Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 17


Kabanata 17

Inatasan ni Jesus ang mga tao na pagbulay-bulayin ang Kanyang mga salita at manalangin sa ikauunawa—Pinagaling Niya ang kanilang mga maykaramdaman—Nanalangin Siya para sa mga tao gamit ang wikang hindi maisusulat—Naglingkod ang mga anghel at pinaligiran ng apoy ang kanilang mga musmos. Mga A.D. 34.

1 Dinggin, ngayon, ito ay nangyari na nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, muli niyang inilibot ang paningin sa maraming tao, at kanyang sinabi sa kanila: Dinggin, ang oras ko ay nalalapit na.

2 Nahihiwatigan ko na kayo ay mahihina, na hindi ninyo nauunawaan ang lahat ng aking salita na iniutos sa akin ng Ama na sabihin sa inyo sa panahong ito.

3 Samakatwid, magsiuwi kayo sa inyong mga tahanan, at bulay-bulayin ang mga bagay na aking sinabi, at tanungin ang Ama, sa aking pangalan, upang kayo ay makaunawa, at maihanda ang inyong mga isip para sa kinabukasan, at ako ay paparitong muli sa inyo.

4 Ngunit ngayon, ako ay paroroon sa Ama, at ipakikita rin ang aking sarili sa mga nawawalang lipi ni Israel, sapagkat sila ay hindi nawawala sa Ama, sapagkat alam niya kung saan niya sila dinala.

5 At ito ay nangyari na nang makapagsalita nang gayon si Jesus, muli niyang inilibot ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at namasdan na sila ay luhaan, at walang maliw na nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa kanila.

6 At kanyang sinabi sa kanila: Dinggin, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo.

7 Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may kapansanan, o mga yaong bingi, o mga yaong nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa.

8 Sapagkat nahihiwatigan ko na nais ninyong ipakita ko sa inyo ang ginawa ko sa inyong mga kapatid sa Jerusalem, sapagkat nakikita ko na sapat ang inyong pananampalataya upang kayo ay pagalingin ko.

9 At ito ay nangyari na nang makapagsalita siya nang gayon, ang lahat ng tao ay magkakaayong humayo kasama ang kanilang maykaramdaman at mga nahihirapan, at kanilang mga lumpo, at kasama ang kanilang mga bulag, at ang kanilang mga pipi, at ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya.

10 At lahat sila, kapwa sila na mga napagaling at sila na mga walang sakit, ay yumukod sa kanyang paanan, at sinamba siya; at kasindami ng nakalapit sa kabila ng maraming tao ay humalik sa kanyang mga paa, kung kaya nga’t napaliguan nila ng kanilang mga luha ang kanyang mga paa.

11 At ito ay nangyari na kanyang iniutos na nararapat ilapit ang kanilang maliliit na anak.

12 Kaya inilapit nila ang kanilang maliliit na anak at inilapag sa lupa na nakapalibot sa kanya, at si Jesus ay tumayo sa gitna; at ang maraming tao ay nagbigay-daan hanggang sa madala ang lahat sa kanya.

13 At ito ay nangyari na nang madala na nila ang lahat, at si Jesus ay nakatayo sa gitna, kanyang inutusan ang maraming tao na sila ay nararapat na lumuhod sa lupa.

14 At ito ay nangyari na nang nakaluhod na sila sa lupa, si Jesus ay naghinagpis sa kanyang sarili, at sinabing: Ama, ako ay nababahala dahil sa kasamaan ng mga tao ng sambahayan ni Israel.

15 At nang sabihin niya ang mga salitang ito, siya rin ay lumuhod din sa lupa; at dinggin, siya ay nanalangin sa Ama, at ang mga bagay na kanyang idinalangin ay hindi maaaring isulat, at ang maraming tao ay nagpatotoo na mga nakarinig sa kanya.

16 At sa ganitong pamamaraan sila nagpatotoo: Kailanman ay hindi pa nakita ng mata, ni narinig ng tainga, ang gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay na aming nakita at narinig na winika ni Jesus sa Ama;

17 At walang dilang maaaring bumigkas, ni maaaring isulat ng sinumang tao, ni maaaring maunawaan ng puso ng mga tao ang gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay kagaya ng kapwa namin nakita at narinig na winika ni Jesus; at walang sinumang makauunawa sa kagalakang pumuspos sa aming mga kaluluwa sa panahong narinig namin siyang nanalangin sa Ama para sa amin.

18 At ito ay nangyari na nang matapos si Jesus sa pananalangin sa Ama, siya ay tumayo; ngunit napakatindi ng kagalakan ng maraming tao kung kaya’t sila ay hindi nakakibo.

19 At ito ay nangyari na nangusap sa kanila si Jesus, at inutusan silang tumayo.

20 At sila ay tumayo mula sa lupa, at winika niya sa kanila: Pinagpala kayo dahil sa inyong pananampalataya. At ngayon, dinggin, ang aking kagalakan ay lubos.

21 At nang sabihin niya ang mga salitang ito, siya ay tumangis, at ang maraming tao ay nagpatotoo nito, at kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.

22 At nang magawa na niya ito, siya ay muling tumangis;

23 At nangusap siya sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Masdan ang inyong mga musmos.

24 At nang sila ay tumingin upang pagmasdan, itinuon nila ang kanilang mga paningin sa langit, at kanilang nakitang bumukas ang kalangitan, at nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit na parang ito ay nasa gitna ng apoy; at sila ay bumaba at pinalibutan ang mga musmos na yaon, at sila ay napalibutan ng apoy; at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila.

25 At ang maraming tao ay nakakita at nakarinig at nagpatotoo; at alam nila na totoo ang kanilang patotoo sapagkat lahat sila ay nakakita at nakarinig, bawat tao para sa kanyang sarili; at ang kanilang bilang ay may mga dalawang libo at limang daang katao; at sila ay binubuo ng mga kalalakihan, kababaihan, at bata.