at dahil sa inyong kawalang-paniniwala, O sambahayan ni Israel, sa huling araw ay ipahahayag ang katotohanan sa mga Gentil, upang ang kaganapan ng mga bagay na ito ay maipaalam sa kanila.

8 Ngunit sa aba nila, wika ng Ama, sa mga hindi naniniwala na mga Gentil—sapagkat sa kabila ng sila ay naparito sa ibabaw ng lupaing ito, at naikalat ang aking mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel; at ang aking mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel ay itinaboy mula sa kanila at niyurakan sa ilalim ng mga paa nila;

9 At dahil sa awa ng Ama sa mga Gentil, at gayundin sa mga kahatulan ng Ama sa aking mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na pagkatapos ng lahat ng ito, at pinapangyari ko na ang aking mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel na saktan, at pahirapan, at patayin, at itaboy mula sa kanila, at kanilang kapootan, at maging bulung-bulungan at bukambibig sa kanila—

10 At sa gayon iniutos ng Ama na sabihin ko sa inyo: Sa araw na yaon na ang mga Gentil ay magkasala laban sa aking ebanghelyo, at tatanggihan ang kabuuan ng aking ebanghelyo, at iaangat sa kapalaluan ang kanilang mga puso nang higit pa sa lahat ng bansa, at higit pa sa lahat ng tao sa buong mundo, at mapupuspos ng lahat ng uri ng kasinungalingan, at ng panlilinlang, at ng kalokohan, at lahat ng uri ng pagpapaimbabaw, at pagpaslang, at huwad na pagkasaserdote, at pagpapatutot, at lihim na karumal-dumal na gawain; at kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay na yaon, at tatanggihan ang kabuuan ng aking ebanghelyo, dinggin, wika ng Ama, kukunin ko ang kabuuan ng aking ebanghelyo mula sa kanila.

11 At sa gayon ko maaalala ang aking tipan na ginawa ko sa aking mga tao, O sambahayan ni Israel, at dadalhin ko ang aking ebanghelyo sa kanila.

12 At ipakikita ko sa inyo, O sambahayan ni Israel, na ang mga Gentil ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo; sa halip, aalalahanin ko ang aking tipan sa inyo, O sambahayan ni Israel, at makararating sa inyo ang kaalaman tungkol sa kabuuan ng aking ebanghelyo.

13 Ngunit kung ang mga Gentil ay magsisisi at magbabalik sa akin, wika ng Ama, dinggin, sila ay mapabibilang sa aking mga tao, O sambahayan ni Israel.

14 At hindi ko pahihintulutan ang aking mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel na makasalamuha nila at yurakan sila, wika ng Ama.

15 Datapwat kung hindi sila babaling sa akin, at makikinig sa aking tinig, pahihintulutan ko sila, oo, pahihintulutan ko ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel, na kanilang makasalamuha sila, at yuyurakan sila, at sila ay magmimistulang asin na nawalan ng lasa, na kung magkagayon ay wala nang kabuluhan kundi ang itapon at yapakan sa ilalim ng paa ng aking mga tao, O sambahayan ni Israel.

16 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sa gayon ako inutusan ng Ama—na dapat kong ibigay sa mga taong ito ang lupaing ito bilang kanilang mana.

17 At sa gayon, ang mga salita ng propetang si Isaias ay matutupad, sinasabing:

18 Ang inyong mga tagabantay ay magtataas ng tinig; sa magkakasamang tinig, sila ay aawit, sapagkat kanilang makikita nang mata sa mata kung kailan ibabalik na muli ng Panginoon ang Sion.

19 Magpakagalak, magsiawit nang sabay-sabay, kayong mga nawasak na dako ng Jerusalem; sapagkat inalo ng Panginoon ang kanyang mga tao, tinubos niya ang Jerusalem.

20 Ipinakita ng Panginoon ang kanyang banal na bisig sa mga paningin ng lahat ng bansa; at lahat ng dulo ng mundo ay makikita ang pagliligtas ng Diyos.