Kabanata 19
Ang labindalawang disipulo ay naglingkod sa mga tao at nanalangin para sa Espiritu Santo—Ang mga disipulo ay bininyagan at tumanggap ng Espiritu Santo at ng paglilingkod ng mga anghel—Nanalangin si Jesus gamit ang mga salitang hindi maaaring isulat—Pinatunayan Niya ang labis-labis na pananampalataya ng mga Nephita na ito. Mga A.D. 34.
1 At ngayon, ito ay nangyari na nang nakaakyat na si Jesus sa langit, ang maraming tao ay naghiwa-hiwalay, at ang bawat lalaki ay isinama ang kanyang asawa at kanyang mga anak at nagsibalik sa kani-kanilang sariling tahanan.
2 At ito ay ibinalita kaagad sa mga tao sa buong lupain, bago pa sumapit ang dilim, na nakita ng maraming tao si Jesus, at na siya ay naglingkod sa kanila, at na muli siyang magpapakita kinabukasan sa maraming tao.
3 Oo, at maging sa buong magdamag ay ibinalita sa buong lupain ang hinggil kay Jesus; at hanggang sa nagpasabi sila sa mga tao kung kaya’t marami, oo, lubhang napakalaki ng bilang, ang nagpagal nang labis sa buong magdamag na yaon, upang sa kinabukasan, sila ay naroroon sa pook kung saan ipakikita ni Jesus ang sarili sa maraming tao.
4 At ito ay nangyari na kinabukasan, nang ang maraming tao ay nagtipong magkakasama, dinggin, si Nephi at ang kanyang kapatid na lalaki na kanyang ibinangon mula sa mga patay, na ang pangalan ay Timoteo, at gayundin ang kanyang anak, na ang pangalan ay Jonas, at gayundin si Mathoni, at si Mathonihas, na kanyang kapatid, at si Kumen, at si Kumenonhi, at si Jeremias, at si Semnon, at si Jonas, at si Zedekias, at si Isaias—ngayon, ito ang mga pangalan ng mga disipulo na pinili ni Jesus—at ito ay nangyari na humayo at tumayo sila sa gitna ng maraming tao.
5 At dinggin, ang mga tao ay lubhang napakarami kung kaya’t kanilang iniutos na hatiin sila sa labindalawang pangkat.
6 At ang labindalawa ay nagturo sa maraming tao; at dinggin, kanilang iniutos na ang maraming tao ay nararapat lumuhod sa lupa, at nararapat manalangin sa Ama sa pangalan ni Jesus.
7 At ang mga disipulo ay nanalangin din sa Ama sa pangalan ni Jesus. At ito ay nangyari na tumayo sila at naglingkod sa mga tao.
8 At nang kanilang maipangaral ang mga gayunding salita na winika ni Jesus—walang pagkakaiba sa mga salitang winika ni Jesus—dinggin, muli silang lumuhod at nanalangin sa Ama sa pangalan ni Jesus.
9 At sila ay nanalangin para sa yaong kanilang pinakananais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila.
10 At nang sila ay nakapanalangin nang gayon, bumaba sila sa gilid ng tubig, at sumunod sa kanila ang maraming tao.
11 At ito ay nangyari na lumusong si Nephi sa tubig at bininyagan.
12 At siya ay umahon sa tubig at nagsimulang magbinyag. At kanyang bininyagan ang lahat ng yaong pinili ni Jesus.
13 At ito ay nangyari na nang mabinyagan at makaahon silang lahat sa tubig, napasakanila ang Espiritu Santo, at sila ay napuspos ng Espiritu Santo at ng apoy.
14 At dinggin, napaligiran sila ng sa wari ay apoy, at ito ay bumaba mula sa langit, at ang maraming tao ay nakasaksi rito, at nagpatotoo; at ang mga anghel ay bumaba mula sa langit at naglingkod sa kanila.
15 At ito ay nangyari na samantalang naglilingkod ang mga anghel sa mga disipulo, dinggin, dumating si Jesus at tumayo sa gitna at naglingkod sa kanila.
16 At ito ay nangyari na nangusap siya sa maraming tao, at inutusan sila na nararapat silang lumuhod na muli sa lupa, at gayundin na ang kanyang mga disipulo ay nararapat magsiluhod sa lupa.
17 At ito ay nangyari na nang nakaluhod na silang lahat sa lupa, inutusan niya ang kanyang mga disipulo na nararapat silang manalangin.
18 At dinggin, sila ay nagsimulang manalangin; at sila ay nanalangin kay Jesus, tinatawag siya na kanilang Panginoon at kanilang Diyos.
19 At ito ay nangyari na umalis si Jesus sa gitna nila, at lumayo nang kaunti sa kanila at iniyukod niya ang sarili sa lupa, at kanyang sinabi:
20 Ama, nagpapasalamat po ako sa inyo na inyong ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga ito na aking pinili; at dahil po ito sa kanilang paniniwala sa akin kung kaya’t pinili ko sila mula sa sanlibutan.
21 Ama, idinadalangin ko po sa inyo na ipagkaloob ninyo ang Espiritu Santo sa kanilang lahat na maniniwala sa kanilang mga salita.
22 Ama, ipinagkaloob po ninyo sa kanila ang Espiritu Santo sapagkat sila ay naniniwala sa akin; at inyo pong nakikita na sila ay naniniwala sa akin sapagkat inyong naririnig sila, at sila po ay nananalangin sa akin; at sila po ay nananalangin sa akin sapagkat kasama nila ako.
23 At ngayon, Ama, ako po ay nananalangin sa inyo para sa kanila, at gayundin para po sa lahat ng yaong maniniwala sa kanilang mga salita, upang sila po ay maniwala sa akin, at nang ako po ay mapasakanila kagaya ninyo, Ama, na nasa akin, upang kami ay maging isa.
24 At ito ay nangyari na nang makapanalangin nang gayon si Jesus sa Ama, siya ay lumapit sa kanyang mga disipulo, at dinggin, sila ay nagpatuloy nang walang humpay sa pananalangin sa kanya; at hindi sila nagparami ng mga salita, sapagkat inihayag sa kanila ang nararapat nilang idalangin, at sila ay napuspos ng hangarin.
25 At ito ay nangyari na pinagpala sila ni Jesus habang nananalangin sila sa kanya; at ang kanyang mukha ay ngumiti sa kanila, at ang liwanag sa kanyang mukha ay suminag sa kanila, at dinggin, sila ay naging kasimputi ng mukha at gayundin ng kasuotan ni Jesus; at dinggin, ang kaputian niyon ay nakahihigit sa lahat ng kaputian, oo, maging sa walang makatutulad sa ibabaw ng lupa sa kaputian niyon.
26 At sinabi ni Jesus sa kanila: Magpatuloy na manalangin; at hindi sila tumigil sa pananalangin.
27 At muli siyang tumalikod sa kanila, at lumayo nang kaunti at iniyukod niya ang sarili sa lupa; at muling nanalangin sa Ama, sinasabing:
28 Ama, nagpapasalamat po ako sa inyo na inyong dinalisay ang mga yaong aking pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, at nananalangin po ako para sa kanila, at gayundin para sa kanila na maniniwala sa kanilang mga salita, upang sila po ay maging dalisay sa akin, sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanilang mga salita, maging kagaya po ng pagiging dalisay nila sa akin.
29 Ama, ako po ay nananalangin hindi para sa sanlibutan, kundi para sa mga yaong ibinigay ninyo sa akin mula sa sanlibutan, dahil po sa kanilang pananampalataya, upang sila ay maging dalisay sa akin, upang ako po ay mapasakanila kagaya ninyo, Ama, na nasa akin, upang kami po ay maging isa, upang luwalhatiin ako sa kanila.
30 At nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, muli siyang lumapit sa kanyang mga disipulo; at dinggin, sila ay mataimtim na nananalangin, nang walang humpay, sa kanya; at siya ay muling ngumiti sa kanila; at dinggin, sila ay mapuputi, maging katulad ni Jesus.
31 At ito ay nangyari na muli siyang lumayo nang kaunti at nanalangin sa Ama;
32 At hindi maaaring bigkasin ng dila ang mga salitang kanyang idinalangin, ni hindi maaaring isulat ng tao ang mga salitang kanyang idinalangin.
33 At narinig ito ng maraming tao at nagpatotoo; at nabuksan ang kanilang mga puso at naunawaan nila sa kanilang mga puso ang mga salitang kanyang idinalangin.
34 Gayunpaman, napakadakila at kagila-gilalas ang mga salitang kanyang idinalangin kung kaya’t hindi maaaring isulat ang mga ito, ni hindi maaaring bigkasin ang mga ito ng tao.
35 At ito ay nangyari na nang matapos si Jesus sa pananalangin, muli siyang lumapit sa mga disipulo, at sinabi sa kanila: Napakadakila ng pananampalataya na hindi ko kailanman nakita sa lahat ng Judio; kaya nga hindi ko maipakita sa kanila ang mga gayong kadakilang himala, dahil sa kawalan nila ng paniniwala.
36 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, wala sa kanila ang nakakita ng mga gayong kadakilang bagay na inyong nakita; ni hindi sila nakarinig ng mga gayong kadakilang bagay na inyong narinig.